CHAPTER 10

1025 Words
Chapter 10 Nang makita ko ang orasan na nakasabit sa pader na pinagsasandalan ng telebisyon ay napatayo na ako. Alas-nuwebe na ng umaga kaya kailangan ko na kumilos upang magsaing. Hindi ako sigurado kung uuwi ba rito sina Mama at Tiyo Isidro para kumain ngunit mas maganda na ang sigurado para wala na silang masabi sa akin. Nagsalang na ako ng bigas sa rice cooker at nilagyan ng tubig. Habang hinihintay ko na maluto ang kanin ay inihanda ko na ang ulam na iluluto ko. May nakita akong isang plastic ng hotdog na nasa lagayan ng mga sibuyas kaya kinuha ko ‘yon. Mabuti naman at nag-iwan na sila ng lulutuin dahil wala akong panggastos para sa pagkain. Habang inilalagay ko ang kawali sa ibabaw ng super kalan ay narinig ko na tumunog ang tiyan ko. Naalala ko na hindi pa nga pala ako kumakain simula nang makauwi ako kagabi. May kaunti naman akong pera na naitago dahil may nagbigay sa akin ng tip kagabi, kaya nga lang ay sarado na ang bilihan ng mga pagkain habang naglalakad ako dahil madaling-araw na ‘yon. Hindi ko rin naman naisip na magugutom ako. Nagbaba ako ng tingin sa tiyan ko. “Magtiis ka muna, Janelle,” pagkausap ko sa tiyan ko. “Hindi pa ito ang oras para magkalaman ka. Kailangan ko pa munang magsaing at magluto kaya makisama ka.” Mabuti naman at hindi na ulit siya tumunog. Nang mailagay ko na ang kawali ay hinintay ko muna na bahagyang uminit ang kawali bago ako naglagay ng mantika. Pangatlong gamit na yata namin ang mantika na ‘to o mas mahigit pa sa tatlo. Inilalagay lang namin sa garapon pagkatapos gamitin para puwede pa naming gamitin ulit sa susunod na pagluluto. Walong hotdogang laman ng isang plastic kaya marami ang mailuluto ko. Pagkatapos kong magluto ay kakain na muna ako at saka na ako maghuhugas ng mga plato. Wala naman sina Mama rito ngayon kaya maaari kong gawin ‘yon. Pagkatapos kong maibaliktad ang mga hotdog ay narinig ko na ang paglipat ng rice cooker. Mula sa ‘COOK’ ay nalipat na sa ‘WARM’. Sakto lang pala dahil malapit naman na matapos ang pagluluto ko ng mga hotdog. Bahagya akong nagulat nang pabalyang bumukas ang pinto. Pumasok si Mama at kasunod niya naman si Tiyo Isidro. Nakasuot pa ng maiksing dress si Mama. May nakasuksok na sigarilyo sa kaniyang mga daliri. Inilagay niya ang sigarilyo sa kaniyang bibig at humithit ng usok. “Sinasabi ko sa ‘yo, Joanna,” marahan na ani ni Tiyo Isidro at umupo sa harapan ni Mama. Mukhang may naudlot silang bagay na pinag-uusapan. “Hindi makabubuti kay Irish kung pasasamahin mo siya sa lalaking ‘yon. Galing na nga siya sa mahirap, gusto pa niya ulit pumunta sa mahirap?” Tumalikod na ako at ipinagpatuloy ang pagluluto ng hotdog. Naamoy ko na kasi ang amoy ng hotdog kaya alam kong malapit na ‘yong masunog. Bahagya akong nadismaya nang maisip ko na hindi ako kaagad makakakain dahil nandito na sina Mama. Ang mas masaklap ay baka hindi nga talaga ako makakain dahil uubusan na naman nila ako ng kanin o ng ulam. “Malaki naman na ‘yang anak mo, Isidro. Hindi naman siguro t*nga ‘yan para ulitin ‘yong mga pagkakamali na nagawa natin noon,” kalmado na sagot ni Mama. Mapait akong napailing. Mabuti pa kay Irish ay may tiwala siya. Narinig ko ang pagtunog ng sandalan ng upuan, senyales na pabagsak ang ginawang pagsandal ni Tiyo Isidro. “Hindi pa rin natin masasabi ang mga susunod na mangyayari. Kinse anyos lang si Irish, Joanna! Bata pa ‘yan! Pag-aaral pa dapat ang inaatupag niya, hindi ang pagnonobyo!” Mukhang apektado talaga si Tiyo Isidro sa nalaman niya kanina. Hindi rin pala palakuwento si Irish sa kanila. Akala ko ay sa akin lang siya ganoon. Gusto ko naman na magkuwento sa akin si Irish, lalo na kapag may problema siya, pero ayaw naman niyang gawin dahil hindi naman daw niya ako kapamilya. Hinayaan ko na lang siya at hindi pinilit. Mas lalo lang lalayo ang loob niya kung pipilitin ko siya sa isang bagay na ayaw niya. “Ano ang gusto mong gawin ko? Pagbawalan na lumabas si Irish?” singhal ni Mama kay Tiyo Isidro. Nang makita kong lutong-luto na ang mga hotdog ay inilagay ko na ang mga ‘yon sa isang malinis na plato. Inilapag ko sa lamesa ang plato at binunot sa saksakan ang rice cooker dahil luto naman na ang kanin. “Kung ‘yan lang ang tanging paraan para magtino siya ay gawin mo,” tugon ni Tiyo Isidro. Kinuha ko ang garapon at paunti-unting inilagay ang mantika na nagamit ko kanina. Sayang naman ang mantika kung itatapon na. Hindi makapaniwalang napahinga si Mama. “Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Isidro? Anak natin si Irish! Hindi ‘yan aso para ikulong mo lang dito! Hayaan mo siyang lumabas at malaman ang reyalidad ng buhay. Kung ikukulong mo ‘yan dito, sinong magbabantay niyan? Ikaw? Ako? Eh parehas tayong wala palagi rito sa bahay! Alangan namang si Janelle? May trabaho rin ang isang ‘yan.” Narinig ko ang pagtunog ng upuan. “Bahala ka sa buhay mo, Joanna. Tsaka ka lang magsisisi kapag nagaya na sa ‘yo ‘yang anak mo na ‘yan. Masyado mo kasing kinukunsinti kaya namimihasa.” “Ibinibigay ko lang ang kalayaan na dapat na natatamasa niya, Isidro!” “Kalayaan nga na nagiging sobra na! Sige! Bahala ka! Bahala kayong lahat!” Pagkatapos ay narinig ko ang pagbukas at sara ng pinto ng bahay. Umalis na naman si Tiyo Isidro. Malamang ay magpupunta na naman ‘yon sa mga kumpare niya at makikipag-inuman. Nang matapos ko ang pagsasalin ng mantika ay pasimple akong tumingin sa puwesto nina Mama. Nakita kong wala na rin si Mama roon. Pumasok na siya sa kuwarto. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil doon. Ibig sabihin ay malaya akong makakakain. At ‘yon nga ang ginawa ko. Kaagad akong nagsandok ng kanin at saka ako kumuha ng hotdog. Kumain ako nang mabilis upang mabilis din akong matapos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD