KASALUKUYANG inaapula ng mga bombero ang apoy sa studio ni Luka nang dumating sila ni Khaki roon. Mabuti na lang at mukhang hindi na madadamay ang kanyang bahay.
“Señorita, hindi namin alam kung ano ang nangyari. Basta may narinig na lang kaming malakas na putok mula sa studio n’yo, hanggang sa bigla na lang lumaki ang apoy,” mangiyak-ngiyak na kuwento sa kanya ni Aling Nena. Mababakas sa mukha nito at ni Mayang ang matinding takot.
There was only one thing on her mind. “Daniel...” mahinang usal niya. “Daniel!” Mabilis na tumakbo siya patungo sa studio niya.
“Luka, come back here!” narinig niyang sigaw ni Khaki sa kanya.
Habang abala ang mga bombero sa pag-apula sa apoy ay nasalisihan niya ang mga ito. Naapula na ang apoy sa pinto kaya madali siyang nakapasok sa kanyang studio. Nanuot agad sa kanyang ilong ang makapal na itim na usok. Halos hindi siya makahinga. Inihit siya ng ubo kasabay ng paghapdi ng kanyang mga mata. Mainit din ang singaw sa paligid.
But she didn’t care. Ang nasa isip lang niya nang mga sandaling iyon ay ang paintings niya. Kailangan niyang maisalba ang mga iyon. Pero natigilan siya nang makitang natutupok na ang mga iyon. Wala na siyang maisasalba kahit isa. Wala na ang mga iginuhit niyang alaala ng lalaking minahal niya nang lubos.
Naalala niya ang itinanong niya kay Daniel noong umagang umalis siya para magtungo sa bahay ng mga magulang niya.
“Daniel, am I supposed to let go of you and our memories now?”
“Daniel, is this your answer?” sigaw niya sa nanginginig na boses. “Gusto mo bang tuluyan na kitang kalimutan at pakawalan ang mga alaala natin?”
Malayang naglandas ang mga luha niya sa kanyang mga pisngi habang inililibot ang paningin sa paligid. Nanginig ang mga tuhod niya. Nahihirapan na siyang huminga. Dala ba iyon ng makapal na usok o dahil sa bigat na nararamdaman niya sa kanyang dibdib? Mamamatay ba siya sa loob ng studio na iyon kasama ang mga alaala ni Daniel?
Pero bago siya tuluyang mawalan ng malay ay narinig niya ang malakas at nag-aalalang boses ni Khaki.
“Luka!”
'Guess not.
Was it relief that flooded her system upon hearing his voice?