Habang papalapit siya sa lugar kung saan niya mas naramdaman ang tawag na tanging siya lang ang nakakarinig, ay lumalakas naman ang simoy ng hangin. May kalakip iyong kakaibang samyo na para bang panangga upang ’di makita o matagpuan ng iba ang nasabing lokasyon. Halos tangayin na siya ng hangin sa lakas niyon, ngunit ’di siya nagpapatinag. Magiliw na sinasayaw ng hangin ang mahaba niyang buhok, tulad ng kung paano nito sinasayaw ang mga sanga ng punong naroon. Nang tuluyan na siyang nakatayo sa isang malaking bato ay nakita niyang mas napaliligiran pa ng malalagong puno ang lugar. Ang malaking bato ay natatabunan nito, maging ng mga vines na malagong nakadikit doon. ‘Adventurous talaga si Daddy Zen, Dane. Kita mo naman, napaka tago nito. Walang istorbo kahit na sumigaw ka pa nang husto.’

