“Totoo ba ‘yan? Nasaan na sila?” mabilis na tanong ni Hugo nang marinig ang ibinalita sa kaniya. “Pauwi na sila ng Pilipinas ngayon. Bukas daw ay narito na sila. Pade-deretsuhin ko na ba sila sa Rechilor City sa oras na makatapak sila sa Pinas?” tanong ng lalaki sa kabilang linya.
“Oo, ibigay mo na kaagad ang mga direksyon papunta rito sa Rechilor City. Siguraduhin mo lang na mahuhusay talaga ang mga ‘yan.”
“Mahuhusay talaga sila. Ang sabi ng lalaki na naka-usap ko ay sila na mismo ang magbibigay ng mga impormasyon na tungkol sa kanila. Mas maayos din ‘yon para lehitimo ang lahat ng mga impormasyon na matatanggap ninyo dahil sa kanila na galing,” paliwanag pa ng lalaki.
“Sabihin mo ay kailangan na nilang makarating dito sa mas mabilis pa na oras. Kailangan na kailangan na namin sila na makarating dito. Mas lumala na ngayon ang krimen na naranasan ng siyudad namin. Hindi na kaya ng mga tauhan namin ang mga ganitong klase ng kaso. Kaya naman ay kailangan na nilang bilisan,” sambit pa ni Hugo.
“Sige, sasabihan ko na agad sila. Sa pagkaka-alam ko ay pasakay na agad sila ngayon ng eroplano.”
Pinatay na ni Hugo ang tawag ata muling tinignan ang mga litrato ng mga biktima kanina. “Ano pa ang mga napansin niyo sa crime scene?” tanong ni Hugo sa pulis na kausap niya.
“Nagtanong kami sa ilang mga guro na naroon. Magkakaibigan daw halos lahat ng mga namatay na estudyante na ‘yan. Madalas din sila na naglalaro ng basketball sa tuwing wala silang klase. Wala rin silang naririnig na nagkaroon ng alitan ng mga ‘yan at halos lahat ng mga ‘yan ay mababait talaga na estudyante at hindi pasaway. Kaya imposible na mag-aaway ang mga ‘yon,” paliwanag ng pulis.
“Ibig sabihin ay pinatay sila? May ibang pumatay sa kanila, ganoon ba ang gusto mong sabihin sa akin ngayon?” tanong muli ni Hugo.
“Sa ngayon ay hindi pa kami sigurado. Ang pinalabas ay sila-sila mismo ang nagpatayan. Ngunit nakakapagtaka kung paano at saan sila nakakuha ng mga espada na ginamit nila sa pagpatay ng kapwa nila. Wala na rin kaming iba pang nakita na fingerprints bukod sa mga namatay na estudyante na ‘yan. Miski ang naglagay ng karatula sa labas ng pinto ng gymnasium ay isa sa mga namatay.”
“Kailan pa sila natuto na bumuo ng isang gang? Gang war? Hindi naman ‘yon itinuturo sa kanila ng mga guro nila. Paano ang mga CCTV? Huwag mong sabihin sa akin na wala rin kayong nakuha mula roon? Dahil kung talagang gang war nga ang nangyari sa mga bata na ‘to, hindi na nila maiisipan pa na pakialaman ang mga CCTV cameras. Lalo na at lahat pa sila ay namatay. Ni isa ba ay walang natira?” sunod-sunod ang mga tanong ni Hugo sa pulis. Nangangalaiti na rin siya sa galit dahil sa mga naririnig at nakikita niya ngayon.
“Kaya nga sa tingin namin ay pinatay ng kusa ang mga ‘yan. Hindi lang namin maisip kung paano sila pinatay dahil ang lumalabas sa lahat ng resulta ay nagpatayan silang lahat gamit ang mga kamay nila mismo,” sabat bigla ng isang pulis sa usapan nila.
Sandaling napaisip si Hugo, “Hindi kaya ay may nag-utos sa kanila na gawin ‘yon?” tanong niya. “Naisip na rin namin ‘yan. Pero imposible na magpatayan mismo ang mga bata na ‘yan. Kung sakali man na binigyan sila ng mga espada ay maaari na nilang mailaban ‘yon sa kung sino man ang nagbabalak na utusan sila ng masasamang bagay,” sagot muli ng pulis.
“Pero paano kapag marami pala silang mga nag-uutos sa mga estudyante na ‘to? Maaaring may mga sinasabi sila upang mas matakot ang mga estudyante at makumbinsi na sumunod sa kanila,” dagdag pa ni Hugo. Pero sa isip-isip niya ay imposible rin ang nasambit niyang ‘yon.
“Mag-iimbestiga kaming muli. Mas dumami na ngayon ang mga CCTV cameras sa buong siyudad dahil sa utos ni Gobernador. Isa pa ay naghigpit na rin ang lahat para mas mapanatili ang kaligtasan ng lahat.”
Napapa-iling na lang si Hugo dahil sa mga naririnig niya sa mga pulis na ito. Pakiramdam ni Hugo ay wala nang pag-asa sa mga kapulisan na narito ngayon sa kanilang siyudad. Lalo na at ito ang unang beses na nagkaroon sila ng mga malalala na kaso na ganito. Kaya naman ay hindi nila malaman kung ano ba talaga ang dapat nilang gawin. Ang mga detectives mula sa ibang lugar na talaga ang pinakapag-asa nila sa ngayon.
Kung talagang naghihigpit na kayo ay sana wala nang nangyari na ikatlong krimen dito sa Rechilor City. Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin nahuhuli kung sino ang mga gumawa ng krimen noong una at ikalawa. Tapos ngayon ay may ikatlo pa. Mukhang hindi lang dalawa o tatlo ang mga gumagawa ng krimen ngayon sa siyudad. Miski ako ay natatakot, paano pa kaya ang iba naming mga mamamayan?
Nilisan na ni Hugo ang police station. Muli siyang bumalik sa Alchemilla upang ibalita sa gobernador ang lahat ng mga nalaman niya. Nang mabanggit niya at maipakita ang mga litrato ng mga biktima ay mas nag-init ang ulo ng gobernador.
“Mga walang kwenta! Ni hindi man lang nila magawa ng ayos ang mga trabaho nila. Ano ba ang gusto nilang mangyari rito sa siyudad na ito?! Ang mamatay ang lahat ng mga naninirahan dito?!” sigaw pa ng gobernador.
“Bukas ay pupunta na rito ang mga mahuhusay na detectives na nahanap ng mga inutusan ko. Titignan ko muna kung gaano siya kahusay at ipapakita ko sa kanila ang mga ebidensya na nakalap sa una hanggang ikatlong mga krimen na naganap dito,” paliwanag pa ni Hugo.
“Siguraduhin mo lang na may mga kwenta ang mga nakuha mong ‘yan. Kailangan na natin na matugis ang mga kriminal na ‘yon sa lalong madaling panahon. Lalo na at marami na sa ating mga mamamayan ang natatakot ngayon. Hindi ko gusto na matakot sila nang dahil lamang sa mga hinayupak na ‘yon.”
“Masusunod po, Gobernador. Babalitaan ko po kayo. Mas maayos din po na doblehin na ang mga guwardiya ninyo. Nang sa ganoon ay masiguro ang kaligtasan mo. Hindi natin alam kung baka sa susunod ay dito na nila balak gumawa ng isang krimen,” dagdag pa ni Hugo.
“Sige, ipahanda mo ang mga guwardiya ko. Siguraduhin mo na mababantayan nila ako sa anumang oras,” utos ng gobernador.
Kinabukasan ay hinihintay na ni Hugo na dumating ang mga detectives na nahanap ng mga inutusan niya. Nang may makita na siyang mga sasakyan na paparating sa malaking gate ng kanilang siyudad ay agad na siyang tumayo upang salubungin sila. Base sa mga sasakyan nila ay mukhang marami sila na pumunta sa Rechilor City. Ang inaasahan niya ay dalawa o tatlo lamang na mga detectives ang pupunta sa lugar nila. Ngunit tatlong naglalakihang sasakyan ang bumungad sa kaniya. Sa paningin pa niya ay mukhang mga armado ang lahat. Pinagbuksan sila ng pinto at ang nasa pinakahuling sasakyan ay lumabas.
Lumapit ang dalawang lalaki kay Hugo. Sa postura ng mga ito ay mahahalata na agad na mga bigatin at hindi basta-bastang ordinaryong uri ng tao. “Are you Hugo?” tanong ng isang lalaki. “Yes, I am. And you are?” tanong naman ni Hugo pabalik sa lalaki. Iniabot nito ang kaniyang kanang kamay upang makipagkamay kay Hugo.
“I am Rhys Kye Damien and this is my partner in crime, Cage Dallas,” pakilala ng lalaking nakipagkamay kay Hugo na si Rhys. Sumunod na nakipagkamay ay si Cage, “It’s nice to meet you,” bati niya kay Hugo. Tinanguan sila ni Hugo.
“Ako nga pala si Hugo at ako ang nagpahanap sa inyo. Isa ako sa kanang kamay ng gobernador ng siyudad na ito. May alam na ba kayo tungkol sa Rechilor City?” tanong ni Hugo sa kanila.
“Yes. Actually ay matagal na naming alam ang lugar na ito, ever since we were abroad. Nabalitaan namin na ito ang isa sa siyudad na ilang dekada nang hindi nagkakaroon ng gulo o ng kahit na anong krimen. Ano ang nangyari at nagkaroon ngayon?” sagot ni Rhys sa kaniya.
“Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa aming lahat kung sino ang mga gumagawa ng krimen dito ngayon. Kaya nga gusto namin kayo na i-hire at magtrabaho dito hanggang sa mahuli ang mga kriminal na naglalayag sa lugar na ito.”
“Mukhang sinubukan nila ang lugar na ito. Ang mga ganitong klase ng lugar ay mainit sa mata ng mga kriminal. Lalo na at alam siguro nilang hindi pa nagkakaroon ng kahit na anong gulo rito,” sambit naman ni Cage sa usapan nila.
“Iyan din ang naiisip ko. Ang mga kapulisan naman namin dito ay nabibigla rin sa mga nangyayari. Lalo na at ilang dekada na silang nagtatrabaho rito at ngayon lamang nagkaroon ng mga ganoong insidente. Kaya kailangan namin ng tulong ninyo,” paliwanag pa ni Hugo.
“Gagawin namin ang lahat ng makakaya namin upang matulungan kayo. Nagdala na rin kami ng aming mga kasamahan upang matulungan kami sa pagtugis sa mga kriminal. Pakiramdam namin ay hindi sapat ang mga tauhan ninyo upang makatulong sa amin,” sagot muli ni Rhys.
Tinignan muli ni Hugo ang mga armadong lalaki na nasa loob lamang ng sasakyan. Alam na agad niya na bihasa na ang mga kaharap niya ngayon sa pakikipaglaban. Kahit hindi na nila ipakita ang mga nagawa nilang trabaho noon ay naisip na agad ni Hugo na mahuhusay sila.
“Dadalhin ko na kayo ngayon sa Alchemilla upang masabihan ko kayo ng mga impormasyon tungkol dito sa lugar namin. Nang sa gayon ay mas malaman niyo ang mga pasikot-sikot sa lugar na ito,” sambit ni Hugo. Muli silang sumakay sa kani-kanilang mga sasakyan at sinundan na si Hugo papunta sa Alchemilla.
Nagmamasid lang sa buong lugar sina Cage at Rhys. Sa isip-isip nila ay hind na kailangann na sabihan sila tungkol sa mga lugar sa buong siyudad. Habang nasa biyahe sila pabalik sa Pilipinas ay nasaulo na nila ang bawat lugar doon. Ang kailangan na lang nila ay ang makita ang lahat nang ‘yon sa personal.
Nang makarating sila sa Alchemilla ay pumalibot ang mga tauhan nina Rhys at Cage sa buong lugar. Para na rin mas makilala ng mga ito ang mga pasikot-sikot doon. Tanging ang dalawa lang ang sumunod kay Hugo papasok sa loob. Ipinakita ni Hugo ang lahat ng mga impormasyon tungkool sa Rechilor City. Kasunod naman ay ipinakita rin nina Cage at Rhys ang mga kaso na natapos nila at nahuli ang mga kriminal na gumawa ng mga krimen sa iba’t-ibang bansa.
“Interesado kami ngayon dito. Lalo na at maliit na siyudad lang din naman ang Rechilor City. Nasisiguro ko sa inyo na mabilis lang namin silang mahahanap,” sambit ni Cage.
“Sana nga ay matugis niyo na agad sila. Mayroon kami ritong tinatawag na City of Surprise, iyon ang pangalan ng police station namin sa siyudad. Ito nga pala ang mga nangyari na krimen nitong mga nakaraan. Sa ngayon ay nagkaroon na ng tatlong krimen dito. Sana naman ay hindi na masundan pa.”
Ipinakita ni Hugo sa kanila ang lahat ng mga litrato at hindi akalain ng dalawa na ganoon ang mga makikita nila. Napahilot sa sentido si Cage saka nilingon si Rhys matapos masuri ang mga nasa litrato.
“What do you think about these crimes?” tanong ni Cage.
“These were not just crimes. These were signs and threats. For me, it looked like someone wants to own this city. That’s why they are making crimes out here. How about you?”
“Hindi basta-basta ang mga kakalabanin natin ngayon.”