CHAPTER 21

2140 Words
Chapter 21 “Bakit ganiyan ang mukha mo, Jan?” nakakunot ang noo na tanong ni Dysea habang nakatayo kami sa tapat ng counter kung saan ibinibigay ang order para sa mga pagkain. Napailing ako at napaiwas ng tingin. Hindi ko kayang sabihin sa ibang tao kung ano ang nangyayari sa loob ng bahay namin. Wala naman kaming batas na gano’n ngunit hindi ko lang talaga kayang pag-usapan. Masyadong mabigat. Ayaw kong bigyan ng alalahanin ang mga tao na nasa paligid ko. Biglang pumitik ang alaala ng mga nangyari kanina nang makauwi ako pagkagaling sa bahay ni Aling Josefa. Hinatid ko sila roon, kasama ni Aling Josefa ang mga bata. Walang pag-aalinlangan at pag-aatubili na sumang-ayon ang mga bata na ampunin muna sila ni Aling Josefa nang pansamantala. Masayang-masaya rin sila at ani pa nila’y tutulungan nila si Aling Josefa sa abot ng makakaya nila. “Ano ang ginagawa ng tarantadong ‘yon dito, Irish?!” Hindi pa man ako nakakapasok sa bahay namin ay dinig na dinig ko na kaagad ang malakas na sigaw ni Tiyo Isidro. Dahan-dahan kong itinulak ang pinto at nakita ko ang kapatid ko na nakaupo sa upuan habang nakatingala kay Tiyo Isidro na nanggagalaiti ang mukha. Bahagyang namumula ang leeg nito at naglalabasan na ang mga ugat. Galit siya. Napamura si Tiyo Isidro nang wala siyang nakuhang sagot mula kay Irish. “Gusto mo na ba talagang sirain ang buhay mo, Irish? Gusto mo bang matulad ka sa ‘min ng Mama mo na ipinanganak na ngang mahirap, mamamatay pa rin nang naghihirap?!” gigil na anas na naman ni Tiyo Isidro. Napailing-iling si Irish habang nakangisi. “Bakit, Papa? Matagal naman nang sira ang buhay ko, ‘di ba? Ano pa ang sisirain dito? At saka puwede ba…” Nagsalubong ang kilay niya. “Huwag mo akong itulad sa inyo ni Mama. Ilang beses ko bang sasabihin sa ‘yo na hinding-hindi ako matutulad sa kaniya?!” Ako ang kinakabahan para sa kapatid ko. Masyado na niyang sinasagad ang Papa niya. Hindi namin alam kung ano ang tumatakbo sa isip ni Tiyo Isidro kaya mas lalong nakakakaba ‘yon. Hindi namin alam kung ano ang sunod na mga gagawin niya. Sinampal niya si Irish noong huling pagtatalo nila kaya hindi malabo na gawin niya ulit ‘yon lalo pa’t parehas na mainit ang ulo nila. Napakagat ako sa labi ko nang maalala na pinayagan ko si Irish na papasukin si Dante rito. Hindi ko sila pinigilan at iniwan ko pa sila nang silang dalawa lang. Nababahala ako na baka ako naman ang pagbuntunan ni Tiyo Isidro. Puwede naman akong umalis at bumalik na lang ulit mamaya para hindi ako makita ni Tiyo Isidro ngunit hindi ko makakayang iwan si Irish dito kasama si Tiyo Isidro habang nagsasagutan na naman sila. “Alam mo naman palang matagal nang sira ang buhay mo, tapos mas sisirain mo pa?!” madiin na saad ni Tiyo Isidro. Bahagya siyang lumapit kay Irish kaya napalakad din ako nang dalawang beses papasok sa bahay namin. “Huwag na huwag mong hahayaan na makita kong magkasama kayong dalawa ng g*go na ‘yon, Irish, dahil—” “Dahil kung ano, Papa?” pagpuputol ni Irish. “Anong gagawin mo sa kaniya? Sa ‘min?” “Hindi mo magugustuhan ang mangyayari sa lalaking ‘yon, Irish! Sinasabi ko sa ‘yo… layuan mo ‘yon dahil wala namang magandang buhay na maibibigay sa ‘yo ‘yon! Ang dapat na ginagawa mo ngayon ay nag-aaral! Kung ayaw mong mag-aral, magtrabaho ka na lang! Gayahin mo ang ginagawa ng kapatid mo! Kumikita na siya at nakakatulong dito sa bahay—sa mga gastusin na meron tayo!” Hindi pa rin nagbabago ang tono ng pananalita ni Tiyo Isidro, galit na galit pa rin siya. Napasinghal ang kapatid ko at saka napasandal sa upuan. Masama niyang tiningnan ang ama. “At bakit ko naman gagawin ‘yon? Dapat lang naman sa kaniya na magtrabaho siya dahil sampid lang siya rito! Dapat niyang bayaran ang mga kinakain niya! Pati ang pagtira niya rito ay dapat niyang bayaran!” Napakagat na naman ako sa labi ko nang dahil sa narinig. Kahit na sanay na ako ay masakit pa rin pala. Iniisip ko tuloy kung kailan ako mamamanhid. Kahit na hindi na kaya ng puso ko ay tinatanggap ko pa rin ‘yong sakit dahil kagaya ng lagi kong sinasabi—ginusto at pinili ko ‘to. “Huwag mong ibahin ang usapan, Irish! Seryosohin mo ang sinabi ko sa ‘yo na huwag kang magpapahuli sa ‘kin na kasama ang lalaking ‘yon dahil babasagin ko talaga ang mukha niya sa harapan mo! Kilala mo ako, Irish… kung anong sinabi ko ay ginagawa ko,” mapanganib na banta ni Tiyo Isidro. Tumalikod siya at humarap sa ‘kin. Nagtama ang paningin namin ni Tiyo Isidro ngunit nilagpasan lang niya ako at saka siya dire-diretsong lumabas sa pinto. “Hoy!” pukaw ni Dysea sa atensyon ko. Napabaling ako sa kaniya at nakita kong nag-aalala ang itsura niya. Nagbuntonghininga ako. “May naalala lang ako, Dysea. Huwag kang mag-alala sa ‘kin dahil ayos lang naman ako,” saad ko kaagad dahil nararamdaman ko na magtatanong na naman siya sa ‘kin. Nanatili pa rin ang pag-aalala sa mukha ni Dysea. “Hindi ‘yon ang nararamdaman ko sa pagbubuntonghininga na ginagawa mo. Kung may problema ka ay sabihin mo dahil mas lalo lang ‘yang bibigat kung kikimkimin mo sa loob mo,” malumanay na saad niya. Noon pa naman ay sinasarili ko na lang ang mga problema ko dahil wala akong mapagsabihan. Bukod kay Aling Josefa at Ate Gina ay wala akong ibang kaibigan na maituturing. Sa mga bar at club na pinasukan ko ay wala akong naging kaibigan. “Ayos lang talaga ako, Dysea,” paninigurado ko dahil nasa mga mata pa rin niya ang pagdududa. Sana lang talaga ay huwag mapuno ang planggana na pinag-iipunan ko ng mga hinaing ko. Dahil kung mapuno ‘yon, hindi ko alam kung anong mangyayari at magagawa ko. Hindi na nagkaroon pa ng pagkakataon si Dysea na mag-usisa ulit dahil dumating na ang order na ihahatid ko. Nginitian ko si Ate Maddy nang iabot niya sa ‘kin ang tray. Bago ako umalis ay nagpasalamat muna ako sa kaniya at saka ako nagpaalam kay Dysea. Habang naglalakad papunta sa table 45 ay iginala ko ang paningin ko sa kabuuan ng club. Marami na naman ang mga tao kaya hindi halos magkandaugaga ang mga waitress sa pagbibigay ng serbisyo. Sa stage naman ay nakita kong maraming mga babae ang sumasayaw. Gaya ng nakasanayan ay manipis na tela lang ang kanilang suot upang matakpan ang mga pribadong parte ng katawan nila. Hindi ba sila nilalamig? Nabigla ako nang tumama ang katawan ko sa isa pang katawan. Nakaramdam ako ng bahagyang pagtambol ng kaba sa dibdib ko nang mapansin kong muntik na malaglag ang mga pagkain na nakalagay sa tray na bitbit ko. Gusto kong kurutin ang sarili ko dahil hindi ako nagiging maingat. “Tumingin ka kasi sa dinaraanan mo para wala kang nakakabangga,” makahulugan na sabi ng taong nakabanggaan ko. Pamilyar ang boses kaya napaangat ang paningin ko. Bumungad sa ‘kin ang nakangising mukha ni Angela. “Ayusin mo ang mga galaw mo dahil pinagmamasdan kita palagi.” Tunog nagbabanta ‘yon kaya napalunok ako. Hindi na niya ako hinayaang magsalita at basta na lang siyang umalis. Nang mawala siya sa harapan ko ay saka lang ako nakahinga nang maluwag. Pigil-pigil ko pala ang paghinga ko kanina habang magkaharap kami. Hindi ako kumportable sa ganitong pakiramdam dahil kahit na palagi akong binabato ng mga masasakit na salita ay wala pa naman akong nakaaway nang totoo. Dali-dali akong naglakad papunta sa table kung saan ko ihahatid ang order. “Salamat po sa paghihintay ninyo,” malumanay na saad ko nang makarating sa tamang table. Maingat ang bawat galaw ko dahil nag-aalala na ako sa mga ikinikilos ko. May pinag-iipunan na ako ngayon kaya hindi puwedeng magkaroon ng bawas ang suweldo ko. Hindi naman sumagot ang mga customer. Nagpatuloy lang sila sa kanilang pag-uusap na parang hindi ako dumating. Mas gusto ko ang ganitong klase ng customer dahil hindi sila nakakapagpatagal sa pagtatrabaho. Hindi na sila nakikipag-usap kaya nagkakaroon pa ako ng pagkakataon na makapunta sa maraming tables. Matapos kong ihatid ang order ay pumunta ako ulit sa iba pang table. Napansin ko na kararating lang kasi nila kaya lumapit ako kaagad upang kuhanin ang order nila. Nagkaniya-kaniya naman sila ng pagsasabi sa mga order nila. Tumango-tango ako sa kanila at saka binasa ang mga naisulat ko. “Bukod po sa mga order na nakasulat dito, may iba pa po ba kayong mga order?” tanong ko habang nakatutok ang mga mata ko sa papel. “Wala na, Miss,” sagot ng customer na siyang pinakamalapit sa ‘kin. “Sige po. Pakihintay na lang po ang order ninyo,” paalam ko at naglakad na papunta sa counter kung nasaan si Ate Maddy. Napabuga ako ng hangin nang mabasa ang ibang order. May drinks sila na in-order. Hanggang ngayon kasi ay iniiwasan ko pa rin si Aldous. Imposible mang maiwasan ko siya rito sa club ngunit ginagawa ko ang lahat ng paraan na alam ko para lang hindi kami magkaroon ng interaksyon. Mas lalo lang tumindi ang kagustuhan ko na umiwas nang dahil sa mga sinabi ni Angela kanina. Binalaan niya ako at sinabing pinagmamasdan niya ako palagi. Ibig sabihin ba no’n… palagi niyang sinusundan ang bawat galaw ko? Ibinigay ko kay Ate Maddy ang papel. Nang maibigay niya na sa mga chef ang order ay ibinalik niya sa akin ang papel. Napatitig naman ako roon habang nakatayo sa harap ng counter at naghihintay na matapos ang pagkain na iniluluto. Maya-maya ay napaangat ako ng tingin at nakita ko si Dysea. Para akong nabunutan ng tinik nang maisip kong maaari kong matakasan ang pakikipag-usap kay Aldous sa pamamagitan ni Dysea. “Dysea!” parang sabik na tawag ko nang makalapit siya. “Oh? Bakit parang excited ka na makita ako?” natatawang aniya. Ikinalma ko ang sarili ko. Masyado yatang naging halata ang pagkaginhawa na naramdaman ko. “Ah, Dysea… ayos lang ba na ikaw na ang magbigay ng order na ‘to roon sa counter para sa mga alak?” pakiusap ko sabay abot ng papel sa kaniya. Nakita ko ang pagkunot ng noo niya bago ibinaba ang paningin sa papel na nasa kamay ko. “Ano kasi…” Hindi ko alam kung anong idadahilan ko! Huminga ako nang malalim. “M-May pupuntahan pa kasi akong ibang table…” Kinuha niya ang papel sa kamay ko kahit halata sa mukha niya ang pagtataka. “Why are you so tense, Jan?” tanong niya. “Nitong mga nakaraang araw, I noticed something…” Kinabahan ako bigla. “Are you avoiding, Aldous?” Bigla akong tinamaan ng kaba. Hindi ko sinasabi kay Dysea na kailangan kong iwasan si Aldous dahil alam kong aalamin niya ang dahilan. Sa halos dalawang linggo na pagtatrabaho ko rito ay napansin ko na hindi nakukuntento sa isang sagot si Dysea. Hangga’t may bumabagabag sa kaniya ay hindi siya titigil sa pag-uusisa. Naging malikot ang mga mata ko. Tumingin ako sa paligid, puwera sa kaniya. “H-Hindi naman sa gano’n. Kailangan ko lang talagang magpunta sa ibang table para makuha ang order ng ibang customers,” kabadong sagot ko. “Did you know that you are a bad liar?” walang emosyon na saad niya. Napunta sa kaniya ang paningin ko. Pinanliitan niya ako ng mga mata. “Alright… kung hindi mo iniiwasan si Aldous, ikaw ang magbigay nito sa kaniya.” Napaawang ang labi ko nang dahil sa hamon niya. Inilapag niya sa counter ang papel kaya roon naman napunta ang paningin ko. “Personally give that paper to Aldous, so that we can know that you are not really avoiding him. Hindi man halata pero inoobserbahan ko ang lahat ng tao rito sa club.” Napakagat ako sa labi ko, kabado pa rin. Mas magiging kumplikado lang ang lahat kung hindi ako papayag sa gustong mangyari ni Dysea. Ibibigay ko lang naman itong papel kay Aldous. Hindi ko na siya kailangang kausapin. Pero paano kung makita ni Angela? Baka mas lalo lang niya akong pag-initan. Baka hindi niya na talaga ako tigilan. “See? Hindi ka makalapit kay Aldous. Hindi mo kayang ibigay ‘yang papel dahil iniiwasan mo talaga—” Kinuha ko ang papel sa ibabaw ng counter kaya napatigil siya sa pagsasalita. Kinakabahan man ay nginitian ko si Dysea. “Ibibigay ko ‘to kay Aldous hindi para patunayan na hindi ko talaga siya iniiwasan. Ibibigay ko ‘to dahil ito ang trabaho ko.” At naglakad na ako papunta sa counter kung nasaan si Aldous.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD