Agnes’ POV
MAKALIPAS ang ilang buwan…
“Ano ba 'yan? Ang baho naman ng pabango mo!” reklamo ko nang mag-spray ng pabangon niya si Tristan matapos nitong magsuot ng damit dahil papasok na ito sa trabaho. Nagtitiklop naman ako ng mga damit namin sa ibabaw ng kama. Maasim ang mukha ko at hindi maipinta.
Nilingon ako ni Tristan na may pagtataka sa kaniyang mukha. “Ha? Ang akala ko ba ay bangong-bango ka sa pabango ko, asawa ko?” anito. Inamoy-amoy tuloy nito ang sarili.
Umiling ako at ipinagpatuloy ang ginagawang pagtitiklop. “Ah, basta! Hindi ko na gusto ngayon ang amoy niyan. Magpalit ka na kaya ng pabango mo. Ang sakit kasi sa ilong. Promise!” ani ko pa.
Tama naman ang sinabi ni Tristan. Nababanguhan talaga ko dati sa pabango niya at hindi ko lang maintindihan kung bakit nitong mga nakaraang araw ay hindi ko na gusto ang amoy niyon.
Lumapit na siya sa akin at binigyan ako ng halik sa labi. “Okay. After ng work ko ay dadaan ako sa mall para bumili ng bagong pabango. Mag-iingat ka dito, ha. I love you!” At hinalikan niya ulit ako bago siya tuluyang umalis para pumasok na sa trabaho.
Sa mga nakalipas na buwan ng buhay mag-asawa namin ni Tristan ay wala naman kaming naging problema na masasabi naming malaki. Siguro, iyong maliliit lamang katulad ng pag-bu-budget ng pera, kung ano ang uulamin namin, o kaya ay 'yong mga underwear at medyas ni Tristan na kung saan-saan lang niya itinatapon pagkahubad niya. Tapos naiinis ako sa kaniya at pinapagalitan ko siya. Pero kasama naman talaga iyon sa normal na buhay ng mag-asawa. Minsan, natatawa na nga lang ako sa mga iba pang bagay na natutuklasan ko sa aking asawa ngayong magkasama na kami sa iisang bubong. Mas nakikilala ko ang totoong Tristan. Mas malambing na siya at mapagmahal. Palagi siyang may pasalubong sa akin kapag uuwi siya galing sa work. Ako naman, dito lang sa bahay. Gumagawa ng mga gawain at nag-aasikaso kay Tristan pero nag-e-enjoy naman ako. Masarap pala sa pakiramdam na napagsisilbihan mo 'yong taong mahal mo.
Pagkatapos kong itiklop ang mga damit namin ay naisip ko na naman iyong nangyari kanina. Kahit naman ako ay nagtataka kung bakit hindi ko na gusto ang pabango ng aking asawa.
Pumunta na ako sa kusina upang hugasan naman ang mga ginamit namin kanina ng kumain kami ng almusal. Napahinto pa ako dahil bahagyang nananakit ang aking balakang nang hindi ko alam. Nawala din naman iyon kaya binalewala ko na lang. Habang naghuhugas ako sa may lababo ay biglang nangasim ang aking sikmura. Walang babala akong nagsuka nang nagsuka pero puro tubig lang naman ang lumabas sa bibig ko.
Matapos ang aking pagsusuka ay natigilan ako saglit para mag-isip. Hindi na bago sa akin ang ganitong pangyayari. Bigla akong kinabahan. Kaba na may kasamang saya. Napahawak ako sa aking dibdib.
“Hindi kaya… buntis na ako?” tanong ko sa aking sarili habang nakangiti. Nagsuka kasi ako ngayong umaga tapos bigla na lang ayaw ko na ng pabango ni Tristan.
Dahil sa ayoko namang umasa lang sa mga senyales na ipinapakita ng aking katawan ay pumunta agad ako sa pinaka malapit na drugstore upang bumili ng pregnancy test kit. Tatlo na ang binili ko para sigurado. Excited akong bumalik sa bahay namin upang gamitin ang mga iyon. Diretso agad ako sa CR at ginamit ko na ang tatlong pregnancy test kit. Matapos lang ang ilang minuto ay nakita ko na ang resulta sa unang test kit. Positive! Medyo duda pa ako kaya ginamit ko ulit ang dalawa pang natitira. Positive pa rin ang result!
Naluha na ako ng sandaling iyon. Alam ko kasi na labis na matutuwa si Tristan sa pangyayaring ito. Itinago ko ang tatlong pregnancy test kit at mamaya ay ipapakita ko iyon sa asawa ko pag-uwi niya.
Lumabas na ako ng CR at pumunta sa aming kwarto. Doon ay humarap ako sa malaking salamin habang lumuluha sa galak. Hinimas ko ang tiyan ko na wala pa mang umbok ay alam ko naman na may buhay nang nabubuo doon.
“Huwag kang mag-alala, aalagaan kita hanggang sa lumabas ka diyan, baby…” Akala mo ay naririnig na ako ng buhay sa aking loob kung kausapin ko siya. Hindi ko lang talaga mapigilan ang maluha sa labis na saya. Ito na kasi ang pinaka hihintay naming mag-asawa-- ang magkaroon ng anak.
Sa wakas ay mararamdaman ko na rin kung paano ba ang maging isang ina. Magiging totoong pamilya na kami ni Tristan sa paglabas ng aming unang baby!
-----ooo-----
HABANG nasa salas ako at hinihintay ang pag-uwi ni Tristan ay hindi na ako mapakali. Paano ay excited na akong malaman niya ang magandang balita na buntis na ako. Wala pa man ay parang nakikita ko na ang pagsigaw niya sa sobrang tuwa. Baka nga mapatalon pa si Tristan. Kilala ko kasi iyon. Masyadong OA kapag sobrang saya.
Katulad na lang noong sinagot ko siya. Nagsisigaw ba naman ang loko kahit nasa restaurant kami. Tapos noong nagpropose siya at nag-yes ako, umiyak naman habang nagtatalon. Nasa isang park naman kami noon at talagang pinagtitinginan kami ng mga tao. Pero alam ko naman na mahal na mahal ako ng asawa ko kaya ganoon siya mag-react.
Hay… Kapag ganitong oras ay nandito na siya. Bakit kaya wala pa si Tristan?
Ah, oo nga pala. Ang sabi niya kanina ay dadaan siya ng mall para bumili ng bagong pabango. Ayoko naman siyang tawagan at baka makahalata siya na may ibabalita ako sa kaniyang maganda.
Five minutes bago mag-ala siyete ng gabi ay narinig ko na ang pagbukas ng aming gate. Umayos ako ng upo at binuksan ang TV para kunwari ay nanonood ako. Nakita ko nang pumasok si Tristan kaya naman tumayo na ako para salubungin siya. Binigyan ko siya ng mabilis na halik sa labi at magkasabay kaming umupo sa sofa. Kita ko ang pagod sa mukha niya.
“Bumili na ako ng bagong perfume. 'Eto…” Inilabas niya mula sa bag ang bagong pabango.
Inamoy ko iyon at ngumiti pagkatapos. “Hmm… Mas okay na ito.”
“'Sus! Lakas mo kasi sa akin.”
“Kumusta naman ang araw mo sa trabaho?”
“As usual, pagod. Ang daming ginagawa pero okay lang. Nawawala naman ang pagod ko kapag umuuwi ako dito at sinasalubong ako ng napaka sexy at napakaganda kong asawa.”
“Ay, 'sus! Nambola pa! Gutom ka na ba? Nagluto ako ng priotng isda at ginisang gulay.”
“Kanina hindi pero nang sinabi mo ang ulam natin tapos ikaw pa ang nagluto ay nagutom na ako!”
“Sige na, magpalit ka muna ng damit mo at ako naman ay maghahain na para makakain na tayo.”
Tumayo na ako at pumunta sa kusina. Inilagay ko sa ilalim ng nakataob na pinggan ni Tristan iyong isang pregnancy test kit para pagbukas niya niyon mamaya ay makita niya. Ilang sandali pa’y dumating na si Tristan sa kusina. Umupo na siya at ganoon din ako. Nakatingin lang ako sa kaniya para makita ko ang magiging reaksyon niya.
Kaswal lang na inangat niya ang nakataob na pinggan at nakita ko na nagtaka siya sa nakita niya doon. Itinabi niya ang pinggan at kinuha ang pregnancy test kit. Napatingin siya sa akin ng may pagtataka. Tumango lang ako. Muli niyang tiningnan ang pregnacy test kita at doon na siya naluha. Bigla siyang tumayo at lumapit sa akin. Hinawakan niya ang dalawang kamay ko at hinila ako patayo. “B-buntis ka?!” Patuloy ang pag-agos ng luha ni Tristan.
Napaluha na rin ako. Tumango ako. “Oo, buntis ako!” Pagkumpirma ko.
“Yes!!!” Isang malakas na sigaw ang ginawa niya. Mahigpit niya akong niyakap habang umiiyak. “Magiging tatay na ako! Magiging tatay na ako!” Paulit-ulit niyang sambit.
Tama naman ako. Alam kong matutuwa si Tristan na buntis na ako dahil gustong-gusto na niya talaga ang magkaroon ng anak. At ngayon, maibibigay ko na iyon sa kaniya.
Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at agad akong pinaupo. “Teka, m-may gusto ka bang kainin? Mangga? Gusto mo ba ng mangga, asawa ko? Ano? Magsabi ka lang at bibilhin ko. Maasim ba ang gusto mo? O baka may--”
Umiling ako at hinaplos ang pisngi niya. “Wala pa akong gustong kainin. Pero salamat at natuwa ka na buntis na ako…”
“Siyempre, sobrang saya ko! Alam mo naman na gusto ko na talagang magkaroon ng anak! Daig ko pa iyong tumama ng isang bilyon sa lotto!” Lumuhod si Tristan sa harapan ko at ipinatong niya ang isa niyang tenga sa aking tiyan. “Baby, 'wag mong papahirapan si mama mo, ha. Hihintayin namin ang paglabas mo…” anito pa.
Hinaplos ko ang buhok ni Tristan. Tumingala siya sa akin at ngumiti. Tumayo na siya at muli akong niyakap ng mahigpit. “Sobrang saya ko, Agnes! Salamat talaga! Ipinapangako ko na magiging mabuti at responsableng ama ako sa magiging anak natin! Hinding-hindi ko kayo papabyaan…” turan niya.
Sa mga pinapakita ni Tristan ay mas lalo ko tuloy siyang minahal. Sigurado akong magiging isang mabuting ama siya sa mga magiging anak namin!
-----ooo-----
KINABUKASAN ay um-absent muna si Tristan sa trabaho para personal akong samahan sa isang OB-GYNE para makasiguro kami kung buntis ba talaga ako. Nakumpirma naman doon na 13 weeks na akong buntis kaya medyo nakakaranas na ako ng pagkahilo at pagsusuka sa umaga. Normal lang naman iyon. Binigyan din ako ng doctor ng mga vitamis na makakabuti sa akin at para na rin sa baby.
At hindi na rin ako nagtaka ng mapaiyak na naman siya sa clinic nang ma-confirm na magiging tatay na nga siya. Tuwang-tuwa tuloy iyong babaeng doctor kay Tristan. Pero sanay na daw siyang makakita ng tatay na umiiyak sa tuwa dahil sa magkakaroon na ng anak.
Ang sarap pala sa pakiramdam na parang mas masaya pa sa iyon 'yong asawa mo dahil buntis ka. Damang-dama ko tuloy ang pagmamahal niya sa akin. Talagang hindi ako nagkamali na si Tristan ang aking pinakasalan.
Masayang-masaya kami ni Tristan dahil agad kaming binigyan ng Diyos ng ganitong kalaking blessing. Kaya naman after namin magpa-check up ay pumunta kami sa isang simbahan upang magdasal at magpasalamat.
Ng mga sumunod na araw ay talagang naging mas maalaga si Tristan sa akin. Kulang na nga lang ay mag-resign na siya sa trabaho niya para lang mabantayan ako ng buong araw. Pero palagi kong sinasabi sa kaniya na mas lalo niyang kailanganga magsipag sa pagtatrabaho. Ako naman ang bahala sa sarili ko at sa anak namin na nabubuo na sa aking sinapupunan. Minsan naman ay hinahayaan ko na lang din si Tristan na asikasuhin ako dahil alam kong kasiyahan na niya iyon.
Pagkalipas pa ng isang linggo ay naghahanap na rin ako ng maaasim na pagkain lalo na ng mangga at santol. Kaya naman palagi akong inuuwian ng mga ganoong prutas ni Tristan. Ito na iyong umpisa ng aking paglilihi. At alam ko, ilang buwan na lang ay lalabas na ang unang anak namin ni Tristan.
TO BE CONTINUED…