CHAPTER 5

1554 Words
Chapter 5 Pagkalabas ko sa eskinita namin ay naglakad pa ako nang ilang minuto hanggang sa makarating ako sa harapan ng isang karinderya. Simple lang ang karinderya na ‘yon ngunit malaki ang naging parte niyon sa buhay ko. Hindi kalakihan ang karinderya. May isang mahabang upuan sa mismong harapan ng karinderya at may lamesa rin na naka-konekta sa mismong loob nito. Sa hindi kalayuan naman ay may mga maliliit na lamesa at puting mga upuan sa harapan ng mga ito. May tolda rin na nagsisilbing bubong ng mga tao kung sakaling matindi ang sikat ng araw o hindi kaya’y kapag umambon o umulan. Naglakad ako palapit sa karinderya at nagpapasalamat na kaunti lang ang tao na nakaupo sa mahabang upuan kaya may naupuan pa ako. Umupo ako sa dulo upang hindi ako masyadong malapit sa ibang mga kumakain. Marami ang dumadayo sa karinderya na ‘to dahil hindi maitatanggi na masarap ang mga pagkain na itinitinda at inihahain dito. Maraming mga tao ang kumakain dito na galing pa sa iba’t ibang lalawigan. “Elle!” nakangiting bati ni Aling Josefa sa akin. Siya ang may-ari ng karinderya na ito. Isa rin siya sa mga taong nagluluto ng mga masasarap na pagkain na inihahanda nila para sa mga tao. Malawak akong ngumiti kay Aling Josefa. “Magandang umaga po, Aling Josefa!” Lumapit siya sa lamesa at tinanaw ako. Sumimangot siya at saka napabuntonghininga. “Hindi ka na naman ba pinakain ng ina mo?” Nahihiya akong ngumiti sa kaniya dahil hindi ko alam ang isasagot. Napapalatak siya. “Grabe talaga ‘yang si Joanna! Nag-iisa ka na nga lang pero hindi ka pa rin niya magawang alagaan. Hayaan mo’t ipagluluto na lang kita ng paborito mo! Sandali lang.” Pagkatapos no’n ay umalis na siya sa harapan ko at pumasok sa isang pinto. Doon ang kusina nila. Napatitig na lang ako sa lugar kung saan dumaan si Aling Josefa. Malungkot akong ngumiti habang binabalikan ang mga bagay na sinabi niya kani-kanina lang. Alam ni Aling Josefa ang kuwento ng pamilya namin dahil laman kami ng balita simula pa man noon. Halos lahat ng tao sa barangay namin ay alam ang trabaho ni Mama. Alam din nila na nakapag-asawa ng Brazilian si Mama dahil nakita nila dati na magkasama ang mga magulang ko. Nahinuha rin nila na nagkaanak si Mama sa Brazilian na ‘yon dahil sa amin ng kapatid ko. Simula noon ay naging tutok na sa amin ang mga mata ng mga kapit-bahay namin. Kung ano ang ganap sa buhay namin, kumakalat kaagad sa barangay namin. Mas lalo lang tumindi ang mga usap-usapan nang mamatay ang ama ko. Ilan sa mga tao ay iniisip na nilason ni Mama si Papa para makuha ang pera nito. Ang ilan naman ay iniisip na kaya inasawa ni Mama si Papa ay dahil alam ni Mama na may sakit si Papa at malapit na itong mamatay. Ibig sabihin, makukuha ni Mama kaagad ang pera ni Papa. Pero alin man sa mga ‘yon ay hindi totoo. Namatay si Papa dahil may sakit siya at hindi alam ‘yon ni Mama. Umiyak si Mama nang malaman niyang may cancer si Papa. Ang Papa ko na Brazilian ay balak pa yatang dalhin ‘yon hanggang sa hukay dahil saka lang namin nalaman nang minsan siyang himatayin. Nalaman namin sa doctor na may stage 4 cancer si Papa at matagal na palang alam ni Papa ‘yon. Habang nakahiga siya sa hospital ay umiiyak kami habang pinagmamasdan siya. Nakangiti naman siya sa amin at sinabing masaya siyang mamamatay dahil nagkaroon pa siya ng pagkakataon na magkaanak at makasama kami. Hindi matanggap ni Mama ang pagkawala ni Papa kaya bumalik na naman siya sa dati niyang trabaho. Hindi rin matanggap ni Mama na nagsinungaling sa kaniya si Papa kaya sa tuwing nakikita niya kami ng kapatid ko ay nagagalit siya. Ani ni Mama ay kamukhang-kamukha namin ang Papa namin. Pero sapat ba na rason ‘yon para maranasan namin ang mga bagay na ipinaranas ni Mama sa ‘min? “Ito na ang paborito mong pagkain, Elle,” masaya ang tono na ani ni Aling Josefa. Napakurap-kurap naman ako. Ngayon ko lang napansin na nakabalik na pala si Aling Josefa. Kanina pa pala lumilipad ang isipan ko sa alaala ng nakaraan. Galing sa kulay brown na tray ay inilapag niya ang tatlong mangkok at ang isang plato na ang laman ay kanin. Ang laman ng maliit na mangkok ay sabaw ng bulalo. Ang laman naman ng isang mangkok ay Adobong Baboy at ang laman naman ng isa pang mangkok ay Pakbet. “Maraming salamat po, Aling Josefa,” nakangiti na sabi ko habang nasa mga pagkain pa rin ang paningin. “Hindi mo po talaga nakakalimutan ang mga paborito ko.” Natawa siya nang bahagya kaya nagtaas ako ng mga mata sa kaniya. Napailing-iling siya. “Papaano ko naman makakalimutan? Eh palagi ka namang kumakain dito sa karinderya ko. Kung hindi ka inubusan ng pagkain sa inyo, pinalayas ka naman.” Napayuko ako nang dahil sa sinabi ni Aling Josefa. Totoo naman na madalas akong magpunta rito para kumain dahil madalas akong inuubusan ng pagkain nina Mama. Minsan ay pinapalayas din ako ni Mama mapag nagkakaroon sila ng away ni Tiyo Isidro. Nakasanayan ko na nga lang ang ganoong senaryo kaya hindi na bago sa akin. “Sinabi ko na sa ‘yo na handa naman akong ampunin ka para malayo ka na sa ina mo. Ayaw mo namang pumayag dahil ang sabi mo ay ayaw mong iwanan ang ina mo,” pagpapatuloy niya. Inalok na ako ni Aling Josefa noon. Gusto niya akong ampunin dahil wala naman siyang anak o maski asawa. Tanging ang karindeya niya na ang nagsilbing anak at asawa niya. Matandang dalaga si Aling Josefa at ika niya ay wala na siyang pag-asa para magkaroon ng anak at asawa. “Di bale na, basta’t pumunta ka lang dito kapag nagugutom ka. Hindi ka naman na iba sa akin kaya huwag kang mahihiyang pumunta rito. Kumain ka na. Huwag mo masyadong isipin ang ina mo dahil maaga kang tatanda nang dahil sa sama ng loob,” natatawa ang tono na anas niya. Napatango na lang ako. Saglit pa siyang nanatili at maya-maya ay umalis na rin naman upang bumalik sa kusina ng karinderya. Inamoy-amoy ko muna ang Adobong Baboy at ang Pakbet bago ako nagsimulang kumain. Nilanghap ko rin ang nakakagutom na amoy ng sabaw ng Bulalo. Napakasarap talagang magluto nina Aling Josefa. Kalahating oras ang nakalipas bago ako natapos kumain. Napadighay ako nang hindi inaasahan kaya napatingin sa akin ang ibang mga tao na kumakain sa karinderya. Nahihiya akong napangiti at humingi ng paumanhin sa kanila. Ang iba ay sinamaan ako ng tingin at ang iba naman ay hindi na lang ako pinansin. Tinawag ko si Ate Gina na nagpupunas sa isang sulok. “Ate Gina!” pabulong na sigaw na sabi ko. Nagpalinga-linga siya at hinanap kung sino ang tumatawag sa kaniya. “Ate!” Nang magtama ang paningin namin ay napatawa siya sa sarili niya at naglakad palapit sa ‘kin. “Bakit ka kasi bumubulong diyan, Elle? Akala ko ay may multo na sa tabi ko, eh,” natatawang aniya. Napangiti ako. “Naniniwala ka pala sa multo, Ate?” Saglit siyang napaisip. “Depende. ‘To see is to believe’, ika nga nila. Oo nga pala, tapos ka na bang kumain? Ibabalik ko na ang mga pinagkainan mo sa loob.” Nagbaba ako ng paningin sa lamesa at tumango sa kaniya. “Opo, tapos na po ako,” tugon ko. “Gano’n ba? Oh, sige. Sandali lang at kukuha ako ng tray para paglagyan ng mga pinagkainan mo,” paalam niya. Umalis na siya para kumuha ng tray. Hindi na niya ako hinintay na makasagot. Kinapa ko ang bulsa ng jeans na suot ko at saka ako kumuha ng pera. Ipangbabayad ko ito sa mga pagkain na inihanda ni Aling Josefa sa akin. Kahit naman sinabi niyang hindi na ako iba sa kaniya ay nais ko pa ring bayaran ang mga pagkain na iniluto niya. Alam ko naman kasing hindi na biro ang mga presyo ng mga sahog at karne ngayon. Nang makabalik si Ate Gina ay inilapag ko ang bayad sa tray na hawak niya. Pinanlakihan niya naman ako ng mata. “Hindi ba’t sinabi na sa ‘yo ni Aling Josefa na huwag mo na bayaran ang kakainin mo rito?” Tumango ako. “Sinabi niya na nga po ‘yan, pero hindi naman po tama na palaging ganoon. Gumagastos po si Aling Josefa para sa mga pagkain na inihahanda niya kaya tama lang po na magbayad din ako sa serbisyo ninyo. Tanggapin mo na po ‘yan, Ate Gina. Huwag niyo na lang ipaalam kay Aling Josefa na nagbayad ako.” Kinurot niya ako sa braso. “Ikaw talagang bata ka! Kapag nalaman ‘to ni Aling Josefa, magagalit ‘yon!” pananakot pa niya ngunit tinawanan ko lang siya. “Sige na, ako na ang bahalang maghanap ng diskarte kung papaano ilalagay ang bayad mo sa lagayan.” Nagpasalamat naman ako sa kaniya. Saglit pa akong nagpahinga sa harapan ng karinderya bago ako nagpasyang umalis. Iniisip ko pa kung uuwi na ba ako kaagad o maglalakad-lakad muna. Nagpasya akong umuwi na lang upang makapaghanda sa pagpasok sa club.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD