Tinigilan man sila ng humahabol pero patuloy pa rin ang pagpapatakbo ni Mang Asero nang mabilis. Dahilan upang muntik na nitong masagasaan ang isang babae.
Huminto sila sa gilid. Lumabas mula sa sasakyan si Lancelotte at pinuntahan ang nasagasaan. Walang galos ang babae pero namumutla ito sa takot. Nang magtama ang kanilang mga mata, tuluyan na itong nawalan ng malay. Mabilis niyang binuhat ang babae at dinala sa pinakamalapit na hospital.
Nawalan na tuloy siya ng ganang kumain dahil sa nangyari. Napapaisip siya kung sino at bakit palaging may sumusunod sa kanila. Muntik pa tuloy silang makasagasa ng inosente. Napasipa siya sa sahig nang biglang may maalaala.
“Hindi kaya ‘yong obsessed lady na minsan kong nakilala sa bar,” sambit niya sa sarili. Napapailing pa siya habang inaalaala kung paano niya tinakasan ang nasabing babae. May edad na ito mukhang mayaman dahil sa mga bodyguard at alalay nito na laging kasama. Tanda pa niyang ang pagbabanta nito na lahat ay kanyang nakukuha.
Hindi na nagawa pang hintayin ni Lancelotte ang result ng check-up sa babaeng dinala niya sa hospital. Iniwan niya si Mang Asero upang mag-asikaso sa babae. Nagmamadaling nagpunta siya sa kaibigang detective upang malaman niya kung sino ang mga taong sumusunod sa kanya. Matapos ay dumiretso siya ng uwi sa bahay ng mga Smith.
Tuloy-tuloy siya sa library at iniligpit ang mga naiwang papeles na pinag-aaralan niya. Mga dokumento iyon at ilang resulta sa pinapahanap niyang dalaga, ang ex-girlfriend ni Jacob. Ang puno’t dulo ng lahat ng ito.
Bahagya niyang inayos ang litrato nilang dalawa ni Jacob. Ang huling larawang kuha nito kasama niya. Nabuhay muli ang galit sa kaniyang puso. Napakuyom ang mga kamao nang muling binalikan sa isipan ang nagawa ng nobya nito.
“I will find her Jacob, at kapag nahanap ko na siya, sisiguraduhin kong pati kaluluwa niya ay masasaktan,” naisaad niya habang titig na titig sa hawak na larawan.
Bumukas ang pintuan at iniluwa mula roon si Merliza. Nakangiti ito at may dala-dalang tray na naglalaman ng pagkain.
“Dinalhan kita ng makakain, alam kong hindi ka pa kumakain. Kaya kumain ka na, ako ang nagluto niyan,” masigla ang boses ani Merliza.
Pinasidahan ng tingin ni Lancelotte ang dalagang na sa harapan niya. Maganda ito at hindi niya maitatanggi iyon at bawat kasuotang suot nito at tiyak na bumabagay. Katangiang hindi hihindian ng mga kalalakihan maliban lamang sa kanya.
Hindi siya manhid para hindi maramdaman ang kakaibang atensyon na ibinibigay ni Iza. Ngunit gaano man ito kaakit-akit ay hindi nito mabihag ang kaniyang puso. Kaya hangga’t maari ipinaparamdam niya rito ang pagiging kuya upang hindi mahulog nang husto ang loob ng dalaga sa kanya.
Hindi lang puso ni Iza ang masasaktan, maging ang buong pamilya nito na pinagkakatiwalaan siya nang lubos.
“Iwan mo na lang diyan, mamaya na ako kakain,” tipid ang ngiting sagot ni Lancelotte. Hindi man lang niya tinapunan ng tingin ang dalaga. Ayaw man niyang gawin iyon pero ito lang ang tanging paraan upang sumuko si Iza sa kanya.
Akala niya’y umalis na ito kaya laking gulat niya ng kunin ni Iza ang mga hawak na papeles at inilapit nang husto sa kanya ang dalang pagkain.
“Mamaya na ‘yan, okay? Kumain ka na muna bago magtrabaho, Lance,” wika ni Merliza.
Hindi na rin siya nakatanggi pa dahil kulang na lamang ay subuan siya nito. Kaagad niyang kinain ang dalang pagkain ni Iza. Masyadong malapit ang dalaga na ikinaiilang niya nang husto. Mahirap tanggihan ang palay lalo na kung ito na mismo ang lumalapit sa manok. Kaya sobra-sobra ang pagtitimpi niya sa harapan ni Iza.
“Thanks,” tipid niyang tugon.
Ngumiti sa kaniya si Merliza ngunit kaagad napawi ang ngiti niyang iyon nang matitigan ang litratong nasa frame. Gumuhit ang pangulila nito at galit matapos iyong masulyapan.
“Pasensya ka na, itatago ko na sana,” mahina ang boses na saad ni Lancelotte at kaagad na kinuha ang litrato nila ni Jacob saka inilagay sa drawer. Ramdam din niya ang galit ni Iza sa pagkawala ng kapatid.
“I’m okay, just tell me if you’re done. Ma-may gagawin lang ako. Maiwan na kita,” pumiyok ang boses ni Merliza bago siya nito iniwan.
Nakaramdam ng awa si Lancelotte sa dalaga. Alam niyang nasasaktan pa rin ito sa pagkamatay ng kakambal. Kaya’t responsibilidad niyang bantayan ito ngayon, at alagaan bilang kapatid.
KINABUKASAN, ay nagising sa hospital ang babaeng muntik ng masagasaan.
“Kumusta ho ang pasyente, Dok?” tanong ni Mang Asero.
“Maayos naman. Over fatigue siya kaya nahimatay. Marahil gutom, pagod at takot sa nangyari kaya nakatulog ang pasyente. Wala namang galos sa katawan kaya nasisiguro kong maayos ang kalagayan niya,” paliwanag ng doktor.
Unti-unting napamulat ng mata ang babae. Kunot-noong napatingin sa kinahihigaan at sa mga taong nasa kanyang harapan.
“Ma-Matagal ho ba akong nakatulog? Pa-Pasensya na ho kayo sa abala. Kailangan ko ng umalis,” paalam ng babae habang nagmamadaling nag-aayos ng sarili.
“Ihatid na kita, hija. Baka himatayin ka naman sa daan,” offer ni Mang Asero.
“Tama siya. Magpahatid ka na sa inyo mahirap na. Base sa test ay okay ka naman. Pero mukhang wala kang energy, hija,” sang-ayon ng doktor.
“Salamat ho. Pero baka mawalan ako ng trabaho kapag hindi ako pumasok ngayon,” giit ng babae saka yumuko tanda ng pasasalamat sa doktor. “Salamat, Dok.”
Nakasunod si Mang Asero sa babae saka pinahinto ito upang sumunod sa kanya sa parking lot. Hindi naman tumanggi ang kasama. At makailang sandali pa’y nasa harapan na sila ng tinutuluyan ng babae.
“Salamat ho,” saad nito saka nagmamadaling bumaba ng sasakyan.
Paalis na si Mang Asero nang tumunog ang kanyang telepono, si Lancelotte ito.
“Ihatid mo na rin siya para sigurado tayong ayos na siya,” pinadalang mensahe ng binata.
Kaya ganoon na lamang ang gulat ng babae nang makitang nandoon pa rin ang sasakyang naghatid sa kanya.
“Ihahatid na rin kita sa pupuntahan mo,” biglaang saad ni Mang Asero.
Naguguluhan man ay napasakay na lamang ang babae sa loob. Tahimik ang biyahe nila hanggang mag-drive thru ang sasakyan sa isang fast food chain. Kasama sa bilin ni Lancelotte na pakainin muna ang babae bago ito pumasok sa trabaho.
“A-Akin po lahat ng ito?” hindi makapaniwalang tanong ng dalaga kay Mang Asero.
“Oo, hija. Ubusin mo iyan. Kahapon ka pa hindi kumakain. Ano nga pala ang pangalan mo?”
“Santiara, Santiara Marasigan po,” kaagad na tugon ng dalaga.
“Santiara, magpalakas ka. Iyan ang puhunan mo sa trabaho,” bilin ni Mang Asero bago ito bumaba ng sasakyan.
Sa isang fast food chain din inihatid ni Mang Asero si Santiara.
“Salamat po,” sambit ni Santiara habang kumakaway sa papalayong sasakyan.
Papasok na siya sa loob ng pinagtatrabahuhan nang mapansin ang puting sobre sa loob ng paper bag.
“Oh my God!” Napatakip sa kaniyang bibig si Santiara nang makita ang laman niyon. Malaking halaga na kahit buong taon ay hindi niya kikitain sa trabaho. Nanginginig na itinagong muli ang sobre at akmang hahabulin ang matandang naghatid sa kanya pero wala na ito. Hindi rin niya nagawang alamin ang pangalan ng driver.
Bumalik siya sa trabaho kahit nanlalambot pa. Dala marahil sa sobrang pagod kaya hindi na niya nakayanan pa ang panghihina ng katawan. Halos wala siyang pahinga sa sunod-sunod na trabaho bilang service crew.
Pero nakangiti pa rin niyang iniaabot sa mga customer ang kanilang inoorder Matapos ay tinungo ang bakanteng mesa upang linisin. Dali-dali niyang inilagay sa tray ang mga platong niligpit upang dalhin sa kitchen.
Ngunit ganoon na lamang ang panlalaki ng kaniyang mata. Hindi niya sinasadyang mabunggo ang katrabaho na ikinabagsak ng kanyang mga dala. Nabasag at nagkapira-piraso ang mga ito. Gumawa iyon ng ingay kung kaya’t halos kainin siya ng buhay ng Manager sa galit.
“Gosh! How careless of you, Miss Marasigan. Look! what have you done!” bulyaw nito sa kanya.
Napayuko at nanginginig sa kaba si Santiara.
“So-Sorry po, hi-hindi ko po sinasadya, Sir,” aniya bago iniangat ang mukha at nagmamakaawang tiningnan ang kaharap.
“Sinadya mo man o hindi, still you need to pay all of this! I will deduct it on your salary whether you like it or not. At sa buwang ito ay wala kang sahod na matatanggap, naiintindihan mo?” mariing sabi ng kaharap.
“Clean this mess!” utos nito bago tumalikod at iniwan siya.
Naiwang naiiyak si Santiara. Kagat-kagat niya ang ibabang labi habang sinimulan niyang linisin ang paligid.
“Sorry, Ara. Ako talaga ang may kasalanan. Hindi ako tumitingin sa dinaraanan ko,” aminadong saad ng katrabaho niyang babae saka tinulungan siya nitong maglinis. “Tulungan na kita, pasensya na talaga,” dugtong nito.
Matapos ay sa restroom tumuloy si Santiara at doon niya inilabas ang kanina pang nangingilid na mga luha. Buong buwan siyang walang sasahurin kaya hindi niya alam ang gagawin gayong may apartment pa siyang babayaran.
She let out a sighed wiping her tears, pagkatapos niyang magpunas ng mukha ay lumabas siya. Ipinagpatuloy ang trabaho hanggang sumapit ang oras ng kanyang pag-out.
Kasalukuyang naglalakad si Santiara papuntang sakayan nang maraanan niya ang isang bookstore. Saktong-sakto dahil, may itinabi pa siyang pera at sale ngayon ng libro na gustong-gusto niyang basahin. Kaagad siyang pumasok sa loob at pinuntahan ang libro. Crazy Sabouter ang titulo niyon na isinulat ng idolo niyang writer na si Miss Chen.
Nakangiti niyang binuklat ang bawat pahina at sinimulang basahin habang humahakbang patungo sa cashier. Matapos mabayaran, excited niyang binasa iyon habang naglalakad patawid.
Ngunit, hindi pa man siya nakakatawid ay ganoon na lamang ang panlalaki ng kaniyang bilugang mga mata sa sunod-sunod na busina ng sasakyan. Dala nang pagkagulat ay tumilapon ang hawak niyang libro. Tila tinakasan siya ng kaniyang kaluluwa dahil ikalawang beses na itong muntik masagasaan. Nanlamig ang kaniyang buong katawan at halos hindi niya maihakbang ang kaniyang mga paa dahil, sa nerbyos.
Pero napatayo siya nang makita ang libro sa gilid. Kaagad niya iyong kinuha at nilinis.
“Hoy! Magpapakamatay ka ba?” singhal ng nagmamaneho ng sasakyang halos isang metro ang layo mula sa kaniya.
Nangangatog ang mga tuhod niya Pero hindi niya nilingon ang pinanggalingan ng boses na iyon.
Nagpapasalamat na lang siya dahil hindi siya napuruhan kanina bagay na ikinabuntonghininga niya nang malalim. Pakiramdam niya ay lalo siyang minamalas. Nakauwi siya ng bahay kahit namumutla sa takot. Napayakap sa biniling libro at doon tuluyang naiyak muli.
“Patawad, saan ka man naroroon. Alam kong karma ko ito. Lahat ng kamalasan ko, handa kong tanggapin,” sambit niya habang nakatingala sa langit.