~DOMENIQUE~
HINDI ako makahinga nang iwan ako ng daddy ni Enzo sa sala. Namamanhid pa rin ang buong katawan ko at patuloy ko pa rin nararamdaman ang malambot na labi at mabangong hininga nito.
“Dom? Domenique! ” Bumalik ang diwa ko nang marinig kong sumigaw si Enzo.
"Huwag mo akong sigawan, Bakla!" Bigla niyang tinakpan ang bibig ko, nakalimutan kong nasa bahay nila ako.
“Huwag kang maingay, ano ba?!” saway niya sa akin.
Tinititigan niya ako sa mata saka nagsalita. “Dom? May ginawa ba si Dad sa ‘yo?”
Pakiramdam ko ay namula ang pisngi ko nang marinig ko ang sinabi ni Enzo. “My ghad! Nakita ba ni Enzo na naghalikan kami ng daddy niya?”
“Anong ibig mong sabihin?” nauutal kong sabi.
Umupo siya sa tabi ko. “Pakiramdam ko kasi, hindi ka komportable sa inuupuan mo.”
Para maiba ang usapan namin, inilihis ko ang topic namin. Kaya nag-isip ako ng paraan. “Ikaw Enzo, ha! Kanina pa ako nagtitimpi sa iyo. Sa susunod, ‘pag tinawag mo pa akong 'Sweety pie' isusumbong na talaga kita sa daddy mo!”
Biglang napaubo si Enzo saka hinampas niya ang balikat ko. “Gaga ka talaga, Domenique! Bakit? Sa tingin mo ba hindi ako kinikilabutan kanina habang binabanggit ko ‘yon? Ha?! Saka ‘yong niyakap kita kanina patalikod? Eww! Sukang-suka na nga ako kanina, ‘no!”
"Teka! Huwag mong ibahin ang usapan! May sinabi ba sa iyo si Dad kanina?"
“Akala ko kung ano na! Baklang ‘to talaga, nako!” Napahinga ako ng malalim dahil mali pala ang iniisip ko.
“Sabi kasi ni Dad, dito ka na raw mag-stay simula bukas.”
"Talaga ?!" Gusto kong tumalon dahil sa tuwa. Hindi ko alam kung bakit. Basta ang nasa isip ko lang sa mga sandaling ito ay araw-araw ko nang makikita ang dad ni Enzo.
Tumango si Enzo. “Pero may mga kondisyon si Daddy, Dom!”
“Anong kondisyon?”
Tumayo si Enzo at uminom ng tubig. “Kapag nandito ka na. Gusto niya, sa iisang kuwarto lang tayo matulog. At pagkatapos ng graduation natin dapat na tayong magpakasal.”
“Ano?! Siraulo ba ang Daddy mo, Enzo?!” sigaw ko.
“Ano ka ba, Dom! Huwag kang sumigaw sabi, eh! Maririnig tayo ni Dad!”
Lumapit si Enzo sa akin. “Dom, nagmamakaawa ako sa ‘yo. Puwede bang sundin na lang muna natin si Dad sa ngayon? Promise, after ng graduation natin sabay tayong aalis dito, okay lang ba?” natatawang sabi ni Enzo.
“Gaga!” Natawa na rin ako dahil sa kapilyahan ng best friend ko.
Hindi ko kayang tanggihan ang lahat ng pakiusap ni Enzo sa akin. Kung hindi dahil sa kaniya, hindi ako makakapag-aral sa isa sa mga prestihiyosong unibersidad sa lungsod ng San Rio.
Walang dahilan para ayawan ko ang gusto ni Enzo.
Pumayag na akong tumira sa mansyon nila. Makakatipid na ako sa boarding house ko, makaka-save pa ako ng mga gastusin ko sa aking pagkain.
Araw nang Lunes.
Eksaktong alas-kuwatro ng hapon, nakarating kami ni Enzo sa mansion nila.
“Enzo? Puwede bang ikaw na ang magdala ng mga gamit ko sa loob? Inaantok pa kasi ako, eh!” wika ko sabay putok ko ng bubble gum na kanina pa nasa bibig ko.
"Kahit hindi mo ako tanungin, ako pa rin naman ang gagawa nito, Dom, eh! Kunwari ka pa! At saka, puwede ba, Dom, itapon mo na nga ‘yang bubble gum mo! Kaninang umaga pa ‘yan nasa bibig mo, ah! Yuck!" Daig ko pa ang may nakahahawang sakit dahil sa reaksiyon ng bakla kong kaibigan.
Hindi ko na siya pinansin, agad akong tumakbo papunta sa sala. Gusto kong ibagsak ang aking katawan nang makita ko ang malambot na sofa.
Mula sa likod ng sofa, hindi ko na hinintay na pumunta sa harapan nito. Agad kong ibinagsak ang pagod kong katawan.
“Ahhh!” Bigla akong napatayo nang marinig ko ang isang pamilyar na boses ng lalaki.
“Aray! Ang sakit ng likod ko!” Pagrereklamo nito.
“Tito?!” bulalas ko nang makita ko ang mukha ng daddy ni Enzo.
"I'm sorry, Tito. Hindi ko alam na nandiyan ka pala.” Napalunok ako nang makita ang hitsura ni Rhodri. Mas lalo itong bumata at gumuwapo dahil sa suot nitong Executive Attire.
“No worries, iha. It’s okay.”
“Dom po ang pangalan ko, Tito!” Napabuntong- hininga ako nang marinig kong tinawag niya ulit akong 'iha'.
Napaatras ako nang bigla siyang tumayo at lumapit sa akin. Kumabog na naman ang dibdib ko nang papalapit siya sa harapan ko. Mas lalo pang lumakas ang kabog nito nang dumampi ang daliri niya sa labi ko. Kaya walang alinlangan na pumikit ako at hinintay na dumampi ang labi niya sa labi ko.
"Excuse me, Dom." Natauhan ako nang marinig ko ang malaking boses niya dahilan para mamulat ang mga mata ko.
"Kukunin ko lang itong bubble gum sa gilid ng labi mo." Kinuha niya iyon at inabot sa akin saka siya pumunta sa kusina.
“Sh*t, Domenique! Nakahihiya ang ginawa mo! May papikit-pikit ka pang nalalaman. Ano na lang ang iisipin ni Rhodri sa iyo?!” sigaw ng isip ko.
Dali-dali akong bumalik sa garage upang puntahan sa Enzo.
“Ehhh!”
“Hoy, Dom! Ano bang nangyayari sa iyo? Para kang nakakita ng multo, ah! Ang putla ng mukha mo, oh!” Tumawa si Enzo.
“Akala ko ba wala ang daddy mo rito?” bulyaw ko sa kaniya.
“Ha?! Nandito si Dad?!”
“’Yan ang napapala mo! Hindi ka kasi umuuwi rito. Lagi ka kasing tumatambay sa boarding house ko. Pati tuloy ang schedule ng pag-uwi ng daddy mo, hindi mo alam kung anong oras at araw siya uuwi rito!”
“Bakit ka ba nagagalit?! Tapatin mo nga ako, Domenique! May ginawa ka ba sa loob na ikinagalit ni Dad? Ha?!”
Bigla kaming nagkatinginan ni Enzo nang marinig namin ang boses ng Daddy niya.
"Anong nangyari, Enzo? Bakit mo sinisigawan ang fiancee mo? Umabot hanggang kusina ang boses mo, ah!” Bakas sa boses niya ang galit.
Nilapitan ko si Enzo saka yumakap ako sa baywang niya. “Ganito lang po talaga kami ng Sweety pie ko ‘pag naglalambingan, Tito.” Pinilit kong ngumiti.
Napansin ko ang pagkunot ng kaniyang noo na ikinabahala ko naman.
“Ilang beses kong sinabi sa ‘yo, iha. Daddy ang itawag mo sa akin,” wika niya pero kay Enzo naman nakatingin.
Pinilit kong tumawa saka nagsalita. “Sorry po, Daddy. At saka, baka puwede mo rin akong tawaging ‘Dom’.”
"Kung hindi ka komportable na tawagin akong 'Dom' puwede mo rin akong tawaging 'Honey or Baby'." Lihim akong napangiti habang iniisip iyon.
"Kailangan mo ng tulong, Son?" wika ni Rhodri habang nasa bulsa pa ng pantalon ang mga kamay niya.
“Kaya na ni bakla ‘yan, Dad!” Biglang kinurot ni Enzo ang tagiliran ko.
“Ah-eh, sabi ko, kami na ang bahala rito. Baka pagod na kayo.” nauutal kong sabi habang iniinda ang sakit sa tagiliran ko.
“Lintek ka talagang bakla ka! Ang sakit ng tagiliran ko!” Palihim kong sinamaan ng tingin si Enzo habang nakasimangot. Pero tinaasan lang niya ako ng kilay.
“Sige na, tutulungan ko na kayong ipasok itong mga gamit ninyo.”
Bago kinuha ni Rhodri ang mga maleta ko, hinubad muna niya ang Long Sleeve Polo niya.
"Pakihawak ng polo ni Dad, Sweety," wika ni Enzo. Walang alinlangang kinuha ko naman iyon kay Rhodri.
Napalunok ako ng laway nang makita ko ang katawan niya. Muling lumabas ang mga kurbadong kalamnan niya ng sabay na binuhat ang tatlong malalaking maleta ko.
"Sigurado ka ba na daddy mo siya, Enzo?" bigla kong sabi habang nakatutok ang mga mata ko sa papaalis na si Rhodri.
Biglang hinampas ni Enzo ang aking balakang. “Gaga ka talaga, Domenique! Anong akala mo sa akin, ampon?” Umiling siya saka iniwan ako sa garage.
Dahan-dahan akong pumasok sa sala dahil gusto kong samantalahin ang polo ni Rhodri na hawak-hawak ko pa. Nanunuot sa ilong ko ang mabangong amoy ng polo niya.
“Ang bango ng damit niya. Ang sarap sigurong itabi ito sa pagtulog. Ehhh!” ani ko sa sarili habang patuloy kong inaamoy ang damit nito. Hindi ko rin napigilan ang sarili kong mapatili dahil sa labis na kilig na nararamdaman ko.
Hindi ko alam kung bakit sa tuwing naiisip ko ang daddy ng best friend ko ay kinikilig agad ako. Ito rin ang unang pagkakataon na nagkaroon ako ng interest sa isang lalaki.
Maraming lalaki ang gustong manligaw sa akin, pero hindi ko sila pinapansin. Lahat ng lalaking gustong makipagkita sa akin ay binibigay ko kay Enzo. Wala akong oras sa mga lalaki at lalong wala sa isip ko ang makipagrelasyon. Ang lahat ng oras ko ay nakatuon lang sa aking pag-aaral dahil isa lang ang nasa isip ko, iyon ay ang hindi ko sasayangin ang ginastos sa akin ng scholarship program ni Enzo.
Gayunpaman, tila nagbago ang lahat nang makita ko ang daddy ng aking matalik na kaibigan. Hindi ko pa nararanasan na magkaroon ng crush, kaya hindi ko alam kung ano ang pakiramdam. Basta ang alam ko lang ay kinikilig ako sa tuwing naiisip ko ang daddy ng kaibigan ko. At hindi ako makahinga sa tuwing nakikita ko ito ng malapitan.
"Kung ganito pala ang feeling ng may crush, aba! Eh, kung ganoon ay crush ko nga ang daddy ng aking best friend!" Palihim na naman akong napasigaw dahil sa kilig.