CHAPTER 1

4555 Words
Chapter 1 Naririnig ko na ang pagtilaok ng mga manok sa labas ng bahay namin. Hindi ko maiwasang malungkot dahil gigising na naman ako sa isang nakakatakot na katotohanan. Katotohanan na alam ko namang hindi ko na kailanman matatakasan. Mahirap ang mamatay ngunit mas mahirap ang manatili kang buhay ngunit para ka na rin namang patay. Nakakatawa lang, ang ibang tao ay gusto nang mamatay ngunit ang totoo ay gusto pa naman talaga nilang mabuhay. Ang ilan naman sa mga tao, nananatili pa ring buhay at lumalaban para mabuhay ngunit gustong-gusto nang mamatay. Napapitlag ako sa kinahihigaan kong papag nang marinig ang matinis na tinig ng nakababata kong kapatid. “Elle!” sigaw nito. “Prinsesa ka ba para magsarap-sarapan ka sa pagtulog?” Sa sobrang lakas ng tinig niya, sigurado ako na nagising na ang ibang mga kapit-bahay namin. Dali-dali akong napabangon at napatingin sa pinto ng kuwarto ko na kurtina lang ang tanging harang. Nakita kong nandoon ang nakababata kong kapatid na si Irish. Kahit mas matanda ako sa kaniya ay hindi niya ako kailanman itinuring bilang nakatatandang kapatid niya, hindi rin niya ako tinuring na kaniyang kapatid kahit kailan. Ang turing niya sa akin ay isang alipin, utusan, katulong at walang silbi. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maintindihan kung bakit parang lahat sila ay may galit sa akin. Masyado ba akong manhid at walang kamuwang-muwang kaya ganoon? “Elle!” Napakurap-kurap ako nang marinig ko na naman ang matinis niyang sigaw. “Bilisan mo na riyan at marami ka nang hugasin sa lababo! Magsasaing ka pa! Huwag kang mag-feeling senyorita rito.” Inirapan niya pa ako bago siya nawala sa aking paningin. Si Irish ay mas bata sa akin ng apat na taon. Malaki ang ipinagkaiba naming dalawa dahil hindi naman lingid sa kaalaman ko na magkapatid lang kami sa ina. Parehas lang naman kami ng kulay ng balat—morena. Kulay itim ang tuwid niyang buhok na hanggang balikat. Medyo singkit ang kaniyang mga mata at hindi ganoon katangos ang ilong. Kurbang-kurba ang kaniyang kilay nang dahil sa kolorete na inilagay niya. Mapula ang manipis niyang labi nang dahil sa lip tint na lagi niyang ginagamit. Hanggang dibdib ko lang ang tangkad niya. “Janelle, ano ba?” sigaw na naman niya galing sa labas. Dali-dali kong isinuot ang tsinelas kong nalipasan na ng panahon. Alam kong hindi magugustuhan ni Mama at Tiyo Isidro—ang ama ni Irish—kapag nalaman nilang hindi pa ako kumikilos hanggang ngayon. Lumabas ako sa aking silid at bumungad sa akin ang maliit naming sala. Simple lang naman ang bahay namin. May tatlong kuwarto—isa sa akin, isa kay Irish at isa para sa mga magulang namin. Marami akong nakitang mga upos ng sigarilyo at kaha nito na nakakalat sa sahig. Sa gitna ay ang T.V. naming hindi naman na gumagana. May apat upuang kahoy na may sandalan na nasa gilid ng T.V. at sa gitna nito ay ang isang simpleng kahoy na lamesa. Nakapatong doon ang isang plato na sa tingin ko’y ginamit ni Irish nang kumain siya ng almusal kanina. Nakita kong nakaupo si Irish sa isang kahoy na upuan habang nakapatong ang dalawa niyang paa sa lamesa. Nang mapansin niya ako ay nag-angat siya ng paningin sa ‘kin at sinamaan ako ng tingin. “Ano? Tutunganga ka na lang ba riyan? Gusto mo bang isumbong pa kita kina Mama?!” Napapitlag ako nang marinig ang sigaw ni Irish. Nag-aalala ako na baka mamaya’y magising pa ang mga magulang namin. Lagot na naman ako nito panigurado. Naglakad ako palapit sa puwesto ni Irish at kinuha ang plato na nasa lamesa. Hindi ko na lang sinagot ang kapatid ko. Alam ko namang tama siya. Hindi dapat ako tumunganga dahil ito na lang ang maitutulong ko sa pamamahay na ‘to. Tumalikod na ako at naglakad papunta sa lababo. Nasa kaliwa ‘yon pagkalabas sa kuwarto. Nang makita ko ang tambak ng hugasin ay napabuntonghininga na lang ako. Kaarawan nga pala ni Irish kahapon, kaya pala ang daming hugasin. Muntikan ko na ngang makalimutan dahil hindi naman ako imbitado. Sila lang ang nagsalo sa mga pagkain na inihanda nina Mama para sa kaniya. Inilapag ko na ang plato sa gilid at saka ako nag-umpisa sa paghuhugas. Hindi ako nagrereklamo dahil wala naman akong ibang pagpipilian. Sabi nga ni Mama, ito na lang ang tanging paraan para magkaroon ako ng silbi sa pamilya na ‘to. Hindi ko alam kung anong silbi ng iba pang ‘trabaho’ na ginagawa ko kung hindi naman nakikitaan ni Mama ng silbi ‘yon. Oo nga’t sanay na ako sa ganito ngunit hindi ko pa rin maiwasang mapatanong kung bakit ganito sila sa akin. Kung ang pagkasilang ko rito sa mundo ang problema, bakit kaya hindi na lang ako ang nawala kaysa siya? Napailing-iling ako at ipinagpatuloy na lang ang paghuhugas. Gaya nga ng sinabi ko kanina, wala naman na akong ibang pagpipilian. Ginusto at pinili ko naman ang bagay na ‘to kaya wala na dapat akong pagsisihan. Nasa kalagitnaan na ako ng pagbabanlaw nang marinig ko ang pabagsak na bukas ng pinto. Napahinto ako sa paghuhugas at saka napalingon sa likuran ko. Nakita ko si Tiyo Isidro na tila langong-lango at iika-ikang naupo sa upuan na nasa harapan ni Irish. Lasing na naman yata siya. “Irish, ikuha mo nga ako ng tubig!” utos niya sa kapatid ko. Napabusangot naman si Irish. Abala yata ito sa pagpipindot sa cellphone nito. Wala rin namang ibang nagawa ang kapatid ko kundi ang sumunod kaya inilagay muna niya ang cellphone niya sa bulsa ng suot niyang kupas na jogging pants at akmang tatayo na sana nang magsalita na naman si Tiyo Isidro. “Kuhanan mo na rin ako ng pagkain. Gutom ako at wala pa akong kinakain simula kanina.” Nanatiling nakatayo si Irish at hindi na halos maipinta ang mukha. Napunta ang paningin nito sa akin kaya napaharap akong muli sa lababo. Biglang lumakas ang kabog ng dibdib ko. “Papa, paano ba ‘yan?” Mahihimigan ang sarkastikong tono ni Irish. “Hindi pa nagsasaing ang magaling na si Elle. Tanghali na kasi nang bumangon siya.” Alam ko naman na sasabihin ni Irish ‘to kaya bakit pa ba ako nagulat? Kaya pala hindi pa nagigising ang mga magulang namin sa kahit na anong sigaw na ginawa ni Irish, ‘yon pala ay wala ang mga ito sa bahay. Galing na naman siguro si Tiyo sa mga kumpare nito kaya ngayon lang umuwi. Nang natapos kasi ang handaan nila kagabi rito sa bahay, umalis si Tiyo Isidro. Si Mama naman, wala rin siguro siya dahil wala pa namang naninigaw sa