3rd Chapter

3343 Words
NAIINIS na si Bee dahil sa walang humpay na pagtawa ni Jolly matapos niyang ikuwento rito ang ginawa niyang pagkakalat sa McDo kasama si Radcliffe. Tumira si Bee sa bahay na pinamana kay Jolly ng mga magulang nito pagka-graduate nila ng college. Simula kasi nang sundin niya ang gusto niyang gawin – ang maging reporter – ay naging malayo na ang loob sa kanya ng daddy niya, kaya minabuti niyang bumukod na lang. Doktor kasi ang mga magulang niya, at nag-aaral ng medicine ang kuya niya. Sa madaling salita, sa pamilya ng mga doktor, siya lang ang naligaw ng landas. Ang mommy niya ang full-support sa kanya. Ang ina niya ang nagbabayad ng apartment at tuition fee niya noong college siya, sa kabila ng pagtutol ng ama niya dahil ang gusto ng daddy niya ay mapilitan siyang isuko ang pangarap niya. Pero Mama's girl siya kaya hindi siya natiis ng kanyang mommy. Pero sa ngayon naman ay lumalambot na ang daddy niya. Sa katunayan nga ay madalas na itong tumawag sa kanya para mangamusta. Binato ni Bee ng unan si Jolly. "Ano ba? Hindi ka ba titigil kakatawa?" "Sorry, best friend," sabi ni Jolly nang humupa na ang pagtawa. "Nakakatawa naman kasi talaga 'yong nangyari. Buti hindi kayo sinipa palabas ng mga service crew ng McDo." "Tse!" "Pero Bee, hindi ba natupad na 'yong sign mo? May nag-aya na sa'yo sa Jollibee! Ayiiie, soulmate niya pala ang mortal enemy niya," panunukso ni Jolly sa kanya. Dapat talaga hindi na niya ikinuwento sa kaibigan kung bakit sa McDo sila napadpad ni Radcliffe. "Hindi naman natupad kasi nga sa McDo kami kumain, 'di ba?" umiirap na sabi ni Bee. "Ang daya nito," reklamo naman ni Jolly. Inirapan lang ni Bee si Jolly, saka hinarap ang laptop niya. Gusto na niyang ibaon sa limot ang ginawa niyang sign. Hindi puwedeng si Radcliffe ang soulmate niya! In-update na lang niya ang blog niya na may pangalang "Radcliffe's Nightmare". Ang mga follower niya sa blog na iyon ay tulad niyang hater o basher ni Radcliffe. Lahat sila sa maliit na mundong iyon ay Ryford's Girls at si Radcliffe ang sinisisi nila kung bakit nawala sa Rai's si Ryford. Mahirap aminin, pero bumaba talaga ang performance level ni Ryford ilang buwan bago naalis sa banda ang binata. Madalas ay hindi na sumasama sa mga mall tour ng Rai's si Ryford, at kapag nasa stage naman, tila ba wala ito sa sarili. Hindi maipaliwanag ni Bee, pero kapag nasa stage si Ryford ay tila ba... bangag ito. Bangag sa droga, gaya ng nababalita noon na itinanggi ni Ryford, at buong puso niyang pinaniwalaan. Naniniwala siya na problemado lang si Ryford kaya naapektuhan ang performance nito, pero hindi ito magdo-droga kahit kailan. Ang ikinasasama ni Bee ng loob ay ang tila kawalan ng suporta ng Rai's kay Ryford. Himbis na tulungan ang kabanda ay tinanggal si Ryford at pinalitan pa. "Puwede bang burahin mo na ang website na 'yan?" tila naiinis na pakiusap ni Jolly nang silipin nito kung ano ang pinagkakaabalahan niya sa kanyang laptop. "Ang childish-childish niyan, Bee. Bakit niyo naman iniisip na si Radcliffe ang dahilan kung bakit naalis sa banda si Ryford? Paano kung totoong nagbakasyon lang 'yong tao?" "Imposible," kontra ni Bee. "Kilala ko si Ryford. High school pa lang tayo, dream na niya ang magtayo ng sarili niyang rock band. Siya ang nagtatag ng Rai's. Siya ang nagko-compose ng kanta para sa banda. He is the band's foundation. Hindi siya aalis ng walang dahilan." "Saan naman napasok sa eksena si Radcliffe?" Pinihit niya paharap kay Jolly ang kanyang swivel chair. "This is what I think, Jolly. Gusto ng management ng Rai's na ipasok si Radcliffe sa banda. Aaminin ko, sige. Matunog ang pangalan ni Radcliffe simula nang mag-guest siya sa isang video ng Rai's sa YouTube dahil well, guwapo naman siya at magaling kumanta. Pero siguro, hindi pumayag si Ryford na isali sa banda si Radcliffe dahil para sa McDonough Brothers lang ang Rai's. Pinapili niya siguro ang management ng Rai's kung siya o si Radcliffe ang mananatili sa banda." "At mas pinili ng management si Radcliffe kaysa kay Ryford na front man ng banda?" Naiinis si Bee dahil hindi niya nakukumbinsi si Jolly at nauubusan na rin siya ng dahilan. "Kasi mukhang pera ang management ng Rai's! Takot silang malugi. Iniisip nilang nalalaos na si Ryford dahil sa mga tsismis, kaya naisipan nilang pagandahin uli ang image ng Rai's sa pamamagitan ng pagpapaalis kay Ryford. Saka naman nila pinagpilitan sa Rai's si Radcliffe." Ipinaikot ni Jolly ang mga mata. "But clearly, Rykard and Rydell don't feel that way." "Si Ryford ang leader ng Rai's at hindi si Rykard o Rydell," giit ni Bee. "Ewan, ang labo mo, best friend," naiiling na sabi ni Jolly. "Tanggapin mo na lang kasi si Radcliffe sa Rai's. Mabait naman 'yong tao, saka magaling pang kumanta at mag-gitara." Inirapan ni Bee si Jolly bago siya pumihit paharap muli sa kanyang laptop. Pero wala siyang maisulat na bagong paninira kay Radcliffe sa kanyang blog. Noon ay madali lang para sa kanya ang umisip ng kapintasan ni Radcliffe, pero dahil sa mga nangyari ng araw na 'yon, hindi na niya magawa. Napabuntong-hininga si Bee. Pointless nga ba itong ginagawa ko? Narinig niyang naghikab si Jolly. "Best friend, matutulog na ko, ha? Good night." Itinaas lang niya ang kamay niya. "Good night." Nang makaalis si Jolly ay na-bore na rin si Bee sa pakikipag-usap sa forum na walang ibang ginawa kundi laiitin si Radcliffe. Ewan ba niya pero hindi na niya magawang sumang-ayon sa mga follower niya. Ipinagpalagay na lang niyang wala lang siya sa mood. Magla-log out na sana siya nang tumunog ang messenger niya sa Yahoo. Kumunot pa ang noo niya nang makita na naka-receive siya ng message mula kay Radcliffe McDonald, at ang subject pa ng mensahe ay: 'My schedule, baby'. Nag-init ang mga pisngi ni Bee. "Kung maka-baby naman 'to!" Maagang natapos ang lunch nila ni Radcliffe kanina dahil pinagtitinginan na ito ng ilang customer sa McDonald's at bago pa makilala at pagkaguluhan ang binata, umalis na sila. Hinatid siya ni Radcliffe sa opisina niya at bago sila maghiwalay ng landas, hiningi nito ang cell phone number niya. Pero ang email address niya ang binigay niya. Ang sabi niya ay ibibigay lang niya ang phone number niya kung ibibigay nito ang schedule nito, para malaman niya kung kailan niya ito puwedeng ma-interview. Binuksan niya ang email ni Radcliffe. Baby, I will give you my schedule if you talk to me via Skype tonight. -Radcliffe McDonald Impit na tumili si Bee. Ang kapal talaga ng Radcliffe na 'yon para ilagay pa ang Skype address nito. Mautak din pala ang unggoy! Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit nag-log in naman siya sa Skype, in-add si Radcliffe at tinawagan ang mokong. Sinagot naman ni Radcliffe ang tawag, at nag-webcam pa ang unggoy. Pero nang makita ni Bee ang itsura ni Radcliffe, nawala agad ang inis niya. He looked cute and funny. Nakatali ang bangs nito at naka-ipit pa ng clip na may monkey design. Naka-pajama din ito at may yakap na gitara. Sa background na nakikita niya, nasa kuwarto ang binata. Bahagyang kumunot ang noo ni Radcliffe. "Bee, open your webcam. I want to see you." "Manigas ka, unggoy ka! Ang sabi mo isesend mo sa email ko ang schedule mo. Ang lakas ng loob mong utusan akong tawagan ka dito sa Skype." There goes his boyish grin again. "That's what you call compromising, baby." "Stop calling me 'baby'!" Nagpaawa si Radcliffe ng mukha. "Open your webcam, Bee. Pretty, pretty please?" Naiinis si Bee dahil nakyu-cute-an siya kay Radcliffe. Kapag kaharap na niya ang binata, nakakalimutan niya ang dahilan kung bakit naiinis siya rito. "Huwag ka ngang magpa-cute. Sabihin mo na sa'kin ang schedule mo nang matapos na ang usapan na 'to." Eksaheradong sumimangot si Radcliffe. "Is it because of my surname?" Kumunot ang noo ni Bee. "Huh?" "Fangirl ka ng Jollibee. McDonald naman ang apelyido ko. Iyon ang dahilan kung bakit galit ka sa'kin, 'no?" Alam ni Bee na nagbibiro lang si Radcliffe, pero hindi pa rin niya mapigilang matawa. Pero nang marinig ang sariling pagtawa ay mabilis siyang tumikhim. Pero huli na ang lahat. Narinig na iyon ng binata. He was grinning from ear-to-ear now. "I made you laugh, baby," tila proud na sabi ni Radcliffe. "Kahit hindi kita makita ngayong gabi, makakatulog na ko." Tinakpan ni Bee ng mga kamay ang mukha dahil siya ang nahihiya sa pinagsasasabi ni Radcliffe. "Stop it, Radcliffe! Can you just send me your schedule, please?" Natawa si Radcliffe. "Okay, okay. I just wanna talk to you before I go to sleep. I will send you my sched. I-email mo na lang din sa'kin kung kailan magkatugma ang schedule natin." Kumalma na si Bee ngayong seryoso na si Radcliffe. "Okay, gano'n na nga lang." Ngumiti si Radcliffe. "Good night, baby." Tumikhim si Bee. "Good night. And for the nth time, stop calling me 'baby'!" Radclife just laughed, and blew her a kiss before he ended the call. Nakakapagtakang nakangiti si Bee hanggang sa pagtulog. *** NAGPASAMA si Bee kay Jolly na pumunta sa townhouse na tinutuluyan nina Rykard, Rydell at Radcliffe dahil ang best friend niya ang may kotse. Isa pa, gustung-gusto talaga nito na sumama dahil kay Rydell. Pero sa kasamaang palad, ang parating grumpy na si Rykard pa ang nagbukas ng pinto sa kanila. Halatang kagigising lang nito dahil naka-T-shirt lang ito, shorts at magulo pa ang buhok. "You're getting fatter everytime I see you, batchoy," sabi ni Rykard, deretso lang kay Jolly ang tingin. Ngumiti lang si Jolly, saka walang kagatol-gatol na sinuklay ang buhok ni Rykard gamit ang mga daliri nito. "Good morning, too, Rykard." Akala ni Bee ay magagalit si Rykard, pero nanatili lang itong nakatayo at nakatitig kay Jolly habang sinusuklay ni Jolly ang buhok ng binata. Nilagpasan na lang ni Bee sina Rykard at Jolly. Noon pa man ay nawi-weirdohan na siya sa relasyon ng dalawa. No'ng una, naiinis siya kay Rykard dahil parati nitong binu-bully si Jolly dahil sa pagiging chubby ng kaibigan niya. Pero dahil likas na mabait si Jolly, parati lang nakangiti ang best friend niya. Hinayaan na lang niya dahil napapansin niyang parati namang si Rykard ang napipikon kapag hindi pinapatulan ni Jolly ang pang-aasar ng binata. "Good morning, Bee," nakangiting bati ni Rydell sa kanya na pababa ng hagdan. Kumpara kay Rykard na halatang kagigising lang, fresh nang tingnan ang binata sa casual clothes nito. "Good morning, Rydell," ganting-bati ni Bee dito. "Napaaga ba kami?" Umiling si Rydell. "You're just in time. Nando'n si Radcliffe sa studio. Samahan na kita?" Nilingon ni Bee si Jolly. Nakita niyang hawak-hawak ni Jolly si Rykard sa pupulsuhan habang hinihila ang binata papuntang kusina. Binalingan niya si Rydell. "Sige." Sinundan niya si Rydell hanggang sa ikatlong palapag ng townhouse. The whole floor was a recording studio, and the room was sound proof. Hindi iyon ang unang pagkakataon na nakapunta siya ro'n. Nang minsang in-interview niya ang buong Rai's para sa article niya sa Baby Pink ay pinasyal siya ng banda ro'n. Isang malakas na katok sa salaming bintana na naghihiwalay sa kuwarto at sa recording booth ang pumutol sa pagmumuni-muni ni Bee. Nakita niya si Radcliffe na may nakasabit sa leeg na malalaking headphone. Radcliffe blew her a kiss and mouthed the words, "Hi, baby!" "Baby-hin mo mukha mo," pabulong na angil ni Bee. Natawa ng mahina si Rydell. "Sweet." Nag-init ang mga pisngi ni Bee dahil sa panunukso ni Rydell. Sasagot pa sana siya pero lumabas na ng recording booth si Radcliffe at nakangiting lumapit sa kanya. "Baby, I'm happy to see you again," masayang sabi ni Radcliffe "I'm not," naiinis na sagot naman ni Bee. "Saka 'di ba sabi ko naman sa'yo, huwag mo kong tatawaging 'baby'?" Naging pilyo ang ngiti ni Radcliffe. "Sinasanay lang kita sa magiging endearment natin kapag exclusively dating na tayo." Nanlaki ang mga mata ni Bee. "Hindi ako makikipag-date sa'yo!" "Who's dating whom?" Sabay-sabay na napalingon sina Bee, Rydell at Radcliffe kina Rykard at Jolly. May hawak nang tasa ng kape si Rykard kaya malamang ay ipinagtimpla ito ni Jolly kanina. "Huy, sinong nagde-date?" pangungulit ni Rykard nang natahimik ang lahat. Napasinghap naman si Jolly. "OMG, best friend! Sinagot mo na si Radcliffe?" Pinanlakihan ni Bee ng mga mata si Jolly, pero huli na ang lahat dahil narinig na ni Radcliffe ang sinabi ng magaling niyang kaibigan. "Talaga, best friend?" ngiting-ngiting tanong ni Radcliffe kay Jolly. Aagawan pa yata siya ng best friend ng mokong. "Naikukuwento ako ni Baby Bee sa'yo?" Bumungisngis si Jolly. "Oo naman, best friend. Boto na nga ako sa'yo, eh!" At ipinagpalit naman si Bee ng sarili niyang best friend! Sa sobrang bilis ng mga nangyayari ay natulala na lang siya habang nanonood sa kaguluhan. Akmang yayakapin ni Radcliffe si Jolly pero hinila ito ni Rydell sa kuwelyo, samantalang humarang naman si Rykard sa harap ni Jolly. Ang haba talaga ng hair ng best friend niya. Dala-dalawang miyembro ng Rai's ang bumabakod dito! "May Bee ka na, i-score ka pa kay Jolly. Abuso na 'yan, pare," pabirong kondena ni Rydell kay Radcliffe. "So, nagde-date talaga kayo nitong si Bee?" nakataas ang kilay na tanong naman ni Rykard. Itatanggi sana iyon ni Bee pero naunahan siyang sumagot ni Radcliffe. "I'm already working on it, guys, kaya huwag niyong usugin," nakangiti at confident na sagot ni Radcliffe. In-armlock ni Rydell sa leeg si Radcliffe, saka ginulo ang buhok ng huli. "That's my boy! Ang bilis kumilos!" "I don't care if you date Bee as long as you don't give her private information about Rai's. Baka i-scoop tayo niyan," halatang nagbibirong banta ni Rykard, saka pabirong sinikmuraan si Radcliffe na tatawa-tawa lang habang ginugulo pa rin ni Rydell ang buhok. Lalong lumakas ang tawa ni Radcliffe. "Hey, guys, enough!" Sa buhay na buhay na tawa ni Radcliffe, gusto na sanang mahawa ni Bee. Pero sa halip na kasiyahan ay gumuhit ang sakit sa puso niya habang pinapanood ang paghaharutan nina Radcliffe, Rykard at Rydell. Biglang bumalik sa kanyang ala-ala ang panahong sina Rykard, Rydell at Ryford ang naghaharutan. The McDonough Brothers were the most loving and the closest brothers she had known in her life. Habang nakatingin si Bee kay Radcliffe, hindi niya maiwasang isipin na dapat si Ryford ang nasa puwesto ni Radcliffe. Si Ryford ang dapat na kaharutan nina Rykard at Rydell. Pero habang nandito si Radcliffe, masayang-masaya, hindi naman niya alam kung nasaan si Ryford. At mukhang siya lang ang may pakialam. Mukha kasing masaya na sina Rykard at Rydell kahit wala si Ryford. Nag-iwas ng tingin si Bee. Pero dumako ang tingin niya sa sulok ng studio kung saan naka-"tambay" lang noon parati ang paboritong gitara ni Ryford – ang gitara na ginagamit na nito nasa high school pa lang sila. Wala na ang lumang gitara do'n, katulad nang kung paanong tila wala na sa buhay ng McDonough Brothers at Rai's si Ryford. Dahil napalitan na ni Radcliffe si Ryford. Bumangon ang galit at lungkot sa dibdib ni Bee. Hindi niya napigilan ang sarili sa sunod niyang mga sinabi. "Radcliffe." "Yes, baby?" maagap na sagot naman ni Radcliffe. Ngumiti ng mapait si Bee. "First question. Do you think you really belong to Rai's when in the first place, the first syllable of your name doesn't even begin with 'Ry'?" Halatang nagulat si Radcliffe sa tanong niya. Maging sina Rykard, Rydell at Jolly ay halatang nagulat. Pero hindi na mapigilan ni Bee ang pagbugso ng damdamin niya. "Second question. Do you think you're good enough to replace Ryford?" naghihinanakit na tanong ni Bee kay Radcliffe na nanatili lang na tahimik. Pero hindi nakaligtas kay Bee ang sakit na dumaan sa mga mata ni Radcliffe. *** NAIRAOS naman ni Bee ang one-on-one interview nila ni Radcliffe, pero naging napaka-awkward niyon para sa kanya. Binabasa lang niya ang mga tanong na ibinigay ni Puma, dahil ayaw gumana ng utak niya para sa matitinong follow-up questions. Mukha namang hindi apektado si Radcliffe. Makukulit at kuwela pa rin ang mga sagot ng binata. At ni minsan, hindi ito nagpakita ng kagaspangan sa kanya sa kabila ng pagiging bastos niya rito kanina. "I'll drive you home, Bee," alok agad ni Radcliffe nang matapos ang interview nila. Nagulat si Bee. Mukha namang genuine si Radcliffe sa alok nito, kaya nakonsensiya siya lalo. "You don't have to..." Ngumiti si Radcliffe. "I insist. Umalis na si Jolly kanina para magtrabaho, kaya wala nang maghahatid sa'yo pauwi." Sumunod na lang si Bee nang akayin siya ni Radcliffe. Sinabi niya rito ang address ng bahay ni Jolly nang makasakay sila sa kotse. Hinayaan na lang niya ang binata na ihatid siya hanggang sa bahay, pero naging napakatahimik naman ng biyahe. Sa tuwing magtatama ang mga mata nila ni Radcliffe sa rearview mirror, ngumingiti ito, pero pansin niyang malungkot iyon. "Nice house," komento ni Radcliffe nang nasa tapat na sila ng bahay ni Jolly. Pilit na ngumiti si Bee, kahit hindi niya gaanong naintindihan ang sinabi ni Radcliffe. Kuyom niya ang mga kamay sa kandungan niya habang iniisip kung paano hihingi ng tawad sa inasta niya kanina. "Bee, uh, we're here." Binalingan niya si Radcliffe. "P-pinapaalis mo na ba ko?" "No, no! Of course not!" mabilis na tanggi naman ni Radcliffe, saka napakamot ng batok. "Ahm, do you wanna talk about something?" Hindi naman masamang tao si Bee, pero emosyonal talaga siya pagdating sa mga taong mahalaga sa kanya na handa niyang ipaglaban. Pero may limitasyon din naman 'yon at na-realize niya ngayon ang naging pagkakamali niya. Napahikbi siya. "I'm sorry, Radcliffe. Hindi ko sinasadyang maging rude kanina." "Hey, hey. Don't cry, Bee..." masuyong sabi ni Radcliffe, saka marahang pinunasan ang kanyang luha gamit ang daliri nito. Then, he smiled gently at her. "I forgive you, okay?" Lalo siyang napahagulgol. "Bakit... bakit ang bait mo sa'kin? Hindi ba dapat galit ka sa'kin kasi ang unfair ko sa'yo? Kasi ikaw ang sinisisi ko kung bakit nawala si Ryford sa Rai's? Hindi kita matanggap na kapalit niya, Radcliffe. Kasi natatakot ako na maagaw mo kay Ryford ang banda at mga kapatid niya. Paano na lang kapag bumalik na siya? Frustrated rin ako kasi hindi ko alam kung ano'ng nangyari kay Ryford, that's why I'm taking it out on you..." Matagal bago sumagot si Radcliffe. "You're a Ryford's Girl." Marahang tumango si Bee. "Since high school. Nakita ko kung paano siya nagsimula sa wala. Kung paano siya nagsikap mabuo ang Rai's. Humanga ako ng sobra sa kanya..." Bumuntong-hininga si Radcliffe, saka ngumiti ng malungkot. "At least, now I know why you are antagonistic towards me. Iniisip mong inaagaw ko ang puwesto ni Ryford." Lalo lang lumakas ang hagulgol ni Bee. "But I'm not taking Ryford's place. I never wanna be him. I am my own person, Bee. Pumayag akong maging miyembro ng Rai's dahil mahal ko ang banda, at dahil kailangan nila ko para hindi sila mabuwag. Para sa pagbabalik ni Ryford, may Rai's pa rin na sasalubong sa kanya. That's the reason why I'm in the band now," malumanay na paliwanag ni Radcliffe na tila ba iniingatan ang damdamin niya. Nahimasmasan si Bee. "Iyon ang dahilan kung bakit bumalik ka ng Pilipinas? Para hindi mabuwag ang Rai's sa pag-alis ni Ryford?" Bumuntong-hininga si Radcliffe, saka kinulong ang mukha niya sa mga kamay nito. "You really like Ryford, huh?" Tumango si Bee. "He is my hero..." Bumuntong-hininga si Radcliffe. "I wish I could tell you the reason why Ryford had to leave the band, but I can't. But I assure you, no one's taking his place, Bee. Huwag mo nang alalahanin 'yon, okay?" Katulad noon, parang bata na naman na nakinig si Bee kay Radcliffe. Tumango siya. "Okay." Hinalikan siya ni Radcliffe sa noo. "Now, go inside and rest," he said, his mouth still pressed against her forehead. "Good night, Bee." Sa loob ng nakalipas na anim na buwan, ngayon lang nakaramdam ng kapayapaan si Bee. Hindi mawawalan ng pamilya at banda si Ryford sa pagbabalik nito. Iyon ang mahalaga sa kanya ngayon. Hindi kaaway si Radcliffe.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD