MABIGAT ANG mga talukap ng mata ko kinabukasan. May liwanag na pumapasok na sa bintana kaya bigla akong napabangon. Ang plano ko pa naman kagabi ay maaga akong gigising upang makapasok sa opisina at… upang hindi makita si Lionel. Nasapo ko ang ulo ko. Masakit iyon. Hindi ko na alam kung anong oras ako nakatulog kagabi. Marahil madaling-araw na nga. Kahit anong pilit kong kumbinsihin ang sarili ko ay hindi talaga ako makatulog. Kahit sa panaginip ko ay hindi pa rin ako pinalagpas ng nasaksihan ko noong isang gabi. Malinaw na malinaw pa rin sa memorya ko ang bagay na bumagabag sa akin ng buong magdamag. Sunud-sunod na katok mula sa pinto ang tuluyang nagpatayo sa akin. Baka si Manang Carlota. Parang gigil pero hindi naman nagsasalita. “Wait, Manang.” Marahan kong tinapik ang pisngi ko sak

