CHAPTER 3

1121 Words
Chapter 3 “Nasaan ang pera, Elle?” Nakalahad kaagad ang palad ni Mama sa akin nang dumating ako sa bahay. Madaling araw na natapos ang pagtatrabaho ko sa club. Salamat naman at walang hindi kaaya-ayang nangyari. Kapag sa club ka nagtatrabaho, malaking bagay na ang pagkakaroon mo ng katahimikan habang nagtatrabaho ka. Madalas kasi sa mga customer ay wala na sa sarili nang dahil sa alak kaya nakakagawa sila ng mga bagay na nakakakuha ng atensyon ng iba pang tao. Minsan, namamahiya sila ng staffs. Minsan naman ay hina-harass nila ang mga ito—physically o sexually. Hindi pa ako nakakapasok sa kuwarto ko ngunit nandito na kaagad si Mama. Wala naman kasing lock ang pinto namin. Nakasara lang. Kung gugustuhin man kaming looban ng mga taong may masasamang-loob ay hindi na sila mahihirapan pa. Hindi na nilagyan nina Mama ng lock dahil ano naman daw ang makukuha nila rito sa bahay namin? Eh mas mahirap pa nga kami sa daga. Napabuntonghininga ako at saka napapakagat ng labi na napatitig sa nakalahad na kamay ni Mama. “Oh, ano? Tatayo ka na lang ba riyan?” untag sa akin ni Mama sabay usog ng palad niyang nakalahad pa rin hanggang ngayon. “Aba,” singhal niya. Hindi siya makapaniwalang napasinghap. “Hindi kita pinapasok sa club na ‘yon para maging display lang, Elle!” usal niya. Napabuntonghininga na naman ako at saka nag-angat ng tingin kay Mama. Salubong ang kilay niya at nanlilisik ang mga mata. May make-up pa siya sa kaniyang mukha. Mukhang kagagaling niya lang sa “trabaho” niya. “M-Mama… w-wala pa po akong sahod ngayon... alam niyo naman po na sa—” Marahas niya akong hinawakan sa buhok kaya napahinto ako sa pagsasalita. Napangiwi ako ngunit walang lumabas na pagprotesta sa bibig ko nang dahil sa takot. Hiniklat ni Mama pababa ang buhok ko kaya napatingala ako. Kahit mas matangkad ako sa kaniya ay wala pa rin akong laban. Hindi ko ugali na manlaban sa kahit na sinong nananakit sa akin. Ang tanging nagagawa ko lang ay ang umiyak. Pinakatitigan niya ako sa mata gamit ang matalim niyang mga mata. “Huwag ako ang lokohin mo, Elle! Alam nating pareho na may pera ka na nanggaling sa mga tip ng customer mo, tama ba?” gitil na ani ni Mama sa akin. Hindi ko naman alam kung ano ang uunahin kong intindihin. Ang buhok ko ba na hawak niya o ang masagot ang tinuran niya. Natatakot ako sa mga maaaring mangyari kapag hindi ko nasagot ang tanong niya kaya mas pinili ko na lang na huwag nang indahin ang buhok ko. Napasinghap ako. “W-Wala po talaga akong pera ngayon. K-Kahit tingnan niyo pa po ang bulsa ng pantalon na suot ko ngayon ay wala kayong makikita. Hindi po ako magsisinungaling sa inyo. Kung may pera lang talaga ako ay magbibigay ako. Ang kaso po—” Umangat ang sulok ng labi ni Mama bago niya hinila pababa ang buhok ko. “At ako pa ang gagaguhin mong bata ka?”nanggigitgit ang mga ngipin na bulong niya sa akin. “Nasaan ang pera mo, Elle?” ulit na naman niya. Gustuhin ko mang magsalita patungkol sa sakit na nararamdaman ko nang dahil sa pagsabunot niya ay pinigilan ko ang sarili ko. Pakiramdam ko kasi… kapag nagsalita ako patungkol doon ay mas lalo lang magiging malala ang sitwasyon ko. Napangiwi ako sa sakit nang maramdaman ko na ang hapdi sa anit ko. “M-Maniwala ka naman sa ‘kin, M-Mama,” nanginginig ang boses na pakiusap ko sa kaniya. Kung puwede ko lang siyang hawakan sa kamay para maniwala siya ay ginawa ko na. Napakagat ako sa aking labi. “Wala po akong tip na nakuha ngayon dahil bago pa lang ako. Kung may pera lang po talaga ako, magbibigay naman po ako kaagad. Kapag wala, kahit na saktan niyo pa po ako, wala talaga akong maibibigay sa inyo,” dire-diretsong saad ko. Nagpapasalamat ako na hindi ako nabulol habang sinasabi ang mga ‘yon. Ilang segundo rin na nakatitig lang si Mama sa akin. Nang mahimasmasan siya ay padarag niyang binitawan ang buhok ko. Nagtagis ang kaniyang mga bagang at napairap bago siya nagsalita. “Sige, palalampasin kita ngayon, Elle. Ang kapalit niyan ay bukas ka na ng tanghali kakain.” Napahinga naman ako nang maluwag nang dahil doon. Umayos ako sa pagkakatayo at saka nginitian si Mama. “S-Salamat po, Mama. S-Sige po, bukas na lang ako—” Napahinto ako sa pagsasalita nang putulin ni Mama ang mga salita na dapat ay sasabihin ko sana. “Hindi ka rito sa bahay kakain, Elle. Bahala ka na sa buhay mo kung papaanong diskarte ang gagawin mo para magkaroon ng laman ‘yang tiyan mo.” Nang-aasar na ngumiti si Mama bago niya ako tulalang iniwan sa harapan ng kuwarto ko. Pagkalipas ng isang minuto ay napakurap-kurap ako. Nakatitig pa rin ako sa harapan ko—sa puwesto kung saan nakatayo si Mama kanina. Hindi ko pa rin mapaniwalaan ang sinabi ni Mama. Napaisip ako… ina ko ba talaga ‘yong kausap ko kani-kanina lang? Bakit… Bakit parang ang laki ng galit niya sa akin? Sa totoo lang ay sanay naman ako na hindi kumakain. Sanay na ako na hindi nila ako tinitirhan ng kanin, maski ng ulam. Parang hindi nila ako kamag-anak kung ituring. Maiintindihan ko pa sana si Tiyo Isidro at Irish, pero kapag si Mama na ay hindi ko talaga magawang intindihin. Parang mali, parang hindi tama. Ganoon ba ang turing ng ibang ina sa kanilang mga anak? Ganoon ba talaga ang gawain ng isang ina? Ang paulit-ulit na saktan, gutumin at abandunahin ang kanilang mga anak? Kung ganoon ang lahat ng ina ay kawawa naman ang lahat ng musmos na nabubuhay sa mundong ito. Nakakaawa talaga. Kung hindi ako kakain dito bukas ay wala sa akin ‘yon. Ang sabi ko nga ay sanay na ako. Wala naman akong karapatang magreklamo kay Mama. Mabuti nga at hindi pa niya ako pinapalayas sa bahay namin. Kung sakali mang gawin niya ‘yon ay hindi ko na alam kung saang kangkungan ako pupulutin. Pihadong sa kung saan-saang kalsada na ako nakatira ngayon. Malaki pa rin ang pasasalamat ko na si Mama ang naging ina ko dahil kung hindi, hindi ko rin alam kung magkakaroon ba ako ng medyo maayos na tirahan ngayon. Kung ganiyan na ako ituring ni Mama—ituring na parang hindi niya talaga ako tunay na anak—papaano pa kaya ang ibang mga ina sa kanilang mga anak? Nakakalungkot lang isipin. Nilunok ko ang bukol na bumara sa aking lalamunan bago ako pumasok sa aking kuwarto. Nilagpasan ko ang kurtina na nagsisisilbing pinto ng kuwarto ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD