~DOMENIQUE~
HINDI makapaniwala sina nanay at tatay nang malaman nilang pag-aari ni Enzo ang scholarship program na ibinigay niya sa akin. Hindi nila akalain na ang isang mapagkumbabang binata ay isa pa lang mayaman.
Nang dahil kay Enzo ay halos linggo-linggo nang lumuluwas ng bayan ang aking mga magulang. Bukod sa aking monthly alawans ay binibilhan din niya ng plane tickets sina nanay at tatay.
Sa katunayan niyan, palagi pa nga siyang sinasaway ng aking mga magulang, ngunit nagpupumilit pa rin si Enzo. Ang lagi niyang idinadahilan ay mami-miss daw niya ang mga luto ng mga magulang ko. Hanggang sa isang araw ay may ipinagtapat sa amin si Enzo, na ikinagulat naman namin nina nanay at tatay.
“Tama po ang narinig ninyo ‘nay at ‘tay. Hindi po ako tunay na lalaki,” nakayukong wika ni Enzo.
“Enzo? Wala kang dapat ikabahala. Ang mahalaga ay tanggap ka ng iyong mga magulang,” nakangiting wika ni nanay.
“Iyon ang inaalala ko, Nanay Soledad. Hindi pa alam ng daddy ko.”
Lumapit ako kay Enzo saka tinapik ang likod niya. “Bakit hindi mo subukang magtapat sa mommy mo? Tapos hayaan mo siyang magtapat sa daddy mo.” Ngunit mas lalo lang lumakas ang hagulgol ni Enzo nang marinig niya ang sinabi ko.
“Wala na akong mommy, Dom. Limang taong gulang pa lang ako nang mamatay siya dahil sa atake sa puso. Tapos bihira na rin kaming nagkikita ni Dad. Lagi na lang siyang busy sa kumpanya namin simula noong mamatay si mommy.”
“Huwag ka nang umiyak, okay?” wika ko sa kaniya.
“Kaya ang suwerte mo sa mga magulang mo, Dom. Nandiyan lang sila palagi sa tabi mo sa tuwing kailangan mo sila. Kaya nga minsan, naiisip ko na aagawin ko sila sa ‘yo, eh!”
“Gaga!” biglang sambit ko sabay tawa naming dalawa.
“Nako! Mga batang ito, oo!” wika ni nanay sabay yakap sa aming dalawa ni Enzo.
Doon ko lang naintindihan kung bakit napamahal na rin kay Enzo ang mga magulang ko sa kaniya. Akala ko ay masaya na si Enzo sa buhay niya dahil nabibili niya lahat ng gusto niya. Ngunit hindi pala. Dahil sa kaniya ay naunawaan ko ang tunay na kaligayahan at iyon ay ang pagmamahal ng mga totoong tao na nasa paligid mo.
Tatlong taon na ang lumipas simula ng makilala ko si Enzo. Ang aming masayang pagsasamahan bilang matalik na magkaibigan ay lalo pang pinatibay ng mga panahong nagdaan.
Ilang beses na rin niya kaming dinala sa mansion nila. Lagi pa nga niyang inaasar sina nanay at tatay na sa mansyon na titira, ngunit mas pinili pa rin ng mga magulang ko na sa aming probinsiya tumira.
Parang tunay na magkapatid na rin ang turingan namin sa isa’t isa. Lahat ng problema niya ibinabahagi niya rin sa amin nina nanay at tatay at ganoon din ako sa kaniya. Maliban lang sa isang malaking problemang kinakaharap namin ngayon.
“ANO?! Nilalagnat ka ba, Enzo?!” Napaubo ako nang marinig ko ang sinabi ng aking best friend.
“Ano ka ba, Dom! Magpapanggap lang naman tayo kay Dad, eh! Sasabihin ko lang sa kaniya na girlfriend kita. Iyon lang!”
“Ibig mong sabihin, hindi pa alam ng daddy mo ang tungkol sa kabaklaan mo?!” Nakataas ang aking kilay habang pinapangaralan ko si Enzo.
“Gaga ka talaga! Ilang beses ko nang sinabi sa iyo na hindi ko puwedeng sabihin kay Dad na bakla ako!”
“Nako, Enzo! Hindi ako papayag sa gusto mo. Pag-isipan mong mabuti iyong mga plano mo!”
“Kung hindi ka papayag, kina nanay at tatay ako magpapaalam!” padabog na sambit niya sa akin.
Lalo akong nag-alala sa sinabi niya dahil alam kong hindi siya nagbibiro. Kaya nag-isip na ako ng idadahilan. "Ano? Nag-iisip ka ba? Sa tingin mo ba papayag sila sa mga plano mo? Huh! Papaluin ka lang ni tatay ‘pag sinabi mo sa kanila iyan!” Pagsisinungaling ko.
“Hindi ako natatakot kay tatay! Mas natatakot ako kay dad!” paismid niyang sambit.
“Napaka-brat na talaga ‘tong baklang ‘to!” wika ko sa aking sarili.
Isang buwan na lang at magpo- forth year na kami ni Enzo. Bilang kapalit sa ginawa niya sa pamilya ko, hindi ako nagdalawang-isip na pumayag sa kaniyang mga plano.
“Bahala na!” ani ko sa sarili.
“Oo na! Payag na ako.”
Napatalon si Enzo nang marinig niya ang sinabi ko. “Salamat, Dom! Alam ko namang hindi mo ako matitiis eh!” Lumapit siya sa akin saka niya ako niyakap.
“Susunduin kita bukas sa boarding house, okay?”
“Ano?! Bukas na agad?”
Tumango siya sa akin. “Yes! Dahil bukas uuwi si dad sa mansyon. Every Saturday lang siya umuuwi, kaya bukas ay ipakikilala kita sa kaniya! Gets?”
Kinabukasan, bago pa man ako bumangon ay narinig ko na ang busina ng sasakyan ni Enzo. May duplicate key si Enzo sa boarding house ko kaya hindi ko na siya pinagbuksan ng pinto. Hinayaan ko siyang buksan niya ang pinto.
“Domenique! Anong ginagawa mo?!" Lumapit siya sa akin tapos hinampas niya ako ng unan.
“Ano ba, Enzo! Inaantok pa ako, eh!”
"Ayaw mong bumangon? Ha?! Bubuhusan kita ng tubig, sige!”
“Oo, na!”
Pagkatapos kong magbihis lumabas na ako ng kuwarto.
“Seryoso ka ba, Dom? Ha?!” Bulalas niya sa akin.
“Ano na naman ang problema mo, Enzo?!”
“Magsuklay ka, Dom! Magbihis ka ng damit pambabae! Naha- high blood na ako sa iyo, Domenique!”
Hindi ako sanay na maglagay ng mga kolorete sa aking mukha, kaya si Enzo na ang nag-ayos sa akin.
Nanginginig na ang aking buong katawan habang hinihintay namin ang pagbaba ng daddy ni Enzo. Matagal na kaming magkaibigan subali't ni minsan ma’y ‘di ko pa nakikita ng personal ang daddy niya.
“Enzo, natatakot ako! Baka mabuking tayo ng daddy mo!” wika ko sa kaniya.
“Tumigil ka nga, Dom! Pati ako nininerbiyos sa ‘yo, eh!” Bakas sa boses ni Enzo ang pagkabalisa na mas lalo kong ikinabahala.
“Nakatatakot ba ang daddy mo?”
Tumango si Enzo. “Slight!”
Sinapak ko siya batok. “Anong slight pinagsasabi mo?! Akala ko ba mabait ang daddy mo, Enzo!”
Napatakip ako bigla sa bibig ko nang makarinig ako ng mga yabag mula sa hagdan. Nanginginig na naman ang mga tuhod ko habang pinapakinggan ko ang mga yabag niya papalapit sa amin.
“Puwede bang relax ka lang, Dom! Mahahalata tayo ni Dad dahil sa ginagawa mo, eh!”
Napalunok ako ng laway nang makita ko ang mukha ng daddy ni Enzo.
“My Ghad, Enzo! Bakit hindi mo sinabi sa akin na ganito pala kaguwapo ang daddy mo?!” Napatili ako sa aking sarili dahil sa kaguwapohan nito.
Marami na akong nakitang guwapo sa campus namin, pero kakaiba sa akin ang karisma ng daddy ni Enzo!
“Dad? Siya po si Dom. Fiancee ko.”
Bumalik ang diwa ko nang marinig ko ang sinabi ni Enzo.
“Anong fiancee ang pinagsasabi mo, Enzo?! Girlfriend lang ang napag-usapan natin kahapon, ah!” biglang sambit ko sa aking sarili.
Mas lalo akong kinikilabutan nang niyakap ako patalikod ni Enzo! Palihim ko siyang siniko para tanggalin ang pagkakayakap niya sa akin.
“Ano ka ba, Dom! Ngumiti ka para hindi tayo mahalata ni Dad!” bulong nito sa akin.
“Good for you, son!” wika ng daddy ni Enzo habang ang mga kamay ay nasa loob ng kaniyang bulsa.
Pati boses ng daddy ni Enzo ang sarap sa tainga. Bagay na bagay ang boses niya sa laki at tikas ng kaniyang katawan. Nawala ang pag-aalala ko nang marinig ko ang boses nito.
“Are you okay, iha?” wika niya sa akin.
Bigla akong nanlumo nang marinig ko na tinawag niya akong 'iha'. “Sa bagay, magka-edad lang naman kami ng anak niya! Huh!” singhal ko sa aking sarili.
“Magandang umaga po, Tito--” putol kong sambit.
“Sweety pie naman, eh! Anong ‘Tito’ ang sinasabi mo? ‘Di ba sabi ko sa iyo, practice calling him 'Daddy', hmm?”
“Yuck, Enzo! Kinikilabutan ako sa iyo! Anong sweety pie pinagsasabi mo?!” sigaw ng isip ko.
Gusto kong gulpihin si Enzo, buong buhay ko hindi ko pa nararanasan na may tumawag na ‘sweety pie’ sa akin! Lalo na’t nanggaling pa sa kaibigan ko.
“Oo nga naman, iha. You can also call me ‘dad’. Mabuti na rin ‘yong masasanay ka,” seryosong wika ng daddy ni Enzo sabay talikod.
Puting sando at hawaiian short lang ang suot ng dad ni Enzo, kaya kitang kita ang makukurba niyang mga muscle lalo na ‘yong mga muscles sa likod ng balikat niya.
Hindi halata sa mukha niya at katawan na may twenty one years old na siyang anak. Hindi ko alam kung bakit sa tuwing magtatama ang aming mga mata ay tila may kumukurot sa loob ng aking dibdib.
Habang nag-uusap si Enzo at ang daddy niya sa dining area ay tahimik lang akong nakaupo sa sofa nila. Nasa harap lang ng living area ang kusina nila, kaya kitang-kita ko ang mukha ng daddy ni Enzo.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay muli na namang nagtama ang aming paningin. Gusto kong sumigaw dahil sa sobrang kilig na nararamdaman ko na pilit kong pinipigilan.
“My Ghed! Ano itong nangyayari sa akin? Ito kaya ang kinukuwento sa akin ni Enzo na ‘love at first sight’? Nako po! Huwag naman sana!”
Napasampal ako bigla sa pisngi ko dahil sa mga walang kabuluhang naiisip ko. Sa halip na tingnan ko siya, itinuon ko na lang ang aking atensiyon sa mga decorations sa loob ng sala ng mansion.