"AKALA ko hindi mo na ako babalikan dito. Akala ko iniwanan mo na ako, eh."
Binitiwan ni Josefina ang prutas na inaayos at mabilis na napalapit sa asawa. "Hindi ko magagawa sa iyo ang ganoon, Ismael. Alam mo kung gaano kita kamahal. Buong puso't kaluluwa. Maging ang aking buhay ay handa kong ipagkaloob sa iyo kung kinakailangan." Madamdaming sabi ng ginang. Nagsimulang mag-unahan ang luha sa pagpatak.
Ipinatong ni Ismael ang isang palad sa kamay ng asawang nakahawak sa kanyang braso. "Ito naman, masyadong seryoso. Binibiro lamang kita. Alam ko namang hindi mo ako iiwan," nakangiti niyang sabi. "Huwag ka nang umiiyak. Buhay pa naman ako, e. Ireserba mo na lang ang luha mo sa araw ng aking libing." Dugtong niya sa nasimulan. Birong totoo ang kanyang sinabi. Siya ang may katawan. Siya ang higit na nakaaalam ng totoong nararamdaman. Alam niyang hindi na siya magtatagal anong paglilihim man ang gawin ng doktor na tumitingin sa kanya. Sa pagdaan ng mga araw ay patindi nang patindi ang sakit na kanyang nararamdaman. Hindi na tumatalab ang mga gamot na iniinom niya. Alam niyang wala nang pag-asang gumaling pa.
Sa narinig ay lalong nanangis si Josefina. Maingat pa nga nitong niyakap ang payat niyang katawang bahagyang nakaangat sa kamang hinihigan. Maging ang simpleng bagay na iyon ay 'di niya kayang gawin nang wala ito.
Hindi na niya nagawang pigilan ang mapaluha. Sinabayan niya ang pananangis ng asawa. Kung may magagawa nga lamang siya upang huwag mamatay ay gagawin niya. Nais niyang makasama ang asawa dahil alam niyang kung mawawala siya ay wala na itong makakasama. Na kung mamamatay siya ay para na rin itong sumama sa kanyang hukay. Hindi nito matatanggap ang kanyang pagkawala. Ikamamatay nito ang labis na kalungkutan.
"Hindi ka mamamatay, Ismael. Gagawa ako ng paraan. Gagaling ka." Paputol-putol nitong pangako sa pagitan ng pag-iyak.
Hindi niya tinutulan ang sinabi nito. Hinayaan na lamang niyang paghugutan nito ng lakas ang paniniwalang gagaling pa siya kahit pa alam naman niyang imposibleng maganap. Walang magagawa ang kanilang salapi upang pigilan ang nalalapit niyang kamatayan. Hindi kayang palitan ng pera ang lahat ng lamang loob niyang unti-unting kinakain ng cancer.
Nang gumabi ay muling nahimbing sa pagtulog si Ismael samantalang ang maybahay niyang si Josefina ay nananatiling gising. Nakatayo ang ginang at nakasilip sa labas ng bintana. Tila naroroon sa mga nagsasalubungang mga sasakyan sa kalsada ang sagot sa kanyang mga tanong. Nagpakawala ng isang malalim na paghinga ang ginang. Nakapagdesisyon na siya!
"Kailangan kong kumilos habang may panahon pa. Tatlong pagbilog pa ng buwan ang hihintayin ko upang makuha ang butong magpapagaling sa sakit niya. Kung magtatagal pa ay baka hindi ko na siya mailigtas. Hindi ko makakayang pagmasdan siyang walang buhay. Alam kong mali at isang napakalaking kasalanan sa Diyos ang binabalak kong ito, ngunit wala nang iba pang paraan. Saka ko na aalalahanin ang aking magiging kaparusahan. Ang importante ay gumaling siya."
Pangalawang araw pa lang nang panananatili sa hospital ay nagpilit nang makalabas si Ismael. Gusto na nitong umuwi. Pumayag naman ang doktor matapos silang papirmahin sa isang kasunduang walang magiging pananagutan ang mga doktor at ang hospital sa kung anuman na mangyayari sa pasyente.
Habang lulan ng isang taxi pauwi ay nakaramdam ito ng pagkayamot. Ilang metro na lang ang layo sa tapat ng kanilang bahay ay naipit pa sila sa trapiko. Isang bahagi lang kasi ng kalsada ang nadadaanan dahil sa ginagawang paghuhukay ng mga kalalakihan.
"Palibhasa ay malapit na naman ang halalan kung kaya nagsisipag-pakitang gilas na naman ang mga politikong yan. At ang pondo para sa pinagagawang proyekto ay kukupitan upang may magamit na panggastos sa pangangampanya. Kaya hindi umaasenso ang ating bansa ay dahil sa mga naturingang may mga pinag-aralan subalit ang laman ng isipan ay kung paano magpayaman. Kaya ang pobreng si Juan ay nananatiling gutom sa kahirapan!" Iritado nitong sabi. Panay naman ang pagtango ng drayber bilang pagsang-ayon.
Ilang sandali pa ay umandar na ang taxi at nakarating sa tapat ng bahay nila.
"Napaka ingay dito, Josefina. Doon mo na lang muna ako dalhin sa may likod-bahay."
Maingat namang itinulak ni Josefina ang upuang de gulong ng asawa. Siya man ay sinasakitan ng ulo sa ingay na nililikha ng makinang ginagamit ng mga gumagawa sa labas. Mayroon silang kubo sa bahaging iyon kung kaya maaari silang makapagpahinga nang maayos. Nang naroroon na ay napansin ng ginang na may tinignan ang asawa sa may bandang dulo. Seryoso ang mukha nito at tila may malalim na iniisip. Walang ano-ano ay bigla itong nagsalita, "Ipatawag mo nga si Andong sepulturero, Josefina."
Napanganga siya sa narinig. Sepulturero? Nakadama siya ng paghihimagsik. "Bakit mo naman naisipang ipatawag si Andong? Maryosep ka namang tao ka! Kay dami-dami mong pwedeng iutos iyan pa. Talaga bang gusto mo nang mamatay ha? Talaga bang gusto mo na akong ... iwanang mag-isa?" Kung nang una'y galit ang tonong kanyang ginamit, sa huli'y unti-unting nauwi sa tonong nakikiusap at nagmamakaawa ang kanyang tinig. Hanggang muling mauwi sa mahinang pag-iyak.
"Hindi sa ganun, Josefina. Ang nais ko lang ay maihanda ang lahat bago maganap ang kapwa naman nating alam na mangyayari. Magpapagawa ako ng maliit na museleo na paglalagyan ng aking nitso. Ang gusto ko ay nandito lang ako sa malapit sa iyo. Upang kahit anong oras ay mapupuntahan mo ako. Makakasama mo pa rin ako dahil nandito lang ako sa malalakad mo." Paliwanag ni Ismael. Kahit nahihirapan ay humakbang ito palapit sa kanya. Lalong bumalong ang masaganan luha sa kanyang mga mata.
Habang yapos ng asawa'y pipi siyang nangako. Sa loob ng isipan niya'y iisang bagay ang tinitiyak. "Hindi mo magagamit ang puntod na nais mong ipagawa, mahal ko. Hindi ako papayag na isilid sa nitso ang iyong katawan. Ipinapangako ko, mababakante lang iyon, magiging isang bakanteng nitso dahil gagaling ka!"