Sa ospital na pagmamay-ari ng mga magulang ni Hexur dinala sina Jordan, Donald, Morie at iba pang sugatan. Mainit ang ulo ng mafia prince ng Haito at walang gustong lumapit sa kan'ya. Maging ang mga doktor at nars ay umiiwas na makita ang kanilang prinsipe dahil alam nilang kapag nagkamali sila ay pwedeng maging kamatayan ang hatol sa kanila. Tanging si Froilan ang nakaupo malapit sa binatang nagpupuyos sa galit. Ilang beses nang tinanong ni Hexur ang Ninong Froilan niya kung ano ang nangyari subalit wala itong maibigay na eksaktong sagot. Dahil sa tindi ng labanan ay hindi nito namalayan na napalayo na pala si Morie sa kan'ya. Gustong sisihin ni Hexur ang ninong n'ya ngunit dala na rin ng respeto kaya hindi siya nagsalita pa. Ang elite force ng Haito ay nakabantay sa buong hospital.

