CHAPTER 9

1749 Words
Chapter 9 Nang sumapit ang alas-tres ng madaling araw ay tapos na ang trabaho ko. Nagpaalam na ako kay Dysea na mauuna na ako sa kaniya. Nagpaalam din ako kay Aldous dahil nandoon pa siya sa club. Kapapasok ko pa lang sa pinto ng bahay namin ay sumalubong na kaagad sa akin ang mga kalat. Nagkalat ang mga upos at stick ng sigarilyo sa kung saan-saan. Ang mga bote ng alak ay natumba na sa ibabaw ng lamesa. Ang ilan ay nakatayo sa gilid ng upuan. Dahan-dahan kong isinarado ang pinto dahil naririnig ko na gising pa sina Mama at Tiyo Isidro. May kung anong tunog ako na naririnig mula sa kuwarto nila. Hindi ko naman matukoy kung ano ang tunog na ‘yon. Pinili ko na lang na ibaling ang atensyon ko sa mga kalat na dapat kong ligpitin. Kinuha ko ang mga bote at maingat na inilagay sa ilalim ng lababo. Pinulot ko rin ang mga sigarilyo na nagkalat at itinapon sa plastic na nasa gilid ng lababo. Narinig ko na naman ang ingay mula sa kuwarto nina Mama. Nang dahil sa pagkakakuryoso ay nakatingkayad akong lumakad palapit sa gilid ng kuwarto nila para hindi nila marinig ang ingay ng sapatos ko. Napakunot ang noo ko nang marinig ko ang maingay na paglangitlit ng paa ng higaan nila. Parehas siguro silang malikot matulog kaya gano’n. Nag-aalala naman ako na baka biglang bumigay ang higaang kahoy nila kung ipagpapatuloy nila ang malikot na pagtulog nila. Napahikab ako kaya naisipan kong hayaan na lang sila Mama na ayusin ang kahoy na higaan nila. Napadaan ako sa kuwarto ni Irish kaya dahan-dahan akong sumilip sa kurtina kung tulog na ba siya. Napahinga ako nang maluwag nang makitang mahimbing na siyang natutulog. Madalas kasing magpuyat si Irish kaya madalas din siyang hindi nakakapasok sa paaralan. Naramdaman ko ang pagkulo ng tiyan ko kaya napahinto ako sa paglalakad. Nalingunan ko ang lababo namin at nakita kong nandoon na ang rice cooker namin. Nakababad na sa tubig ang rice cooker kaya alam kong hindi na naman nila ako tinitirhan ng pagkain. Imbis na kumain ay nagpatuloy na ako sa paglalakad papunta sa kuwarto ko. Bumagsak kaagad ang katawan ko sa matigas na kahoy na higaan ko. Karton lang ang sapin ng higaan ko ngunit ayos na ‘yon kaysa naman sa wala. Hindi ko na nagawang buksan ang electricfan dahil pakiramdam ko ay pagod na pagod ang katawan ko. Malamig din naman ang simoy ng pangmadaling-araw na hangin kaya hindi na kailangan ng electricfan. Saglit na sandali lang ang hinintay ko at kaagad na akong nilamon ng kadiliman. Imbis na mga tilaok ng manok ang gigising sa ‘kin sa umaga ay ang mga sigawan nina Irish at Tiyo Isidro ang nakapagpabuhay sa natutulog kong diwa. Napabangon ako nang wala sa oras at napatitig sa kurtina habang pinakikinggan ang mga sigawan nila. “Ano ang ipapalusot mo sa akin ngayon, Irish?” tila isang kidlat ang boses na ani ni Tiyo Isidro. “Ang akala ko ay puro mga kaibigan lang ang kasama mo sa tuwing aalis ka rito sa bahay! Hindi namin alam na nakikipagkita ka lang pala sa tarantadong ‘yon! Kinse anyos ka pa lang, Irish, baka nakakalimutan mo? Ni hindi ka na nga pumapasok sa paaralan, nagagawa mo pang makipaglampungan? At sa gitna pa talaga ng kalsada, huh?” Mababakas sa tono ni Tiyo Isidro na galit talaga siya. “Ano ba ang ikinagaganiyan niyo, Papa? Wala naman kaming ginagawang masama ni Dante! Nagmamahalan kaming dalawa at hindi naman niya ako pinababayaan! Kung tutuusin nga, mas may pakialam pa siya sa ‘kin kaysa sa inyo ni Mama na mga magulang ko!” malakas na tugon naman ng kapatid ko. Nag-aalala ako na baka masagad niya si Tiyo Isidro at saktan siya nito. Sarkastikong tumawa si Tiyo Isidro. “Nagmamahalan kayong dalawa? Ano ang ipapakain sa ‘yo ng lalaking ‘yon? Sige nga! Mapapakain ka ba ng pagmamahal na sinasabi mo? Mabubusog ka ba niyan? Hindi! Hindi ka niyan mabubusog! May trabaho ba ang lalaking ‘yon? Ni hindi nga yata nag-aaral ang g*gong ‘yon tapos ang lakas ng loob niyang gawin kang nobya? Nasaan ang utak mo, Irish? Parehas talaga kayo ng ina—” “Huwag na huwag mo akong itutulad kay Mama dahil never akong magiging katulad niya! Hinding-hindi ako gagaya sa mga pinaggagagawa niya! Hinding-hindi ako magiging katulad niya!” mas malakas na sabi niya. “Hindi ako magiging maruming babae kagaya niya, Papa! Buti nga ako, isa lang ang boyfriend ko. Samantalang siya ay marami na ang lalaking nakahawak at nakatikim sa—” Pak! Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko ‘yon. “K-Kahit kailan ay huwag na huwag mong pagsasalitaan nang ganiyan ang Mama mo, Irish! Nanay mo pa rin siya kahit pagbalik-baliktarin mo ang mundo! Wala kang karapatan na sabihan ng ganiyan ang Mama mo dahil wala kang alam sa mga pinagdaanan niya. Isa lang ang masasabi ko sa ‘yo, hiwalayan mo ang lalaking ‘yon kung ayaw mong magkagulo tayo,” nagbabanta ang tono na anas ni Tiyo Isidro. Narinig ko ang tunog ng tsinelas niya at ang pagkalabog ng pinto. Pinakiramdaman ko muna ang paligid at nang masigurado kong wala na si Tiyo Isidro ay tumayo na ako sa higaan ko. Isinuot ko ang tsinelas na nasa gilid ng papag. Naglakad ako palabas sa kuwarto ko. Nadatnan kong nakaupo si Irish sa kahoy na upuan namin. Tulala siya at nakahawak sa kaniyang kanang pisngi. Sinampal nga talaga siya ni Tiyo Isidro. Narindi na siguro ang ama niya sa mga pinagsasasabi niya kaya nagawa siyang sampalin. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin o ang gagawin ko para mapagaan ang kalooban ni Irish ngunit pinili ko pa ring lapitan siya. Habang pinagmamasdan ko siya ay napaisip ako. Iba rin pala ang tingin ni Irish kay Mama. Akala ko ay hindi ganoon ang tingin niya sa ina namin. Akala ko ay nauunawaan niya kung bakit kailangang magtrabaho ni Mama sa mga club at bar. Akala ko ay tanggap niya na ang pagkatao ni Mama. Ang pinakaayaw ni Tiyo Isidro sa lahat ay ang pagsalitaan ng hindi maganda si Mama. Kahit naman na pinag-aawayin nila ang tungkol sa gawain ng isa’t isa ay may pagmamahal pa rin sila para sa isa’t isa. Napatunayan ko na minahal nga talaga nang totoo ni Tiyo Isidro si Mama kahit pa na hindi maganda ang nakaraan ni Mama. Kahit hanggang ngayon na patuloy pa rin sa pagtatrabaho si Mama ay nagagawa pa rin siyang pakisamahan ni Tiyo Isidro. Pero ano nga ba talaga ang tunay na kahulugan ng ‘totoong pagmamahal’? Kusa ba ‘yon na darating sa buhay nating lahat o kailangan natin hanapin ‘yon? Nakita ko ang pagtulo ng luha ni Irish kaya naalarma ako. Mabilis akong lumapit sa kaniya kaya naman napabaling siya sa ‘kin. Nang makita niya ako ay mabilis niyang pinunasan ang mga luha niya. “A-Anong ginagawa mo rito?” mahina ang boses na tanong niya. Nag-aalala akong tumitig sa pisngi niya na hawak pa rin niya hanggang ngayon. “H-Hindi ko sinasadyang marinig ang mga sinabi niyo kanina. Nagising lang ako nang dahil sa sigawan ninyong dalawa ni Tiyo Isidro,” pagpapaliwanag ko kaagad. “G-Gusto mo bang gamutin ko ang sugat—” Sinamaan niya ako ng tingin bago niya tinanggal ang kamay niya na nakahawak sa pisngi niya. “Bakit ka ba nakikialam? Hindi mo na dapat ako pinapakialaman, Janelle! Kung anuman ang mga narinig mo ay itikom mo ‘yang mga bibig mo! Huwag kang makisali dahil sampid ka lang naman dito.” Para akong sinaksak ng kutsilyo sa dibdib nang paulit-ulit. Alam ko naman na tama ang mga sinasabi niya ngunit hindi ko pa rin maiwasan na masaktan. Alam ko sa sarili ko na kailanman ay hindi magiging pamilya ang tingin at turing nila sa ‘kin pero sa kaloob-looban ko ay umaasa pa rin ako na isang araw ay magagawa na rin nila akong tanggapin bilang kapamilya nila. “A-Alam ko naman na hindi dapat ako nakikialam pero—” Napakagat ako sa ibabang labi ko nang sigawan niya ako. “Alam mo naman pala pero bakit lumapit ka pa sa ‘kin at kinausap ako?” namumula ang mukha na bulyaw niya. “Sa susunod na may mangyaring ganito ay magbingi-bingihan ka na lang! Magbulag-bulagan ka na lang din sa mga makikita mo dahil wala kang karapatang makisali sa issue ng pamilya namin. Kung ako sa ‘yo, mananahimik na lang ako at gagawin ang mga ipinapagawa sa ‘kin.” Tumayo siya at naglakad papunta sa kuwarto niya. Bago siya pumasok sa kuwarto niya ay nilingon niya ako. “Magsaing ka na lang. ‘Yon ang pagtuunan mo ng pansin, hindi ‘yong nakikisawsaw ka sa problema ng pamilya namin.” At saka siya tuluyang pumasok sa kuwarto niya. Napatitig ako sa kurtina ni Irish. Masyadong masakit ang mga bagay na sinabi niya kaya nahihirapan akong makapag-isip nang maayos. Napaupo ako sa upuan na inupuan ni Irish kanina. Ang tanging gusto ko lang naman ay makatulong sa kaniya. Kapatid ko siya kaya natural lang sa akin na mag-alala ako sa kaniya. Natural lang din sa akin na magtanong sa kaniya dahil wala naman akong ideya sa mga nangyayari. Hindi kami malapit sa isa’t isa ni Irish at ‘yon ang isa sa mga bagay na problema ko dahil hindi ko nalalaman kung ano ang nangyayari sa buhay ng kapatid ko. Totoo na palaging umaalis dito sa bahay si Irish. Palagi rin naman siyang pinagbibigyan nina Mama at Tiyo Isidro. Hindi ko maiwasang ipagkumpara ang pagtrato nina Mama sa akin at sa kaniya. Mabuti pa siya at pinapayagan kaagad samantalang ako ay kailangan ko munang maglumpasay para lang mapagbigyan akong lumabas. Noong bata pa kami ng kapatid ko ay pinagbibigyan kami ni Papa na makapaglaro sa labas ng bahay. Pumapayag din naman si Mama. Hindi mahigpit si Mama sa min nang nabubuhay pa si Papa. Masaya ang pamilya namin. Inaalagaan kami ni Mama at nagtatrabaho naman si Papa sa office ng isang kumpanya. Hindi lang talaga namin inaasahan na mawawala si Papa. Matikas at malakas naman ang pangangatawan ni Papa kaya nakakapanlumo nang malaman namin na may cancer siya. Hanggang ngayon ay nandito pa rin ang kakaibang kirot sa puso ko na kailanman ay hindi na mawawala. Bukod sa nawalan ako ng ama ay paunti-unti rin na nawala sa ang pagmamahal ni Mama para sa amin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD