CHAPTER 2

4188 Words
Chapter 2 Sinusundan ko lang si Mamang habang naglalakad siya palabas sa kaniyang opisina. Ni hindi ko pa nga alam kung ano ba ang puwesto nitong si Mamang sa club na ito. Siya kaya ang may-ari? O baka naman… isa lang siyang manager? Hindi ko rin alam. Hindi naman na ako nagtanong dahil nahihiya ako. Ako pa ba ang mag-iinarte? Nagbigay na nga ng tulong si Mamang sa amin, tapos... napabuntonghininga ako. Huminto si Mamang sa kalagitnaan ng paglalakad namin kaya napahinto rin ako. Humarap siya sa akin. Sa pagharap niya ay umindayog din tuloy ang naglalakihang mga hikaw na nasa kaniyang tainga. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa bago siya napahugot ng malalim na buntonghininga. “Elle—este Jan, alam ko namang maganda kang babae, pero…” Huminto siya sa pagsasalita at saka itinuro ang buhok kong nakapaikot na tali. “Ang buhok mo… mas maganda siguro kung ilulugay mo,” nakangiting suhestyon niya sa akin. “Hindi na kita pipiliting maglagay ng kolorete sa mukha dahil halata namang hindi ka mahilig sa ganoon.” Hindi na lang ako umapila. Bukod sa nahihiya akong magsalita, nakakahiya ring tanggihan si Mamang. Masyado na siyang maraming ginagawang paga-adjust para sa ‘kin kaya papaano ko siya tatanggihan kung ito lang ang hinihingi niyang pabor na gawin ko na para rin naman sa akin? Isinuot ko sa palapulsuhan ang tali nang matanggal ko na ito mula sa aking buhok. Napapalakpak na naman si Mamang nang makita niya ang kabuuan ko. Lumapit siya sa akin at akmang hahawakan ang buhok ko ngunit napaatras ako. Napakunot ang kaniyang noo, kasama na ang kilay niyang halos sakop na ang kabuuan ng kaniyang noo. Napalabi siya at napaatras nang isang beses. “Bakit, Jan? Huwag kang mag-alala dahil aayusin ko lang naman ang buhok mo. Naku! ‘Tong babaeng ‘to, oh!” aniya sabay lapit na naman sa akin. Napaatras na naman ako. Nahihiya kong inayos ang aking buhok. “H-Hindi lang po ako kumportable, M-Mamang,” mahinang sambit ko. Napakagat ako sa ibaba kong labi. “H-Huwag po sana kayong magagalit sa ‘kin,” pahabol ko pa, natatakot na baka bigla niya na lang akong saktan. Tumango nang isang beses si Mamang bago siya tuluyang lumayo sa akin. Nakahinga naman ako nang maluwag nang dahil doon. Nagbuntonghininga si Mamang bago niya ulit ako pagmasdan. “Hindi ko alam kung ano ang pinagdadaanan mo, Jan. Pero sana huwag kang mahihiya na lumapit sa akin kung kailangan mo ng kahit na anong tulong. Kung kaya ko namang tulungan ka, bakit hindi, ‘di ba?” masuyo na saad ni Mamang. Hindi ko alam kung anong sasabihin kaya napatango na lang ako. Malawak niya akong nginitian. “Mabuti naman kung gano’n. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung sakaling kailanganin mo ng tulong ko at wala akong magawang kahit na ano. Isa pa ‘yang ina mo—juscolored!” Hindi na lang ako sumagot. Nagpatuloy na kaming muli sa paglalakad. Nang makalabas kami sa hallway galing sa office ni Mamang ay sumalubong sa amin ang dagsa ng mga customer. Puro mga lalaki ang nakikita ko. Kung may nakakita man akong babae ay paniguradong nagtatrabaho ‘yon dito sa Trascamado’s Haven dahil kapareho ko sila ng kasuotan. “Ang mga kalalakihan na nakikita mo, ‘yan ang mga kalalakihan na handang magwaldas ng pera para lang sa makamundong-pagnanasa nila, Jan. Isipin mo nga… ang Trascamado’s Haven ang isa sa pinakamahal na club na makikita rito sa lalawigan natin. Kakailanganin pa nilang magkaroon ng membership card para lang makapasok dito,” imporma sa akin ni Mamang habang nakamasid kami sa mga kalalakihan na nag-iinuman. May kasama silang mga katrabaho ko rin. May nakikita rin naman kaming mga lalaki na nakauniporme. Alam kong katrabaho ko ‘yon dahil nakita kong may hawak sila na tray, ballpen at papel, o hindi kaya’y mga bucket. Hindi ko naman maintindihan kung bakit namangha ako sa aking narinig. Hindi ko naman kasi alam na ganito ka-prestihiyoso itong club na napasukan ko. Ang alam ko lang kasi ay kailangan kong kumita para hindi ako palayasin ni Mama sa bahay. Hindi ko kayang mapalayas sa bahay namin. Wala naman na kasi akong ibang mapupuntahan dahil si Mama na lang ang natitirang pamilya ko—kahit na hindi naman ka-pamilya ang tingin niya sa akin. Kahit naman gano’n si Mama, mahal ko pa rin siya; nanay ko pa rin siya. Hinding-hindi mababago ng mga masalimuot na nangyari sa akin ang katotohanan na siya pa rin ang nag-luwal sa akin sa mundong ito. “Palaging maraming customer dito sa Trascamado’s Haven kaya kailangan na kailangan na talaga namin ng panibagong staffs. Hindi naman kami kaagad makahanap dahil hindi naman kasing-dali ng ‘one, two, three’ ang pagpasok dito. Ikaw ang natatangi na nakapasok na hindi na kinailangan pang dumaan sa kung anu-anong mga proseso. Bukod sa pasado ka naman na sa itsura, ugali at karanasan—ako ang nagpasok sa ‘yo.” Napabaling ako kay Mamang nang sabihin niya ‘yon. Hindi naman siya sa akin nakatingin, kundi roon sa mga dumaraang mga customer. Mukhang nagningning pa yata ang mga mata ni Mamang. Nahihiya man ay pinilit ko ang sarili ko na lakasan ang aking loob. “Mamang, p-puwede po bang magtanong?” paglalakas-loob ko. Napunta naman sa akin ang paningin niya. Tumango siya sa akin, nakatitig sa mga mata mo. “Sige. Ano ba ‘yon?” Napabuntonghininga ako. “Kayo po ba ang may-ari ng club na ‘to? Pinapasok po kasi kami kaagad ni Mama ng mga bantay sa labaa. Naisip ko lang po na baka kayo ang may-ari dahil nakapasok po agad ako rito,” saad ko. Napailing-iling siya at saka napangiti. “Hindi ako ang may-ari ng club na ito, Jan. Malapit lang ako sa magpipinsan na nagpatayo nito. Sa katunayan nga niyan, sa sobrang close ko sa kanila ay halos asawahin ko na sila.” At saka siya natawa. Napangiti naman ako. “Joke la'ng, syempre! Imposibleng mangyari ‘yan. ‘Yon nga, apat silang magpipinsan na nagpatayo nito,” dagdag niya. Napatango naman ako. “Malaki rin siguro ang kinikita ng club na ‘to,” bulong ko sa sarili ko. Kung iisipin… kahit na hindi ko pa naman alam kung magkano ang pagpapa-member sa club na ‘to, halata naman na mahal ang presyo. Sa kapaligiran ng club, parang ka-presyo na ng ginto ang mga naka-display. Ang hindi ko la'ng maintindihan ay bakit kailangan pang magkaroon ng membership card? Masyado bang maganda ang facility rito para magkaroon ng ganoong klase ng patakaran? “Hmm… Kung tutuusin, barya lang naman sa magpipinsan ang kinikita ng club na ‘to, hindi sa pagmamayabang. Ang totoong rason sa likod ng pagpapatayo nito, gusto nilang magkaroon ng panandaliang kasiyahan. Hindi mo man sila kilala, baka hindi mo namamalayan na nakasalamuha mo na pala sila,” sagot ni Mamang sa akin. Napaisip na naman ako habang pinagmamasdan ang mga tao sa paligid ko. Ganoon siguro talaga ang kalakaran sa buhay ng mga mayayaman. Para lang silang nagtatapon ng pera kung gumastos sila palagi. Hindi ko naman sila masisisi. Aanhin mo nga naman ang pera mo? Hindi mo naman madadala ang mga ito sa hukay kaya habang may natitira ka pang oras, gamitin mo na. Ang punto ko, napaka-unfair talaga ng buhay. May mga mahihirap diyan na kailangan pang magpaka-kuba para lang kumita ng pera. Kailangan pa nilang maghanap at magkaroon ng maraming trabaho para lang magkaroon sila ng kakainin sa araw-araw. Hindi sila katulad ng mga mayayaman na para lang nagdudumi ng pera kung gumastos at magwaldas. “Halika na, Jan. Ipapakilala na kita sa mga magiging ka-trabaho mo,” pag-aaya ni Mamang sabay hila niya sa akin. Tuluyan na kaming nakalabas sa hallway mula sa kaniyang opisina. Marami-rami na rin kaming nakasalubong na mga babae. Kung saan-saang direksyon sila nagpupunta, ani mo’y madaling-madali. Mabuti na lang at three inches na takong lang ang sandals na ipinasuot sa akin ni Mamang. Hindi ako sanay sa matataas na takong kahit pa na matagal na ako sa trabahong ito. Kung may may bagay man akong ipinagpapasalamat, ‘yon ay ang itsura na ipinagkaloob sa akin. Ganoon yata siguro talaga sa buhay. Kung sino ang maganda o guwapo ang itsura, ‘yon ang papaboran at bibigyan ng maraming prebiliheyo. Kung sino naman ang sa tingin nila’y pangit, ‘yon ang hindi nila bibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng mga karapatan na nararapat para sa kanila. Nakakalungkot lang na ganoon na talaga ang kalakaran sa ngayong panahon. Mukha na ang pinagbabasehan kaya kahit pangit ang ugali ay ayos lang. Minsan pa nga, kahit na mali naman talaga ‘yong may magandang itsura ay ‘yon pa rin ang tama sa paningin ng iba. Kung sino naman ang pangit sa paningin nila, kahit ‘yon pa ang tama ay mali pa rin para sa kanila. Ang hirap ipaglaban ang sarili lalo na kung sarado na ang tainga ng mga taong gusto mong paliwanagan. Oo’t hindi naman lahat ng tao ay dapat mong paliwanagan ngunit mas maganda pa rin na linawin mo ang sarili mo para hindi lumiit ang mundong ginagalawan mo. Nakarating kami sa harapan ng bar counter na medyo malayo na sa dance floor. Nakikita ko pa rin naman hanggang dito ang mga babaeng sumasayaw sa dance floor. Iba na sila sa mga babaeng nakita ko kanina no’ng kararating pa lang namin ni Mama. May mga dumaraang staffs sa harapan namin. Hindi ko naman magawang makipag-eye contact sa kanila dahil nahihiya ako. Hawak-hawak ako ni Mamang sa braso habang nakatayo sa gilid ng bar counter. “Al,” tawag ni Mamang sa kung sino. Napaangat ang paningin ko kay Mamang. Kausap niya na ‘yong lalaking nasa likod ng bar counter na sa tingin ko’y bartender. Hinalo no’ng lalaki na tinawag na “Al” ni Mamang ang hawak nitong stainless na parang tumbler. Alak panigurado ang laman niyon. Nag-angat siya ng paningin kay Mamang at saka malawak na ngumiti. “Mamang Barbara!” natutuwa na bati no’ng Al. Humigpit naman ang kapit ng mga daliri ni Mamang sa aking braso bago ako hinila paharap kay Al. “Ito nga pala si Jan. Magiging waitress na siya rito simula ngayon. Tingnan-tingnan mo sana siya para sa ‘kin.” Habang nagsasalita si Mamang ay napunta sa akin ang paningin ni Al. Kumunot ang kaniyang noo at maya-maya lang ay umawang ang kaniyang labi. Hindi ko naman maintindihan kung bakit naging ganoon ang reaksyon niya nang makita ako. Lumipat ang gulat na reaksyon ni Al kay Mamang. “A-Are you being serious, Mamang?” tila nagdududa na tanong nito. Binitawan ni Mamang ang braso ko at saka ipinag-krus ang kaniyang mga braso sa tapat ng kaniyang dibdib. Humalukipkip si Mamang sa harapan ni Al. “At bakit hindi ako magiging seryoso sa bagay na ito, Aldous?” Taas-kilay na tanong ni Mamang kay Aldous—Al. Dahan-dahang naibaba ni Aldous ang hawak niyang stainless tumbler at saka napapadila sa kaniyang ibabang labi na napatitig kay Mamang. “Ah… N-Nothing. Wala naman...” Sabay balik ng nakakagaang ngiti ni Aldous. Tingin ko naman ay hindi siya masamang tao. Mukha rin siyang palakaibigan. Ngunit alam ko naman na sa likod ng palakaibigang ngiti na ‘yon ay may mga bagay pa rin siyang itinatago. Bagsak ang kulay itim niyang buhok na naka-clean cut. Nasa ayos ang kapal ng kaniyang kilay. Ang kaniyang mga mata—parang kahit hindi siya magsalita ay mahahalatang masaya siya. Ang kaniyang labi naman ay kulay pink, parang palaging sariwa. Mukha ring matulis ang kaniyang panga, lalo ‘yong nade-depina kapag ngumingiti na siya. Nakahalukipkip pa rin si Mamang at mataray na nakatitig kay Aldous. “Al, sabihin mo sa ‘kin kung may problema ka kay Jan, maliwanag?” mataray na sabi nito. Lumipat na naman ang nakakabahalang mga mata ni Aldous sa akin. Para bang marami siyang alam na kailangan kong ika-kaba. Parang sa pamamagitan ng tingin niya ay sinasabi niya sa akin kung gaano kababang uri ako ng tao. Napatango siya. “Jan,” pagbanggit niya sa pangalan ko na animo’y hindi niya pinaniniwalaan ‘yon. Napadila na naman siya sa kaniyang labi. “Nice meeting you, Jan.” Pinagdiinan niya pa talaga ang pangalan ko. “Oh, baka matunaw na itong si Jan sa ganiyang titig mo, Al!” sita ni Mamang kay Aldous. “Ang gusto ko lang namang mangyari ay tingnan mo siya para sa akin. Malapit sa akin ang ina nito kaya dapat kong gabayan,” paalala ni Mamang kay Aldous kaya naman nawala na sa akin ang mala-laser na mga mata ni Aldous. “Al, kapag may nang-away rito kay Jan, sabihan mo kaagad ako. You know how much I hate bullies. Am I clear?” pagsasalita na naman ni Mamang. Malawak na namang ngumiti si Aldous habang na kay Mamang ang paningin. Hindi niya na natapos ang paghahalo ng mga alak na siyang ginagawa niya kanina. “Noted, Madame,” biro ni Aldous. Ngumisi si Mamang. “Makakaasa ka na babantayan ko siya. Ipapaalam ko rin kaagad sa ‘yo kung magkakaroon ng problema sa pagitan ng staffs,” maamong sambit ni Aldous. Ngumiti naman si Mamang, kumbinsido sa sinabi ni Aldous. “Alam ko namang gagawin mo talaga ‘yan, Al. Tiwala ako sa ‘yo. Isa pa, malapit ka naman sa mga Trascamado kaya mapagkakatiwalaan ka talaga,” makahulugang saad ni Mamang. Hindi ko alam kung bakit napadpad na naman sa akin ang mala-laser na mga mata ni Aldous nang banggitin ni Mamang ang salitang “Trascamado”. Ano ba ang tumatakbo sa isipan ni Aldous? Humarap sa akin si Mamang. “Jan, iiwan na kita rito. Alam ko namang alam mo na ang mga dapat mong gawin. Huwag kang mahihiyang pumunta sa opisina ko if ever na may kailangan ka ka o may problema ka,” nakangiting bilin niya sa akin. Maliit na ngiti lang ang naging sagot ko dahil masyado akong nagugulat sa pagiging mabait at malumanay sa akin ni Mamang Barbara. Makahulugan pa munang tiningnan ni Mamang si Aldous bago siya nakipag-beso sa akin at umalis. Hindi ko naiwasan ‘yon dahil masyado siyang mabilis. Tsaka ko lang naalala ang sitwasyon nang marinig ko ang pagtikhim ni Aldous. Napabaling ako sa mata niyang parang laser kung panoorin ako. Napaiwas ako ng tingin nang magkasalubong ang mga mata namin. “You know what?” pagsasalita niya. Hindi ko siya magawang tingnan sa mukha kaya sa stainless tumbler na lang ako tumingin. “Hindi ko alam kung makikilala mo ba ako o hindi. Hindi siguro dahil hindi naman talaga tayo close. Hindi ka man kilala ni Mamang, kilala naman kita— kilalang-kilala,” mapanganib na ani ni Aldous. Hindi ko magawang mag-angat ng tingin kahit pa gusto ko siyang putulin sa pagsasalita. “Jan, huh? Kailan pa naging Jan ang pangalan mo?” mapanuyang niya. Nanatili akong nakatayo sa gilid ng bar counter. Mabuti na lang at hindi naman ako nakaharang sa daanan. Gusto ko na lang iwanan si Aldous habang nagsasalita siya. Ngunit hindi ko naman ‘yon puwedeng gawin. Narinig ko na malapit siya sa mga Trascamado kaya malamang ay hindi siya basta-bastang tao rito. Napapadasal na lang ako na sana’y may dumating na customer para magkaroon ako ng pagkakataon na makalayo sa kaniya. “Ano na naman ang plano mo ngayon, huh? Bakit kailangan mo pang bumalik? Bakit kailangan mo na namang magpakita? Ganiyan ka ba talaga ka-desperada sa pera kaya ibinababa mo—” Awtomatiko siyang napatigil nang mapansing nagtataas-baba na ang balikat ko. Hindi ako umiiyak dahil tama ang mga sinabi niya. Umiiyak ako dahil nanliliit ako sa sarili ko habang nagsasalita siya. Wala akong maintindihan sa mga pinagsasasabi niya. Parang niyuyurakan ang pagkatao ko kahit pa hindi naman talaga totoo ang mga paratang niya patungkol sa akin. “W-What... are you…” Hindi niya alam kung anong sasabihin sa akin nang humupa na ang pagluha ko. Hindi ako matapang na tao kagaya ng kapatid ko na si Irish. Marami na akong napagdaanan ngunit para pa rin akong bago nang bago sa masasakit na salita na natatanggap ko. Mapa-pisikal man o mapa-emosyonal ay mahina talaga ako. Minsan nga, natatawa na lang ako sa sarili ko. Kinalakihan ko naman na ang ganitong uri ng buhay, pero bakit ba nagkakaganito pa rin ako? Hindi na ako nasanay. Hindi ko pa rin natatanggap na ito ang buhay na kinalakihan ko kahit pa hindi naman ito ang pangarap ko—ang pangarap namin. Lumabas sa bar counter si Aldous. Marami naman pala siyang kasamang bartender kaya walang umaabala sa aming mga customer. Tama nga ako nang isipin kong hindi siya basta-bastang tao sa club na ‘to. Tumalikod ako sa bar counter nang naramdaman ko siya sa likuran ko. Hahawakan niya sana ako ngunit napaatras ako. Tumama ang likod ko sa high chair na nasa harapan ng bar counter. Hindi naman masakit dahil dahan-dahan ang ginawa kong pag-atras. “H-Hindi ko sinasadyang sabihin ang mga salitang nasabi ko,” may pagsisisi sa boses na sabi ni Aldous. Gustuhin ko mang pakalmahin ang kalooban ko, sadyang hindi ko magagawa ‘yon sa ngayon. Nagkakagulo ang sistema ko. Kinakabahan ako sa mga maaari niyang gawin. “Ella,” usal niya na siyang ikinalaki ng mga mata ko. Aabutin na naman niya sana ako ngunit may tumawag sa pangalan niya. “Al, my friend! Himala yata’t iniwan mo ang pinakamamahal mong mga alak?” natatawang sambit ng lalaking kararating lang. May maliit na kulay itim na hikaw sa magkabilang tainga nito. Kung ngumiti ito ay parang may masama itong binabalak. Humarap si Aldous sa lalaking kararating lang. “Kendrick,” bati niya sa lalaki. Hindi ko na hinintay pa ang sasabihin noong kausap ni Aldous. Umalis na ako roon at nagpunta sa mga ka-trabaho ko. “Ah… excuse me?” pagharang ko sa isa kong ka-trabaho. Mukha naman siyang approachable at mabait kaya siya ang nilapitan ko. Mahahalata mo sa inosente niyang ngiti na hindi siya katulad noong ibang mga waitress na masasama ang ugali. “Yes? Bakit?” Tiningnan niya ang mukha ko bago ang kabuuan ko. Lumaki ang ngiti niya at saka itinagilid ang kaniyang ulo. “Hulaan ko… bago ka rito, ‘no?” aniya. Masyado sigurong halata ang rumehistrong gulat sa mukha ko kaya nagsalita ulit siya. “Huwag kang magulat kung bakit ko alam. Marami man ang nagtatrabaho rito, kilala ko naman silang lahat. ‘Yang mukha mo ay…” Sabay turo niya sa mukha ko gamit ang hawak niyang ball pen. “Bago lang sa paningin ko. Isa pa, hindi pa ako nakakita ng ganiyan ka-gandang mukha sa club na ‘to sa tagal ko nang nagtatrabaho rito,” malumanay niyang paliwanag. Nahihiya naman akong napangiti. “H-Hindi naman ako maganda, mas maganda ka sa ‘kin,” napapakagat-labing kontra ko sa kaniya. Totoo naman na para sa akin ay mas maganda siya kaysa sa akin. Pabiro niya akong hinampas sa braso kaya napaiktad ako. Mukha namang hindi niya ‘yon napansin dahil nagpatuloy siya sa pagsasalita. “Naku! Huwag ka ngang mangbola riyan! Ano nga pala ang kailangan mo? Marami pa kasi akong pupuntahang table.” Sabay pakita niya sa akin ng hawak niyang ball pen at maliit na makapal na papel na alam kong pagsusulatan niya ng mga order. Napahawak ako sa laylayan ng maiksing skirt na suot ko. “S-Saan ba ako puwedeng makakuha ng ganiyan?” Sabay turo ko sa hawak niyang papel at ball pen. Kailangan kasi namin ‘yon dahil doon namin inilalagay ang mga order, at kung saang lamesa dapat ibigay ang mga order na ‘yon. Mahina siyang napatawa. “Bago ka lang ba sa ganitong trabaho?” kaswal na tanong niya. Hindi ko maiwasan na pakatitigan ang mukha niyang nakangiti. Mabuti pa siya ay masaya sa ginagawa niya. Umiling lang ako. Hindi naman na talaga ako bago sa trabaho na ‘to. Nag-aaral pa lang ako ng high school ay mulat na ako sa ganitong uri ng trabaho. Si Mama ay ito rin ang kinalakihan. Masuwerte nga siya na napangasawa niya si Papa—‘yong naunang asawa ni Mama bago si Tiyo Isidro. Sa kabila ng naging trabaho ni Mama ay minahal pa rin siya ni Papa at pinakasalan. Sa kasamaang palad ay patay na si Papa. “Hindi ka naman na pala bago. Bakit hindi mo alam kung saan ka makakakuha ng ganito?” tanong niya. Alam ko naman talaga kung saan ngunit gusto ko lang talagang takasan si Aldous kaya nagtatanong ako sa kaniya. Hindi ko alam kung papaano ko haharapin si Aldoua pagkatapos kong umalis nang hindi nagsasabi sa kaniya. Iwinasiwas niya ang kaniyang kamay. “Hayaan mo na nga! Halika na. Kukuhanan na lang kita sa bar counter.” Ngumiti siya sa akin. “Ako nga pala si Dysea.” Sabay lahad niya ng kamay sa akin. Ilang segundo muna akong napatitig sa palad niyang nakalahad. Bukod sa iniisip ko kung anong pangalan ang sasabihin ko sa kaniya ay nag-aalangan din akong makipag-kamay. Aabutin ko pa lang sana ang kamay niya ngunit hinablot niya na kaagad ang akin. “J-Jan,” pagpapakilala ko. Binawi ko kaagad ang kamay ko pagkatapos kong sabihin ang pangalan 'ko. Naalala ko na sinabi nga pala ni Mamang na Jan ang magiging tawag sa akin sa club na ‘to dahil ‘yon ang pangalan n hindi ko masyadong ginagamit. Sinamahan nga ako ni Dysea sa bar counter. Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong wala na si Aldous doon. Kinakabahan ako sa tuwing maaalala ko ang napag-usapan namin kanina. Hindi naman totoo ang mga bintang niya sa akin. Hindi rin ako umiiwas nang dahil doon. Umiiwas ako nang dahil sa naging pagtawag niya sa akin kanina. Sa tagal na ng panahon magmula nang huli kong narinig ang pangalan na ‘yon ay halos magbukas na naman ang lahat ng sugat na matagal nang natahi. Parang binudburan ng asin ang mga sugat kong matagal nang nagsara. Kinausap ni Dysea ang ibang staffs na nasa bar counter. Nakita kong binigyan na nila ng papel at ball pen si Dysea. Humarap naman sa akin si Dysea at iniabot ang papel at ball pen na hawak niya. “Oh, ‘yan na ang hinihingi mo,” sabi niya at saka nginitian ako. Tumango naman ako at tinanggap ang hawak niya. “Salamat, Dysea,” sinserong pagpapasalamat ko. Kaya lang naman ako nanghingi ng tulong sa kaniya ay dahil inakala ko na nandito pa rin si Aldous hanggang ngayon. Umiling siya. “Wala ‘yon, ‘no! Ano ka ba?” natatawang aniya. Maganda si Dysea at maputi. Mas matangkad ako sa kaniya. Maamo rin siya at palangiti pa. Parang kahit sino ay magiging kaibigan niya. Matagal siyang napatitig sa mata ko kaya napaiwas ako ng tingin. Hindi talaga ako kumportable kapag may nakikipagtitigan sa akin. “Jan, matanong ko lang… anong pangalan ng contact lens na gamit mo? Parang totoo kasi... gusto ko ring bumili!” parang tuwang-tuwa na usal niya. Napasulyap ako sa mga mata niya. Kulay itim ang kulay ng kaniyang mata, bagay lang sa maputing kulay ng kaniyang balat. Napailing ako. “H-Hindi ako nagko-contact lens, Dysea,” nahihiyang sagot ko. Bigla siyang napasinghap. Muntikan pa niyang mabitawan ang kaniyang mga hawak. “I-Ibig sabihin ay natural color ‘yan ng mata mo?” hindi makapaniwalang tanong niya. Napatango na lang ako. “Wow! Kaya pala parang kakaiba ‘yong itsura mo kaysa sa mga tipikal na Pilipina dahil may lahi ka pala!” namamanghang usal niya. Hindi na ako nakasagot pa. Brazilian ang ama ko kaya’t hindi na kataka-taka ‘yon. Nakilala siya ni Mama sa isang club na pinagtatrabahuhan noon ni Mama. Nagkamabutihan sila at nagkaroon ng bunga ang kanilang pagmamahalan. Hindi ko nga lang maintindihan kung bakit galit na galit si Mama sa ‘min nang mamatay si Papa. Si Papa lang ba ang mahal niya? Hindi niya ba kami mahal? Bakit gano’n? “Oh, siya… mauna na muna ako sa ‘yo. Mag-usap na lang ulit tayo mamaya, kapag tapos na ‘yong working hours. Nice meeting you nga pala.” Sabay yakap niya sa akin at mabilis na tumalilis. Hindi naman ako nakagalaw. Parang naninibago pa rin talaga ako. Unang-una, nang dahil kay Mamang. Pangalawa, nang dahil kay Aldous. At pangatlo, nang dahil kay Aira. Ngayon ko lang kasi naranasan na matrato nang ganito. Hindi ako nasanay sa ganitong uri ng pagtrato sa akin dahil palagi akong pinagsasalitaan ng masasakit na salita sa bahay. Palagi rin akong napag-iinitan na saktan ni Tiyo Isidro lalo na kapag langong-lango siya sa alak… o hindi naman kaya’y kapag masyado siyang lulong sa ipinagbabawal na gamot. Huminga muna ako nang malalim bago nagpasyang magsimula na sa pagtatrabaho. ‘Yon naman talaga ang dahilan kung bakit ako nandito, ‘di ba? Para magkaroon ng pera at para na rin makatakas sa pananakit ng mga tao sa bahay. Nakakalungkot lang isipin na kung sino pa ‘yong dapat na nagpo-protekta sa ‘kin ay ‘yon pa ‘yong taong mismong nananakit sa ‘kin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD