CHAPTER 4

1781 Words
Chapter 4 Pagkalipas ng isang minuto ay napakurap-kurap ako. Nakatitig pa rin ako sa harapan ko—sa puwesto kung saan nakatayo si Mama kanina. Hindi ko pa rin mapaniwalaan ang sinabi ni Mama. Napaisip ako… ina ko ba talaga ‘yong kausap ko kani-kanina lang? Bakit… Bakit parang ang laki ng galit niya sa akin? Sa totoo lang ay sanay naman ako na hindi kumakain. Sanay na ako na hindi nila ako tinitirhan ng kanin, maski ng ulam. Parang hindi nila ako kamag-anak kung ituring. Maiintindihan ko pa sana si Tiyo Isidro at Irish, pero kapag si Mama na ay hindi ko talaga magawang intindihin. Parang mali, parang hindi tama. Ganoon ba ang turing ng ibang ina sa kanilang mga anak? Ganoon ba talaga ang gawain ng isang ina? Ang paulit-ulit na saktan, gutumin at abandunahin ang kanilang mga anak? Kung ganoon ang lahat ng ina ay kawawa naman ang lahat ng musmos na nabubuhay sa mundong ito. Nakakaawa talaga. Kung hindi ako kakain dito bukas ay wala sa akin ‘yon. Ang sabi ko nga ay sanay na ako. Wala naman akong karapatang magreklamo kay Mama. Mabuti nga at hindi pa niya ako pinapalayas sa bahay namin. Kung sakali mang gawin niya ‘yon ay hindi ko na alam kung saang kangkungan ako pupulutin. Pihadong sa kung saan-saang kalsada na ako nakatira ngayon. Malaki pa rin ang pasasalamat ko na si Mama ang naging ina ko dahil kung hindi, hindi ko rin alam kung magkakaroon ba ako ng medyo maayos na tirahan ngayon. Kung ganiyan na ako ituring ni Mama—ituring na parang hindi niya talaga ako tunay na anak—papaano pa kaya ang ibang mga ina sa kanilang mga anak? Nakakalungkot lang isipin. Nilunok ko ang bukol na bumara sa aking lalamunan bago ako pumasok sa aking kuwarto. Nilagpasan ko ang kurtina na nagsisisilbing pinto ng kuwarto ko. Pakiramdam ko ay sobrang bigat ng mga paa ko habang dahan-dahan akong naglalakad palapit sa kahoy na higaan ko. Sobrang bigat ng pakiramdam ko. Kung gaano kabigat ang nararamdaman ko noon, mas tumindi lang ngayon. Umupo ako sa aking kama, nakaharap sa bintana ang aking katawan. Malalim na ang gabi kaya puro mga kuliglig na lang ang aking naririnig. Sa kalayuan naman ay naririnig ko rin ang samu’t-saring tahulan ng mga aso. Tila nakikiisa sa sakit na nararamdaman ko ang uri ng kanilang mga daing. Bahagya lang na sumisilip ang buwan sa likod ng makakapal na ulap. Pumapasok din ang panggabing hangin sa siwang ng kahoy na bintana ng aking kuwarto. Hindi ko na binuksan ang electricfan na nasa paanan ng kahoy na higaan ko dahil malamig naman. Humugot ako ng malalim na buntonghininga. Isa. Dalawa. Tatlo. Hanggang sa maging sunod-sunod na. Suminghot ako. Hindi ko namalayan na lumuluha na pala ako. Hanggang ngayon kasi ay hindi ko maintindihan kung bakit ganoon si Mama. Isa lang naman ang naiisip kong dahilan. Mas gusto ni Mama na siya ang nandito at kasama niya kaysa sa akin. Siguro, kung ako ‘yong namatay ay matutuwa pa si Mama. Mapait akong napangiti sa aking sarili. Humiga ako sa aking kama at tahimik na lumuha habang nakatulala sa kisame. Parang tumatagos ang tingin ko sa kisame kaya nakikita ko na ang mga bituin na kumikinang sa langit. “Miss na kita… wala na akong kakampi rito,” bulong ko bago ako dalawin ng antok. Kinabukasan ay maaga akong nagising. Naririnig ko na ang unti-unting pagtilaok ng mga manok. Nakatulala lang ako sa siwang ng bintana ng kuwarto ko. Kitang-kita ko na ang kulay ng langit na kulay kahel at asul. “Joanna, saan ka na naman galing?” Napapitlag ako sa pagkakaupo sa aking kama nang marinig ko ang sigaw ni Tiyo Isidro. Napaharap ako sa pinto ng aking kuwarto, natatakot na baka pumasok si Tiyo Isidro sa kuwarto ko. Kapag ganito pa naman na galit siya ay hindi siya magdadalawang-isip na ako ang pagbuntunan ng galit niya. “Ano ang isinigaw mo riyan, Isidro? Wala kang karapatan na kuwestyunin ang mga lakad ko dahil sa ganitong klase ng trabaho mo ako nakilala!” mas malakas naman na sigaw ni Mama kay Tiyo Isidro. Hindi ko alam kung lalabas ako para umawat o mananatili na lang sa kuwarto ko hanggang sa matapos sila sa pag-aaway nila. Baka ako pa ang magmukhang masama kapag nakialam ako. Iisipin nila na nakikisali ako sa away nilang magpapamilya. Ang ganitong eksena sa umaga ay hindi na rin bago para sa akin—kahit para kay Irish. Palagi namang nangyayari ang ganito. Kapag natunugan ni Tiyo Isidro na kadarating pa lang ni Mama galing sa trabaho nito ay mag-uumpisa na silang magkaroon ng debate sa loob ng bahay namin. Hindi ko naman masisisi ang isa sa kanila kung bakit sila nagkakasamaan ng loob dahil parehas naman kasi silang may punto. Narinig ko ang pagkalabog ng dingding. Dahil nga gawa lang naman sa plywood ang karamihan sa dingding namin ay tumatagos hanggang sa kabilang kuwarto ang ingay. Nasa dulo man ang kuwarto ko at kay Irish ang gitna ay rinig na rinig ko pa rin ang pag-aaway nila. “Oo nga’t nakilala kita sa ganiyang trabaho mo pero asawa mo na ako ngayon, Joanna! Respeto naman!” sigaw na naman ni Tiyo Isidro pagkatapos ng mga sunod-sunod na kalabog ng dingding. Sinuntok yata ni Tiyo Isidro ang dingding ng kuwarto nila ni Mama. Nagpapasalamat pa rin ako na ako ang nasa dulong kuwarto at hindi sa gitna. Kung ako ang nasa kuwarto ni Irish ay palagi lang akong manginginig sa pinaghalong nerbyos at takot sa tuwing mag-aaway sina Mama. Ngayon ngang ako ang nandito sa dulo ay kinakabahan pa rin. “Ang lakas din talaga ng loob mong magsalita tungkol sa ‘respeto’, ano? Ikaw ba? Binigyan mo ba ako ng kahit kakaunting respetong sa tuwing magkakaroon ng balita rito sa barangay natin na gumagamit ka ng ipinagbabawal na gamot, huh?” sigaw rin ni Mama pabalik sa kaniyang kausap. Nanatili pa rin ako na nakabantay sa bungad ng kuwarto ko dahil baka umabot hanggang dito ang galit nilang dalawa. Hangga’t maaari ay ayaw kong mangyari ‘yon dahil masyadong nakakadala ang ganoon. Nakarinig na naman ako ng kalabog na siyang nakapagpatalon sa akin sa pagkakaupo ko sa kahoy na higaan ko. “At ngayon naman ay ibinabalik mo sa akin ang mali? Napakagaling mo talaga, Joanna! Hindi ko alam kung papaano pa ako nakatagal sa pag-uugali mo,” tila nagsisisi ang boses na ani ni Tiyo Isidro. Narinig ko ang mapakla na pagtawa ni Mama. “Ano ang gusto mong sabihin? Na nagsisisi ka na naging asawa mo ako? Sabihin mo, Isidro! Nagsisisi ka ba, huh?” basag ang boses na tugon ni Mama. Wala akong narinig na tugon mula kay Tiyo Isidro. Naging tahimik na muli ang kapaligiran kung kaya’t nakahinga ako nang maluwag. Ang akala ko ay aabot pa hanggang mamaya ang pagsasagutan nila. Dumarating talaga sa punto na nagkakasagutan sila pero hindi naman sila naghihiwalay. Nang magtanghali ay saka lang ako nakalabas sa kuwarto ko. Narinig ko kasi na umalis na si Tiyo Isidro kaya medyo magaan ang loob ko. Hindi talaga ako kumportable sa kaniya. Simula pa man noon ay may pakiramdam na ako sa loob-loob ko na parang kinaaayawan siya. “Anong ginagawa mo rito?” Muntik pa akong matalisod nang marinig ang boses ni Mama. Humarap ako sa kaniya at nakita ko na nakatayo siya sa bungad ng kuwarto nila. “Hindi ba’t sinabi ko sa ‘yo na hindi ka rito kakain? Anong sinisilip mo riyan?” Napasulyap ako sa kaldero na nakapatong sa lamesa na nasa gilid ng lababo. “T-Tinitingnan ko lang po kung n-nakapagsaing na po ba,” kinakabahang sagot ko. Napataas ang kilay niya at saka napairap. “Magpapalusot ka pa. Ang sabihin mo, susuwayin mo ang sinabi ko sa ‘yo kagabi. Kung hindi pa kita naabutan ngayon ay baka nilalamon mo na ‘yang pagkain diyan.” Napayuko ako. “H-Hindi naman po ako nagpapalusot. G-Gusto ko lang po talagang siguraduhin na may makakain na ka—” Narinig ko ang malakas niyang pagsinghap. “Ano naman ang akala mo sa ‘kin? Sa ‘min? Hindi marunong magluto?” pagputol niya sa ‘kin. “Hoy, Janelle! Ipapaalala ko lang sa ‘yo na kaya naming mabuhay kahit wala ka rito kaya huwag kang magmalaki! Pagsasaing, paghuhugas ng plato at paglilinis lang ng bahay ay ipinagmamalaki mo na?” “Hindi naman po ako nagmamalaki, Ma—” “Marunong ka na sumagot ngayon, huh? May maipagmamalaki ka na ba para sumagot-sagot ka sa ‘kin?” gigil na anas niya. Narinig ko ang tunog ng tsinelas niya na papalapit sa akin. Habang nakayuko ako ay nakita ko na nasa harapan ko na ang mga paa niya. Puwersahan niyang hinawakan ang dalawang panga ko gamit ang isang kamay niya kaya napaangat ang paningin ko sa kaniya. “Wala ka pa ngang kinikita sa bar kung saan kita ipinasok ay umaasta ka na nang ganiyan? Saka mo na ako paandaran kapag limpak-limpak na ang pera na maisasampal mo sa ‘kin.” Pabalibag niyang binitawan ang mukha ko. “Umalis ka na muna rito sa bahay at maghanap ng makakain mo. Naaalibadbaran ako sa pagmumukha mo. Huwag mong kalilimutang bumalik dito bago mag-alas-sais ng gabi dahil kailangan mong pumasok sa club mamaya.” Tumalikod na si Mama at pumasok ulit sa kuwarto nila. Kinagat ko ang labi ko upang mapigilan ang sarili ko na makagawa ng ingay. Gustong-gusto kong humikbi ngunit pinipigilan ko lang dahil alam ko na mas lalo lang akong kagagalitan ni Mama kapag nakita niya ‘yon. Baka sabihan niya na naman ako na nag-iinarte ako. Minsan niya nang sinabi ‘yon kaya ayaw ko na ulit mangyari ang ganoong bagay. “Bakit nakatayo ka pa rin diyan? Hindi mo ba narinig ang sinabi ni Mama? Umalis ka raw rito! Mas maganda ay huwag ka na ulit babalik para wala na ang sampid sa pamilya namin,” walang prenong ani ni Irish na kalalabas lang sa kuwarto niya. “Alis na!” Nagmadali na lang akong lumabas sa bahay kaysa magkagulo na naman kaming dalawa ni Irish. Alam ko naman na sa kaniya kakampi si Mama kung sakali. Kailan ba kumampi sa ‘kin si Mama? Kahit kailan ay hindi nangyari ‘yon. Si Irish palagi ang tama. Habang naglalakad ako sa eskinita namin ay lumuluha ako. Sa dalawampu’t limang taon ko sa mundo, bilang lang sa daliri ko ang mga pagkakataon na masaya ako. ‘Yon ay ‘yong mga panahong buhay pa si Papa at ang isang tao na kalahati ng pagkatao ko. Kailan kaya ulit ako magiging masaya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD