Ariane
Isang buwan na lumipas nung gumraduate kami, puro tambay at chikahan lang ang pinagkakaabalahan namin. Minsan nagkakayayaan kami na magtinda ng halo-halo, minsan naman barbeque pero hindi namin nababawi ang puhunan kasi kami lang rin naman ang kumakain. Wala kasi si Mama sa bahay, bumalik na ito sa kaniyang trabaho pagkatapos ng isang linggong leave niya.
Kung nagtatanong kayo kung saan nagtatrabaho ang nanay ko, sekreto lang baka i-my day niyo pa.
Biro lang, nagtatrabaho si Mama sa isang talent agency na nagha-handle ng mga taong may talent kaya nga talent agency ‘di ba?
Hindi ko na masyadong ipapaliwanag wala naman akong alam sa mga ganun. Bukas na yung first day namin sa trabaho, tumawag na si Lerdine kahapon at ang mga gaga nagmamadaling nagshopping dahil kailangan daw ay presentable kami sa aming first day. Hindi na ako sumama, masusuot at presentable pa naman ang mga damit ko at isa pa wala akong pera pambili, ayaw na ayaw ko rin na magpalibre lalo na kong mahal.
Nasa loob ako ng kwarto ko ngayon. Inihanda ko na ‘yung mga portfolio ko, collection ng mga nakuha kong litrato, tamad ko itong binuklat at agad na tumambad saakin yung litrato ng paglubog ng araw sa paborito kong lugar at napatingin din ako sa isang maliit na picture frame na nakapatong sa mesang katabi ng kama ko, agad akong napatingin sa digital clock ko, 5:30 pm nagmamadali akong nagsuot ng jacket sabay kuha sa camera ko at lumabas sa kwarto ko.
“Balik ka agad ha!” rinig kong sigaw ni Mama nang makalabas ako sa pintuan ng bahay, kakauwi niya lang galing sa trabaho.
“Opo!” sigaw ko naman pabalik sa kaniya. Kinuha ko yung bisikleta kong nakaparada sa gilid at umalis na.
Napapangiti ang mga taong nakakasalubong ko sa kalsada, sanay na silang nakikita ako sa mga ganitong oras.
Minsan nga naririnig ko tinatawag nila akong ‘Ang babaeng lumalabas tuwing dapit hapon’ na akala ko compliment yung para bang magandang babae na lumalabas lang tuwing dapit hapon kasi makinis ang balat nito. Pero alam niyo ginagawa akong panakot sa mga batang naglalaro pa rin sa labas, ginawa pa akong maligno. Siyempre okay lang ‘yun at may silbi ako ‘di ba. Panakot ng sa bata.
Agad kong narating ang City Hall, medyo malapit lang rin naman ito saamin hindi naman aabot ng 5 minutes bago ito marating. Iilang tao nalang ang nandito, sumaludo pa nga saakin ang security guard na halos araw-araw kong nakikita dito. Ipinarada ko ang bisikleta ko sa tabi ng City Hall at naglakad na ako papunta sa lugar na maituturing kong paraiso.
Yung paborito kong lugar ay matatagpuan sa liblib na lugar sa likod ng City Hall dito sa lugar namin, oo kakahuyan siya pero sa dulo nito may bangin pero safe naman kasi nakabakod, pero ang gustong-gusto ko sa lugar na ‘yon ay kitang-kita mo yung ganda ng paglubog ng araw. Hindi ako masyadong naaakit sa pagsikat ng araw kasi hindi ko talaga magawang gumising ng maaga kaya sa paglubog ng araw ako nagagandahan minsan nga ay inaaraw-araw ko ang pagpunta dito.
Minsan na ngang nagtanong si Mama saakin kung may katagpo ba raw akong lalaki dito, tinatawanan ko nalang ang tanong niya.
Kung pwede lang jowain ang palubog na araw, ginawa ko na. Minsan naman nag-aalala si Mama kasi baka maligno daw yung kikitain ko sa lugar na’to, kinausap pa nga niya ang taga City hall na palagyan ng ilaw ang kakahuyan at baka mapano daw ako.
At pinakinggan naman siya nito, hindi ko nga alam kung bakit ako lang ang taong pumupunta dito. Siguro hindi na nagagawa pa ng mga tao na makita ang magagandang gunita dahil sa pagiging busy nito sa kanilang trabaho para lang matustusan ang pangangailangan nila sa araw-araw.
Niyayaya ko nga minsan si Mama dito pero hindi niya naman ako napagbibigyan kasi pagod siya galing trabaho kaya hindi ko na siya pinipilit pa.
*
Tandang-tanda ko pa yung unang araw akong nakapunta sa lugar na ‘yon siyam na taong gulang ako nun. Nagkaroon ng assembly meeting nun dito sa City Hall, hindi ako lumalayo kay Papa kaya sumama ako sa kaniya. Nakakabored lang kung makikinig ako sa meeting ‘diba? At isa pa wala naman akong alam sa mga pag-uusapan nila, kaya kung saan-saan ako nagliliwaliw. Narating ko nga ang office ng mayor dahil pa pagiging liwaliw ko, muntik pa akong pagkamalan na magnanakaw mabuti nalang at nakatakas ako.
Sa tagal ba namang matapos-tapos ng meeting malapit nang mag-gabi, nang marating ko ang kakahuyan ay namangha ako sa taglay nitong agnda at hindi nagtagal nakarating ako sa may bangin kung saan ko unang nasilayan ang kagandahan ng paglubog ng araw.
Patuloy lang ako sa paglalakad na para bang gustong abutin ang mapang-akit na araw at hindi ko napansin na may bangin pala, nabigla ako nang wala ng natapakan ang kanang paa ko muntikan na pala akong mahulog nun kasi wala pang bakod. Mabuti nalang at may humila saakin para hindi ako mahulog, at dahil sa pwersa, bumagsak kami sa lupa.
Napaupo ako sa tiyan niya at nakatitig pa rin sa araw, napatigil nalang ako sa pagtitig nang magsalita siya.
“Enjoy na enjoy mong inuupuan ang tiyan ko babae, umalis ka nga! Ang tanga,” nilingon ko ang isang batang lalaki at napatayo naman ako ng wala sa oras, sa pagtayo ko ‘dun ko lang napagtanto na muntikan na pala akong mahulog sa bangin.
Nagsimulang tumambol ang dibdib ko at nagsilabasan ang mga luha sa mukha ko. Umiiyak kong tiningnan ang batang lalaki, may nakasabit na camera sa leeg niya sinamaan niya pa ako ng tingin at bumulong ng ‘tanga’ mas lalo akong napaiyak dahil sa ibinulong niya. Iyakin talaga ako nung kabataan ko, masyadong mababaw ang luha ko.
Matagal niyang tinitigan ang pangit kong mukha na puno ng luha bago siya bumuntong hininga.
Hinawakan niya yung camera na nakasabit sa leeg niya at kinuhanan niya ng litrato yung maglubog ng araw, napatigil ako sa pag-iyak dahil may biglang may lumabas sa puting papel galing sa camera niya, manghang-mangha ako nun akala ko may magic siya at iniabot niya ito saakin nang hawakan ko na ito ay puti lang ito kaya nagtataka akong napatingin sa kaniya. Iniisip ko nun niloloko ako nung batang lalaki. Gusto ko ulit umiyak, pero napatigil ako nang unti-unting sumilay ang imahe ng palubog na araw kaya napangiti ako habang tinititigan ito.
“Ang ganda,” namamangha kong sabi at masaya siyang tiningnan. Nakakunot ang noo niya nang magtangpo ang tingin namin at nagkibit-balikat siya.
“Ang pangit mo umiyak,” sabi niya tsaka ako tinalikuran, nakatitig lang ako sa papalayo niyang imahe. Hindi man lang ako nakapagpasalamat. Hindi ko rin pala natanong yung pangalan niya.
Nakatitig ulit ako sa papalubog na araw habang hawak-hawak yung litratong ibinigay nung bata nang dumating si Papa. Nag-aalala ang mukha niya nang lingunin ko siya ng tinawag niya ako, ginawaran ko naman siya ng ngiti.
“Papa, gusto ko ng camera, bilhan mo ako ng camera,” sabi ko pa kay Papa pero imbis na sagot ay piningot niya yung tenga ko.
Parang gusto ko na namang umiyak.
“Magtigil ka nga Ariane, ikaw na bata ka naku! Kung saan-saan ka nagpupunta, paano kung nahulog ka sa bangin! Alam mong isusunod ako ng nanay mo sa’yo,” sa mga pagkakataon kapag muntikan akong napapahamak o nasusugatan, ang magaling kong Ina sinasaktan din ang kasama kong si Papa.
*
Nung bata nga ako, habang nasa bahay lang kami ni Papa ginupitan ko ang sarili ko. At pag-uwi ni Mama ginupitan niya rin si Papa katulad nung sakin, kasi hindi daw ako binantayan baka ano pa daw ang inabot ko kakagamit ng gunting.
Nakangiti ako habang naglalakad sa kakahuyan, masaya lang isipin yung mga pagkakataon na may karamay akong Tatay sa mga pinaggagawa ko. Tumingala ako at hinawakan yung camera ko sabay tutok sa mga dahoon ng puno na natanaw ko sa itaas para kuhanan ng litrato. Masaya kong tinignan yung nakuha kong litrato at naglakad na patungo sa may bangin. Tumigil ako sa paglalakad at dinama saglit ang pagbinati ng banayad na hangin saakin, mas lalong lumaki yung ngiti ko nang masilayan ang paglubog ng araw agad ko itong kinuhanan ng litrato.
“Sheyt bakit ba ang ganda-ganda,” bulong ko sa sarili, hinding-hindi ako magsasawang titigan ang papalubog na araw hanggang sa tuluyan itong mawala sa paningin ko.
Hindi ko namalayan na sa malaking pag-ngiti ko kasabay naman nito ang pagtulo ng luha ko.
*
“Papa ang ganda nito, Salamat talaga!” masaya kong sigaw at niyakap si Papa, 18th birthday ko at binigyan ako ni Papa ng camera, hindi ko akalain na bibilhan niya talaga ako kahit na natagalan kasi nung 9 years old ko gustong magpabili sa kaniya pero mabuti nalang at ngayon niya ako binigyan dahil panigurado masisira lang rin kapag nung bata pa ako niya binigyan.
“Hahahaha walang anuman para sa nag-iisang prinsesa, subukan mo dali,” excited na sabi ni Papa matapos na guluhin yung buhok ko. Una kong itinutok sa kaniya ang camera and he makes some funny face habang patuloy ako sa pag-click at panay na pagtawa dahil sa mukha niya.
*
Simula nung araw na yun hindi man araw-araw ay pumupunta ako sa lugar na’to para kumuha ng litrato sa paglubog ng araw, hindi ko naisama sa magandang lugar na’to. Kasi sa pagbigay niya saakin ng regalo sa araw na ’yon, isang trahedya naman ang naging kapalit.
Ngayon mag-isa na naman ako dito habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw, ‘Miss na miss na kita Papa, sana masaya ka kung nasaan ka man ngayon’ bulong ko sa sarili ko sabay hikbi.
“Tangena ang ganda-ganda, pero umiiyak ako jusko,” natatawa kong sabi sabay pahid sa luha ko na walang tigil sa pag-agos.
Bigla akong natigilan nang may nag-abot ng panyo, pisti may multo dito?!
“Iyakin ka pa rin? Tss diba sabi ko sa’yo ang pangit mo umiyak?”
Nanlaki ang mata ko at agad na tinignan ang mukha ng nagsalita, gaya ng dati ay may nakasabit na camera sa leeg niya habang titig na titig yung mga mata niya sa paglubog ng araw. Nakatitig lang ako sa kaniya, golden hour ngayon kaya maganda ang lightings walang anu ano’y hinawakan ko ang camera ko at itinutok sa mukha niya at kinuhanan siya ng litrato, ang gwapo niya sa anggulong ‘to, may repleksiyon ang araw sa mala-kape niyang mata. Mahihiya ka kapag napansin mo ang mahaba at maarko nitong pilik mata. Agad siyang napalingon saakin at tinitigan ako tsaka tinaasan ng kilay. Parang pamilyar saakin ang pag-arko ng makapal niyang kilay kaya mas tinitigan ko siya at may pinipilit na inaalala.
Kumunot ang noo ko at umiwas ng tingin nang matandaan ko na.
Siya nga ‘yung batang lalaki dati!
“Imbis na tanggapin mo panyo ay kinunan mo ako ng litrato? Weird ka talaga always,” sabi niya kaya napatingin ako sa panyong inilahad niya agad ko itong kinuha at ipinahid sa mata ko, napatigil ako nang muli akong napatitig sa paglubog ng araw wala sa sarili akong napangiti at muli itong kinunan ng litrato.
Click.
Click.
Napatingin ako sa lalaking nasa tabi ko nang dalawang magkasabay na ‘click’ ng camera ang narinig ko at nataranta naman ako nang Makita ang nakatutok yung lente ng camera niya saakin, k-kinunan niya ako ng litrato?! Bigla akong na conscious sa mukha ko. Paano kung may namumuong muta pala sa mata ko at nakunan pa ito sa litrato?!
Napakamot nalang ako sa kilay ko, may dandruff na rin ata ‘to!
Dapat siguro gamitan ng head & eyebrows na shampoo.
“Quits na tayo,” nakangisi niyang sabi saakin, “halos labin-dalawang taon na ang nakalipas nung nagkita tayo dito, ngayong araw pa na kababalik ko lang galing Canada,” pagpapatuloy niya, ako ba kausap niya? Bakit parang close na close kami eh ikalawang beses pa lang kami nagkita ng lalaking ‘to, ni hindi ko nga alam pangalan nito.
“W-welcome back?” tanging naisagot ko mahinang tawa niya naman ang naging tugon niya kaya napairap naman ako.
Hindi ko lang talaga ugali na maging feeling close sa mga taong kakakilala ko pa lang.
Dimidilim na at baka mandilim rin ang paningin ko lalaking ‘to na bigla-bigla nalang sumusulpot, kaya nagpaalam na ako sa kaniya bilang respeto.
“Mauna na ako.” At naglakad na pabalik hindi pa man ako nakakalayo ay bigla siyang nagsalita kaya napatigil ako sa paglalakad.
“See you tomorrow, Ariane.”