FEROIA
Ang tahimik na buhay ng mga Feroian ay biglang binulabog ng isang mensahe sa kanilang monitor. Ang pinunong si Soe ay agad tinawag si Yu sa pamamagitan lamang ng kaniyang utak. Isa iyon sa katangian ng mga Feroian, kahit wala silang puso ay kaya nilang maunawaan ang isa't-isa kahit malayo sila sa gusto nilang makausap sa pamamagitan ng IAP o Intel Ability Program.
Ang makulit na mandirigma ay pasayaw-sayaw habang inuunawa ang mensahe ng kanilang pinuno. Hindi siya natatakot sa bagong armas na ginagawa ng mga Huruan. Handa siya sa ano mang laban kahit hindi siya napasabak ng matagal na panahon. Para kay Yu, walang sino man ang kaya siyang talunin lalo at pinalakas siya ng kan'yang mga programa. Katawa-tawa lamang sa matapang na mandirigma ang pananakot ng mga kalaban.
Ang mga Huruan ay mga nilalang na parang ibon, may pakpak ngunit may mga mahahabang buntot na ginagamit para sirain ang rainbow rays ng mga Feroian. Kahit may ganoon silang katangian, hindi pa nagawa ng mga Huruan na talunin si Yu sa kahit ano mang laban. Iyon ang dahilan kaya kampante ang pinuno ng mga mandirigma ng Feroia.
"Seryosong banta ito, Yu," mahinang sabi ni Soe.
"Huwag kang matakot, Soe. Hindi tayo ginawa para makaramdam ng gan'yan," buong kumpyansa na sabi ni Yu. "Handa ang buong hukbo upang ipagtanggol ang Feroia."
Habang ang mga Huruan ay nagpapalakas ng kanilang puwersa, ganoon din ang mga Feroian. Mas mahaba ang ginugugol na oras ni Yu upang makabuo ng programa upang walang makatalo sa kanila. Inoobliga n'ya rin ang mga mandirigma ng Feroia na palakasin ang kanilang sarili. Ngunit sa paglipas ng panahon, nakaramdam ng katamaran ang mga mandirigmang Feroian. Hindi kasi lumulusob ang Huruan at puro banta lang sila.
Sa Lambini ay nakasunod kay Yu ang bituin na nagbabantay sa kan'yang mga kakayanan. Panay ang ikot nito sa Feroian na nakatingin na naman sa monitor upang tingnan ang Earth.
"Ang mga tao ay hindi marunong makuntento sa kanilang mundo," sabi ni Soe. Nahagip kasi ng kanilang radar ang sasakyan na lumabas sa Earth.
"Saan ang tungo nila?" tanong ni Yu.
"Sa ibang planeta. Doon ay pag-aaralan nila ang mga galaw ng mga nilalang sa lugar na puntirya nila at pakikialam ang lugar na iyon," wika ni Soe.
"Mabuti at hindi nila tayo binubulabog," mahinang sabi ni Yu.
"Ilang beses na rin nilang sinubukan ngunit inililigaw sila ng mga bituin at ng ilang mga Feroian na ang talagang trabaho ay huwag papasukin ang ano mang bagay o nilalang mula sa Earth. Sila ang dahilan kaya ang mga Feroian na nakakapasok sa Earth ay hindi na nakakabalik pa dito sa ating daigdig."
"Sila ba ang mga sundalo na hindi sakop ng aking pamumuno?"
"Oo, Yu. Ang bantayan ang ating hangganan para walang makapasok mula sa Earth ang dahilan kaya sila hindi nakikita ng mga Feroian na kasama natin dito. Hindi mo sila hawak dahil sa digmaan ka naka-programa. Malulupit sila at walang sinasanto. Sila ang mga Feroian na walang batas na sinusunod. Tinatawag ang kanilang grupo na Ferios."
Hindi na naintindihan ni Yu ang huling tinuran ng pinuno ng Feroia. Ang kaniyang mga mata ay napako sa eksena na nakita n'ya sa malaking monitor.
"Bakit magkalapat ang kanilang mga mukha?" nagtatakang tanong ni Yu kay Soe ng makita niya ang dalawang tao na naghahalikan.
"Pag-ibig! Paraan iyan ng mga tao upang iparamdam ang kanilang pagmamahal sa kapwa," sagot ni Soe.
Napatango-tango si Yu at magiliw na nilapitan ang isang Feroian na nasa loob din ng Lambini. Hinawakan niya ito sa balikat at biglang niyakap katulad ng nakikita niyang ginawa ng nilalang sa monitor. Ilang saglit pa ay inilapat niya ang kan'yang mukha sa mukha ng Feroian at nanatili sila sa ganoong posisyon sa loob ng ilang minuto.
"Pag-ibig. Gusto ko rin maranasan ang umibig at ibigin," sabi ni Yu sa mahinang tinig.
"Kailanman ay hindi pwedeng umibig ang sino mang Feroian. Uulitin ko, Yu, wala tayong puso na katulad ng mga tao," sabi ni Soe.
Ang Feroian na niyakap ni Yu ay napatingin lang sa pinuno ng mga mandirigma. Naguguluhan siya sa inaasal ni Yu. Nawawala kasi sa konsentrasyon ang magiting na mandirigma dahil sa madalas nitong pagmamasid sa malaking monitor.
"Magsimula na kayong magsanay muli, Yu. Hindi kayo dapat tumitigil dahil lang sa naiinip kayo sa paglusob ng Huruan," utos ni Soe kay Yu. "Ang Huruan ay patuloy na naghahanda para sa isang digmaan at maaaring tayo ang punterya nila."
Hindi sumunod ang makulit na Ferioan. Sinayawan ni Yu paikot-ikot ang Feroian na kanina ay niyakap niya. Hanggang sa ang dalawa ay parang tinatangay ng hangin habang kapwa iginigiling ang katawan kasabay ng tunog ng kanilang mga bituin na umaawit sa sobrang galak.
Lumabas ng Lambini ang dalawa habang patuloy na sumasayaw. Ang mga bituin ng mga Feroian na nakasaksi sa mga nangyayari ay nakisabay na rin sa pag-awit. Sa isang iglap ay nagkaroon ng masayang awitan at sayawan sa Ferioa sa kabila ng malaking banta na nakaambang sa kanila.
Isang galit at nag-aapoy na Soe ang lumabas ng Lambini. Ang mga Feroian ay biglang nagtago sa mga bato na punong-puno ng dyamante. Lahat sila ay biglang namatay ang liwanag ng rainbow rays at sumiksik sa kani-kanilang pinagtataguan. Ang pagliliyab ni Soe ay nangangahulugan ng matinding parusa at maaaring ang ipataw sa kanila nito ay ang pagpapatapon sa Earth.
Ang mga bituin ng Ferioan ay biglang nawalan din ng kislap. Tanging ang pulang liwanag ng Feroia ang nanatili. Malakas na tunog ang nanggagaling kay Soe na halos pasabogin ang ulo ni Yu. Napahawak ang makulit na mandirigma sa kan'yang metal na ulo at napasigaw siya ng ubod lakas.
"Soe, patawad! Iiwasan ko na ang suwayin ka," sabi ni Yu. Kasabay noon ang daing na punong-puno ng paghihirap na nagpayuko sa mga Feroian na nagtatago sa mga bato.
"Ang utos ko ay maghanda kayo sa digmaan," dumadagundong na sabi ni Soe. "Nakasalalay sa iyo, Yu, ang kaligtasan ng buong Feroia!"
Lumabas si Yu sa kan'yang pinagtataguan. Buong tapang niyang nilapitan ang lumiliyab nilang pinuno. Iniluhod niya ang isang tuhod, humawak siya sa kan'yang dibdib at saka yumuko. Tanda ng paggalang at pagtanggap ng kaniyang pagkakamali, handa si Yu na tanggapin ang galit ni Soe.
Ngunit habang nakayuko si Yu ay unti-unting nawawala ang apoy sa katawan ni Soe hanggang sa tuluyan na itong bumagsak. Mabilis na lumabas ang mga Feroian sa kani-kanilang pinagtataguan at ang liwanag ng kanilang rainbow rays ay muling nagningning. Nilapitan nila si Soe, binuhat at dinala sa bahay nito.
Naiwan si Yu na nananatiling nakaluhod. Batid ng makulit na Ferioan ang kaniyang pagkakamali. Nakayuko pa rin siya at naghihintay ng parusa mula naman sa iba pang may katungkulan sa Feroia.
"Yu, tumayo ka na at ipunin ang lahat ng mandirigma. Simulan n'yo na muli ang inyong pagsasanay," wika ng isang Feroian. Isa ito sa mga may mataas na posisyon sa Feroia at tagapayo ni Soe.
"Masusunod, We," sagot ni Yu.
Iniwan ni We ang tahimik na si Yu. Ang rainbow rays ng mandirigma ay masyadong mahina dahil sa ginawa n'yang kalokohan kaya hindi niya matawag sa isip lang ang mga mandirigmang Feroian. Nagpalakad-lalad si Yu sa kulay pulang buhangin ng Feroia.
"Kailangan kong gumawa ng kabutihan para magkaroon ako ng sapat na lakas kung sakaling magkaroon nga ng digmaan," sabi ni Yu.
"Tama, kabutihan ang susi sa iyong problema, Yu," sagot ng bituin na kasa-kasama ni Yu.
Nagpatuloy si Yu sa paglalakad. Pupuntahan niya ang kampo ng mga mandirigmang Feroian. Hindi iyon kalayuan sa Lambini kaya mabilis siyang makararating gamit ang dalawang paa niya.
Sa Saldem, kampo ng mga mandirigma na taga-Feroria ay naabutan ni Yu na abala ang mga sundalong Feroian sa paglalaro lamang. Wala na silang gana na magsanay sa pakikidigma dahil lahat sila ay tiwala sa kakayahan ni Yu. Para sa kanila ay ligtas sila basta kasama nila ang kanilang pinuno.
Agad na inipon ni Yu ang kan'yang mga nasasakupan. Sinimulan niyang hasain muli ang mga ito sa paghawak ng sandata at sa pagpapalabas ng kani-kanilang kapangyarihan. Ngunit ang mga mandirigma ay walang gana dahil nasanay na silang payapa ang Feroia.
Nararamdaman ni Yu ang pag-init ng kan'yang katawan. Hindi n'ya nagugustuhan ang pagtanggap ng mga sundalong Feroian sa panibagong banta sa kanilang mundo. Hanggang sa hindi na napigilan ni Yu ang init na nagmumula sa kan'yang sistema.
Lahat ng hindi sumusunod sa kan'ya ay agad na tinatanggalan ni Yu ng paa. Gamit ang pinakamataas na espada na kayang pumutol ng bakal, walang nakaligtas sa galit na pinuno.
"Susunod kayo o tuluyan ko kayong gagawing walang silbi sa mundong ito?" dumadagundong na tanong ni Yu sa mga mandirigma na noon ay nakapila na sa kan'yang harapan.
Lahat ng sundalong Feroian ay nagsimula muling magsanay. Bawat sabihin ni Yu ay sinusunod nila. Sa nakikita nilang init na nagmumula kay Yu, batid nilang gagawin ng matapang na pinuno ang ano mang sabihin nito.
"Ginawa tayo para maging mga tagapagtanggol ng Feroia. Gawin natin ang ating tungkulin ng buong giting!" malakas na sabi ni Yu.
"Feroia, Feroia, pagsisilbihan kita," sabay-sabay na sabi ng mga mandirigma. "Alipin mo kami, Feroia!"
Ilang beses nang umikot ang Feroia sa araw ngunit ang mga mandirigmang Feroian ay patuloy lang sa kanilang ginagawa. Ang liwanag ng rainbow rays ni Yu ay unti-unting bumalik muli sa dati.
"Natutuwa ako sa mabilis na pagbabago ng mga mandirigma natin. Huwag kayong maging kampante dahil patuloy kong nakikita ang ang paglapit ng mga Huruan sa ating mundo," wika ni Soe.
"Ang mga hayop na iyon na may buntot ay hindi dapat magtagumpay. Marami na silang sinakop na mundo," ani ni Yu.
"Malupit sila. May mga impormasyon na dumarating sa akin na ang mundong kanilang pinapasok ay binubura nila ang pagkakakilanlan," sabad ni We.
"Hindi ako papayag na masakop din nila ang Feroia. Tayo, bilang Ferioan ay hindi padadaig sa mga mananakop," matatag na sabi ni Yu.
Isang malakas na programa ang sinusubukan ni Yu na gawin upang ang sarili niya ay mas lalo pang maging handa sa digmaan na parating. Tinawag niya itong Y02, ito ang programa na kayang wasakin ang sinumang makapangyarihan na nilalang gamit lamang ang isang mataas na kalibre ng baril na kan'ya rin ginagawa.
Samantala, sa kabilang dako ng mundo ay abala ang Huruan. Matagal na silang gigil na masakop ang Ferioa. Ang pinuno nilang si Seru ay ilang daang taon na ang galit kay Yu. Ang gusto ng maitim na parang ibon na nilalang ay siya lamang ang kilalanin sa buong universe na pinakamagaling na mandirigma.
Ang Huru ay isang mundo na nababalot ng dilim. Kahit nasa 67.37 milyon kilometro lang ang layo nito sa araw ay hindi ito nasisikatan ng liwanag ng araw dahil sa makapal na gas na bumabalot sa mundong ito. Mayroon din itong matataas na bundok na puro bato. Nakakasulasok ang amoy sa buong Huru dahil sa asopre.
"Sa loob ng mahabang panahon na paghihintay, sa wakas ay kakayanin na nating harapin ang matatag na Ferioa. Sisirain natin ang harang na namamagitan sa ating mga mundo at ipalalasap natin sa Feroian ang bangis ng Huruan," malakas na sabi ni Seru sa kan'yang nasasakupan.
Nakakabingi at nakakapangilabot na halakhak ang kaniyang pinakawalan pagkatapos niyang sabihin iyon. Ang mga mata niyang pulang-pula ay lalong nagliwanag at ang mga bato na tamaan nito ay nawawasak sa isang iglap lamang.
"Ipamalas ang lakas ng Huruan! Ipatikim sa Feroia ang ating galing!" sigaw ng mga Huruan.
Sa kadiliman ng Huru, kung saan ang mga nagliliyab na mata laman ng Huruan ang makikita, nakangisi na parang demonyo ang pinuno nila na nasasabik talunin ang magaling na mandirigma ng Feroia. Ang kan'yang nakatagong kapangyarihan sa kan'yang buntot ay pilit kumakawala upang ipalasap sa makulit na si Yu ang una nitong pagkatalo.