akin maliban kay Irish. “Anong wala pa? Anong oras na, ah?” Dumagundong sa buong bahay namin ang boses ni Tiyo Isidro. Halos manginig na ang mga kamay at tuhod ko nang dahil doon. Ganito palagi ang nagiging reaksyon ko kapag pakiramdam ko’y magagalit ang isang tao sa akin. Kahit na hindi ko sila nakikita, alam kong nakangisi sa akin si Irish ngayon. Hindi ko alam kung bakit sayang-saya siya kapag napapagalitan at napagbubuhatan ako ng kamay ng mga magulang namin. “Hindi ko alam diyan sa sampid na ‘yan,” sagot ni Irish. Mas binilisan ko na lang ang pagbabanlaw para makapagsaing na ako. Nang natapos ako ay lumapit ako kaagad sa rice cooker na nasa malayong tabi ng lababo. Hindi ko na naman napigilang panginigan ng kamay nang marinig kong nagsalita si Tiyo Isidro. “Napakatagal naman niyan, Janelle!” sigaw niya. Napatalon ako sa aking kinatatayuan. Base sa kaniyang boses, lasing nga talaga siya. Hinugasan ko na sa gripo ang bigas na nasa rice cooker. Pagkatapos ay isinaksak ko ang kable ng rice cooker sa saksakan. Hindi ko pa alam sa ngayon kung ano ang ulam namin—kung pakakainin nga ba nila ako. Nang sa tingin ko’y maayos na ang pagkakasalang sa rice cooker, inumpisahan ko na ang pagliligpit ng mga plato. Natigil lang ako nang marinig ko ang boses ni Mama. “Oh, anong ginagawa ng Papa mo riyan, Irish?” pangbungad nito. Hindi ko sila nakikita dahil nananatili lang akong nakatalikod mula sa kanila. Natatakot akong humarap sa kanila dahil alam kong magagalit at sasaktan lang nila ako. “Hindi ba obvious, Mama? Lasing na naman, ano pa ba?” walang ganang sagot ni Irish. Hindi ko na lang inalintana ang panginginig ng buong katawan ko. Habang nag-uusap sila ay minamadali ko na ang pagsasalansan ng mga plato upang hindi nila ako mapansin ngunit huli na ang lahat. Nakita na ako ni Mama. Narinig ko ang malakas na pagbuga ng hangin ni Mama. “Ngayon ka pa lang kumikilos, Janelle? Aba! Ano ka rito? Senyorita? Mahal na Prinsesa? Anak ng Presidente ng Pilipinas?” pangtutuya niya sa ‘kin. Napapikit na lang ako nang marinig ko ang mga sinabi ni Mama. Hindi na ako nasanay samantalang ganito naman palagi. Isa lang akong katulong para sa kanila. Ayos lang... ayos lang. “Kung hindi ko pa nga ‘yan ginising ay hindi pa ‘yan babangon, ‘Ma,” paggatong ng kapatid ko sa namumuong galit ni Mama. “Tingnan mo, oh! Kinakausap siya pero hindi man lang humaharap! Wala talagang modo kahit kailan!” dagdag niya. Ayos lang sa akin ang ganito. Mabuti na lang at tulog na si Tiyo Isidro ngayon. Hindi ko na ulit narinig ang boses niya kaya alam kong tulog na siya. Dahil kung gising pa siya at naririnig niya ang usapan na ‘to, alam kong sasaktan niya ako. “Janelle, bakit ngayon ka lang kumikilos?” may pagpipigil sa boses na ani ni Mama. Hindi kaagad ako nakasagot nang dahil sa takot. Takot na baka hindi niya magustuhan ang isasagot ko. Narinig ko ang yabag niya kaya dumagundong sa kaba ang dibdib ko. “Janelle!” Malapit na ang boses niya. Nanginginig man at puno ng takot ay humarap pa rin ako kay Mama. Sakto naman ng pagpaling ng mukha ko sa kanan. Sinampal niya ako! Hindi na ito bago. Palagi na lang! Paulit-ulit na lang ang cycle na ‘to. “Kapag kinakausap kita, humarap ka sa ‘kin! Kapag tinatanong kita, dapat mo akong sagutin. Naiintindihan mo ba ako?” malakas na aniya. Dahan-dahan akong umayos ng tayo at saka yumuko bago tumango. Hindi naman na siya nagsalita at umalis na sa harapan ko. “Matutulog na muna ako, Irish. Hayaan mo na muna ang Papa mo riyan sa upuan.” Nakita ko sa sulok ng mata ko na pumasok na si Mama sa unang kuwarto, doon ang kuwarto nila ni Tiyo Isidro. Sa gitna naman ang kay Irish. At sa dulo ang akin. “Puro ka kasi hilata sa kuwarto mo kaya ‘yan ang napapala mo! Hindi ka naman anak-mayaman,” pang-uuyam ni Irish. Nag-angat ako ng paningin sa kaniya ngunit abala na ulit siya sa pagpipindot sa cellphone niya. Hindi ko maiwasang makaramdam ng panlalambot. Muntikan na naman ako roon. Hindi na bago sa akin ang sampal ni Mama. Sa totoo nga lang, medyo magaan ang loob ko na si Mama ang nanakit sa akin at hindi si Tiyo Isidro. Kapag si Tiyo Isidro kasi, paniguradong magkakaroon na naman ako ng mga pasa. Wala naman akong pagpipilian, kailangan kong magtiis at sikmurain ang lahat ng verbal at pisikal na pananakit nila. Nang natapos ang pagsasaing ko sa rice cooker, tinanggal ko na sa saksakan ang kable. Nagluto ako sa super kalan ng scrambled egg. May nakita kasi akong apat na itlog. Nang maluto ay inilagay ko na sa plato ang lutong itlog. Inilapag ko lamesa na nasa gilid ng lababo ang plato na may lamang itlog. Hindi ako sigurado kung makakakain ba ako ngayon. Palagi naman nila akong inuubusan ng pagkain. Mas palagay ako sa ganoon, kaysa naman saktan nila ako. Tinakpan ko na lang ng isa pang plato ang plato na pinaglagyan ko ng itlog para hindi gapangan ng kung anu-anong insekto. Pagkatapos no’n ay pumasok na ako sa kuwarto ko. Sa labas na lang siguro ako kakain. May pera pa naman ako na naitabi. Naupo ako sa papag at humarap sa bintana ng kuwarto ko. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin talaga maintindihan ang mga tao sa paligid ko. Parang lahat sila ay ayaw sa akin. Kung bakit gano’n? Hindi ko rin alam. Lumipas ang mga oras na gano’n lang ang puwesto ko. Walang ginagawa, blangko ang mukha at marami ang iniisip. Hindi ako mahilig magsalita dahil pakiramdam ko, kapag narinig nila akong nagsalita, magagalit na kaagad sila. “Elle, pahingi nga ako ng pera,” saad ni Mama. Napapitlag ako sa kinauupuan ko nang marinig ang boses niya. Napatayo ako kaagad sa papag at saka humarap kay Mama. Walang emosyon ang mukha niya. Nakatayo siya sa hamba ng pinto ng kuwarto ko. Napalunok ako. “W-Wala na po akong p-pera, ‘Ma… Naibigay ko na po ang l-lahat sa in—” “Sinungaling!” sigaw niya. Napayuko ako. “Huwag ako ang lokohin mo, Jenelle! Pahingi ako ng pera kung ayaw mong palayasin kita!” Wala na akong nagawa. Lumapit ako sa unan ko at kinuha sa ilalim niyon ang lahat ng pera na natitira sa ‘kin. Hindi ko pa man nakukuha nang maayos ay lumapit na kaagad sa akin si Mama at hinablot sa kamay ko ang mga pera. Napapalatak siya nang makuha na nang tuluyan ang mga pera na natira sa akin. “Ibibigay rin naman pala, eh. Ang dami pang satsat! Alam ko namang may pera ka pa rin na naitatago kaya bumili ka na lang ng pagkain mo sa labas. Wala nang natirang pagkain, eh.” tila nang-aasar na sabi niya. Hindi na lang ako kumibo. Napayuko na lang ako sa kinatatayuan ko. Akala ko ay tuluyan na siyang nakalabas ngunit mali ako. “Oo nga pala, Elle,” aniya. Napaangat ako ng aking ulo nang marinig ‘yon. Nasa labas na siya ng aking kuwarto ngunit nakaharap pa rin siya sa kuwarto ko. “Mamaya’y may ‘pupuntahan’ ka. Sasabihan na lang kita kung kailan mo kailangang mag-ayos. Tandaan mo na hindi mo ‘to puwedeng tanggihan dahil malaki ang pera na alam kong kikitain mo rito, naiintindihan mo ba?” tila nagbabanta ang boses na aniya. Napatango na lang ako kahit pa ayaw na ayaw kong gawin ang sinasabi niya. Malawak siyang napangiti. “Mabuti naman at nagkakaintindihan tayo.” Pagkatapos no’n ay tuluyan na niya akong iniwan. Nanghihina akong napaupo sa papag. Wala na akong natitirang pera dahil lahat ng pera na naitabi ko ay ibinigay ko na kay Mama. Wala na akong ibang pera na nakatago. Ano na ang kakainin ko ngayon? Hindi bale na, sanay naman na akong hindi kumakain nang ilang araw. Hindi ko puwedeng tanggihan ang sinabi ni Mama. Matagal ko nang ginagawa ang ganoong klase ng trabaho. Nakakapanlambot, nakakapanghina at nakakapandiri. Kung may iba lang akong pagpipilian na trabaho para hindi ako palayasin ni Mama rito ay ‘yon ang pipiliin ko. Sa trabaho na ‘yon na lang ako kumikita ng pera kaya hindi ko puwedeng tanggihan. Sumapit ang ala-sais ng gabi. Narinig ko si Irish na aalis daw dahil may pupuntahan sila ng mga kaibigan niya. ‘Yon ang kinaiinggitan ko kay Irish. Mabuti pa siya ay may mga kaibigan. Ako kasi, nasa Junior High pa lang ako ay ayaw na sa akin ng mga tao. Naiintindihan ko naman sila. Sa uri pa lang ng trabaho na pinapasukan ko, hindi na kataka-taka na kung ituring ako ng mga tao ay para akong may nakahahawang sakit. Dumungaw si Mama sa kuwarto ko. “Elle, maghanda ka na. Aalis tayo ng alas-siyete ng gabi.” Tumango na lang ako kay Mama at kinuha na ang tuwalya na nasa dingding ng kuwarto ko. Kasama ko nga pala si Mama kapag papunta ako sa kung saan man niya ako ipinapasok. ‘Yon ay upang makasigurado siya na hindi ako tatakas. Pagkatapos kong maligo ay nagbihis lang ako ng isang ripped jeans at saka white t-shirt. Doon na ako magpapalit ng akmang damit. Sigurado naman ako na sila na ang magpo-provide ng kailangan ko. “Tandaan mo palagi ang sinasabi ko sa ‘yo, Elle! Huwag kang aarte-arte! Kapag inaya ka ng isang customer na magpunta sa VIP room, pumayag ka! Kahit ayain ka sa motel o inn o hotel, sumama ka pa rin! Huwag ka nang masyadong mapili dahil wala ka namang pagpipilian,” paalala ni Mama sa akin habang papasok na kami sa club. Sa Trascamado’s Haven ako dinala ni Mama. Hindi ito ang club na pinapasukan ko dati. Iba ito at panibagong customer na naman. Habang nakatitig ako sa mga pangalan na nakasulat sa itaas ng gusali ay napalunok ako. Hindi ko na alam kung papaanong sisikmurain ang trabaho ko. Hindi na lang ako umimik. Pumasok kami sa loob ng club. Puro mga mayayaman ang narito. Halata ‘yon sa mga kasuotan ng mga taong narito. Puro mga kalalakihan ang nakikita ko. Kung hindi nag-iisa, may kasama namang mga kapuwa kalalakihan. May nakita pa akong mga kababaihan na nagtatrabaho rito sa club na nakaupo sa mga upuan kasama ng mga customer. Napunta ang paningin ko sa stage. May nakita akong manipis na pole roon. Tatlo ang babaeng nagsasayaw sa stage na halos walang suot na saplot. Manipis na tela lang ang nakatakip sa mga katawan nila. Napaiwas na lang ako ng tingin at ipinagpatuloy ang pagsunod kay Mama. Pumasok kami sa isang pinto na kulay pula. Bumungad sa amin ang isang office. Simple lang ang laki ng kuwarto. May nakita akong isang lamesa. Sa likod ng lamesa na ‘yon ay isang upuan at may babae na nakaupo roon. Sa isang gilid naman ay may isang pinto na kulay puti at nakasarado. “Mamang,” pagbati ni Mama sa babae. Nang humarap ang tinawag ni Mama ay napagtanto ko na hindi pala siya babae, binabae pala siya. Naupo si Mama sa puting upuan na nasa harapan ng lamesa habang ako naman ay nanatiling nakatayo sa gilid ni Mama. “Ito nga pala ‘yong anak na tinutukoy ko, Mamang,” pagpapakilala sa akin ni Mama. Parang ito ang unang beses na narinig kong tinawag ako ni Mama bilang anak niya. Nakasuot ‘yong ‘Mamang’ na tinawag ni Mama ng isang makulay na blouse. May suot siyang malaking bilog na hikaw sa magkabilang tainga niya. Makapal ang kulay ng pula niyang lipstick na akala mo’y pinadugo ng suntok. Ang kilay naman niya ay halos sakupin na ang kabuuhan ng noo niya. May malaki siyang nunal sa kaniyang kilay. Mukha naman siyang mabait. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Bumalik ‘yon sa mukha ko. Naningkit ang kaniyang mga mata habang pinapakatitigan ang mukha ko. “Joanna, ito bang anak mo ay anak mo talaga? Bakit hindi kayo magkamukha?” Bagaman seryoso, tumaas ang sulok ng labi nito. Napairap si Mama. “Ano naman ang gusto mong sabihin, Mamang? Anak ko siya. Kaya nga lang, hindi sa akin nagmana. Mabuti na ‘yon, napagkakakitaan niya ang itsura na nakuha niya sa kaniyang ama,” walang emosyon na sabi ni Mama. Hindi na ako nagulat doon. Marami ang nagdududa kung anak ba talaga ako ni Mama. Malayo ang itsura namin sa isa’t isa. Isa lang ang nakuha ko sa kaniya—ang kulay ng balat ko. Minsan, hindi rin ‘yon nakikitaan ng halaga bilang pagpapatunay na ina ko nga talaga siya. Normal lang naman na maging ganito ang kulay ng balat ko dahil may lahi ang ama ko. Tumaas ang kilay ni Mamang, hindi pa rin natatanggal ang paningin sa akin. “Sabi mo nga sa akin na may lahi ang junakis mo. Hindi ko naman inaasahan na ganito kaganda ang anak mo,” may paghanga sa kanyang tinig na sabi niya. Nanatili lang na blangko ang mukha ko. Bumaling siya kay Mama. “Siya ba talaga ang ipapasok mo rito? Parang hindi siya bagay sa ganitong trabaho.” Hindi ko alam kung bakit natuwa ako sa sinabi niya. Humalukipkip si Mama sa harapan ni Mamang. “Mamang, ayaw mo ba sa kaniya o ano? Akala ko ba’y gusto mo akong tulungan?” napipika na wika ni Mama sa kaharap. Sumandal si Mamang sa kaniyang upuan. “Joanna, maraming magandang opurtunidad na naghihintay sa anak mong ‘to. Bakit hindi na lang ang isang anak mo ang ipasok mo rito? Mas bagay—” Hindi na natapos sa pagsasalita si Mamang nang dahil sa pagbagsak ng kamay ni Mama sa ibabaw ng lamesa nito. “Huwag ka na lang makialam sa desisyon ko, Mamang! Kung ayaw mo, sa iba—” Umiling-iling si Mamang. “Huwag na. Dito na lang siya. Ako na ang bahala sa kaniya, maaari ka nang umalis,” saad ni Mamang kay Mama. Para namang nakahinga nang maluwag ang aking ina. Tumayo si Mama sa kaniyang upuan at malawak na ngumiti kay Mamang. “Salamat, Mamang! Ikaw na ang bahala sa kaniya. Mauuna na ako,” pagpapaalam ni Mama. Kinabahan ako. Hindi naman na ito ang unang beses na papasok ako sa ganitong trabaho kaya dapat hindi na ako mabahala ngunit hindi naman talaga bukal sa puso ko na pumasok sa ganitong klase ng trabaho. Bumaling sa akin si Mama, walang emosyon ang kaniyang mukha. “Huwag mong kalilimutan ang mga sinabi ko sa ‘yo, Elle.” paalala niya pa ulit bago niya ako iniwang mag-isa kasama si Mamang. Hindi na ako umapila. Hindi ko na siya sinundan pa dahil baka magalit lang siya. Ayaw na ayaw ni Mama na tumatanggi ako sa mga bagay na iniuutos niya sa akin. Hindi na rin naman ako makakaalpas sa ganitong trabaho dahil matagal na panahon na magmula nang mamulat ako sa ganitong uri ng trabaho. Nasa edad disi-sais pa lang ako ay iminulat na kami ni Mama sa ganitong uri ng trabaho. Magmula nang mamatay ang ama ko, ipinasok na kami ni Mama sa ganitong uri ng trabaho. Baka nga talaga tama ang kasabihan na “kung ano ang puno ay siya rin ang bunga”. “Hija, maupo ka,” malumanay na utos ni Mamang. Nabalik ako sa totoong sitwasyon ko nang marining ko ang boses ni Mamang. Nakamasid siya sa akin habang nakasandal pa rin siya sa kaniyang upuan. Umupo ako sa upuan na inupuan ni Mama kanina. Napayuko ako nang titigan niya ako. Nagbuntonghininga siya. “Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan diyan sa ina mo kung bakit ka niya ginaganito. Oo nga pala, ano ang pangalan mo?” Nag-angat ako ng tingin kahit nahihiya ako. “Janelle po,” mahinang sagot ko. Nakita ko ang pag-angat ng kaniyang labi. Napatango-tango siya bago umahon sa kaniyang upuan. Ipinatong niya ang isang siko niya sa ibabaw ng lamesa bago nagpangalumbaba. Nananatili lang siyang nakatitig sa akin. “Janelle. Nice name,” pagpuri niya sa pangalan ko. Pilit naman akong ngumiti. “Puwede ko bang malaman kung natural color ng mga mata mo ‘yang kulay ng mata mo o naka-contact lense ka lang?” tanong niya. Umiling-iling ako. “H-Hindi po ako naka-contact lens. Natural na kulay po ito ng mga mata ko,” nahihiyang sagot ko. Hindi ko alam kung anong kinalaman ng trabaho ko sa mga itinatanong niya ngayon. Napanguso siya bago sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. “Kaya pala mas lalo kang gumanda. Kung sa bagay, may lahi ka nga pala. Napakatanga ng ina mo para pagkakitaan ka ng pera sa ganitong paraan. Bueno, wala naman na akong magagawa, mag-uumpisa ka na ngayon.” Pagkatapos niyang sabihin ‘yon ay iginiya niya ako sa isa pang pinto na nasa kuwarto lang din na ‘yon. Parang dressing room dahil puro mga damit ang nakikita ko sa paligid. Iba’t iba ng kulay, sukat, laki at disenyo. Para akong naglibot sa bilihan ng mga damit sa shopping mall. “Dahil anak ka ng kaibigan ko at natutuwa ako sa ‘yo, bibigyan kita ng dalawang pagpipiliang trabaho,” pagsasalita niya habang hinahaplos ang mga damit na nasa rack. May gulong ang sampayan na hinahawakan niya. Tumingin ako sa kaniya at nakita kong nakatingin na siya sa akin. “Magiging waitress ka—kung nakita mo na ‘yong mga babaeng nakaupo sa mga table at may kasama silang mga customer, ‘yon ang tinutukoy ko,” usal niya. Napaisip ako saglit. Nakita ko na nakahawak sa binti ng isang waitress ang isang customer kanina habang nagbubulungan sila ng tungkol sa kung ano. May nakita rin akong waitress na nakakandong sa kandungan ng isang customer. Napangiwi at kinabahan ako sa naisip ko. Nanginginig ang mga labi ko. “A-Ano naman po ‘yong isa pang trabaho?” Nagkibit-balikat siya bago itinuon ang paningin niya sa mga damit na hinahaplos niya. “Ang mga babaeng nakita mo sa stage na nagsasayaw—‘yon ang pangalawang pagpipilian mo. Sa dalawang ‘yon, mas maganda kung ang naunang sinabi ko na lang ang pilian mo. Kaya nga lang, kung gusto mo namang kumita ng doble sa kita mo sa pagwi-waitress, mag-exotic dancer ka na lang,” sagot niya. Hindi naman importante sa akin ang kumita ng malaking pera, basta may maipangbigay lang akong pera kay Mama ay ayos na sa akin ‘yon. Huminga ako nang malalim. “Magwi-waitress na lang po ako.” Ngumiti siya sa akin bago isang beses na pumalakpak. “Mabuti kung gano’n! Puwede ka pa rin namang kumita nang mas malaki sa inaasahan mong kita kung magkakaroon ka ng maraming tip galing sa mga customer. Isa pa, kapag nagkaroon ka ng special customer, lalaki rin ang kita mo. Alam mo namam siguro kung ano ang ibig kong sabihin sa ‘special customer’ hindi ba?” Napatango-tango ako. “O-Opo,” aligagang tugon ko. Ang ‘special customer’ ay ang customer na pupuwede akong i-request na makasama sa VIP room. Palagi akong nagkakaroon ng mga special customer sa mga club na pinapasukan ko. Hindi malabo na magkaroon din ako ng gano’n dito. “Mabuti naman at nagkakaintindihan tayong dalawa. By the way, tawagin mo na lang akong ‘Mamang’. Marami kang magiging katabaho rito. Ang ilan nga lang sa kanila ay malalaki ang ulo ngunit huwag kang mag-alala, magsabi ka lang sa akin at ako ang bahala sa ‘yo,” nakangiting sabi niya. Ngumiti na lang ako nang maliit sa kaniya. Iginiya niya ako sa section ng mga damit kung saan makikita ang mga damit ng waitress. Isang makapal na telang blusa na navy blue na kulay puti ang collar ang pang-itaas ko. Sa pang-ibaba naman ay kulay navy blue na palda na kulay puti ang laylayan. Sobrang ikli nito na halos kita na ang pang-upo ko. Maliit ang baywang ko at malaman ang hita ko kaya saktong-sakto lang sa akin. Nagagandahan ako sa uniporme kaya wala na akong sinabi. “Kapag nandito ka sa club, Jan ang gagamitin mong pangalan. ‘Yon ang pangalan na hindi mo masyadong ginagamit, hindi ba?” Tumango ako. “Mabuti! Tayo na’t lumabas. Marami na raw masyado ang customer ngayon.” Naunang lumabas si Mamang kaysa sa akin. Pagkatapos kong maayos ang suot kong uniporme ay bumuntonghininga ako. Sana naman ay mas maayos na ito sa mga dati kong naging trabaho. Kaya mo ‘yan, Elle! Para sa sarili mo at para na rin sa Mama mo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD