NAGULAT si Cee-Cee nang paglabas niya ng ospital ay naabutan niya si Strike na nakaupo sa sahig at nakasandal sa pader habang natutulog. Iyon pa rin ang suot nito kagabi, kaya duda niyang umuwi ito sa apartment nito kahit katabi lang iyon ng apartment niya.
Nagpalipas siya ng buong magdamag dito?
Labag man sa kalooban niya, hindi pa rin niya napigilang maawa sa itsura nito. Malamig kagabi, kaya tiyak na nilamig ito. Tiyak din niyang hindi pa ito kumakain.
Cee-Cee. 'Wag mong kaawaan ang taong nanakit sa'yo, paalala niya sa sarili niya.
Umiling-iling na lang siya, saka dahan-dahang sinara ang pinto ng apartment niya. Inangat din niya ang maleta niya para hindi iyon lumikha ng ingay at hindi magising si Strike. Aalis na siya sa apartment na 'yon. Gaya ng gawin niya nang iwan siya ni Kraige, lalayo muna siya para hilumin ang sakit sa puso niya.
"Cee-Cee!"
Pakiramdam niya ay lumukso ang puso niya dahil sa malakas na pagtawag ni Strike sa pangalan niya.
"Cee-Cee, why do you have your luggage with you? Saan ka pupunta?" natatarantang tanong ni Strike.
Nilingon niya ito. Hindi niya inasahan ang takot na nakita niya sa mga mata nito. "Aalis na ko. Pero hindi mo na kailangang malaman kung saan ako pupunta."
Nilagpasan na niya si Strike. Kahit anong pigil nito sa kanya ay hindi niya ito pinapansin. Mas binilisan lang niya ang paglalakad. Tuluy-tuloy lang din siya sa pagbubukas ng compartment ng kotse niya at paglalagay niya ng maleta niya ro'n.
"Cee-Cee, don't leave please," pagmamakaawa ni Strike. "Hayaan mo kong magpaliwanag."
Hindi niya ito pinansin. Nagtungo na siya sa driver's side ng kotse niya. Binuksan niya iyon pero agad din iyong sinara ni Strike. At sa kanyang pagkagulat, lumuhod si Strike sa harap niya at niyakap siya.
"Cee-Cee. Please."
Nag-iwas siya ng tingin dito. Hindi niya kayang makita ito sa gano'ng estado. Pinigilan niya ang pagkawala ng hikbi niya. "Strike, masakit dahil ikaw pa ang nagpasimuno ng pagbuyo kay Kraige na hiwalayan ako. Masakit dahil kabilang ka sa mga tao na walang ibang ginawa kundi ang maliitin at pagtawanan ako, dahil lang si Cleo ang gusto niyo para kay Kraige at hindi ako. Alam niyo ba kung ano ang naging epekto sa'kin ng ginawa niyong magkakaibigan? Pinababa niyo ang tingin ko sa sarili ko."
Humigpit ang pagkakayakap ni Strike sa kanya. Naramdaman niya ang pagdikit ng mainit na likido sa bandang tiyan niya, kung saan nakasubsob ang mukha ng binata. He must be crying.
Tuluyan na ring pumatak ang mga luha niya. "Pero alam mo kung ano 'yong pinakamasakit? 'Yon 'yong dahilan kung bakit mo nagawa ang lahat ng 'to." Tumingin siya pababa kay Strike. Ikinulong niya sa mga kamay niya ang mukha nito at pinilit itong tumingala sa kanya. Basa pa rin ang mga mata nito. "Ang pinakamasakit sa lahat ay 'yong nagawa mo kong saktan at lokohin dahil sa pagmamahal mo sa kaibigan mo."
Bumakas ang labis na gulat at pagtataka sa mukha ni Strike. "What do you mean, Cee-Cee?"
"Hindi mo ko mahal." Si Cleo ang mahal mo.
Pagkasabi niyon ay tinulak niya si Strike. Nang makawala siya rito ay agad siyang pumasok sa kotse niya at sinara ang pinto niyon. Kahit kinakalampag ni Strike ang bintana sa pinto ay hindi na niya ito nilingon.
Habang nagmamaneho ay sinilip niya sa side mirror si Strike. Pakiramdam niya ay may dumukot sa puso niya nang makitang sumakay si Strike sa kotse nito. May balak itong habulin siya! Mas binilisan niya ang pagpapatakbo ng kotse niya para hindi siya nito maabutan.
Sa pagpapabilis niya ng andar ng kotse niya ay hindi niya napansin ang van na nakasalubong niya pagliko niya. At dahil hindi pa niya naisusuot ang seatbelt niya, humagis ang katawan niya hanggang sa tumama ng malakas ang ulo niya sa manibela. A sharp pain stabbed her body painfully before she lost consciousness.
***
GALIT na galit si Cee-Cee. Dahil sa aksidenteng nangyari sa kanya ay pansamantala siyang hindi makalakad dahil sa pilay niya sa paa, at hindi rin niya magalaw ang kanang braso niya na kasalukuyang naka-cast. Pansamantala lamang ang mga iyon, pero naiinis siya dahil pakiramdam niya, baldado siya. Idagdag pa ang benda sa ulo niya. Tinahi kasi ang sugat sa gilid ng noo niya.
Tinangka niyang bumangon pero pinigilan siya ni Strike.
"Cee-Cee, you have to rest," sermon ni Strike, pero mas nangibabaw sa boses nito ang pag-aalala.
Tinapunan niya ito ng masamang tingin. "Kasalanan mo kung bakit ako nagkaganito. Kung sana hindi mo ko tinangkang habulin, hindi sana ako maaakisdente," sumbat niya rito sa mapait na tinig.
Gumuhit ang guilt sa mga mata nito. "I'm sorry."
"'Yon lang naman ang kaya mong gawin. Ang mag-sorry."
Namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Alam niyang sinasaktan at pinahihirapan na niya si Strike, pero kung hindi niya gagawin 'yon, siya naman ang masasaktan. Kailangan niyang protektahan ang sarili niya dahil walang ibang gagawa niyon para sa kanya.
Mabuti na lang at bumukas ang pinto. Hindi niya inaasahan ang dumating.
"Kraige?" hindi makapaniwalang sambit niya.
Dumaan ang sakit at awa sa mga mata ni Kraige nang makita ang estado niya. "God, Cee-Cee. You look awful."
Bumuntong-hininga siya. "I wish you didn't have to see me like this."
Lumapit sa kanya si Kraige, at hinawakan ang kamay niya. "It must have been painful. Mabuti na ba ang pakiramdam mo?"
Umiling siya. "Masakit pa rin ang buong katawan ko."
Si Strike naman nagpakita ng matinding pag-aalala. "Cee-Cee, bakit di mo agad sinabi 'yan sa'kin kanina? Sandali. Tatawagin ko lang ang dokto –"
"Puwede bang tama na, Strike?" iritadong tanong niya rito. "I don't want you here. Umalis ka na!"
"Pero Cee-Cee –"
Hinawakan ni Kraige sa balikat si Strike. "Strike, lumabas ka muna. Ako nang bahala kay Cee-Cee."
"Kraige –"
"Hindi pa ko tapos sa'yo, Strike. Marami kang dapat ipaliwanag," tila galit na sabi ni Kraige.
Nagpalipat-lipat ng tingin si Strike sa kanya at kay Kraige. Pagkatapos ay bumuga ito ng hangin. "Fine. Babalik ako mamaya." Pagkatapos no'n ay mabibigat ang yabag na lumabas ito ng kuwarto.
Nang mapag-isa sila ni Kraige ay tiningnan niya ito. Umupo ito sa gilid ng kama niya.
Bumuntong-hininga si Kraige. "Cee-Cee, I'm sorry."
"Hindi mo naman kasalanang naaksidente ako."
Umiling ito. "Hindi ito mangyayari kung hindi dahil sa'kin. Nalaman ko na mula kay Colin ang mga nangyari. Ako na ang humihingi ng tawad sa nagawa ng mga kaibigan ko."
Yumuko siya. "Hindi ko alam kung paano nila naisip na magagawa kong guluhin ang kasal mo at ni Cleo. Hindi ko magagawa 'yon, Kraige."
"Alam ko, Cee-Cee. Hindi ka gano'ng klase ng babae."
Bumuntong-hininga siya. "Ayoko na ng gulo, Kraige. Ang gusto ko lang, matahimik na."
Hinawakan ni Kraige ang kamay niya. "Cee-Cee..."
Nag-angat siya ng tingin dito. "Kraige?"
His eyes suddenly softened. Tama ba ang nakikita niyang pagmamahal sa mga iyon. "Bigla ka na lang nawala sinx months ago. I was so worried about you. Hindi rin kita ma-contact, at hindi ko alam kung saan ka hahanapin. I realized na kahit dalawang taon tayong naging magkasintahan, hindi pa rin kita gano'n kakilala.
And then, I suddenly began missing you. Parati kong naiisip kung kamusta ka na. Kung nasaan ka na. Namalayan ko na lang ang sarili ko na hinahanap-hanap ka."
Nanlaki ang mga mata niya. "Kraige... stop. Ikakasal ka na kay Cleo."
Bumuga ito ng hangin. "Alam ko. Kahit ako ay naguguluhan sa nararamdaman ko. After you left, I realized that maybe... maybe I really loved you."
Hindi siya nakapagsalita. Naguguluhan na siya sa mga sinasabi ni Kraige. Pero isang ideya ang pumasok sa isip niya. Alam niyang mali, pero iisang bagay lang ang puwede niyang gawin ngayon.
Nag-angat siya ng tingin kay Kraige. "Kraige, if I ask you to take care of me while I'm here in the hospital, will you do that?"