CHAPTER 17

1649 Words
Chapter 17 “Papa!” humahangos na sigaw ko nang ako’y bumangon. Tagaktak ang pawis ko na nanggagaling sa gilid ng aking noo. Dama ko rin ang mabilis na pagpintig ng puso ko. “Ano ba ang isinisigaw-sigaw mo riyan, Janelle?! Ang aga-aga, nag-iingay ka na!” angil ni Irish na nasa kabilang kuwarto lang. “Kung ayaw mo nang matulog, magpatulog ka sa mga gusto pang matulog! Imbyerna ka!” Nasapo ko na lang ang mukha ko gamit ang dalawang palad ko. Para pa rin akong hinahabol ng mga kabayo nang dahil sa sobrang bilis ng paghinga ko. Akala ko… totoo na. Panaginip lang pala. “Papa…” Nagsimula na namang tumulo ang mga luha ko. Kaya pala parang buhay na buhay siya nang makita ko siya dahil panaginip lang pala. “M-Miss na miss na kita, Papa. Miss ko na kayo ni Janella.” Hindi ko na kinaya at napahagulgol na ako nang walang tunog. Ayaw ko na sana balikan ang panahon kung kailan buhay pa sila at kasama ko pa sila. Ayaw ko na ulit buksan ang mga sugat na matagal nang natahi at humilom. Pero nagkukusa ang mga ito dahil dinadalaw nila ako sa panaginip ko. Ang dami kong pagsisisi at ang dami kong gustong baguhin sa nakaraan. Hindi ko pa rin matanggap hanggang ngayon pero ano ba ang magagawa ko? Wala. Huminga ako nang malalim at tinuyo ang mga luha ko. Nandiyan pa naman si Mama para maging motibasyon ko sa patuloy na paglaban sa buhay. Hindi ko kayang iwan si Mama. Kahit na nandiyan naman sina Irish para alagaan siya ay hindi ko pa rin kaya. Gusto ko na nandito ako para kay Mama kahit na ayaw niya sa ‘kin. Tumayo na ako sa higaan ko at iniligpit ang unan at kumot ko. Nang mapatingin ako sa bintana ay nakita kong medyo mataas na ang sikat ng araw. Mukhang wala na kaagad ang mga magulang namin dahil walang maingay ngayong umaga. Papalabas pa lang ako sa kuwarto ay narinig ko ang katok na galing sa pinto. Napatitig ako nang panandalian sa pinto dahil may pumasok na alaala sa isipan ko. Inialis ko kaagad ‘yon sa isipan ko. Lumapit ako sa pinto at binuksan ‘yon. Bumungad sa ‘kin ang isang binatilyo na hanggang dibdib ko lang. Nakasuot siya ng t-shirt na stripe white at navy blue. Ang pang-ibaba niya naman ay 3/4 na shorts. Ang tsinelas niya ay may tsek sa gitna. Napaangat ako ng tingin sa kaniyang mukha. Napansin ko na medyo magulo ang buhok niyang basa pa. “Sino ang hinahanap mo?” tanong ko dahil hindi naman siya nagsalita. Nakatitig lang siya sa mga mata ko. “Ah… hello? Sinong hanap mo?” pag-uulit ko. Nakita ko ang pagtaas at pagbaba ng Adam’s apple niya bago siya napakurap-kurap. “H-Hinahanap ko po si Irish, nandito po ba siya?” mahinang tanong niya. Mukhang kaedaran lang siya ni Irish. Napabaling ako sa loob ng bahay at ibinalik sa lalaki ang paningin ko. “Ah… anong pangalan mo? Para masabi ko kay Irish.” Napakamot siya sa kaniyang batok. “D-Dante… Dante po ang pangalan ko,” nabubulol na sagot niya. Ngumiti ako. “Sige, sandali lang.” Naglakad ako papasok sa bahay at pumunta sa harap ng kuwarto ni Irish. Hindi ako pumasok sa loob dahil alam kong ayaw ni Irish na pumapasok ako sa kuwarto niya. “Irish!” pagtawag ko sa pangalan niya ngunit wala akong nakuhang tugon. “Irish, may naghahanap sa ‘yo rito sa labas!” Narinig ko ang pag-ungot niya. “Ano ba?! Sino raw ang naghahanap?” “Dante raw ang panga—” Hindi pa ako tapos sa pagsasalita ay narinig ko na kaagad ang mga yabag niya na tila nagmamadali. Maya-maya ay lumabas siya sa kuwarto niya. Tumabi siya sa ‘kin, ang mga mata niya ay nasa labas ng aming pinto. “Iwan mo muna kami rito ni Dante, Janelle. Lumabas ka muna o pumunta ka kung saan mo gusto. Mamayang hapon ka na bumalik dito,” utos niya. Daglian akong napabaling sa kaniya, nabigla sa mga sinabi niya. “B-Bakit naman? B-Baka hanapin ako ni Mama, Irish. P-Puwede naman kayong mag-usap kahit nandito ako. Hindi naman ako m-makikialam—” Sinamaan niya ako ng tingin kaya napakagat ako sa labi ko. “Huwag ka na magtanong diyan! Ako na ang bahala kina Mama at Papa. Basta umalis ka muna rito dahil naaalibadbaran ako sa pagmumukha mo.” Pagkatapos ay naglakad na siya papunta sa pinto. Sinundan ko ng tingin si Irish at nang makarating sa pinto si Irish ay nakita kong nagyakap ang dalawa. Ito ba ‘yong sinasabi ni Tiyo Isidro na nobyo ni Irish? Papaano ko sila maiiwan dito kung alam ko na ikagagalit ni Tiyo Isidro kapag nalaman niya na pumunta pa talaga rito ang nobyo ng kapatid ko? Inaya ni Irish si Dante na pumasok sa loob. Nakapokus ang mga mata ko sa kamay ni Dante na nasa baywang ni Irish. Hindi ko lang mapaniwalaan na may nobyo nga talaga si Irish. Akala ko ay sabi-sabi lang ‘yon ng mga kapit-bahay kay Tiyo Isidro. “Janelle!” madiin na tawag ni Irish sa akin. Nakaupo na sila ngayon sa kahoy na upuan na nasa sala namin. Tahimik lang na nakamasid si Dante sa aming dalawa ni Irish. “Sinabi ko na umalis ka na muna rito, hindi ba? Gusto mo ba na kaladkarin pa kita palabas?” Napakagat na naman ako sa labi ko. “I-Irish... hindi ko kayo puwedeng iwan dito dahil alam naman natin parehas na nagkasagutan kayo ni Tiyo Isidro nang dahil sa—” “Umalis ka na lang!” bulyaw niya na siyang ikinalundag ko nang bahagya. “Huwag kang mangialam sa buhay ko o sa naging usapan namin ni Papa! Hindi naman ikaw ang sasalo ng galit niya, kundi ako! Huwag ka na makialam kung ayaw mong palayasin kita rito sa bahay ngayon din!” Hinawakan ni Dante ang kamay ni Irish upang pakalmahin ito. Binubulungan din siya ni Dante ng mga salita na maaaring makapagpakalma sa kaniya ngunit mukhang hindi yata siya kakalma hangga’t hindi ako umaalis sa harapan niya. Nagbuntonghininga ako.“Sige. Aalis ako, Irish. Pero nakikiusap ako… huwag kang gagawa ng bagay na ikapapahamak mo,” pagpapaalala ko. Umirap siya. “Hindi ko kailangan ng words of wisdom mo, Elle. Ngayon, umalis ka na!” Sinulyapan ko pa ulit si Dante bago ako lumabas sa bahay namin. Sana lang talaga ay huwag gumawa si Irish ng bagay na makapagpapahamak sa kaniya. Hindi ko alam kung hanggang saan aabot ang galit ni Tiyo Isidro kapag nagkataon. Naisipan ko na lang na pumunta sa karinderya ni Aling Josefa upang kumain at makabisita na rin. Ilang araw na rin kasi akong hindi nakakapunta o nakakadaan man lang sa kaniya dahil abala ako sa pagtatrabaho sa club. Sa tuwing uuwi naman ako sa madaling araw ay sarado pa ang karinderya nila. Nakakahiya namang kumatok upang kumustahin si Aling Josefa o kahit si Ate Gina. Sa daan papunta kina Aling Josefa ay may nadaanan akong mga bata na nakaupo sa tabi ng daan. Tatlo sila. Ang pinakamatangkad at sa tingin kong pinakamatanda ay kalong-kalong ang isang babae na sa tingin ko’y pinakabata. Ang isa namang bata ay nakaupo sa tabi ng pinakamatanda at nakasandal sa balikat nito. “Kuya, magkano na po ang laman ng lata?” tanong ng batang lalaki na nakasandal sa balikat no’ng pinakamatandang lalaki. Napatingin ako sa harapan nila at nakita kong may lata nga roon. Ang hinuha ko ay ‘yon ang pinaglalagyan ng mga pera na nililimos nila sa ibang tao. Pero bakit sila nanlilimos? Wala na ba ang kanilang mga magulang? O katulad ko ay pinabayaan na rin sila ng mga magulang nila? Inayos ng pinakamatandang lalaki ang pagkakahawak sa batang babae bago sumagot. “Hindi ko alam, Renren. Tingnan mo nga. Hindi ko kasi kayang silipin dahil buhat ko si Rose.” Sumunod naman si Renren sa sinabi ng lalaki. Tiningnan niya ang laman ng lata. Nang makita ang laman niyon ay napasimangot ito. Bumalik siya sa pagkakaupo sa tabi ng kaniyang Kuya. Pakiwari ko ay magkakapatid sila. “Diez pesos lang ang laman, Kuya,” nakasimangot na saad ni Renren, dismayadong-dismayado. “Papaano tayo makakabili ng pagkain niyan? Kulang pa nga ‘yan para kay Rose.” Nagbuntonghininga ang panganay. “Maghintay pa tayo nang kaunti. Baka may magbigay pa sa ‘tin mamaya,” positibo na tugon nito. Makikitaan ng panghihina ang lalaki dahil sa sunod-sunod na pagbuntonghininga nito. Biglang nagising si Rose at naghanap kaagad ng pagkain. “K-Kuya, nasaan po ang pagkain? Gutom na po ako, eh,” pupungas-pungas na ani ng bata. Napapikit ang Kuya nila. “A-Ah… m-mamaya… mamaya ay bibili tayo ng pagkain para sa inyong dalawa. Sa ngayon ay magtiis muna tayo dahil wala pa tayong sapat na pera.” Hindi ko alam pero kusa na lang tumulo ang mga luha ko habang pinagmamasdan silang nag-uusap tungkol sa pagkain na kanina pa nila gustong matikman. Hindi ko lubos maisip na karamihan talaga sa mga bata ngayon ay nakakaranas na kaagad ng paghihirap kahit sa murang edad pa lang. Nakikita ko ang sarili ko sa kanila. Naranasan na namin ni Janella na mamalimos noon para lang magkaroon kami ng pera na maipangbibigay kay Mama. Sa musmos na edad at batang pag-iisip ay kinailangan naming kumita ng pera para sa ikasasaya ni Mama. Wala kaming naging pagtutol. Hindi kami nagreklamo. Naisip kasi namin na kulang pa ‘yong mga ginagawa namin para mawala ‘yong sakit na nararanasan ni Mama dulot ng pagkawala ng aming ama. Huminga ako nang malalim at saka nilinisan ang mukha ko. Ayaw kong humarap sa kanila nang may hilam na luha sa mga mata at pisngi ko. Gusto kong humarap sa kanila nang masaya ako upang mahawa sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD