~RHODRI~
“PAGKATAPOS nang graduation ninyo puwede mo nang pakasalan ang fiancee mo, son. Para naman magka-apo na rin ako.”
“What?!”
Nangunot ang noo ko nang makita ko ang reaksiyon sa mukha ng anak ko. “Bakit? Don’t tell me, hindi mo pa sinabi sa kaniya ang plano natin?”
“Pero, Dad--”
“Huwag ka nang magsalita, ako na ang kakausap sa fiancee mo. Ayusin mo na lang ang kuwarto malapit sa guest room dahil bukas na bukas, magsasama na kayong dalawa sa iisang kuwarto.”
Kailangan kong gawin ito para masigurado ko na hindi ako niloloko ng aking unico hijo. Lumalago na ang kumpanya ko at hindi ko na kayang patakbuhin ito ng mag-isa.
Ngunit bago ko maibigay ang posisyon ng CEO sa anak ko kailangan muna niyang mag-asawa para ma-inspire siyang magtrabaho. Dahil alam kong hindi biro ang mag-manage ng kumpanya, lalo na kung walang pamilyang mag-aalaga sa iyo sa pag-uwi mo.
Umupo ako sa harap ng fiancee ng anak ko para pag-usapan ang tungkol sa kasal nilang dalawa.
“Ano nga ulit ang pangalan mo?” tanong ko sa kaniya.
Tinitigan niya ako saka nagsalita. "Domenique Ponteras po, Tito. 'Dom' na lang po ang itawag n’yo sa akin.”
“Dom, simula sa araw na ito, 'Daddy' na rin ang itawag mo sa akin. Maliwanag?”
"Okay, Dad!" Ngumiti siya sa akin na nagpapagaan ng pakiramdam ko.
Hindi ko alam kung bakit hindi ako makatingin ng diretso sa mga mata niya. Dalawampung taon na akong nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang tao at mula nang magsimula ako sa kumpanya, nakaugalian ko nang makipag-eye to eye contact sa aking mga kasosyo. Ngunit bakit sa batang ito ay hindi ko magawang tumingin sa mga mata niya?
“Nako, Rhodri! Mag-concentrate ka, bata lang ‘yan!” sigaw ng isip ko.
Pero kahit anong pilit kong pagtitig sa mga mata niya ay lalo lang lumalakas ang kabog ng dibdib ko. Na tila ako ay kinakabahan sa kaniya.
“Ayos lang po kayo, Dad? May lagnat po ba kayo? Pansin ko kasi namumula ang pisngi mo.” Mas lalo akong hindi mapakali nang lumapit siya sa akin.
“Hindi naman mainit ang noo mo. Pero bakit namumula ang pisngi mo?” Bakas sa boses niya ang pag-aalala.
Para akong sasabog nang maamoy ko ang mainit niyang hininga. Malapit lang ang mukha niya sa ilong ko kaya naaamoy ko ang sariwang bango niya.
Tatayo na sana ako pero biglang nag- cramp ang kanang binti ko dahilan para matumba ako sa kinauupuan niya. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang naglapat ang aming mga labi.
Ang sakit na aking naramdaman mula sa aking binti ay hindi ko na napansin nang maramdaman ko ang malambot niyang labi.
Dahil sa aking pagkabalisa, hindi ko na natapos ang sasabihin ko sa kaniya, agad akong tumayo at umakyat ng hagdan pabalik sa kuwarto ko ng walang paalam.
Pagpasok ko sa aking kuwarto, hindi ko na namamalayan na nakahawak na pala ako sa aking labi. “Tumigil ka Rhodri! Aksidente lang ang nangyari!” Napailing ako habang iniisip ang nangyari sa amin.
Ala- una na nang madaling araw ngunit hindi pa rin ako makatulog, sobrang nag-aalala na ako sa sarili ko. Sa bawat pagpikit ko ng aking mga mata ay mukha ng fiancee ni Enzo ang aking nakikita.
"Siguro excited lang ako na magkaroon ng bagong member dito sa bahay." Tinakpan ko ng unan ang mukha ko saka pilit na pinikit ang aking mga mata.
Tatlong araw na ang nakalipas simula nang ipakilala ako ng anak ko sa fiancee niya. Pero habang tumatagal lalo ko lang naaalala ang mukha ni Dom. Kahit na sa tuwing kaharap ko ang laptop ko ay halos mukha pa rin niya ang nakikita ko. At sa tuwing naiisip ko ang mukha niya ay bigla ko ring mahawakan ang labi ko.
“Sh*t!” biglang sambit ko habang nakahawak sa aking ulo.
“Ayos lang po ba kayo, Sir Rhodri?” wika ng aking sekretarya na si Dinah.
Tumango ako. “Yeah!” Nakalimutan ko na nasa opisina pala ako.
“Domenique Ponteras. Ano ba ang mayroon sa iyo at bakit napa-praning itong utak ko sa ‘yo!” sambit ko sa sarili ko habang nakapikit.
“Sir? Gusto mo ipagtimpla kita ng kape? Pansin ko kasi, kanina ka pa hindi mapakali riyan sa inuupuan mo, eh.”
Laking gulat ko nang makita ko ang mukha ni Dinah na nasa harapan ko na nang imulat ko ang aking mga mata. “Thanks, Dinah. Pero huwag na.”
Upang libangin ang aking sarili ay lumabas ako sa aking opisina at pumunta sa ibang departamento. Sa halip na makapag-relax ay lalong uminit ang ulo ko nang hawakan ko ang maalikabok na istante na kinalalagyan ng mga file ng mga kliyente ko.
"Darwin!" sigaw ko sa in-charge ng customer files.
“Bakit po, Sir?”
“Hindi mo ba inaayos ang mga files ng mga customer natin, Darwin?!”
“Katatapos lang po, Sir.”
Mas lalo lang uminit ang ulo ko nang marinig ko ang sinabi niya. “What?! Ibig mong sabihin hindi mo napapansin ang mga alikabok dito sa istante?”
“Hindi ba sinabi ko sa inyo! Bago kayo uupo sa mga mesa ninyo, dapat malinis na ang buong opisina?!” Sa tindi ng aking pagkadismaya, lahat ng aking mga tauhan ay nasigawan ko na rin pala.
Hindi na ako bumalik sa opisina ko, nagmamadali na akong pumunta sa parking area at sumakay sa kotse ko. Nawalan na ako ng gana na makipagkita sa mga kasosyo ko, kaya umuwi na lang ako sa mansion.
As usual, tahimik at malungkot pa rin ang buong mansion sa tuwing umuuwi ako. Ito ang dahilan kung bakit madalang lang akong umuuwi rito dahil mas lalo ko lang naaalala ang aking asawa. Ang mommy ni Enzo na halos labing-anim na taon nang patay.
Labing- anim na rin akong hindi nakipagrelasyon sa ibang babae simula nang pumanaw ang mommy ni Enzo. Marami ang nagsabi na muli kong buksan ang aking puso upang sa ganoon ay makalimutan ko na ang aking yumaong asawa.
Oo, sinubukan ko naman talaga. At maraming beses pa. Pero hindi talaga kaya ng puso ko. Hinding- hindi ko makakalimutan ang asawa ko. Siya lang ang babaeng mamahalin ko habang nabubuhay ako.
Katulad na lang ng sekretarya kong si Dinah! Alam kong may gusto siya sa akin. Sa katunayan niyan, maraming beses ko na nga siyang nahuhuli na nilalagyan niya ng tsokolate at rosas ang bag ko. Pero hindi ko na lang pinapansin.
Habang nakaupo ako sa sofa at kinakausap ang sarili ko, hindi ko namalayan na hinahanap ko na pala ang social media account ni Dom.
“Teka! Bakit ako napunta rito?”
Papatayin ko na sana ang cellphone ko, pero bigla akong natigilan nang makita ko ang picture ni Dom kasama ang anak kong si Enzo.
Bigla akong napangiti, habang ang aking daliri ay dumampi na pala sa bandang pisngi ni Dom. Alam kong cellphone ko lang ang hawak ko pero ramdam ko ang mga kuryenteng dumadaloy sa loob ng katawan ko habang hinahaplos ko ang pisngi ni Dom.
Habang patuloy ako sa pag-scroll sa mga pictures niya, bigla akong nanlumo nang makita ko ang masayang larawan ni Dom habang sinusubuan siya ng sorbetes ni Enzo.
Agad kong pinatay ang cellphone ko saka ko sinampal ang pisngi ko. “Ano bang nangyayari sa akin?!” Sinubsob ko ang mukha ko sa sofa habang nakahawak sa aking ulo.
“Bakit parang nagseselos ako sa anak ko? Tumigil ka Rhodri! Matanda ka na, kung ano-ano pa ang iniisip mo! Ahhh!”
Idinaan ko na lang sa sigaw ang aking nararamdaman, upang sa ganoon ay mahimasmasan itong aking kahibangan. Ang pagkahumaling ko sa isang babae na kailan man ay hindi ko na naramdaman ng maraming taon.
Ngunit ang masaklap pa ay sa isang babae na malaki ang agwat namin sa edad. At hindi lang iyon, fiancee pa ng aking nag-iisang anak!