BIG NEWS

1100 Words
"Ito na ang magiging tirahan ninyo simula ngayon. May reklamo pa ba kayo rito o 'di kaya ay may hindi kayo gusto sa pwesto ng bahay ninyo o lugar?" tanong ni Hugo sa magkasintahan kinabukasan. Ngunit bumabakas naman na sa itsura ng dalawa na wala man lang silang reklamo sa bahay nila. Kaunti na nga lamang ay parang huhugis na ng puso ang mga mata nila dahil sa sobrang paghanga sa magiging bahay nila. Karekla-reklamo pa ba ang ganitong uri ng tirahan? Hindi na normal na bahay ito dahil katumbas na ng isang mansyon! Hindi ko inaasahan na ganito kaganda ang ibibigay nila sa amin na tirahan. Mukha rin namang hindi lang kami ang mayroong ganitong tirahan. Hindi na kailangang ipabago dahil maganda na. Hindi maisatinig ng babae ang nasa isipan niya dahil nahihiya siya sa kanang kamay ng gobernador. Matapos nilang masuri ang buong bahay ay bumaba silang magkasintahan kasama si Hugo. May kontrata pa silang kailangan pirmahan. Ang bayad naman ng bahay ay nakalagay sa isang case dahil kailangan na cash ang bigay ng bayad. Binasa muna nila ang mga nakalagay sa kontrata saka nila iyon pinirmahan. Sa oras na napirmahan na nila ang kontrata ay hindi na sila maaari pang tumira sa ibang lugar. Doon na sila nakatira habang buhay pati na rin ang mga magiging anak nila. Maaari naman na lumabas sila ng syudad upang mamasyal pero kailangan muna ng pahintulot mula sa gobyerno. "Ito na ang bayad namin. Sinobrahan na rin namin ng kaunti dahil sobrang ganda nitong bahay na ibinigay niyo sa amin at pakiramdam ko ay hindi sapat ang ibinayad namin para sa ganito kahanga-hangang disenyo ng tirahan," sambit ng lalaki kay Hugo saka iniabot ang case. Binuksan iyon ni Hugo at sinuri isa-isa ang kulay asul na pera na pinuno ang case. Binilang na rin muna iyon ni Hugo at nakitang sobra-sobra pa nga talaga 'yon mula sa kabuuan ng bayad. "Maraming salamat para rito. Nasisigurado ko sa inyo na mapupunta sa donasyon ang ibinigay ninyong sobra sa bayad. Ipapaalam ko rin ito sa gobernador. Nawa ay maging masaya kayo rito sa syudad natin hanggang sa makabuo na kayo ng sarili ninyong pamilya. Welcome to Rechilor City," bati sa kanila ni Hugo. Nagpaalam na siya matapos no'n saka umalis na ng tirahan ng mga bagong mamamayan. Napagpasyahan naman ng dalawa na gumala muna sa buong Daffodil para maging pamilyar din sila sa buong lugar. Pagkalabas pa lang nila ng kanilang tirahan ay nakatingin na sa kanila ang ilang kapit-bahay nila at mga nakangiti sa kanila. "Magandang araw!" bati ng isang babae. "Welcome to Daffodil, Richelor City! I wish you a happy life!" bati pa ng isa na galing naman sa ibang bahay. Ang magkasintahan ay wala nang mapaglagyan ng kanilang tuwa. Binati rin nila pabalik ang mga mamamayan na nakakasalubong nila. May kumausap pa nga sila at nagprisinta na igala sila sa buong lugar at para na rin makilala nila ang bawat pasyalan sa Daffodil. Mas naging madali sa kanila ang paglilibot sa buong lugar dahil natatandaan rin nila ang mga tawag sa bawat lugar rito. Tunay ngang mababait at mabubuti ang puso ng mga taong nakatira rito. Magiging masaya kaming dalawa rito habang buhay. Naisip ng lalaki na tama ang desisyon niya na manirahan sila doon at bumuo ng pamilya sa ganoong uri ng syudad. Ang hangad niya lang naman ay ang purong kasiyahan nilang magkasintahan at ang Rechilor City ang makakapag-bigay ng tunay na kasiyahan sa kanila dahil malayo ito sa lahat ng negatibo sa buhay. Isang buwan ang nakalipas at mas lalong hindi nagsisi ang magkasintahan na tumira sila roon dahil miski ang mga kalapit nilang bahay ay nakapag-bibigay ng saya sa kanila. Sa isang buwan na paninirahan nila ay ang dami nilang nakasalamuha at nakasundo. Ni walang araw na lumipas na nalungkot sila. Hindi rin sila nakaramdam ng pagka-bored dahil araw-araw ay may panibagong pangyayari sa buhay nila ang nagaganap dahil sa mga kapwa nila mamamayan sa syudad na 'yon. Nalibot na rin nila ang buong syudad at kung manghang-mangha na sila sa Daffodil ay mas namangha pa sila at halos hindi na nila alam ang tamang salita na gagamitin para ilarawan ang bawat lugar ng Rechilor City. Napaisip pa sila kung paano ba nagawang buoin 'to ng gobernador dahil para bang isang pantasya lamang ang lugar na ito. Pero mukhang isang pantasya nga lamang kung tutuusin. "Nabalitaan niyo na ba ang nangyari? May naganap daw na kaguluhan sa isang school sa Gladiolus," bigla ay sambit ng isang ina nang magkaroon sila ng boodle fight sa bahay ng magkasintahan. "Anong kaguluhan naman 'yan? Baka naman naglalaro lamang ang mga bata sa eskwelahan," sagot naman ng isa. Umiling naman ang kausap nito. "May namatay raw na isang babaeng estudyante." Bigla ay naibaling ng lahat ang kanilang atensyon sa nagsalita nang ibalita iyon. Iyon ang unang beses na nakarinig sila nang ganoong klase ng balita sa syudad nila. Wala namang nagaganap na miski gulo o pinatay o aksidente sa nagdaang dekada sa lugar nila. Kung may mababalita man na namatay ay dahil sa sakit at hindi dahil sa pinatay ang sarili o pinatay ng ibang tao. "Baka naman sa ibang syudad iyang tinutukoy mo. Sino naman ang maniniwala sa ganiyang klase ng balita, e wala pang gano'n na nagaganap rito sa nagdaang ilang taon. Kasama sa batas natin rito na miski gulo sa mag-asawa o magkaasintahan ay hindi maaaring magka-away o gumawa ng gulo. Isa pa ay dumadaan sa proseso ang mga tao bago manirahan rito kaya imposible na may masamang loob na makapasok rito," sambit naman ng isang lalaki. "Sa anak ko narinig ang balita na 'yon. Akala ko ang ay aksidente ang nangyari ngunit hindi raw sabi ng anak ko. Natagpuang patay ang babae sa likuran ng eskwelahan," pagpupumilit ng isang ina. Bigla ay may pumasok sa gate ng bahay ng magkasintahan. "Naku! Nabalitaan niyo na ba ang pagkamatay ng isang babae sa eskwelahan sa Galdiolus? Anak daw iyon ni Mr. at Mrs. Perez!" sambit kaagad ng bagong pasok. "Hala, totoo ba iyan? Perez? Iyong businessman na nakatira rin rito sa Daffodil?!" gulat na sambit ng isa pa. Lahat na sila ay nagulat sa balitang iyon. Hindi nila inaasahan na totoo pala ang balita na 'yon at kumakalat na ngayon sa buong syudad nila. Mabilis lamang kumalat ang balita lalo na dahil iyon na ang pinaka-unang krimen na naganap sa buong syudad sa nagdaan na ilang dekada. Wala pang nakakaalam ng eksaktong nangyari kaya naman ay hindi nila alam kung ano ang gagawin ng gobyerno ngayong nagkaroon na ng gano'ng pangyayari sa payapa at tahimik na syudad nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD