Chapter 02

2486 Words
PERO curious si Paloma, may maniniwala kaya na hundred percent na virgin pa siya sa kabila ng trabaho niya before at sa edad na rin niya? K ung kayo ang tatanungin niya, maniniwala ba kayo? Hmm... Wala naman siyang magagawa kung walang maniniwala. As if may pakialam naman pati siya. Hindi naman ikakadagdag ng ganda ganda niya kung may maniniwala o wala, 'di ba? At talagang iniisip pa niya ang opinyon ng ibang tao about sa virginity niya kesa sa mga zombies na nagkalat sa labas. Ang dami pa rin talagang zombies. At padagdag nang padagdag. Mamaya ay bobombahin niya ang mga pesteng zombie para makalipat naman siya ng lugar. Nauubos na kasi ang supplies sa mall kung saan siya naroon katulad ng mga pagkain at kung anu-ano pang kailangan niya para mag-survive. Siguro, kung dapat magkaroon ng bagong bayani ang Pilipinas, walang iba iyon kundi si Paloma. Iyon naman ay para lang sa kanya, ha. Biruin niyo, mag-isa na lang yata siyang tao dito sa Manila. Lahat ng zombies na sumalubong sa kanya, pinatay niya. Sa ulo kasi ang kahinaan ng mga zombies. Kailangan ay pasabugin o sirain ang utak ng mga ito para mamatay nang tuluyan. Kapag kasi sa katawan lang sila babarilin o aatakihin, wala... walang epekto sa mga ito. Mas lalo lang silang magiging agresibo. Hahabulin ka lang ng mga zombies at gagawing pagkain ang katawan mo! Oo, alam ni Paloma na mahirap at malungkot ang mag-isa pero isa siyang makabagong Pinay! Malakas, independent at kayang ipagtanggol ang sarili laban sa mga masasama! Sa mga zombies to be exact. Dumapa siya at namaril ulit ng ilang beses upang tignan kung asintado na nga talaga siya. Sa limang balang pinakawalan niya, tatlo doon ang tumama. Not bad. Tumayo na siya mula sa pagkakadapa dahil medyo sumasakit na ang dede niya. Pumorma siya na akala mo ay isang sexy na action star habang nakapatong ang rifle sa balikat. May suot siyang fitted black jeans, fitted black shirt na talagang kapit na kapit sa kanyang sexy body at boots plus mamahaling shades. Lahat ng ito ay na-harbat lang niya dito sa mall. "Ako si Paloma! Ang nag-iisang babae na uubos sa mga pesteng zombies! And nothing gonna stop me now!" buong tapang na sigaw niya. Nagulat na lang siya nang may biglang humampas sa likod ng ulo niya. Para siyang nakakita ng star na lumilipad-lipad sa itaas ng kaniyang ulo. Paglingon niya sa likod ko ay may nakita siyang matandang lalaki na may tungkod. Sigurado na iyon ang pinanghampas nito sa ulo niya. "Anong sinasabi mong nag-iisang babae?!" Pagalit na sigaw sa kanya ng matanda na puro puti na ang balbas at bigote. Kulubot na rin ang mukha nito ngunit kakakitaan pa rin ng kakisigan at kagwapuhan noong kabataan nito. Kakamot-kamot na lang sa ulo si Paloma. Okay, aamin na siya. Hindi siya nag-iisa sa mall na ito. Medyo nangangarap lang talaga siya na siya ang pag-asa ng ekonomiya. Gano'n lang! Actually, pito silang lahat na narito. At isa sa pitong iyon ang matanda na hinampas siya ng tungkod. "Sorry naman, Lolo Yolo! Nangangarap lang. Hindi naman masamang mangarap, 'di ba?" Pangangatwiran niya habang nakalabi. Ang matandang iyon ay si Lolo Yolo. At hindi nila alam ang totoo nitong pangalan. Basta Lolo Yolo ang pakilala nito sa kanila. Siguro ang motto nito sa buhay ay "You only live once". Pero hindi naniniwala si Paloma sa kasabihang iyon dahil para sa kanya: We live everyday and we only die once. Dapat go, go, go lang araw-araw. Gawin mo ang makakapagpasaya sa iyo nang walang inaagrabyadong tao, zombies pwede pa. Okay, balik kay Lolo Yolo. Ang alam niya ay sixty-four years old na ito. Istrikto minsan pero mabiro rin minsan. Paiba-iba ng mood. Gano'n naman yata talaga kapag tumatanda na. Si Lolo Yolo ang unang nakilala ni Paloma. Nakita nila ang isa't isa na naglalakad mag-isa kaya naman nagsama na lang sila. Mahirap kasing mag-isa tapos wala ka pang kausap. Pakiramdam tuloy ni Paloma ay mababaliw na siya. "Bumaba ka na dito at kakain na tayo. Nag-aaksaya ka na naman ng bala!" "Hoy, hindi naman po. Actually, out of ten ay nakapatay ako ng isa! Record breaking iyon, Lolo!" biro niya. "Diyaske ka! Gusto mong tungkurin na naman kita? Bilisan mo at may sasabihin si Buhawi." "Ano ba, lolo? Kakain ba or may sasabihin si Buhawi? Ang gulo, ha!" Tinignan siya nito nang masama. Ngumiti siya sabay peace sign sa matanda. "About what ba ang sasabihin ni Buhawi?" "Ako ba si Buhawi para malaman ko? Sumunod ka na sa akin!" Pagtalikod ni Lolo Yolo ay binelatan niya ito. Inilabas niya muna ang face powder sa bulsa at nag-retouch. After no'n ay bumaba na siya ng roof top. Diretso agad siya sa food court kung saan sila kumakain. Very secured sila dito sa mall na ito dahil bago pa ito mapasok ng mga zombies ay na-lock na agad nila lahat ng dapat pasukan. May mangilan-ngilang zombies na nauna na sa kanila dito pero napatay na nilang lahat. Tinambak nila lahat ng napatay na zombies sa isang storage room. Medyo nakakadiri nga namang kumain kapag may nakikita kang bangkay. "Paloma! Ang sexy mo talaga, babe! Saan ka ba galing? Na-miss kita!" Iki-kiss sana siya ni Rob na agad sumalubong sa kanya pero iniharang niya ang kamay niya sa bibig nito sabay tulak dito. Maarteng inirapan niya si Rob. "Seryoso ka ba, Rob? Hahalikan mo ako gamit ang bibig na iyan na simula yata nang kumalat ang Z-virus ay hindi pa nasasayaran ng toothbrush at toothpaste? Eww!!!" Mataray na turan niya. "And besides, nagbabayad ang mga lalaking gusto akong halikan! Alam mo ba iyon? Kaya kung wala kang pambayad, no kiss!" Hindi naman kasi lihim sa mga ito ang pagkatao niya. Naging open na sila sa isa't isa at parang pamilya na ang turingan nila kahit ilang araw pa lang silang magkakasama. "Ayaw mo ba sa akin, babe?" kunwari ay malungkot na tanong ni Rob sa kanya. "Rob, unang-una, 'wag mo akong matawag-tawag na 'babe' dahil kinikilabutan ako!" "E 'di, honey na lang--" "Kahit honey! O sweetheart, mahal, asawa ko, bebe ko, cheesecake, honey pie, cutie pie o kahit na anong pie pa iyan! Ayoko! Kasi hindi naman kasi tayo. Gets?" "Okay..." Natameme na si Rob matapos niya itong tarayan. Iyon naman si Rob. Twenty-four years old. Bata lang ito ng isang taon sa kanya. At patay na patay sa kanya ang lalaking iyon. Humaling na humaling sa angkin niyang alindog! Gwapo naman sana ito pero ang focus kasi niya sa ngayon ay sa kung paano makakaligtas sa mga zombies. Saka na ang love life na iyan kapag bumalik na sa normal ang lahat. Okay naman sana si Rob iyon nga lang, makulit at isip-bata. Laking squatters area kaya madiskarte din. Alam ang hirap ng buhay. Ito nga ang nagbukas ng mall na ito, e. Ang galing, 'di ba? Isa yata ito sa "Bukas-Kotse Gang". Lumapit naman sa kanila si Violet. Isa itong thirty-one years old na beki as in gay or bakla na mahilig tumakbo. Mahilig kasi itong sumali sa mga run for a cause na event. Kapag may ganoong ganap ay hindi daw ito nagpapahuli. Kesa daw mang-hunting ng "papa" ay dinadaan na lang nito sa pagtakbo. Nae-exercise na siya, nakakatulong pa siya sa charity! Gayahin natin si Violet. Charot! Tipikal na bakla si Violet pero makinis. Maingay at malakas ang boses at ito ang nagsisilbi nilang "clown" kapag naiinip sila or malungkot. Si Rob at Violet ang magkasama nang makita nila ang mga ito ni Lolo Yolo. Ang kwento ni Violet, ang sabi nito ay may sinalihan itong run for a cause sa Quezon City. Takbo daw ito nang takbo hanggang sa ito na ang mauna sa lahat. Paglingon daw ni Violet sa likod ay nagulat ito nang puro zombies na ang nasa likuran nito. Hindi naman daw zombie ang theme ng takbuhan na iyon kaya naloka ang bakla. Kaya mas lalo nitong binilisan ang takbo hanggang sa makilala nito si Rob. Biglang niyakap ni Violet si Rob. "Papa Rob, ako na lang kasi! Ano bang gusto mo? Rubber shoes? Ano bang size ng paa mo? Say it to me! I will give it to you!" anito. Iniwan na ni Paloma ang dalawa at pinuntahan na sina Buhawi na kumakain na ng sandaling iyon. Sumunod na rin sa kanya sina Rob at Violet at nag-umpisa na silang kumain. Sardinas tapos may kanin. Keri na. Kapag ganitong panahon ay bawal ang mag-inarte. Survival talaga. Isa pa, masarap naman ang sardinas, 'di ba? "Oh, Miss Sofia, bakit hindi ka yata kumakain?" tanong ni Paloma sa babaeng nakasuot ng long gown na kulay white. May bahid na iyon ng dugo pero konti lang naman. Beauty queen si Miss Sofia. Matangkad at maganda pero mas maganda pa rin siya dito sa sarili niyang opinyon. Kapag nagsasalita ito ay parang paanas na nang-aakit palagi. Tumingin sa malayo si Miss Sofia. "Hindi ako kumakain ng sardinas. That's fish right? I'm a vegetarian..." anito. Galing yata sa pageant si Miss Sofia nang kumalat ang Z-virus kaya hindi na ito nakapagpalit ng suot nitong gown. Ewan ba niya sa babaeng ito, pwede namang magpalit ng damit dito sa mall pero feel na feel pa rin nito na isuot ang gown. Ito ang sunod na nakita nila nina Lolo Yolo, Rob at Violet. All by myself ang peg noon ni Miss Sofia. Mag-isa rin na naglalakad suot ang gown at high heels nito. Twenty-one years old pa lang si Miss Sofia, pinaka bata sa grupo kaya medyo maarte at brat. Maya maya ay naalala ni Paloma na may sasabihin nga pala si Buhawi kaya tinanong niya ito kung ano ang sasabihin nito sa kanila. Mukhang importante kasi. Si Buhawi naman ay ang lider-lideran ng grupo nila. Self-proclaimed leader. Ito ang nasusunod at madalas magplano sa kung ano ang gagawin nila. Forty years old. Ex-convict. Malaki ang boses, malaki ang katawan na parang puro muscles ang lahat ng parte ng katawan. Nakakatakot tinnan kaya wala silang palag sa dito. Pala-utos at madalas na mainit ang ulo. Alam siguro nito na takot sila dito kaya ganoon ang ugali nito. Ah, meron palang pumapalag kay Buhawi-- si PO2. Pulis siya at PO2 lang talaga ang tawag nila dito dahil iyon ng pakilala nito sa kanilang lahat. Thirty-six years old. Madalas na mag-clash ang opinyon nila ni Buhawi dahil siguro sa pulis ito at ex-convict naman si Buhawi. Kriminal laban sa pulis, kumbaga. Ang astig at taray, 'di ba? Magkakaiba man sila ng personality pero magkakasama pa rin silang pito. Exciting! Dahil feelingera si Paloma at gusto niya na bongga ang kanilang grupo ay siya na ang nagpangalan sa grupo nila. Tinawag niyang "Lucky Seven" ang grupong ito dahil lucky naman talaga sila tapos pito sila kaya seven. Ang talino ko, 'di ba? Hahaha! "So, Buhawi, ano ba ang sasabihin mo nga pala? You know, busy ako sa pagpatay ng zombies sa taas tapos pinababa mo ako. Make sure na importante 'yang sasabihin mo, ha!" sabi ulit ni Paloma kay Buhawi. Hindi kasi siya nito pinansin kanina. Busy sa pagkain ang leader nila. Nang tumingin si Buhawi sa kanya ng masama ay nag-smile siya sabay sabi ng: "Char!" Naging demanding yata siya sa pagtatanong niya at hindi yata nito nagustuhan. Pero sanay na sila dito. Ganiyan madalas si Buhawi. Seryoso. Akala mo ay pasan lahat ng problema sa mundo. Ewan ba niya, pero hindi ito tinatablan ng alindog niya. Baka... bading! Char lang! -----***----- NAKITA ni Buhawi na nakaupo si PO2 sa nakatigil na escalator sa third floor ng mall kung saan pansamantala silang nagtatago mula sa mga zombies sa labas. May hawak na two-way radio si PO2 at parang pinipilit nito na makasagap ng signal o kung anumang tawag na biglang papasok. Simula nang kumalat ang Z-virus sa Pilipinas ay bumagsak na ang komunikasyon. Cellphone, telebisyon at internet ay nawala na. Kaya nagtataka siya kung bakit kinakalikot ni PO2 ang two-way radio na iyon. Naramdaman yata ni PO2 ang presensiya niya kaya tumigil ito sa ginagawa at napatingin sa kanya. Nagkatitigan sila. Pinagsalikop ni Buhawi ang mga braso upang ipakita dito kung gaano kalaki ang mga iyon. Sa kanilang pito sa grupo, madalas ay si PO2 ang kabangayan niya at kakontra sa ilang mga bagay. "Anong tinitingin-tingin mo diyan?" maangas na tanong nito. "May mata ako kaya tumitingin ako." Hindi naman siya magpapatalo kung angas lang din naman ang usapan. "Ayoko kasi nang tinitignan ako. Saka ang sakit mo sa mata. Kalalaki mong tao pero ang laki ng dede mo, Buhawi!" Alam niyang inaasar lang siya nito. Patuloy lang ito sa pagkalikot sa two-way radio na hawak. Napatiim-bagang siy sa sinabi ni PO2. "Hindi ito dede. Muscles! Muscles--" "Hello?! Hello!" Napatigil siya sa pagsasalita nang biglang magsalita si PO2. Mukhang may nasasagap ang two-way radio! Ibig sabihin ba nito ay hindi lang sila ang buhay na tao dito sa Pilipinas? Saglit siyang napaisip... Kung may iba pang buhay sa bansang ito, may pag-asa pa na makakuha sila ng tulong! Kahit papaano ay may bumangon na pag-asa sa puso ni Buhawi. Ang akala niya kasi talaga ay silang pito na lang ang nabubuhay na tao sa Pilipinas. Nagmamadali na nilapitan ni Buhawi si PO2 at inagaw dito ang two-way radio. "Hoy! Akin na--" "Tumahimik ka, PO2! Ako ang kakausap! Ako ang leader ng Lucky Seven baka nakakalimutan mo!" bulyaw niya. Nang-aasar na nginitian siya ni PO2. "Miyembro ako ng Lucky Seven pero hindi kita itinuturing na leader! Pantay-pantay lang tayo dito. Ikaw lang ang nagsasabi na leader ka ng grupo natin, Buhawi!" Hindi niya pinansin ang sinabi nito. Medyo lumayo na lang siya. Mas importante na makausap niya ang nasa kabilang linya. "Anong location niyo?! Nasa'n kayo?!" tanong niya. May nagsasalita pero hindi niya masyadong maintindihan. Mahina ang signal siguro. Lumipat siya ng pwesto. Hindi niya pinapansin si PO2 na parang gustong kunin sa kanya ang two-way radio. "Anong location niyo?!" tanong niya ulit. "Pi... nas..." Iyon lang ang naintindihan niya. Paputol-putol. "Pilipinas? Oo! Alam ko nasa Pilipinas ka! Gago! Saang parte ng Pilipinas?!" Kulang na lang ay sumabog ang mainitin niyang ulo. Kinakabahan kasi siya na baka biglang mawala ang nasa kabilang linya. Hindi na naman niya naintindihan ang sinabi ng nasa kabilang linya. "Pa... so..." "Ha?! Paso? Anong Paso? Dahan-dahan!" "Pa... ra... i... so..." "Paraiso? Paraiso? Tama ba?" "Base camp... Paraiso--" Biglang naputol ang linya. Inagaw na ni PO2 ang two-way radio. Kinalikot nito ulit iyon at nang hindi na gumana ay masama siyang tinignan. "Tignan mo ang ginawa mo! Wala na! Sayang! Makakahingi na sana tayo ng tulong!" inis na turan nito. "Bakit kasi nangingialam ka?!" Hindi niya ito pinansin. Tinalikuran ni Buhawi si PO2 at naglakad upang hanapin ang iba pa nilang kasama. Nakasalubong niya si Lolo Yolo at sinabi nito sa kanya na handa na ang tanghalian. Sinabi naman niya dito na tawagin na rin ang iba at may mahalaga siyang sasabihin. TO BE CONTINUED...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD