CHAPTER 18

1351 Words
Chapter 18 Bumuga ako ng hangin bago naglakad palapit sa kanila. Napansin ako kaagad ng batang babae kaya napakunot ang noo nito. “Kuya, sino siya?” tanong ng batang babae sabay turo sa direksyon ko. Kaagad na napatayo ang panganay na lalaki. Nasa bisig pa rin niya ang batang babae. Hinawakan niya sa palapulsuhan si Renren at itinago sa kaniyang likuran. “S-Sino ka?” tila nagdududa na tanong ng panganay. “Huwag kang lalapit sa ‘min!” Nabigla ako sa naging reaksyon niya. Napailing ako. “H-Hindi ako masamang tao,” depensa ko. “Gusto ko lang sanang tumulong. Narinig ko kasi na nagugutom na ang mga kapatid mo. Sakto naman na pupunta ako sa karinderya ngayon. B-Baka lang… gusto niyong sumama.” Nasa mata pa rin ng panganay ang pagdududa sa ‘kin. “At anong kapalit ng pagtulong mo? Gagawin mo kaming alipin? Ibebenta mo kami sa mga dayuhan? I-Ibebenta mo ang mga lamang-loob namin? Huwag na! Hindi namin kailangan ng tulong mo!” alma niya. Napatingin ako sa mga batang kasama niya. Nakitaan ko ng takot at pag-aalala ang eskpresyon ng mga mukha nila. Napaangat muli ang mga mata ko sa panganay. Gusto ko siyang kumbinsehin na maganda ang intensyon ko sa kanila. Ngumiti ako nang bahagya sa kaniya. “Naiintindihan ko na gusto mo silang protektahan, pero nagsasabi ako ng totoo. Gusto ko lang talagang makatulong. Ayaw kong bigyan lang kayo ng pera. Alam ko naman kasi na pagkain talaga ang kailangan niyo dahil narinig ko kayong nag-uusap kanina. Wala akong hinihinging kapalit. Pagkatapos niyong kumain ay maaari niyo na akong iwan. Ako na ang bahalang magbayad ng mga kakainin niyo.” Lumambot ang ekspresyon ng panganay. “S-Sigurado ka ba?” paninigurado niya. Nakangiti akong tumango. “Oo naman! Isasama ko kayo kay Aling Josefa. Mabait ang tindera na ‘yon kaya tiyak ako na magugustuhan niyo siya. Masarap din ang mga luto niya kaya baka balik-balikan niyo ang karinderya niya,” tugon ko. “Mukha naman siyang mabait, Kuya. Sumama na tayo sa kaniya, please,” bulong ng batang babae. Napatango ang batang lalaki. “Oo nga, Kuya! Tingnan mo nga ang mukha niya, oh. Ang ganda niya, lalo na ang mga mata niya,” segunda nito. Nahihiya naman akong napangiti. “Foreigner ka po ba, Ate? Iba po kasi ang kulay ng mga mata mo.” Natatawa akong umiling. “Hayaan mo na ‘yan. Nilagyan ko lang ‘yan ng watercolor,” biro ko. “Hala!” usal ng batang babae. “Nilagyan mo po ng watercolor ang mga mata mo? Hindi po ba masakit ‘yon?” Mas lalo akong natawa sa sinabi ni Rose. “Tama ka. Nagbibiro lang ako, Rose,” pagbawi ko. Nanlaki ang mga mata niya. “P-Paano niyo po nalaman ang pangalan ko?” “Narinig ko na tinawag ka nilang Rose kanina,” tugon ko. Napatango naman siya. “Nagugutom na ba kayo?” Sabay na tumango si Renren at Rose. “Kung gano’n ay tara na kina Aling Josefa nang sa gayon ay makakain na kayo.” Nilagpasan ko na sila at bahagyang nauna sa kanila sa paglalakad. Maya-maya ay naramdaman ko ang paghawak ng isang maliit na kamay sa palad ko. Nang magbaba ako ng tingin ay nakita ko ang nakangiting mukha ni Rose. Medyo madungis ang mukha niya. Marumi rin ang kaniyang damit. “Hello!” bati ko at saka hinawakan ang kamay niya. Bumaba pala siya sa pagkakabuhat ng Kuya niya sa kaniya.“Ayos lang ba na buhatin kita?” pagpapaalam ko. Sunod-sunod ang naging pagtango niya kaya natawa ako. Huminto ako sa paglalakad at humarap sa kaniya. Iniyakap niya sa leeg ko ang mga braso niya. Ipinulupot ko sa maliit niyang baywang ang dalawang braso ko at saka ko siya binuhat. Nang maayos na ang posisyon niya sa bisig ko ay nag-umpisa na ulit kami sa paglalakad. “Ate, totoo po ba na hindi ka foreigner?” tanong ni Rose habang naglalakad kami. Napabaling ako sa kaniya at nakita kong nakatitig siya sa mga mata ko. Napatawa ako. “Bakit mo naman naitanong ‘yan?” Umiling-iling siya. “Wala lang po,” sagot niya. “Ano po pala ang pangalan niyo?” Natutuwa ako sa batang ito. Napakagalang at ang cute niya. Hindi siya maputi at hindi rin naman siya maitim. Sakto lang. Straight ang buhok niya na hanggang sa kalahati ng likuran niya. Mahahaba ang pilik-mata niya at maganda ang mga mata niya na kulay brown. Matangos din ang ilong niya at may dimples siya. Pink ang kulay ng labi niya. “Janelle,” sagot ko. Tumingin ako sa harapan. “Pero puwede mo rin naman akong tawagin na ‘Mama’ o ‘Inay’,” biro ko. “Talaga po? Sige po. Tatawagin ko na lang kayong ‘Mama’. Matagal na rin po kasi simula nang huli kong banggitin ang salita na ‘yan,” malungkot ang tono ng kaniyang boses na sabi niya. Nakaramdam din ako ng lungkot nang dahil sa sinabi niya. “Gano’n ba? Sige, payag ako na tawagin mo akong gano’n!” Pinasigla ko ang boses ko para hindi niya maramdaman na nalungkot ako nang dahil sa sinabi niya. Sumigla ang boses niya. “Yehey!” Napangiti ako. “Ilang taon ka na pala, Rose?” Ipinakita niya ang limang daliri niya. “Five po!” Namangha naman ako. Masyado siyang matured para sa limang taong gulang. Nang makarating kami sa karinderya ni Aling Josefa ay kaagad kong pinaupo si Rose sa upuan na nakaharap sa lamesa. Pinaupo ko rin naman kaagad ang mga kapatid ni Rose. “Maupo muna kayo rito,” anyaya ko sa kanila. Kaagad na binuhat ng panganay si Renren at itinabi kay Rose. Nasa pinakadulo ako ng upuan na mahaba. Nasa kaliwa ko si Rose. Ang nasa kaliwa naman ni Rose ay si Renren. Ang nasa kaliwa naman ni Renren ay ang panganay nila. “Ano nga pala ang pangalan ng Kuya mo?” tanong ko kay Rose habang pinagmamasdan siya. Nakamasid siya sa mga bagay na nasa loob ng karinderya. “Sino pong Kuya? Si Kuya Renren? O si Kuya Jay?” saad niya nang hindi ako tinitingnan. Napatango ako sa sarili ko. Ang pangalan pala ng panganay ay Jay. Ang sumunod kay Jay ay si Renren. Ang bunso naman ay si Rose. Nasaan kaya ang mga magulang nila? “Ilang taon na ang mga kapatid mo?” kuryoso na tanong ko ulit. Hindi ako sigurado sa mga edad nila dahil hindi ko rin naman matantya. Napanguso siya at saka ako binalingan. Saglit siyang napatitig sa ‘kin. “Si Kuya Renren po… 8 years old na siya. Si Kuya Jay naman po… 10 years old.” Bakit ba nagulat pa rin ako? Masyado pa pala talagang bata ang edad ni Jay para magkaroon siya ng ganoong klase ng pag-iisip. Siguro ay dala na rin ng mga karanasan niya sa buhay kaya ganoon. Hindi ko alam kung ano ang mga pinagdaanan nila ngunit alam ko na hindi naging madali para sa kanila na lagpasan ang mga ‘yon. Napabaling ang paningin ko sa mga kapatid ni Rose. Mahahalata sa mukha ni Renren na gutom na talaga siya dahil napapahawak siya sa kaniyang tiyan habang nakatingin sa ibang mga kumakain. Si Jay naman ay nakamasid sa loob ng karinderya. Paminsan-minsan ay napapabaling siya kay Renren kapag nagsasalita ito. Habang pinagmamasdan ko silang tatlo ay nangako ako sa sarili ko. Nangako ako sa sarili ko na tutulungan ko sila. Gusto kong makabawi sa mga pagkukulang ko sa kapatid ko na si Janella. Hindi ko siya masyadong naalagaan noon kaya maaga siyang kinuha sa ‘kin. Kung sana lang ay mas naging maingat ako at ginampanan ko ang pagiging panganay sa kaniya ay hindi mangyayari ang mga nangyari noon. Napabuntonghininga ako nang mapagtanto na masyado na naman akong nagpapakalunod sa alaala ng nakaraan. Mahirap talagang makalimot lalo na kung may pagsisisi at may kirot pa rin sa puso ko. Hindi ko nga alam kung mawawala pa ba ito. Baka oo. O baka hindi na. Hindi ko rin alam.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD