Prologue
Sienna's POV
Kakagraduate ko lang sa kursong Business Management dito sa Australia. Dalawampung taon na kaming nakatira rito mula nang iwan kami ni Mommy at ipinagpalit sa ibang lalaki.
Hanggang ngayon ay kasal pa rin sila ni Daddy. Legal wife pa rin si Mommy kahit nasa piling na ng ibang lalaki. Wala na rin kaming balita tungkol sa kaniya.
“Sien?”
Lumingon ako sa gawi ni Daddy habang abala siya sa pag-iimpake ng mga gamit. We're going back to the Philippines.
“Yes, Dad?” tugon ko.
Bahagya siyang tumingala sa akin. “Talaga bang gusto mo nang umuwi ng Pilipinas? What if magkita ulit kayo ng Mommy mo do’n?” Batay sa boses ni Daddy, alam kong napipilitan lamang siyang sumama sa akin pauwi dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nagagawang kalimutan si Mommy.
Si Mommy was still the one in his heart. Wala nang iba pa. Never siyang nagkagusto sa ibang babae, kahit pa may mga nagbigay ng motibo, ngunit binalewala niya lahat iyon.
“Oo naman, Dad. Kung hindi mo pa kayang umuwi ng Pilipinas, I suggest na dito ka na lang muna. Alam ko namang hindi ka pa handa na harapin si Mommy at ang lalaki niya.”
He deeply sighed. “No, no, anak. Hindi kita hahayaan na umuwi mag-isa. Kung sakaling magkita kami muli ng Mommy mo at masaya siya sa piling ni Lucas, hindi ko sila guguluhin. Ako mismo ang magtuturo sa puso ko na kalimutan siya.”
Ako ang nasasaktan para kay Daddy dahil hanggang ngayon ay umaasa pa rin siya na balang araw ay babalik si Mommy. He really loves her kahit sinaktan at niloko siya nito. Kung puwede ko lang akuin ang sakit na nararamdaman ni Daddy, matagal ko na sanang ginawa.
“Basta ako, Dad, I will never forgive her. Kahit pa lumuwa siya ng dugo sa harap ko, hinding-hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niya sa atin. Uuwi ako ng Pilipinas hindi para sa kaniya kundi para sa ating dalawa. Ipapakita ko sa kaniya na she’s not part of our family anymore. Para sa akin, patay na ang Mommy ko.” May diin kong wika.
“Alam ko, anak, pero she’s still your mom. Kahit pa baligtarin ang mundo, siya pa rin ang nagluwal sa’yo, siya pa rin ang nagbigay-buhay sa’yo. Naiintindihan kita na hindi mo pa kayang patawarin si Mommy, pero umaasa ako na balang araw ay mapatawad mo si Mommy Ara.”
Mas lalo akong naging emosyonal kaya niyakap ko nang mahigpit si Daddy.
“I love you, Dad. I am always your baby Siensien. I will never leave you alone like Mom did to us,” bulong ko.
Narinig ko siyang umiiyak. “Dad loves you so much, Siensien. Ang nag-iisang prinsesa sa buhay ko. My forever Siensien!”
Kumalas na rin ako sa yakap dahil kung magdra-drama pa kami, baka hindi na namin maabutan ang flight pabalik ng Pilipinas.
“Stop the drama na, Dad. Tulungan na kitang mag-impake. Don’t worry, we will visit our business here. At saka nandiyan naman si Tito Ivan. Hindi niya pababayaan ang kumpanya natin dito. I trust him,” sabi ko pa.
Ilang oras pa, sinundo na kami ni Tito Ivan. Siya mismo ang naghatid sa amin ni Daddy sa airport. Binilisan pa niya ang pagmamaneho para maabutan namin ang flight.
“Ikaw na ang bahala sa kumpanya ko dito, bro ha? Don’t worry, bibisitahin ka naman twice a month,” sambit ni Daddy.
“Of course, I will. Pinaghirapan mong ipatayo ang kumpanyang ito kaya iingatan at aalagaan ko ito like you did. Hindi ko pababayaan ito.”
Lihim akong napangiti. Bunsong kapatid ni Daddy si Tito Ivan. Sumama siya sa amin dito sa Australia. Trenta na siya samantalang ako’y magdadalawampu’t lima pa lang ngayong August—tatlong buwan na lang.
Isang nurse ang girlfriend ni Tito Ivan, isa ring Pilipino gaya namin. Hindi ko namalayang tanaw ko na pala ang airport.
Tinulungan kami ni Tito Ivan sa mga maleta. Nagpaalam at nagpasalamat kami ni Daddy bago pumasok sa eroplano. Nasa bintana ako dahil gusto kong pagmasdan ang Brisbane habang paalis kami.
Jetstar Airlines ang sinakyan namin. Kinuha ko sa bag ang aking diary—dala ko ito saan man ako magpunta. Lagi itong nasa bag ko.
Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako bitbit ang diary. Kinuha ito ni Daddy at ibinalik sa bag, saka pinahiga ako sa balikat niya.
Nagising ako nang marinig ang anunsyo ng flight stewardess na malapit na kami sa destinasyon—ang Pilipinas. Kinusot ko ang mga mata at pinunasan ang laway.
“Sorry, Dad, nakatulog ako.” Nag-peace sign pa ako ngunit umiiling lang siya habang nakangiti.
“Nasanay na ako sa’yo, anak. Palagi ka namang tulog sa biyahe kahit noong bata ka pa,” sagot niya.
Dumungaw ako sa bintana at natatanaw ko ang lupang sinilangan. I missed this place. Hindi ko inexpect na makakabalik pa ako rito. Akala ko sa Brisbane na ako tatanda, pero hindi pala.
Siensien is back!
Nang lumapag ang eroplano, kanya-kanyang bumaba ang mga pasahero. Isa na kami ni Daddy roon. Hindi pa man kami tuluyang nakababa, dama ko na ang malamig na simoy ng hangin na sumalubong sa akin.
Agad kaming nag-book ng taxi patungo sa Taguig. Medyo malayo kasi iyon mula rito.
“Tulungan ko na kayo, Ma’am/Sir!” ani pa ng taxi driver.
Siya na mismo ang naglagay ng mga maleta namin sa likod ng taxi. Nakasecure ang mga gamit naming dalawa ni Dad kaya’t hindi basta-basta mabubuksan ng sinuman maliban sa amin.
“Thank you!” pasalamat ko sa driver.
Pinagbuksan ako ni Dad ng pinto papasok sa passenger seat, samantalang siya naman ay pumwesto sa tabi ng driver.
Upang hindi ako antukin sa biyahe, inaliw ko ang sarili ko sa paglalaro ng Minecraft. Ito talaga ang madalas kong nilalaro kapag nabobored ako sa bahay o kaya sa biyahe. Pinilit kong manatiling gising para masilayan kung gaano kaganda ang bawat lugar na nadadaanan namin.
Napahinto kami saglit dahil sa matinding traffic kaya’t tumigil din ako sa ginagawa ko. Ibinalik ko na lang ang phone sa loob ng bag at dumungaw sa bintana.
Laking gulat ko nang biglang may sumulpot na batang babae sa gilid. May kalong-kalong siyang sanggol marahil kapatid niya. Nakakaawa ang kalagayan nila.
“Ate, palimos po pambili ng gatas ng kapatid ko!” pagmamakaawa ng bata, habang mahigpit na yakap ang sanggol sa kaniyang bisig.
“Shoo! Umalis kayo diyan! Huwag niyong takutin ang pasahero ko!” sigaw ng taxi driver sa batang babae.
“Please, Ate, pambili lang po ng gatas ng kapatid ko!” muling pagmamakaawa ng bata, luhaan ang mga mata.
“Wag niyong bigyan, Ma’am/Sir. Ang mga batang iyan ay ginagamit ng mga sindikato,” dagdag pa ng driver, nakatingin sa amin ni Daddy.
May natira pa akong burger na nabili ko sa labas ng airport kanina, at kaunti lang ang nabawas sa tubig na dala ko. Dinampot ko ito mula sa bag at iniabot sa batang babae. Bakas sa kaniyang mga mata ang tuwa.
Mukhang hindi pa siya kumakain, pati na rin ang sanggol na karga niya. Dumukot ako ng pera sa bag at iniabot sa bata.
“Maraming salamat po, Ate Ganda. Sa wakas, makakainom na rin ng gatas ang kapatid ko!” halos naiiyak na pasasalamat niya.
Bago siya umalis, inabutan din siya ni Daddy ng pera, pandagdag.
“Thank you, Sir. Kay buti-buti niyo po!” tuluyan nang umiyak ang bata sa sobrang saya. Dalawang libo na kasi ang hawak niya tig-iisang libo mula sa amin ni Daddy.
Kitang-kita ko ang reaksyon sa mukha ng driver. Hindi manlang namin siya nakitaan ng awa sa sitwasyon ng batang babae at sa sanggol na karga-karga nito. Wala ba siyang anak? Kahit pa sabihin niyang ginagamit ang mga batang iyon ng sindikato ay deserve parin nilang mabigyan ng pagkain o kahit ano.
Babalikan ko ang mga batang iyan dito. Kung totoo man ang sinabi no'ng driver ay hindi parin iyon maging hadlang upang matulungan ko ang batang iyon lalo na't ang kapatid nitong sanggol. Nakakaawa.
PAGDATING namin sa aming bahay. Gano'n parin ang hitsura nito. Hindi naman ito pinapabayaan ni Manang Luz— ang kasambahay namin noon. Bago kami umalis ng Pilipinas no'n ay ibinilin ito ni daddy kay Manang. Siya ang caretaker sa bahay namin.
Gano'n parin ito at walang nagbago. Ilang sandali pa ay bumukas ang gate at bumungad sa amin si Manang Luz—ang lapad ng ngiti sa aming dalawa ni daddy.
“Sir Samuel!” tuwang-tuwa na tawag ni Manang Luz kay daddy. Saglit itong tumitig sa akin, tila hindi ito makapaniwala.
“Senyorita Siensien, ikaw naba iyan?”
“O-oo, Manang Luz siya na nga si Senyorita Siensien mo. Ang batang palaging umiiyak kapag hindi ka nailuto ang paborito niyang champorado,” Sagot ni daddy.
Di ko mapigilang mapangiti. “Ikaw na nga, Senyorita Siensien ko. Ang laki-laki mo na. Halos hindi na kita nakilala. Manang-mana ka talaga kay Senyora Ara. Kay gandang bata!”
Nawala ang ngiti sa labi ko nang banggitin niya si mommy. “Forget that woman, Manang Luz. She's not my mom anymore!“ anya ko pa.
Binayaran na rin ni daddy ang taxi driver at umalis na nga ito. “Sorry, Senyorita Siensien! Hindi ko na ulit babanggitin ang pangalan ng mommy mo.”
Napukaw ang atensyon ko sa isang ginang na nakatayo sa hindi kalayuan mula sa bahay namin. Tindig palang niya ay kilalang-kilala ko na—ang aking na umanbandona sa aming dalawa ni daddy. Nagpunas ito ng kaniyang luha.
Ngunit agad rin itong sumakay sa itim na kotse at umalis. “Nagpakita pa talaga siya!” naiinis kong bulong sa aking sarili.