CHAPTER 19

1314 Words
Chapter 19 Hinayaan ko na lang muna si Rose na magtingin-tingin sa paligid. Hindi ko na ulit siya tinanong. Mukha kasing sabik na sabik ang mukha ni Rose habang inililibot ang paningin niya sa karinderya. Nang mamataan ko si Ate Gina ay kaagad ko siyang tinawag. “Ate Gina!” Nagpalinga-linga siya sa paligid. Ilang sandali ang hinintay ko bago magtama ang mga paningin namin. Napangiti siya at napatawa sa kaniyang sarili nang makita niya ako. Dala-dala ang isang basket ay lumapit siya sa akin. Pinagmasdan niya ang kabuuan ko bago siya nagsalita. “Magandang umaga, Elle! Wala kang pasok?” Napangiti rin ako sa kaniya. “Magandang umaga rin po. Mamaya pa po ang pasok ko kaya naisipan kong dumaan muna rito. Nasaan po pala si Aling Josefa?” ani ko. Nanliit ang mga mata ni Ate Gina. “Dumaan ka ba talaga rito o wala kang ibang pagpipilian kundi ang pumunta rito?” nagdududa na tanong niya. “Ano naman ngayon ang rason, Elle? Inubusan ka ng pagkain? Pinalayas ka? O tinopak na naman ‘yang mga kasama mo sa bahay niyo?” usisa ni Ate Gina. Nahihiya akong napangiti at napasulyap sa mga batang kasama ko. Lahat sila ay nagpapasalit-salit ng tingin sa ‘min ni Ate Gina. Hangga’t maaari ay ayaw kong malaman ng mga bata kung ano ang mga pinagdadaanan ko. Gusto kong isipin nila na wala akong problema nang sa gayon ay hindi nila maisip na kaawaan ako. Bumaling akong muli kay Ate Gina. “Gusto ko lang po talagang dumaan dito. Sakto naman po na nakita ko ang mga batang ito sa daan kaya isinama ko na rito para makakain na sila,” tugon ko sabay baling ulit sa mga bata. Malawak na ngumiti si Rose at kumaway kay Ate Gina. “Hello po! Ako po si Rose,” pakilala ng bata. Napangiti ako sa ka-cute-an niya. “Kumusta ka, Rose?” nakangiting bati ni Ate Gina sa bata. “Ayos lang po ako. ‘Yon nga lang po… nagugutom na ako,” nakasimangot na ani ni Rose sabay hawak sa maliit niyang tiyan. “Roselyn!” may diin na tawag ni Jay sa bunsong kapatid. Nahihiya siyang napakamot sa kaniyang batok habang nakatingin kay Ate Gina. “P-Pagpasensyahan niyo na po ang kakulitan ng kapatid ko.” “Magkapatid pala kayo,” saad ni Ate Gina. Umiling siya. “Ayos lang ‘yon, Hijo. Hindi naman kasalanan na umamin kung nagugutom ka na.” Napunta ang paningin ni Ate Gina sa batang lalaki na nasa gitna nina Rose at Jay. “Oh, kapatid niyo rin ba ang batang ito?” “Opo!” Si Renren na mismo ang sumagot. “Magkakapatid po kaming tatlo. Si Kuya Jay po ang panganay.” Sabay turo kay Jay. “Si Rose naman po ang bunso.” Sabay baling kay Rose. “At ako naman po ang pangalawa sa aming magkakapatid.“ At saka niya itinuro ang sarili niya. “Nakakatuwa naman kayong tatlo!” saad ni Ate Gina. Inilapag niya ang basket na kanina niya pa bitbit sa ibabaw ng lamesa, sa harapan ko mismo. “Ano nga pala ang o-order-in mo, Elle?” Bumaling siya sa akin. “Gusto ko pa sanang makausap ang mga batang kasama mo ngunit marami pa akong customer na kailangang asikasuhin.” Kinuha niya sa kaniyang bulsa ang ballpen at ang isang maliit na papel. “Isang order po ng Menudo, Sinigang na Baboy, Adobong Sitaw, Pakbet, apat na Pritong Manok at kanin. Pakidagdagan na lang po ng sabaw ‘yong Sinigang para po rito kay Rose,” dahan-dahan at malinaw na saad ko. Sinasabayan ni Ate Gina ng pagsusulat sa papel ang pagsasalita ko. Inulit ni Ate Gina ang order ko. Napatango ako sa kaniya nang matapos. “Hahatiran ko na rin kayo ng mga baso pagkatapos kong maihatid ang mga pagkain niyo. Sa ngayon ay maghintay muna kayo dahil dagsa ang mga taong kumakain ngayon,” sabi ni Ate Gina. Pagkatapos sabihin ‘yon ay nagpaalam na siya sa akin at sa mga bata. “A-Ah… Ate Elle,” mahinang tawag sa ‘kin ni Jay. Napabaling ako sa kaniya, bahagyang nakaawang ang bibig nang dahil sa gulat. Hindi ko inaasahan na maririnig ko sa bibig ng isang bata na hindi ko lubos na kilala ang pangalan ko. Marahil ay narinig niya kanina na tinawag ako ni Ate Gina sa pangalan ko. Gulat man ay ngumiti ako sa kaniya. “Ano ‘yon, Jay? Nagugutom ka na rin ba? Sandali lang naman ang—” Napatigil ako sa pagsasalita nang magsalita ulit siya. “B-Bakit mo po ito ginagawa?” tanong niya habang nasa akin ang mga mata niya. “Hindi mo naman po kami kilala. Hindi mo rin po kami kaano-ano kaya bakit mo po kami dinala rito?” Tahimik ang batang si Rose na nasa tabi ko. Si Renren naman ay pinagmamasdan kaming dalawa ni Jay. Hindi ko alam kung maiintindihan na ba nila sa ngayon ang paliwanag ko kaya nagdadalawang-isip akong sumagot. Alam kong matatalino silang bata ngunit may mga bagay lang talaga na hindi pa para sa mga batang kagaya nila. Hindi ko minamaliit ang kakayahan ng utak nila. Iniisip ko lang na baka mag-iba ang tingin nila sa mundo kung saan sila isinilang. Ngumiti ako kay Jay. “Hindi naman masamang tumulong sa mga tao na nangangailangan ng tulong—kakilala man natin ang mga ito o hindi. Walang kasiguraduhan ang lahat ng bagay sa mundo kaya habang kaya mong tumulong ay piliin mong tumulong. Ang pagpapakita ng kabutihan ng isang tao ay hindi nangangahulugan na gusto niyang humingi ng kapalit sa mga tao na tinulungan niya. Minsan ay naiintindihan lang talaga nila kung ano ang pakiramdam kapag nangangailangan ng tulong kaya nang sila naman ang may kakayahang makatulong ay tumulong sila,” mahabang paliwanag ko. Nagbaba ng paningin si Jay. “Humihingi po ako ng pasensya para sa hindi magandang asal na ipinakita ko kanina,” mahinang sambit niya. “Sa tagal po namin na nagpapagala-gala sa kalsada ay marami na po kaming nakilala na mga taong mapagbalat-kayo. Nagpapanggap sila na gusto nila kaming tulungan ngunit ‘yon pala ay gusto lang nila kaming pagkakitaan.” Nagbuntonghininga siya. “Nakakatakot po… kasi hindi namin sigurado kung sino talaga ang nagpapakita ng totoong kabutihan. Bilang mga bata na walang tirahan at sa kalsada na lang nakatira, malaking tulong po sa amin na bibigyan niyo kami ng makakain ngayon. Sa katunayan nga po, dalawang araw na kaming hindi nakakakain ng kanin. Puro tinapay at tsitsirya lang po ang inilalagay namin sa mga tiyan namin para lang maitawid ang gutom namin.” Napakagat ako sa labi ko nang maramdaman ko ang pag-init ng sulok ng mga mata ko. Nakaramdam ako ng kirot sa puso ko habang pinapakinggan ang mga sinasabi ni Jay. Hindi ako ang mismong nakaranas ng mga naranasan nina Jay at ng mga kapatid niya ngunit pakiramdam ko ay nandoon ako habang nararanasan nila ang mga ‘yon. Masakit para sa ‘kin na malaman na may mga bata pala talagang maagang nakipagsapalaran sa kalsada para lang madugsungan ang mga buhay nila. Noong mga panahon na halos talikuran na ako ng mundo ay naisip ko na sana ako na lang ang nawala. Siguro ay mas magiging masaya si Mama, pati na rin ako dahil mawawakasan na ang paghihirap na nararanasan ko. Pakiramdam ko noon ay wala na akong silbi sa mundo. Hindi rin naman ako mahal ni Mama kaya naisip ko na ano pa ang silbi ko rito? Naisip kong sumuko ngunit hindi ko magawa—dahil kay Mama. Ngayon na nasa harapan ko ang mga batang ‘to ay mas lalo kong napagtanto na walang-wala pa ang paghihirap ko kumpara sa mga nararanasan ng ibang tao. Iba-iba naman tayong lahat ng pinagdadaanan sa buhay. ‘Yong iba ay masuwerte, ‘yong iba naman ay minalas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD