THE SECOND CRIME

2000 Words
THE SECOND CRIME: STEALING Abala ang lahat ng mga mamamayan ng Rechilor City sa pagpapa-psychological test sa Alchemilla ngayon. Ang lahat ng mag negosyo ngayong araw ay sarado. Miski ang mga eskwelahan, malls at kahit na ano pa man ay sarado. Tanging mga ospital lamang ang bukas dahil nauna nang tapusin na kunan ng tests ang mga nurses at doktor doon. Para na rin may mag-asikaso sa mga pasiyente na nasa mga ospital. Habang abala ang lahat ay nagpaplano na rin ang mga masasamang loob na isagawa ang kanilang plano. Agad silang nagpunta sa Daffodil, kung saan doon nakatira ang mga mayayaman at matataas na antas ng mga mamamayan. Sa Daffodil nila isasagawa ang kanilang plano ngayon lalo na at mas marami silang malilikom doon. Balak nila na magnakaw mula sa mga mayayaman. Pumasok sila sa unang bahay na pinlano nila. Balak lamang nila na magnakaw sa sampung malalaking bahay na nakapalibot sa kanila. Isang oras lang ang mayroon sila. Iyon lang din ang sapat na oras para makuha nila ang mga kakailanganin nila. May posibilidad na mahuli sila kapag biglang bumalik ang mga naninirahan sa Daffodil. Lalo na at malapit lang naman ang Daffodil sa Alchemilla, kung nasaan ngayon ang mga mamamayan ng Rechilor City. “Kunin mo lang ang mga bagay na alam mong makikinabang tayo nang lubusan, naiintindihan mo ba?” utos ng lalaki sa kaniyang kasamahan. Tumango naman ito. Ang lalaki na nautusan ang siyang gumahasa at pumatay sa estudyanteng babae kahapon. Hindi pa tapos ang imbestigasyon doon ay muli na naman silang gagawa ng isa pang krimen na tiyak ay ikagugulat ng lahat ng mga naninirahan sa Rechilor City. Naghiwalay na ang dalawa at mabilis na pumasok sa naglalakihang mga bahay sa Daffodil. Bago pa sila pumasok ay alam na nila kung ano ang dapat nilang gawin dahil planado na nila ang lahat. Hindi dapat sila mahuli kaya naman ay naghanda sila ng ayos para isagawa ang mga masasamang binabalak nila. Lalo na ngayon na hindi pa rin sobrang aktibo ng mga kapulisan. Siguro ay hindi nila iniisip na maaaring magkaroon agad ng panibagong krimen sa siyudad. Kinuha nila ang mga alahas at mga papeles kung saan ay naglalaman ng mga detalye tungkol sa kani-kanilang mga bank accounts. May mga nakita rin sila na safe box o ‘di kaya ay tinatawag na vault. Sinisira nila ‘yon saka kinukuha ang lahat ng nilalaman ng mga ‘yon. Tig-isa silang malaking mga bag at kailangan nila ‘yon na mapuno ng mga ari-arian. Wala silang balak na kumuha ng mga malalaki o mabibigat na mga kagamitan. Dahil mahihirapan lamang sila na itakas ‘yon kung sakali. Wala rin silang mga sasakyan na gamit dahil baka may makahalata kapag may mamamayan na gumagala sa mga oras na ‘yon; kahit na dapat ay naroon sila sa Alchemilla. Nang mapasok na nila ang sampung bahay sa Daffodil ay muli silang nagkita sa gitnang bahagi o tinatawag na center area sa Daffodil. “Sapat na ba ang lahat ng mga nakuha mo?” tanong muli ng lalaki sa kaniyang kasamahan. Tinatawag siya bilang si Felony, samantalang ang inuutusan naman niya ay si Crony. Nanggaling ang mga alyas nilang ‘yon sa salitang ‘krimen’. “Oo, sapat na. Puno ang bag na hawak ko ngayon,” sagot ni Crony. Si Crony ang utusan lamang ni Felony. Siya ang gumahasa sa estudyanteng babae kahapon. Samantalang si Felony naman ay ang nakabantay sa security room at nag-uutos kay Crony. Si Felony ang lumalabas na amo sa kanilang dalawa. Magaling si Felony at sanay na sanay na siya sa mga ganoong trabaho. Ilang beses na rin nila nagawa sa ibang lugar ang mga ginagawa nila ngayon sa Rechilor City. Nahirapan sila na pumasok doon ngunit napagtagumpayan nila. Para sa kanila ay isa itong hamon dahil wala ni sino man ang nakapanggulo sa lugar. Kaya naman ay nagplano sila ng ayos kung paano gagawing maingay ang tahimik na lugar na iyon. “Tara na.” Mabilis nilang nilisan ang Daffodil at nagtungo sa tinataguan nila. Walang ibang nakakaalam no’n bukod sa kanilang dalawa. Nang makarating sila roon ay agad na pinuntahan ni Felony ang kaniyang computer. Nakabukas ang lahat ng mga CCTV sa buong lugar kanina, ngunit wala man lang ideya ang mga tao sa Alchemilla na naka-freeze na ang mga CCTV cameras. Ito ay para hindi nila makita na nagnakaw sila sa Daffodil. Hindi na pinatay ni Felony ang mga CCTV cameras sa lugar kaya sa halip ay naka-freeze na lamang ito para hindi nila mapansin na may gumagalaw. Dahil naka-freeze naman ang mga camera ay hindi nila aakalain na may mga dumaan dahil wala silang makikita. Tinignan na nila ang mga nakuha nila sa mga bahay doon. Napapanood na rin nila ngayon kung tapos na ba ang psychological test na nangyayari sa Alchemilla o hindi pa. Nagniningning ang mga mata nila nang makita ang limpak-limpak na salapi na kanilang nakuha sa bawat bahay. Sadya nga talagang mga mayayaman ang mga naninirahan doon. Pasalamat pa nga sila at hindi nila kinuha ang lahat ng kanilang mga pag-aari. Nagtira pa rin ang dalawa kahit na ganoon. “Ang sarap makita ang mga nagliliwanag na gold bars na ito,” ani Crony habang hawak ang isang malaking gold bar. “Ang nakuhanan mo n’yan ay ang nagmamay-ari ng pinakamalaking negosyo sa syudad,” kumento naman ni Felony. Miski guwardiya ay wala sa bawat pamamahay. Lalo na at kampante naman sila na walang mangyayari na ano man dahil ang lahat naman ng mga mamamayan ay nasa Alchemilla. “Tamang-tama ang lahat ng mga plano natin. Umaayon talaga sa atin ang panahon. Akala ko ay mahihirapan pa tayo na isagawa ang ikalawang krimen natin,” ani Felony habang nakatingin sa mga kayamanan na nakuha nila. Para sa kanila ay hindi sapat ang kayamanan na mayroon sila. Marami na silang nakalap sa iba’t-ibang mga lugar ngunit hindi pa rin iyon sapat para sa kanila. Hindi sila nakukuntento sa kung ano ang mayroon sila. Kaya naman ay marami pa rin silang krimen na ginagawa. “Ilang krimen ba ang binabalak mo na gawin dito?” tanong naman ni Crony. “Kahit ilan, kung hanggang kailan nila tayo mahuhuli. Pero hangga’t hindi pa rin nila tayo nahuhuli ay hindi tayo titigil. Masarap gumawa ng krimen dito lalo na at napaglalaruan mo ang mga tao. ‘Yong tipong lahat sila ay katatakutan tayo. Hindi marunong lumaban ang halos lahat ng mga naninirahan dito. Dahil hindi naman nila aakalain na may mga magaganap na krimen dito,” paliwanag ni Felony. “Paano kapag nakakuha sila ng magaling na tutugis sa atin?” Sinamaan siya ng tingin ni Felony dahil sa kaniyang tanong. “Kung mayroon mang makakatugis sa atin na magaling, sana ay kahapon pa siya lumabas. Ngunit ano ba ang nangyari? Ni wala nga silang nakuha na ebidensiya sa krimen na ginawa natin kahapon. Ano pa kaya ngayon? Wala silang makukuhang ebidensiya dahil malinis tayo trumabaho. Depende na lang kung magiging tatanga-tanga ka at ikaw ang sumira ng mga plano natin. Gusto mo bang mahuli tayo?” Mabilis naman na umiling si Crony. Nalimutan niya na mabilis nga pala na mapikon ang kaniyang amo. “Hindi naman ‘yon ang ibig kong sabihin. Wala rin akong gagawin na ikasisira ng lahat ng mga plano natin. Ipinapangako ko ‘yan sa ‘yo. Lalo na at ilang taon na tayong magkasama sa ganitong serbisyo,” sagot niya. “Mabuti naman at nasa iisang bangka tayong dalawa. Magtiwala ka lang sa akin at sundin mo ang lahat ng iuutos ko sa ‘yo. Sisiguraduhin ko na sa sobrang yaman natin ay tayo na ang mamumuno sa bansang ito.” Hindi na siya sumagot pa at natuwa na lang sa kanilang mga nakuha. Ang mahalaga naman ay hindi sila nahuhuli kahit na ganoon na ang mga nagawa nilang krimen. *** “Ang mga alahas at ari-arian namin ay nawala rito sa aming bahay!” sigaw ng matandang babae. Nagkakagulo na ang lahat sa Daffodil. Ang iba ay naguguluhan kung ano ang nangyayari, samantalang ang iba naman ay hindi na malaman kung ano ba ang kanilang dapat na gawin. Hindi nila inaasahan ito. “Gobernador, nagkakaroon po ng kaguluhan ngayon sa Daffodil,” sambit ni Hugo. Pinapanood sa kaniya ng isang tauhan ng gobernador ang nangyayari sa Daffodil dahil sa kuha ng mga CCTV sa paligid. Inalam pa ni Hugo kung ano ang nangyayaring kaganapan sa Daffodil saka nila napag-alaman ang tungkol sa nakawan na naganap doon. “Ano na naman ang nangyayari?” pagalit na tanong ni Gobernador Rechilles sa kaniya. “Nabalitaan ko po na may naganap na nakawan sa ilang mga bahay ng Daffodil kanina lamang. Kaya ang mga mamamayan doon ay nagkakagulo na ngayon. Mga alahas, ari-arian at mga mahahalagang papeles ang nawala sa sampung bahay sa Daffodil,” balita ni Hugo. Napatayo sa galit ang gobernador nang marinig ang balita ni Hugo. “Ano?! Sigurado ka ba sa ibinabalita mo sa akin ngayon?” “Opo.” “Paano nangyari na may panibago na namang krimen na naganap dito sa siyudad?! Hindi pa nga nalulutas ang nauna ay may pangalawa na naman? Ano ba ang ginagawa ng mga kapulisan at hindi man lang sila alisto ngayon?!” galit na sambit nito. Napayuko naman si Hugo dahil ramdam na niya ang galit ng gobernador. “Sa ngayon ay nag-iimbestiga na po sila. Samantala ay tinignan ko ang mga kuha sa CCTV footages natin, ngunit wala kaming nakita na dumaan o pumasok aa bawat bahay habang narito sa Alchemilla ang lahat ng mga mamamayan natin para sa psychological test,” paliwanag pa ni Hugo. Nasapo ni Gobernador Rechilles ang kaniyang noo dahil sa balitang ‘yon. Hindi niya akalain na may naglakas ng loob na gumawa ng mga krimen sa kaniyang lugar. Hindi niya lubos maisip kung paano nagagawa ng mga kriminal na ‘yon ang mga krimen na nagawa nila nang ganoon lamang kadali at kalinis. Tila ba matagal na nilang pinagplanuhan ang gagawin nilang krimen sa Rechilor City. “Mukhang hindi kakayanin ng mga pulis natin ang mga kriminal na ‘yon. Malinis sila kung trumabaho at mukhang hindi basta-basta,” kumento ng gobernador. “Hindi po kaya ay taga-labas sila? Sa naiisip ko ngayon ay baka hindi sila taga rito.” “Ano ang ibig mong sabihin, Hugo?” “Mahigpit ang proseso natin sa pagpapapasok ng mga bagong mamamayan dito sa siyudad. Kaya imposible na isa sa mga mamamayan natin ang gumagawa ng mga krimen na nagaganap ngayon. Naisip ko lang na baka sakali ay taga ibang lugar sila,” sagot ni Hugo. “Kung taga labas sila ay saan naman sila makakadaan dito sa ating siyudad para makapasok? May bantay ang lahat ng mga maaaring pasukan dito at secured ang lahat kaya imposible ang sinasabi mo. Malakas ang kutob ko na rito sila naninirahan sa Rechilor City.” “Sa tingin ko ay kailangan na natin na kumuha ng mga propersyunal sa pag-iimbestiga. Masyado pang mahihina ang mga kapulisan natin, Gobernador. Marahil ay kaya sila gano’n dahil ilang dekada na ang nakalipas at walang nangyari na krimen dito. Hindi sapat ang galing, lakas at kakayahan nila sa mga ganitong uri ng krimen. Lalo na at mukhang bihasa na ang mga tao na ‘yon na gumawa ng mga ganitong kalala na krimen.” Napa-isip naman si Gobernador Rechiles sa sinabi ni Hugo. May punto si Hugo at pakiramdam ng Gobernador ay tama siya. Hindi nga sapat ang mga kalakasan ng mga pulis niya ngayon. “Kung ganoon ay kailangan mo nang maghanap ng mga bihasa sa pag-iimbestiga. Mga sikat na detectives sa ibang bansa at talagang mahusay. Siguraduhin mo na mapapakinabangan natin ang makukuha mo,” utos ni Gobernador Rechilles. “Masusunod po, Gobernador. Ipapakita ko sa inyo ang mga mahahanap ko.” Hindi na tama pa ang mga nangyayari ngayon sa siyudad ko. Hindi ko pwedeng pabayaan at hayaan na bumagsak ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD