CHAPTER 20

2065 Words
Chapter 20 “Salamat po, Mama Elle,” biglang pagsasalita ni Rose. Ibinaba ko ang paningin ko sa kaniya. Nang mapatitig ako sa mga mata niya ay nakita ko na nagbabadya na ang pagbagsak ng mga luha na galing sa mga mata niya. “Tama po ang mga sinabi ni Kuya. Dalawang araw na po kaming hindi nakakakain nang tama kaya po nagrereklamo na kami sa kaniya.” Narinig ko ang pagsinghot ni Renren kaya sa kaniya naman napunta ang paningin ko. Namumula ang ilong niya. “Alam po namin na nahihirapan na rin si Kuya para maibigay ang mga hinihingi namin. Pero hindi po siya sumuko. Hindi rin niya kami iniwan.” Huminga ako nang malalim para hindi tuluyang bumagsak ang mga luha na naipon sa mata ko. “Sigurado ako na proud ang mga magulang niyo sa inyo, lalo na sa ‘yo, Jay.” Sabay tingin ko kay Jay. Nasa mga kapatid niya ang paningin niya. “Kung nasaan man ang mga magulang niyo, alam kong ipinagmamalaki ka nila. Nakikita ko na pinalaki ka nilang responsable at mapagmahal sa mga kapatid mo. Sana ay ipagpatuloy mo ‘yan at huwag na huwag mong susukuan ang mga kapatid mo.” Tumango si Jay at saka ako nginitian. “Hinding-hindi ko po sila susukuan. Bago po mamatay si Papa ay ibinilin niya sa ‘kin na kahit anong mangyari ay alagaan at mahalin ko ang mga kapatid ko. Sumunod naman na nawala ay si Mama. Ipinangako ko sa kaniya na hinding-hindi ko hahayaan na magkahiwa-hiwalay kaming magkakapatid.” Inabot ko ang buhok ni Jay at saka ‘yon bahagyang ginulo. “Ipinagmamalaki rin kita, Jay. Natutuwa ako na kahit nasa murang edad pa lang ay alam mo na kaagad kung papaano maging responsable. Sobrang suwerte ng mga kapatid mo sa ‘yo.” Napailing siya at saka pinagmasdan ang mga kapatid niya. “Ako po ang masuwerte sa kanila. Kung wala po sila ay wala na rin ako. Sila po ang rason kung bakit patuloy pa rin akong lumalaban sa buhay. Importante po sila sa ‘kin kaya hindi ko sila kayang pabayaan.” Nang mga sandaling ‘yon ay nakita ko ang pagkakaparehas namin ni Jay. May tao na naging dahilan para manatili siyang matatag, at ‘yon ay ang mga kapatid niya. Ang nagpapanatili naman sa ‘kin na lumaban ay ang Mama ko. Hindi ko rin siya kayang iwan kaya kahit hindi niya ako mahal ay nananatili pa rin ako. “Janelle!” Boses ni Aling Josefa. Pasimple akong nagpahid ng luha bago humarap sa loob ng karinderya. Nakita kong naglalakad si Aling Josefa habang may bitbit na tray. Papunta siya sa direksyon namin. Napabaling ang paningin niya sa mga bata na kasama ko. “Sinabi nga sa ‘kin ni Gina na may kasama ka raw na mga bata,” usal niya nang makalapit. Maingat na ipinatong ni Aling Josefa ang mga mangkok sa lamesa. “Sinabi rin niya sa akin na nakita mo sila sa daan, tama ba?” Tapos na siya sa pagsasalansan ng mga ulam sa harapan namin. “Opo, Aling Josefa,” sagot ko. “Ito nga po pala si Rose, Renren, at Jay. Magkakapatid po silang tatlo.” Ngumiti si Aling Josefa sa mga bata. “Ang gaganda at ang popogi naman ng mga batang ito, Elle,” pagpuri ni Aling Josefa. Napangiti si Rose, labas ang mga ngipin. “Salamat po sa papuri, Lola! Maganda rin po kayo,” tugon naman ni Rose. Napahalakhak si Aling Josefa. “Nako naman itong batang ito, oo!” natatawang sabi niya. “Dahil diyan ay libre na kayo rito sa karinderya ko kapag gusto ninyong kumain. Hindi niyo na kailangang magbayad. Magsabi lang kayo sa ‘kin o sa kahit sinong tao rito sa loob ng karinderya. Nakita ko na sabay-sabay lumaki ang mata ng mga bata. Napaawang pa ang bibig ni Jay habang si Renren naman ay napasinghot na naman. Akala ko pa naman sa kanilang magkakapatid ay si Renren ang hindi iyakin. “Nandito na ang kanin at ang mga baso!” masayang anunsyo ni Ate Gina na kararating lang. Inilapag niya sa harapin namin ang mga baso. Inilagay rin niya sa harapan namin ang mga plato na may lamang kanin. “Pasensya na kung natagalan dahil nagluto pa ako ng kanin. Naubusan na kasi kami.” “Ayos lang po ‘yon! At least nga po ay may kanin,” nakangiting usal ni Renren. “Kumain na kayo,” untag ko sa magkakapatid dahil wala yata silang balak magsimula. Nakatitig lang sila sa mga ulam na nasa harapan nila. “Galawin niyo na ‘yang mga pagkain niyo. Sayang naman kung lalamig na.” Hindi ko na sila kailangang sabihan ulit dahil kinuha na nila ang mga kutsara nila. Hindi nila ginalaw ang tinidor kaya kinuha ko ang tinidor na nasa mga plato nila. Ibinigay ko ang mga tinidor kay Ate Gina. Naintindihan naman niya na hindi magagamit ‘yon ng mga bata. Umalis na si Ate Gina dahil may iniluluto pa raw siya. Nanatili naman si Aling Josefa na nakatayo sa harapan namin. Nagsimula na rin akong kumain. Habang abala ang mga bata sa mga kinakain nila ay nagsalita si Aling Josefa. “Nasaan ang mga magulang nila, Elle?” tanong ni Aling Josefa. Saglit akong napahinto sa pagnguya. Napaangat ako ng tingin at nakita kong pinagmamasdan ni Aling Josefa ang mga bata habang magana na kumakain ang mga ito. Inubos ko muna ang laman ng bibig ko bago ako sumagot. “Ang sabi ni Jay ay wala na ang mga magulang nila. Silang tatlo na lang ang naiwan at wala silang tahanan kaya sa kalsada na lang sila naninirahan,” mahinang sagot ko, nag-iingat na hindi marinig ng mga bata. Napabuntonghininga si Aling Josefa. “Anong balak mo sa kanila? Sa pagkakakilala ko sa ‘yo ay hindi mo maaatim na pabayaan ang mga batang ‘yan na magpagala-gala sa kalye,” usal niya. Napatitig ako sa plato ko, nag-iisip. Ang totoo ay may nabubuong ideya sa isipan ko. Hindi lang ako sigurado kung magagawa ko ba kaagad ‘yon dahil kapos pa ako sa pera. Mabuti na lang nga at naitabi ko ang mga pera na natanggap ko sa mga customer sa club. Kung hindi ay baka pati ang mga ‘yon ay nakuha na rin ni Mama. May maipangbabayad pa ako kay Aling Josefa para sa mga kinain namin ng mga bata ngayon. “Balak ko sana silang ampunin, Aling Josefa,” sagot ko. “Pero wala pa naman akong sapat na pera ngayon para matustusan ang mga pangangailangan nila. Hindi rin po biro ang pinaplano ko kaya dapat kong pag-isipan nang mabuti.” Napatawa nang mahina si Aling Josefa kaya napaangat ako ng tingin. Nakatingin pa rin naman siya sa mga bata. “Inaasahan ko na ang sagot na ‘yan mula sa ‘yo, Elle.” Bumaling siya sa ‘kin. “Gusto ko rin makatulong sa mga bata kaya may suhestyon ako.” Napakunot ang noo ko. “Ano naman po ‘yon?” “Habang wala ka pang pera at sapat na kakayahan para ampunin ang mga batang ito ay mabuting dito na lang muna sila sa puder ko. Sa gano’ng paraan ay hindi ka mamomroblema tungkol sa kalagayan nila. Nasa sa kanila na ‘yon kung papayag sila o hindi,” saad ni Aling Josefa. Saglit akong napatigil at napatitig lang kay Aling Josefa. Bata pa lang ako ay kilala ko na si Aling Josefa kaya alam ko kung gaano kabuti ang kalooban niya. Mahilig siyang tumulong sa mga tao. Siya ang nagpapakain sa ‘min ni Janella noon kapag hindi kami pinapakain ni Mama. Siya ‘yong nagturo sa ‘kin na magbigay ng tulong sa mga nangangailangan hangga’t kaya ko pa namang makatulong. “Pag-aaralin ko rin sila nang sa gayon ay may pagkaabalahan sila. Isang tingin pa lang ay alam kong matatalino silang mga bata kaya hindi sila mahihirapan sa klase,” dagdag ni Aling Josefa. “Gusto ko rin kasing magkaroon ng mga bata sa bahay. Napakatahimik doon dahil mag-isa lang naman ako.” Kaya nang natapos kaming kumain ay kinausap ko kaagad ang mga bata. Bumalik na muna si Aling Josefa sa loob ng kusina ng karinderya para asikasuhin ang ibang mga iniluluto nila. Aniya ay hihintayin niya ang pagpapasya ng mga bata. “Gusto niyo bang tumira sa bahay ni Aling Josefa?” tanong ko sa kanila. Nakaupo pa rin kami rito sa harapan ng karinderya. Padighay-dighay pa ang magkakapatid. Mabilis na tumango si Rose. “Oo naman po, Mama Elle! Mabait si Aling Josefa at marami siyang pagkain.” Sabay bungisngis niya. Natawa naman ako sa sagot niya. “Ikaw, Renren? Ayos lang ba sa ‘yo na tumira sa bahay ni Aling Josefa? Si Aling Josefa ‘yong matandang babae kanina na naghatid ng mga pagkain natin,” saad ko. Tumitig siya sa mga mata ko. “Hindi po ba puwedeng ikaw ang umampon sa ‘min?” Bahagyang nanlaki ang mga mata ko nang dahil sa sinabi niya. “Base po sa tanong mo ay naisip ko na may balak si Aling Josefa na ampunin kami.” Tumango ako. “Tama ka,” ani ko. “Pero ‘yon naman ay pansamantala lang. Napag-usapan namin ni Aling Josefa na sa kaniya muna kayo titira hangga’t wala pa akong kakayahan na ampunin kayo. Wala pa akong sapat na pera kaya hindi ko pa kaya.” Napatango si Renren. “Gano’n po ba?” aniya. “Ayos naman po ako kahit sino sa inyo ni Aling Josefa.” “Dadalawin mo naman po kami sa bahay niya, hindi ba?” pagsasalita ni Jay. Napunta sa kaniya ang paningin ko. “Ibig sabihin ba nito ay pumapayag ka, Jay?” pagkukumpirma ko. “Wala naman po kaming karapatan na tumanggi. Isa pa po, tulong na ang lumalapit sa amin kaya bakit pa po namin tatanggihan? Kayo na rin naman po ang nagsabi na mabait si Aling Josefa,” sagot ni Jay. Napahinga ako nang malalim. “Ayaw ko naman sana talaga kayong iwan sa ibang tao. Gusto ko na ako mismo ang mag-aalaga at tutulong sa inyo. Pero hindi ko ‘yon magagawa sa ngayon dahil wala pa akong pera. Huwag kayong mag-alala dahil palagi naman akong magpupunta sa bahay ni Aling Josefa. Puwede ring dito ko kayo dalawin dahil tiyak na isasama niya kayo rito.” “Yehey!” nakataas ang mga kamay na hiyaw ni Rose. “Huwag mo po kalimutang dumalaw, Mama Elle. Mami-miss po kasi kita kaagad.” Napatawa ako. “Hindi pa nga tayo nagkakahiwalay, mami-miss mo na ako kaagad?” Tumango ang bata. “Opo! Mami-miss ko po ‘yang kulay green mong mga mata!” Ginulo ko ang buhok ni Rose. “Ang kulit,” natatawang sambit ko. Nang sumapit ang ala-una ng hapon ay lumabas ulit si Aling Josefa. Ipinalaam ko sa kaniya na pumayag na ang mga bata na ampunin muna sila ni Aling Josefa. Nagsabi ako sa kaniya na araw-araw kong dadalawin ang mga bata. Pumayag naman siya kaya isinama niya ako pauwi sa bahay niya. “Dito ang bahay ko. Alam kong hindi ka pa nakakapunta rito dahil sa tuwing nagpapaalam ka noon sa Mama mo ay hindi ka pinapayagan,” ani ni Aling Josefa. “Dito na po kami titira, Ate Elle?” tanong ni Renren. Tumango ako at ngumiti. “Wow! Ang ganda ng bahay ni Aling Jose—” “Lola, Renren. Mula ngayon ay tatawagin niyo na akong Lola,” pagtatama ni Aling Josefa. Natuwa ang mga bata kaya niyakap nila si Aling Josefa. Nakita ko ang kakaibang saya sa mga mata ni Aling Josefa habang yakap-yakap ang magkakapatid. Hindi ko pa nakita ang ganitong klase ng saya sa mga mata ni Aling Josefa. Oo nga’t palagi naman siyang ngumingiti at tumatawa ngunit iba talaga ang saya niya ngayon. Nakikita ko sa mismong mga mata niya na masaya siya. “Salamat po,” bulong ni Jay kay Aling Josefa habang yakap pa rin ito. “Salamat po sa pagtanggap sa ‘min.” Gano’n nga siguro talaga ang buhay. Kung sino pa ang hindi natin kadugo ay ‘yon pa ang nagmamalasakit sa ‘tin. At kung sino naman ang kadugo natin ay ‘yon pa ang nananakit sa ‘tin. Baliktad na ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD