"YOU better start explaining now, Santino Tristan Manzano," seryosong sabi ni Colin habang nakapalumbaba ito.
Napabuntong-hininga siya. Naroon sila ngayon ni Colin sa isang coffee shop malapit sa apartment complex nito. Kanina pa nakaalis si Cee-Cee. Nagustuhan ng dalaga ang unit at nakuha pa nito iyon sa murang halaga, sa tulong na rin niya.
"Where do you want me to start?" tanong niya kay Colin.
"Paano kayo naging malapit ni Cee-Cee? Alam ba niyang ikaw ang best friend ng ex-fiance niya?"
Umiling siya. "Wala siyang alam." Hindi maiintindihan ni Colin ang atraksyon niya kay Cee-Cee at baka pagtawanan pa siya nito, kaya nagsinungaling siya. "Gusto ko lang masigurong walang gagawing hakbang si Cee-Cee laban kina Kraige at Cleo."
Pagkatapos sabihin iyon, pakiramdam niya ay mabigat na bagay na dumagan sa dibdib niya. He felt bad for saying that. Alam niyang imposibleng gawin iyon ni Cee-Cee. Sandali pa lang niya itong nakikilala pero nararamdaman niyang hindi ito masamang tao.
But he needed to save himself from Colin. Hindi niya alam kung anong tumatakbo sa isip nito ngayon, kaya kailangan niya itong paniwalain sa kasinungalingan niya. Alam niyang mali, pero 'yon lang ang nakikita niyang paraan para lubayan siya nito.
Gusto niyang kilalanin muna ng husto si Cee-Cee bago niya patunayan sa mga kaibigan niyang nagkamali sila ng paghusga dito.
Tumango-tango si Colin. "Right. Bumalik si Cee-Cee kung kailan malapit na ang kasal nina Kraige at ni Cleo. Baka may pinaplano siya para guluhin ang dalawa, kaya dapat lang na bantayan mo siya." Tinapik-tapik siya nito sa balikat. "All right. Ipapahiram ko na sa'yo ang apartment ko at kakausapin ko na rin ang owner at ang mga kapitbahay ko para umarte silang matagal ka nang nakatira ro'n."
Pilit siyang ngumiti. "Salamat. May pakiusap pa ko. 'Wag mo na sana itong babanggitin sa kahit sino sa mga kaibigan natin, para hindi na makaabot kina Kraige at Cleo ang ginagawa ko. Ayokong mag-alala sila kapag nalaman nilang bumalik na si Cee-Cee."
"Naiintindihan ko." Sumandal ito sa upuan, humalukipkip, saka biglang ngumisi. "Strike, kinabahan ako do'n, ah. Akala ko, gusto mo si Cee-Cee. Kapag nagkataon, baka itinakwil na kita, at ng iba pa nating mga kaibigan. You can't fall for that girl. She's your best friend's ex."
Eksaheradong tumawa siya. "Ako? Magkakagusto sa babaeng weirdo na 'yon? Imposible!" pagsisinungaling niya, sabay higop ng kape para maitago mula kay Colin ang pagngiwi niya.
***
IRITADONG sinipat ni Strike ang wrist watch niya. Mag-a-ala sais na ng gabi pero wala pa rin ang tarantadong si Colin. Nasa isang mall siya kung saan nila napag-usapang magkikita. Ayon sa walanghiyang 'yon, may "video scandal" daw siyang kumakalat at ipapakita lang nito iyon sa kanya kapag binilhan niya ito ng bagong mga sapatos.
Dinukot niya ang cell phone niya sa bulsa ng pantalon niya at tinawagan niya si Colin. Matagal bago ito sumagot. "Tarantado ka, Colin," nanggigigil na bati niya rito. "Kilala mo ba kung sino ang pinaghihintay mo?"
"Strike. Ngayon ba tayo magkikita?" tila hinihingal na tanong ni Colin.
Kumunot ang noo niya. "Ano bang ginaga–" Hindi niya naituloy ang sinasabi niya nang may marinig siyang babaeng umuungol.
"Colin, baby, don't stop!" paungol na sigaw ng isang babaeng tila hinihingal din mula sa kabilang linya.
He immediately hanged up. Pakiramdam niya, bumaligtad ang sikmura niya. May ikinama na naman ang magaling niyang kaibigan kaya nakalimot na naman ito sa usapan nila!
Colin, you huge pervert! I'll kill you next time!
Paalis na sana siya sa mall na iyon nang mahagip ng tingin niya mula sa glass window ng furnitures section ang isang babaeng nakasuot ng pink na pajama na itinerno nito sa yellow V-neck shirt. Her hair was also tied in a messy bun, and she was wearing huge glasses.
Kumunot ang noo niya. "Cee-Cee?"
Para makasigurado ay pumasok siya sa loob ng furnitures section. Nang makalapit siya ay nakumpirma niya ang hinala niyang si Cee-Cee nga ang babaeng naka-pajama. Nakatayo lang ito at nakahalukipkip habang nakatingin sa isang pulang sofabed.
"Cee-Cee?" tawag niya rito.
Hindi siya nito pinansin.
Marahang tinapik niya ito sa balikat. "Cee-Cee."
No'n lang siya nilingon ni Cee-Cee. Napakurap-kurap pa ito na tila ba nagulat na naroon siya. "Strike. Nandito ka rin pala."
Nagkibit-balikat siya. "I was supposed to meet a friend, but he didn't show up. Ikaw? Shopping furnitures for your apartment?"
Tumango ito, saka bumalik ang tingin sa sofa bed. "Iniisip ko kung sofabed o kama ang bibilhin ko. Kaunti na lang kasi ang natitira sa ipon ko kaya kailangan kong magtipid."
"Why get a sofabed for your bedroom?"
"Mas makakatipid kasi ako kung sofabed ang bibilhin ko. Para hindi na rin ako bumili ng sofa set para sa sala. Since sa umaga naman ay tulog lang ako."
"Oh. What's your work, by the way?"
"I'm a romance novelist."
Nagulat siya. Madalas ay blangko ang ekspresyon sa mukha ni Cee-Cee kaya nakakagulat malaman na isa pala itong romance novelist. But she looked like one. Mapapansin kasi ang malalaking itim na bilog sa ilalim ng mga mata nito. "You look tired and sleepy."
"Kakagising ko lang kasi, at halos tatlong oras lang ako nakatulog kanina. Mukha na naman ba kong bangag?"
Natawa siya dahil sa pananalita nito. Hindi bagay dito dahil sa pino nitong kilos at malumanay na boses. "Buong magdamag kang nagtatrabaho kaya kailangan komportable ka sa pagtulog." Tinapik-tapik niya ang likod nito nang mapansin niyang nakahukot na ito. Awtomatiko tuloy na napadiretso ito ng tayo. "Don't slouch. Papangit ang posture mo."
"I'm tired," nakalabing katwiran nito.
Napangiti lang siya. "May mga kama naman na affordable dito. Halika. Sasamahan kitang maglibot."
Tumango ito saka kinuskos ang mata sa ilalim ng suot nitong salamin. Nagmukha tuloy itong bata na antok na antok na dahil sa ginagawa nito. "Ngayon pa lang, salamat na."
"Don't mention it."
Nagsimula na silang tumingin-tingin ng kama. Pinapaliwanag niya kay Cee-Cee ang kahalagahan ng komportableng higaan para makumbinsi niya itong kama ang bilhin. Iba pa rin kasi ang kama sa sofabed. A bed felt more homely. Kung siya lang ang masusunod, 'yong queen-sized bed ang gusto niya para rito.
"But it's too expensive," mahinang reklamo ni Cee-Cee habang nakatingin sa queen-sized bed na tinuro niya rito. Pero hindi naman nito maalis ang tingin nito sa kama.
Nagkibit-balikat siya. "'Yon nga lang. Pero tiyak naman na sulit 'yan."
Marahang umiling-iling ito. "Gusto ko sana 'to, pero kailangan kong magtipid."
"Okay. Marami pa naman tayong puwedeng pagpilian."
Naglakad siya at tumingin-tingin sa magkakahilerang kama. Dumako ang tingin niya sa isang single bed. Tama naman ang presyo niyon para sa budget na sinabi ni Cee-Cee sa kanya kanina. "Hmm. Mukhang maliit ito pero sa tingin ko, ito na ang hinahanap mo, Cee-Cee. Ano sa tingin mo?"
Nang wala siyang marinig na tugon mula kay Cee-Cee ay nilingon niya ito. Kumunot ang noo niya nang makitang walang Cee-Cee na nakasunod sa kanya. Lumingon-lingon siya sa paligid para hanapin ito.
Dumako ang tingin niya sa dalawang lalaking personnel na nag-uusap habang nakatingin sa queen-sized bed kung saan –
"Cee-Cee?" hindi makapaniwalang bulong niya sa sarili.
Nakahiga si Cee-Cee sa queen-sized bed at mukhang hindi alam ng mga personnel kung paano ito paalisin. Dali-dali siyang lumapit sa dalaga. No'n niya napansin na mahimbing na itong natutulog na parang isang bata. She was curled up in a ball and her loose hair was sprawled on her pretty little face. Naka-pajama ito kaya bagay na bagay dito ang pagtulog nito do'n.
Namaywang siya saka ngumiti habang pinagmamasdan si Cee-Cee. Hindi ba't anghel dapat ang nagbabantay sa mga tao matulog? Ang suwerte niya para mabigyan ng pagkakataong mapagmasdan sa pagtulog ang isang anghel na gaya nito.
"Gisingin mo na si Ma'am." Narinig niyang bulong ng isa sa mga lalaking tauhan.
Kunot-noong nilingon niya ang mga shop personnel. "Don't wake her up."
Napakamot ng ulo ang isa sa mga lalaki. "Eh, Sir. Hindi ho puwedeng matulog ang Misis niyo dahil may batas ho kaming sinusunod sa shop namin. Bawal hong tulugan ang mga furnitures namin."
Naramdaman niya ang pag-iinit ng magkabila niyang pisngi. Napagkamalan ng mga ugok na 'to na asawa niya si Cee-Cee! Hindi niya alam kung bakit natuwa siya ro'n. Naramdaman niya ang pagkawala ng kunot ng noo niya at napalitan iyon ng ngiti. "We're buying this bed."
Mukhang nakahinga ng maluwag ang dalawang tauhan. "Okay, Sir. Ihahanda lang ho namin ang mga kailangan niyong pirmahan."
"Matutuwa ho tiyak ang Misis niyo. Mukhang nagustuhan niya talaga ang kama na 'yan," nakangiting sabi pa ng isa bago umalis ang mga ito.
Napangiti lang siya. Umupo siya sa gilid ng kama at masuyong hinawi ang buhok na nakatabing sa mukha ni Cee-Cee. She really looked tired, so he would let her rest for a while. "Good night, Cee-Cee."