“YOU’RE HERE, Miya,” saad ni Daddy nang makita akong palapit na sa hapag-kainan. “Napuyat ka na naman yata sa drama series na pinapanood mo,” dagdag pa niya habang hinihintay akong makaupo.
Biglang tumayo si Lionel upang ipaghila ako ng upuan. Gusto ko mang tanggihan ngunit hindi ko na magawa lalo pa at nasa harap si Daddy na nakamata lang sa aming dalawa.
“Thank you.” Diretso ko ng inabot ang pagkain na niluto ni Manang Carlota. Muli na naman binuksan ni Daddy ang usaping negosyo kaya naman hinayaan ko na lang silang dalawa ni Lionel. Their favorite topic.Though may ideya naman ako sa tinatakbo ng pinag-uusapan nila ay mas pinili ko na lang ang tumahimik. Gusto ko na rin agad matapos ang pagkain ko upang bumalik na sa aking silid. Sariwa pa rin sa aking memorya ang nangyari sa pagitan namin ni Lionel kanina kaya hindi pa rin ako komportable. Pakiramdam ko may nagawa akong kasalanan sa loob mismo ng pamamahay namin.
Sa totoo lang, antok na antok pa talaga ako at gusto ko pang matulog subalit binulabog na ang diwa ko ng lalaking nasa harap ko. Best actor ang datingan nito dahil sa galing nitong umarte habang kausap si Daddy. Hindi malayong manalo pa ito ng award. Sa physical features pa lang, overqualified na. Idagdag pa ang nakaka-intimidate nitong height! Nasa six feet ang taas ni Lionel kung hindi ako nagkakamali. Paano kaya kung naging isang basketball player ito? Pihadong napakarami niyang fans na babae na laging nakaabang sa bawat pag-eensayo at laro nito.
“Ikinalulungkot kong hindi kita masasamahan ngayon, Lionel. Medyo masakit pa ang ulo ko dahil sa hang-over.” Uminom ng tubig si Daddy. “Maybe Miya can go with you.”
Sabay na napatitig sa akin ang dalawa na ikinakunot ng noo ko. “Me? Wait, Dad. Uminom ka kagabi?”
“Kaunti lang naman, anak. Gusto ko lang ma-relax at makatulog ng maayos kaya wala ka naman dapat ipag-alala at gusto ko sana ipakiusap sa iyo na ikaw na muna ang sumama kay Lionel sa dapat sana ay lakad namin ngayon kaya lang ay matindi ang antok na nararamdaman ko. Ganito na siguro ang tumatanda na, kahit kaunti lang ang inuming alak ay malakas na ang tama sa katawan.”
“Dad, inaantok rin po ako. Gusto ko rin pong – “
“Wal namang pasok sa trabaho bukas, Miya. Just this once, okay?” Tumayo na si Dad. “Ituloy ninyo lang ang pagkain at ako muna ay tutungo na sa silid ko. This old man needs more rest.”
Biglang tumahimik ang buong paligid nang maiwan kaming dalawa ni Lionel sa hapag-kainan. Tila sumikip ang espasyo sa pagitan naming. Ramdam ko ang hirap sa bawat paglunok ko ng pagkain pati ang paghinga ko na tila nauubusan ng hangin.
“Eat slowly,” anito na ikinatingala ko sa mukha nitong mataman na nakatingin sa akin. “Hindi naman tayo nagmamadali,” dagdag pa nito kasabay ng pagsilay ng ngiti sa labi.
“Bakit ka nakangiti? Masaya ka ba sa nakikita mo?” May himig ng pagkainis sa boses ko. Hindi lang nito alam na hindi ko gusto ang gesture niya. Pakiramdam ko ay hindi bagay sa kanya. Lalo lamang lumutang ang angking kagwapuhan nito.
“Paano kung sabihin kong oo. Wala naman sigurong masama kung masaya ako sa nakikita ko.” Bahagya nitong kinagat ang ibabang labi.
Inismiran ko siya. “Masaya ka na sasamahan kita kung saang lupalop ka pupunta ngayon o dahil sa ginawa mo kanina?” Napailing ako kasunod ng pag-abot ko ng baso upang uminom ng tubig.
“Oo,”
Muntik ko ng mabuga ang tubig na nasa bibig ko. “Ano’ng sabi mo?”
“Ang sabi ko, oo.”
“Oo?”
“Masaya ako na sasamahan mo ako sa kahit na saang lupalop ako pupunta at sa ginawa ko sa iyo kanina,” nakangisi nitong wika.
“Hindi kita maintindihan.” Ibinaling ko ang tingin sa kanang direksiyon. Nag-iba ang ritmo ng kanyang dibdib.
“Alin doon ang hindi mo maintindihan?”
Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtano ang maliit na distansiya ng mukha naming dalawa. Paanong nangyari iyon ng hindi niya man lang naramdaman?
“Ano ba? Lumayo ka nga – “ Naitukod niya ang mga kamay mesa kasunod ng marahas na pagtayo. “T-tapos na ako kumain.” Napalunok ako nang muling mapagmasdan ang nakakaloko nitong ngiti. “Maghahanda na ako sa pag-alis natin.”
Malalaki ang hakbang na nilisan ko ang hapag-kainan. Hindi ko na rin nais pa na makita pa ang reaksiyon ng mukha ni Lionel. Lalo lamang hindi niya maintindihan ang pabigla-biglang pagdagundong ng dibdib ko. Napapadalas na at hindi ko maisip ang kahihinatnan niyon kapag nagtagal pa.
Agad kong ni-lock ang pinto nang makapasok ako sa silid ko. Ayaw ko ng maulit pa ang nangyari sa amin kanina. May kakaibang kaba sa puso ko na ikinatatakot ko. Ewan pero hindi ko talaga maintindihan. Simula nang makilala ko si Lionel, wala na yata sa normal ang ikot ng buhay ko.
Makakasama ko siya. Kaming dalawa lang.
Marahas akong nagbuga ng hangin. Walang kaalam-alam si Dad na labis kong ipinag-aalala. Mababawasan kaya ang tiwala nito kay Lionel sa oras na madiskubre nito ang namamagitan sa kanilang dalawa?
Well, technically, yakap at halik lang naman ang nangyari sa amin. Hindi naman siguro big deal iyon kay Lionel at ganoon din naman sa akin. Makabago na ang panahon at uso naman ang ganoon. Atleast, buo pa rin ako. Bigla akong natulala. Buo pa rin kaya talaga ako?
Paano ang pangarap ko na ibibigay ang lahat-lahat sa lalaking mahal ko at mahal ako. Imposible naman na si Lionel ang lalaking iyon. Hindi kami inlove sa isa’t isa!
“Miya? Tapos ka na ba?”
Si Lionel! “S-sandali lang. M-malapit na akong matapos.” Bakit ba ako nauutal?
“Gusto mo bang hintayin na lang kitang matapos?”
Shit! “H-hindi na! S-sa gate mo na lang ako hintayin.”
“Sigurado ka?” tanong pa nito.
“O-oo naman!” Kinurap-kurap ko ang mga mata kong tila naguguluhan na rin. “Kapag hindi mo ako hinintay roon, hindi kita sasamahan!”
“Okay, okay. Hindi naman kita kukulitin. Hihintayin kita sa gate.” Biglang humina ang boses nito. “Kahit gaano katagal.”
Nanindig ang balahibo ko sa buong katawan. Ano ba ang ginagawa mo sa akin, Lionel? s**t!