THE FIRST CRIME (2)

2200 Words
“Totoo nga talaga ang balita sa nangyaring krimen sa isa sa eskwelahan sa Gladiolus!”  “Grabe ang nangyaring krimen na ‘yon sa eskwelahan. Karumal-dumal na krimen ang kinahinatnan ng kawawang estudyante na ‘yon.”  “Ito pa ang unang beses na nagkaroon ng unang krimen dito sa Richelor City. Paano nangyari iyon? Sa nagdaan na ilang dekada ay hindi man lang natin naranasan na magkaroon ng gulo o krimen dito.” “Ano na ba ang ginagawa ngayon ng ating gobernor? Parang wala pa akong nababalitaan na aksyon tungkol sa krimen na nangyari.” “Hindi po ba ay mahigpit ang proseso bago makapasok at manirahan dito? Ngunit bakit nagkaroon ng isang mamamatay tayo rito,” tanong ng magkasintahan na bagong lipat sa siyudad. “Iyon na nga ang nakakapagtaka. Dahil mahigpit ang proseso bago makapasok dito kaya paano nagkaroon ng krimen. Sigurado kami na nagagawa ng ayos at tama ng mga doktor ng gobernor ang kanilang mga trabaho,” sagot naman ng isa. Nakita na nila sa balita ang nangyaring krimen sa isang eskwelahan sa Gladiolus. Ipinakita sa balita ang itsura ng estudyante babae ngunit malabo ang ilang maseselang parte ng katawan niya. Hindi agad nakarating sa eskwelahan ang mga pulis lalo na at hindi rin nila ‘yon inaasahan. Halos hindi na nga magkaroon ng pulis sa Rechilor City dahil kampante ang lahat na walang mangyayari na krimen doon. “May nahanap na ba kayong mga ebidensiya o lead para malaman kung sino ang may kagagawan sa biktima nito?” tanong ng isang reporter sa pulis. “Hanggang ngayon ay wala pa kaming nahahanap na kahit anong ebidensiya. Mukhang malinis ang may kagagawan nito.” “Paano ang mga CCTV footages? Hindi ba kayo nakakita roon?” tanong muli ng reporter. Umiling ang isang pulis, “Mukhang hindi lang iisa ang gumawa ng krimen na ito. Hindi ako sigurado. Magbibigay kami ng anunsyo kapag natapos na kaming mag-imbestiga.” Hindi na nakapagtanong pa ang mga reporters nang umalis na ang mga pulis. Hindi rin nila nagawang makausap ang principal ng eskwelahan dahil ipinagbawal muna ng gobernador ang maglabas ng kahit na anong impormasyon tungkol sa krimen na naganap. Aalamin muna nila ang buong katotohanan bago ito sabihin sa mga tao sa siyudad. Ito ay para mas makapag-imbestiga sila ng maayos. Hindi maaari na ipagsabi sa balita ang mga nalalaman nila para hindi rin malaman ng kriminal ang proseso ng imbestigasyon. “Hugo!” galit na tawag ni Gobernor Rechilles kay Hugo. Mabilis naman itong pumasok sa opisina ng gobernador. Takot siya na baka sa kaniya maibuntong ng gobernador ang kaniyang galit.  “Nais niyo po akong makita, Gobernador?” magalang na tanong ni Hugo.  “Ano ang nangyayari?! Paanong nagkaroon ng krimen dito sa loob ng Rechilor City?!” sigaw niyang muli. Hindi rin siya makapaniwala na may mga masasamang loob na nakapasok sa loob ng siyudad na pagmamay-ari niya. Ang mga napapanood lang naman niya sa balita ay ang mga tungkol sa negosyo at mga programa sa loob ng siyudad niya. Minsan ay nanonood din siya ng mga kaganapan sa ibang lugar sa balita.  “Ini-imbestigahan pa ng mga pulisya kung paano nagkaroon ng bangkay sa eskwelahan na ‘yon, Gobernor. Sa ngayon po ay hindi ko pa rin alam ang buong nangyari.”  “Alamin mo! Kailangan nating malaman kung paano nagkaroon ng mamamatay tao sa siyudad ko. Papuntahin mo rin dito ang dalawang doktor natin at ipakita sa akin ang mga bagong naninirahan dito,” utos niya. Tumango si Hugo at agad na sinunod ang gobernador.  Dumeretso si Hugo sa police station upang magtanong ng tungkol sa imbestigasyon ng mga pulis. “Ano na ang balita? May nahanap na ba kayo? Gusto nang malaman ng gobernador kung ano ang tunay na nangyari at namatay ang babae na ‘yon,” ani Hugo sa isang pulis.  May ibinigay na isang malaking sobre ang pulis kay Hugo. “Nariyan ang lahat ng litrato sa biktima. Tinignan na rin ng doktor ang nangyari sa kaniya at patay na siya bago pa siya gahasain. Walang nakita ang mga doktor sa katawan niya na lumalaban siya habang ginagahasa siya. Kaya naman ay napag-alaman na pinatay na muna ang babae bago ito galawin. Hindi namin makita kung anong bagay ang ginamit pang-pukpok sa ulo niya. Ngunit nagtanong kami sa kaniyang mga guro. Ang biktima ay nagpaalam na pupunta sa banyo at matapos no’n ay hindi na siya bumalik sa kaniyang klase. Noong oras na nagbanyo siya ay mga ganoong oras din siya na namatay ayon sa mga doktor dahil sa nakuha nilang resulta. Una naming tinignan ang banyo at malinis ang lahat. Ngunit sa dulong bahagi ng banyo ay may isang pala. Malinis ‘yon at walang bakas na kahit na ano. Iyon lang din ang nakita naming bagay na maaaring pumatay sa biktima. Wala kaming nakuha sa mga CCTV dahil burado ang lahat ng naroon at nakapatay. Kaya naman ay naisip namin na hindi lang isa ang may kagagawan nitong krimen dahil may katulungan ang gumahasa sa biktima. Iniisip din namin ngayon na sa banyo pinatay at ginahasa ang babae saka inilagay sa likuran ng eskwelahan. May ilang mga estudyante kami na naka-usap at nakatambay sila sa likuran ng eskwelahan noong mga oras ng kamatayan ng biktima,” mahabang paliwanag ng pulis kay Hugo.  Sinuri rin ni Hugo ang bawat litrato na ibinigay sa kaniya. Napa-iling na lang siya nang makita ang kawawang katawan ng babae. Halos hindi niya masikmura na tignan ito lalo na at kitang-kita ang maselang parte ng katawa nito.  “Hindi ko pa rin akalain na darating ang panahon na ito, kung saan may mangyayaring ganitong klase ng krimen. Tignan niyo ang lahat sa eskwelahan. Baka sakali ay may mga makuha pa kayong fingerprints sa mga lugar kung saan nanggaling ang biktima. Sabihan ninyo ako agad kapag may bago kayong nakuha na balita,” sambit ni Hugo.  “Masusunod po.”  Hindi na nagtagal pa si Hugo at umalis na siya sa police station. Muli siyang bumalik sa Alchemilla, kung saan naroon ang city hall. Naroon ngayon ang gobernador at naabutan niya na kausap na ni Gobernor Rechilles ang dalawang doktor na sina Doctor Andres at Doctor Liam.  Kumatok muna sa pinto si Hugo saka siya tuluyang pumasok sa loob ng opisina ng gobernador. Seryoso niya ngayon na kinakausap ang dalawang doktor kaya nanatili lamang siya sa likod ng pintuan. “Ang pinakahuli na dumating dito ay ang magkasintahan?” tanong ng gobernador.  “Yes. But I doubt that it was them who made the crime. Malinis ang lahat ng records nila pati na rin ang psychological nila. Kaya malabo na sila ang may gawa no’n,” sagot ni Doctor Andres.  “Paano nagkaroon ng mga kriminal dito? Hindi ko kayo gustong pagdudahan ngunit, ginagawa niyo ba talaga ng ayos ang mga trabaho ninyo? O ‘di kaya ay dinadaya ninyo ang mga resulta ng mga bagong naninirahan dito at sinasabi na walang problema sa mga pag-uugali nila kaya nagkaroon ng mga kriminal sa siyudad ko?” deretso na tanong ng gobernador sa kanila. “We are doing our work right. Ang lahat ng ibinibigay namin na resulta ay totoo. Ni minsan ay hindi namin naisipan na traydurin ka, Gobernador. Kaya nga kami narito sa siyudad na ‘to ng ilang dekada na ay dahil dito namin gustong manirahan at buo ang puso at isipan namin dito,” paliwanag ni Doctor Liam. “Pero hindi kaya ay may tao lamang na umaakto sa amin noong nagkaroon kami ng psychological test sa kaniya? Hindi ako sigurado pero may posibilidad na baka iba lamang ang pinakita niya sa amin na ugali kaya tinanggap namin siya at wala kaming nakitang mali sa kaniya. May posibilidad din na baka matagal na siyang naninirahan dito at ngayon lang siya gumawa ng krimen para hindi siya mapansin,” ani Doctor Andres. “Nais ko po sanang sumabat kung pahihintulutan ninyo ako,” sambit naman ni Hugo. Ang atensyon nila ay napunta sa kaniya. Sumenyas si Doctor Andres na magsalita na siya ng gusto niyang sabihin. “Sang-ayon ako sa naisip ni Doctor Andres. Mas malaki nga ang posibilidad na baka matagal nang naninirahan ang mga gumawa ng krimen kanina sa isang eskwelahan sa Gladiolus. Lalo na at mukhang saulado nila ang mga pasikot-sikot dito sa siyudad natin. Kung baguhan lamang sila na naninirahan dito, hindi sana nila saulado ang bawat lugar na narito. Sa nakikita ko ay alam na alam na nila ang mga lugar,” paliwanag niya. “Ano na ba ang nakuha mong balita sa mga pulis?” tanong ni Gobernador Rechilles.  Isinaad ni Hugo ang lahat ng mga narinig niya sa pulis. Ipinakita rin niya sa tatlo ang mga litrato ng biktima na ibinigay sa kaniya kanina. Nangangalaiti na sa galit ngayon ang gobernador dahil hindi niya lubos maisip na may ganitong krimen na maaaring maganap sa kaniyang siyudad. Ipinangako niya sa lahat ng mga mamamayan doon na hangga’t nabubuhay siya ay walang mangyayaring mga krimen doon.  Sino ang mga hangal na sumubok gumawa ng gulo rito? Gusto ba nilang sila ang mawala sa mundong ‘to? Sa oras na malaman ko kung sino sila ay hindi na sila tatagal pang humihinga.  Galit na galit ang gobernador sa kaniyang isipan. Nilingon niya ang dalawang doktor. “Magsagawa kayo ngayon ng isang psychological test sa lahat ng mga mamamayan dito sa Rechilor City. Siguraduhin ninyo na walang makakalagpas sa inyo na kahit sino. Papupuntahin ko ang lahat ng mga mamamayan dito sa Alchemilla. Tutulungan din kayo ng mga doktor mula sa mga hospital sa Hibiscus,” utos ng gobernador.  “Masusunod po. Bukas ay kailangan na naming maghanda upang magkaroon ng psychological test sa lahat,” sagot ni Doctor Andres.  “Hugo, i-anunsyo mo na ngayon sa buong siyudad ang magaganap bukas dito. Magsisimula ang psychological test ng ala-sais ng umaga. Wala munang magbubukas ng kani-kanilang mga negosyo, ospital at eskwelahan. Pwera lamang sa mga pasiyente na nasa mga hospital. May mga maiiwan sa kanila roon na mga tauhan. Ang lahat ay kailangan na dumalo dahil may matinding parusa ang hindi sumipot bukas,” utos naman ng gobernador kay Hugo.  “Masusunod po.”  ***  Kinabukasan ay nagtungo ang lahat sa Alchemilla upang magpa-psychological test. Halos buong araw din ‘yon na nangyari hanggang sa matapos ang lahat. Lalo na at maraming katulungan ang mga doktor. Mabuti naman at ang lahat ng nasa kopya nila na mga mamamayan ay kumpletong dumalo roon at nakunan ng psychological test. Nang matapos ay saka sila nag-uwian lahat. Hindi na nagpakita pa ang gobernador dahil abala siyang tignan ang lahat ng records na nakukuha nila sa resulta ng test.  “Akala ko ba ay walang mga krimen na nagaganap dito? Hindi pa kami masyadong nagtatagal dito ngunit nababahala na kami. Karumal-dumal ang nangyaring krimen sa biktima kanina,” kumento ng babae sa kaniyang kasintahan. Sila ang mga bagong lipat lamang dito sa Rechilor City. Nakakaramdam na siya ng takot nang dahil sa nangyari. Hindi sila makapaniwala na ganoon ang nakita nila na itsura ng biktima. Mas malala pa yata iyon sa mga krimen na nagaganap sa ibang lugar.  “Hindi ko rin alam. Basta huwag ka lang matakot. Siguro naman ay hindi tayo mapapahamak dito. Lalo na at aaksyunan na nila ang nangyaring krimen,” sagot naman ng lalaki.  “Lumabas muna tayo para maliwaliw ka at hindi mo na maisip ang nangyari sa babaeng biktima,” dagdag pa ng lalaki. Pumayag naman ang babae saka sila lumabas ng kanilang bahay. Nais sana nila na pumunta sa Magnolia kung nasaan naroon nakadestino ang mga malls. Ngunit nang makalabas sila sa kanilang bahay ay napansin nilang nagkakagulo ang mga kapitbahay nila.  “Ano ang nangyayari?” naguguluhan na tanong ng babae. Umiiyak na ang isa nilang kapitbahay at humihiyaw. “Tulong! Tulungan ninyo ako!” sigaw ng matandang babae. Agad na lumapit ang magkasintahan sa kaniya pati na rin ang ilang mga kapitbahay nila.  “Ano ang nangyari? Bakit ka umiiyak diyan?” tanong ng babae sa kaniya.  “Nanakawan ako! Nanakaw ang mga alahas ko at iba pang mga ari-arian ko!” sigaw ng matandang babae. Bigla ay may isang kapitbahay naman ang sumigaw at lumapit sa kanila.  “Nako! Nabalitaan niyo na ba ang nangyari sa Daffodil?! Ang dami daw nanakawan na mga bahay doon!” sigaw niya.  Ang Daffodil ay kung saan naroon ang lahat ng mga mayayaman at matataas na tao na naninirahan. Kay dami na ngayon ang naiisip nila na mga tanong. Ang lahat ay nababahala na at tila hindi na nakakaramdam na ligtas sila sa lugar na ‘yon. Nakakaramdam sila ng takot na baka hindi lang isa, dalawa, o tatlo kung ‘di marami ang gumagawa ng mga krimen sa siyudad. Hindi ba tapos na maimbestigahan ang isa ay mayroon na namang kasunod na nangyaring krimen.  Paano nanakawan ang mga ‘yon? Paano nagkaroon ng magnanakaw sa Rechilor City? Bakit may panibago na namang krimen na naganap? Tahimik ba talaga sa lugar na ‘to? Bakit bigla na lang nagkaroon ng sunod-sunod na krimen dito?  Ito na ba ang sinasabi nila na ligtas at mapayapang lugar para manirahan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD