!!! DISCLAIMER!!!
***Warm me up, Cassandra is not a novel but a part of a compilation of various short love stories. Enjoy everyone!***
------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
“Oh pano ba ‘yan, basted na naman si pareng Liam!” sabi ni Raymond, katrabaho ni Liam.
Kasalukuyan silang naglalakad palabas ng opisina para mag-lunch.
“Pucha, totoo? Sayang yong motor!” tawang-tawang sabi naman ni Carlo na naglalakad sa tabi ni Raymond. Katrabaho rin ni Liam.
“Lakasan niyo pa ng konti. Di ko kasi masyado naririnig,” pabirong sabi ni Liam saka bumuntong hininga habang naglalakad sa unahan nitong dalawa.
Sanay na siya. Lagi naman kasi siyang pulutan sa usapan, dahil bukod sa 28 years old at single pa rin, nakatanggap na kasi si Liam ng application paper para sa pagpapari.
Electrical engineer si Liam, di man kasing yaman ng mga lalaki sa mga kwento, mahalaga may ipon at naipundar dahil nagsikap. May sarili na siyang café shop, bahay, kotse, at kasalukuyang naghuhulog ng motor.
Sabi kasi nitong dalawang tropa niya na mas ma-appeal raw ang lalaking may motor kaya nag-hulog siya. Yon nga lang, di pa man niya lubusang natatapos mahulugan ang motor, binasted na siya ng nililigawan.
“Pare, inom na lang tayo pagtapos ng trabaho, para naman mailabas mo ang sakit at sama ng loob mo. Saka, mabilis makalimot sa bar,” nakangisi pang yaya ni Raymond saka patakbong umakbay kay Liam.
“Kailangan ko dumiretso sa café. Next time,” mahinahong tanggi ni Liam.
Bukod sa di naman siya umiinom, di rin siya ganon kakumbinsido na nasasaktan siya ng ganoon katindi para idaan sa alak ang paglimot.
Pero bigla na lang siyang napatigil sa paglalakad nang mahagip ng mga mata ang isang malaking notice sa announcement board.
“Oww! Brownout na naman pala,” sabi ni Raymond.
“Buti na lang, walang brownout dito sa trabaho natin,” nagmamayabang pa si Carlo saka nakipag high-five kay Raymond.
“BROWNOUT NA NAMAN!” natatawang bulong ni Liam saka tumingin sa relo. “Haha! Brownout na naman!” mangiyak-ngiyak na siya habang naiisip si Athena.
“Wala na! Iba talaga ang dulot ng pagka-basted, iniiwan ng bait!” kutya ni Raymond.
Mabilis siyang naglakad palabas at sabik na inilibot ang paningin sa labas ng barb wires na nakapalibot sa electric plant na pinagtatrabahuhan niya.
At di nga siya nabigo. Sa usual spot na madalas niyang nakikita, nakatayo si Athena na magulo ang buhok, nakasuot ng maluwag nitong pares ng pajama, nakasalubong ang mga kilay at gusot ang mukha.
“LIAM!” palahaw ni Athena.
“Pre, yari ka na naman!” kutya nina Raymond pero di na sila pinansin ni Liam bagkus ay sabik at mabilis na naglakad papalapit kay Athena.
Sa mga oras na iyon, di niya maipaliwanag ang kakaibang pakiramdam na nagingibabaw sa kaniya. Parang sasabog ang dibdib niya sa saya? Hindi talaga niya alam.
“LIAM! Nabibwisit na naman ako! Di ba sinabi ko na sayo na ichachat mo naman ako pag magba-brownout! Alam mo bang naliligo ako habang naglalaba, ang dami ko pang…”
Di na niya pinatapos sa pagsasalita si Athena. Wala kasing laman ang isip niya habang papalapit rito kundi ang halikan ito. Bakit? Di niya rin alam, alam lang ni Liam na kailangan niyang gawin iyon.
At hinalikan nga ni Liam si Athena.
Parang bumagal at tumahimik ang paligid nang magdampi ang mga labi nila. Yong puso ni Liam parang sa ulo na tumitibok.
First time to. First kiss niya.
“Ohhh! WOW! Ano, panis ka Raymond! Ikaw na lang single!” sisigaw ni Carlo na halos mapunit na ang suot na polo ng kaibigan sa kahihigit dahil sa tuwa at pagkabigla.
‘Ano na? Ano nang sunod? Nasasarapan ba si Athena? Bakit di siya bumibitaw? O ako ba dapat bumitaw? Imumulat ko na ba ang mata ko? Takte ang dami nang mga sasakyan na dumadaan baka makita ako ni Nanay! Mamalengke pa naman yon ngayon,’ isip-isip ni Liam. Nagpapanic na siya dahil hindi na niya alam ang sunod na gagawin.
Pagmulat niya, nakadilat si Athena at matindi ang galit sa mga mata nito.
“GAGO!!! Sinabi ko sayo na mag-umagahan ka bago magtrabaho, kita mo, hinahangin ka!" bulyaw ni Athena saka hinampas si Liam nang napakalakas ng helmet nito bago tuluyang pinaharurot ang motor paalis.
Si Liam, ayon, parang mamamatay na sa kilig!
Di magkamayaw sina Carlo at Raymond sa mga nangyari. Kala mo sila ang nanghalik.
“Pare!!! Bwisit ka! Di mo naman sinabi na ganon pala mga tipo mo! Potek, halik pa lang, laban na laban na si naruto oh!" biro ni Carlo pero mas lamang sa tono ng boses nito ang di makapaniwala.
Kahit naman si Liam, di rin siya makapaniwala sa ginawa niya. Di siya marunong humalik, pero nagawa niya.
“Tara tol, icelebrate natin yan!” higit ni Raymond kay Liam. “Ako na ang bahala sa iced tea.”
“Ha? Libre lang naman yon,” sabi ni Liam.
Matagal ng kakilala ni Liam si Athena. Parehas sila ng college na pinasukan at isang taon lang naman ang ahead niya rito. Nasa ibang department pero lagi pa rin silang nagkikita dahil parehas na building lang sila.
Sa café na siya nag-diretso paggaling sa trabaho.
“Good evening, Sir!” bati ng mga tauhan niya sa café.
“Ah, kamusta?” lutang na sagot ni Liam pabalik dahil dali-dali na siyang tumakbo papasok ng kusina sa takot na baka naroon si Athena.
Kadalasan kasi, pag ganoong oras, sa café tumatambay si Athena. Kawatan kasi yon ng free wifi.
“Sir, sino po sinisilip niyo?” ngising-ngisi na tanong ni Manong Berting na kinagulat ni Liam habang busy sa pagsipat ng buong café mula sa bintana ng pinto ng kusina. “Si Mam Trisha po ba?”
Mapailing na lang si Liam. Kung di lang talaga isa sa mga pinakatapat na tauhan niya si Mang Berting, baka natanggal na ito sa pagkachismoso.
“Ah, hindi po!” mabilis niyang sagot saka umalis at naglakad papunta sa baking station para makaiwas na.
“Bwisit na Mang Berting. Matalas talaga ang pang-amoy sa chismis. Pero, si Trisha pa rin ang alam niya. Aba, himala, mahina ang chismis ngayon. Siguro, may sakit si Manang Nimfa.” Bubulong-bulong na daldal ni Liam habang sinisipat ang baking station.
“Hoy Liam!”
“Patay! Si Nanay!” bulong niya. “Nay!” ninenerbyos na sagot ni Liam saka napipilitang naglalakad palapit.
“Bakit di ka overtime?”
Yan ang problema, pag single, expected lagi na overtime.
“Ah, wla naman po masyadong ginagawa kaya nag-off ako ng maaga. Para na rin makatulong dito,” kinakabahan na paliwanag niya.
“Oh siya sige, tulungan mo na ako para makapag-deliver ng mga order at nang makauwi. Nagri-request si Jali ng ginisang ampalaya,” sabi ng Nanay ni Liam saka inahon mula sa oven ang last batch ng mga cake at cupcakes.
Tensiyonado siyang nag-biyahe pauwi nang maihatid na ang mga oders. Makailang mali pa siya ng pagpapaliko bago makarating sa bahay.
“LIAM!” tawag agad ni Jali mula sa terrace ng bahay.
“Oh?” matabang na sagot ni Liam.
Siya ang bunsong kapatid ni Liam, magkaklase sila ni Athena nong college. Di lang basta magkaklase, mag-best friend pa dahil parehas silang weird ang mundo. Pero kahit weird sila, masaya at maingay silang kasama dahil sa mga straightforward na opinyon nila sa buhay.
Sobrang ilap ng ugali ni Jali kaya si Athena lang ang naging kaibigan nito kaya kung malalaman niya, katakot-takot na mura ang aabutin ni Liam.
“Ano, nanggaling na naman sigurado si Athena sayo?!” tawang-tawang tanong ni Jali.
Di agad nakasagot si Liam bagkus ay napalunok lang ng laway.
“Tuwing magba-brownout na lang, susugod ron si Athena,” sabi ng Nanay niya at nag high-five pa kay Jali pagkaakyat ng terrace.
Sa apat na taon, laging sumusugod si Athena sa pinagtatrabahuhan ni Liam, umaraw man o umulan. Kaya siguro di namalayan ni Liam na nahulog na siya.
“Oo, malamang. Aabsent ba yon?” natatawang sagot niya na parang alanganin pa.
“Sabi na eh. Bago pumunta dito, naglaba muna yon. Oy nga pala, pagod kami ni Athena ngayon kaya ipagluto mo ako ng paborito naming ginisang ampalaya. Doon ako matutulog. Magmo-movie marathon kami. May bago na naman kaming trip na trip na bidang lalaki sa drama,” daldal ni Jali habang sinisinop ang laptop at mga blueprints na kinikilig pa ng sobra.
Nangongontrata sina Athena at Jali. Yon ang kanilang pinagkakitaan.
“Anong palabas? Anong pangalan nong bidang lalaki?” usisa ni Liam dahil triggered agad.
“NAY! Sabi ko sayo pagpariin mo na si Liam baka bumigay pa yan at mag-bakla na lamang!” kutya ni Jali.
“Asa ka pa! Tahimik lang to pero nakahalik na to!” bubulong-bulong na sabi ni Liam na nangingiti-ngiti pa habang naaalala ang mga sandali nila ni Athena kanina.
“Tatawa-tawa ka Jali! Tumigil na kayo ni Athena sa kagaganyan ha, kaya di na kayo makakapag-asawa!” bulyaw ng Nanay nila mula sa kusina nang maibaba ang mga dalang gamit.
“Wala na talaga kaming balak mag-asawa! Sa panahon ngayon Nay, sa bangungot at tv na lang nag-eexist ang matinong lalaki!” depensa ni Jali.
“Ako,” singit ni Liam.
“Sira-ulo, kapatid kita!” sabi ni Jali saka binatukan ng malakas si Liam.
“Tsk! Napakahina mo!” sabi ni Liam. Saka nagtungo sa kusina.
Pero, sabagay, papano nga naman paniniwalaan na magkakainteres si Liam kay Athena ay malayong-malayo ang ugali nila sa isa’t-isa.
“Jali, kung ayaw na ni Athena, ayos lang. Atleast may anak na siya. Eh ikaw? Paano ka pagtanda?” bwelta ng Nanay nila na galit agad.
“Pag ayaw ko, ayaw ko! Liam, yong amapalaya ha!” sigaw ni Jali bago malakas na isinara ang pinto ng kwarto nito.
“Yan kaya ganiyan ugali niyo, sa lahat ng kahihiligan niyo, amapalaya pa! Mga bwisit! Gawin niyong juice para mas masaya!” sumbat pabalik ng Nanay nila na halos lumabas na ang mga litid sa leeg sa sobrang iyamot.
Napabuntong-hininga na lang si Liam. Single mother si Athena. Pagka-graduate ng college, niloko ito ng boyfriend nito at iniwan habang nagbubuntis kaya di niya masisisi kung bakit galit ito sa pag-ibig. Este, galit nga pala ito sa mundo.
Malungkot na kinuha ni Liam mga sangkap para makapagluto.
Kaso habang naggagayat ng hotdog, pucha, di niya mahiwa.
“Napapano na ako?” bulong ni Liam.
Pero kung tutuusin, handang-handa na talaga siya para maging mabuting asawa at may bahay.
“Di na lugi si Athena sakin,” bulong na naman niya.