NAKAUPO si Khaki sa visitor’s chair sa labas ng emergency room kung saan naroon si Luka at ginagamot dahil sa pagka-suffocate nito sa usok nang pasukin nito ang studio nito na nasusunog. Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis at bombero na ang naiwang scented candle ni Luka sa loob ng studio ang sanhi ng sunog. Dahil pundi ang ilaw do’n, kandila ang ginamit ng dalaga subalit naiwan naman nito iyon nang umalis sila kanina papunta sa bahay ng mga magulang nito. Dumikit ang kurtina sa apoy at mabilis iyong kumalat dahil sa mga paintings do’n na ginamitan ng langis at pintura.
Dahil sa nangyari, isang masakit na ala-ala ang bumalik sa isip niya.
Namatay ang kanyang ama at kapatid sa sunog. Nasaksihan niya kung paano tinupok ng apoy ang bahay nila kung saan naroon ang kanyang daddy at ate.
Wala siyang nagawa para iligtas ang mga ito sa sobrang takot. Batang-bata pa kasi siya noon. Nagka-trauma siya dahil doon. Nagkaroon siya ng malaking takot sa apoy. Iyon ang rason kaya hindi niya gusto ng paputok.
Kung hindi lang sa matinding pag-aalala niya kay Luka na sumugod papasok sa studio, hindi siguro niya magagawang sundan ito para iligtas.
Mas matindi pa kaysa sa phobia niya sa apoy ang takot niya na mawala sa kanya si Luka. Kaya hindi na siya nag-isip, sinuong niya ang nasusunog na studio para iligtas ito. He wanted to save her, no matter what. He wanted to see her smile and to hear her laugh again. There was no f*****g way he would let her die.