Una at Huli
Masukal, madilim-- iyan ang hatid sa iyong paningin.
Mabaho, nakakasuka-- amoy na iyong mahihininga.
Nakakahilakbot, nakakatakot-- kislot ng iyong damdamin.
Walang mapunta. Hindi alam kung saan ang paroroonan.
"Magsidapa kayong lahat!" alingawngaw ng mga tinig na tila nasa ilalim ng kawalan-- impyerno na iyong nakalagisnan.
Kasama ka nilang dumapa, kasama ka nilang nagpakahirap.
Ano pa nga ba ang mas masakit? Ang makipaghabulan kay kamatayan o ang ipaglaban ang buhay na sinasabing walang karapatan?
Rinig mo ang matayog na tahip ng iyong dibdib. Rinig mo ang kabang hindi mo maiwaksi. Kasama ang pagtulo ng iyong malagkit na pawis-- sa noo, leeg at maging sa iyong kilikili.
Hingal ka ngunit ni hindi umaalis sa iyong kinahihigaan. Nangangatog ang iyong kalamnan; nangangatog ang iyong kalooban. Ramdam mo ang matinding kaba at umaapaw na takot. Ngunit may kaunting pag-asa na sumisiksik sa iyong pagkatao.
Paano ka nga ba makakaalis? Hanggang kailan mo pa matitiis?
"Otoko nai desu!" umalingawngaw ang tinig na lubha mong kinatakutan. Rinig ito sa buong kabahayan na halos ikanginig ng iyong kalamnan.
"Karera no tame ni mite! Dare mo nokosa remasen! (Halughugin niyo! Walang ititira kahit isa)," segunda ng boses ng lalaking may katandaan na kung ibabase sa kanyang tinig.
Puno ng yabag ang iyong naririnig. Tila karayom na unti-unting bumabaon sa iyong pandinig.
Ilang segundo silang nagtakbuhan. Tila may hinahanap na isang kriminal.
Kriminal ka nga ba kung ituturing? Kriminal na ba ang tawag sa iyo kung nais mo lamang ipaglaban ang iyong minimithing karapatan? Karapatang kay tagal sa'yong ipinagkait; karapatang ngayon mo lamang sana makakamit.
"Otoko nai kara! "
"Bakero! Iku yo! " palahaw ng isa sa kanila. Yabag at nagkikiskisang bakal ang maririnig. Mga baineta nila'y kasing tulis ng siit. Sakaling ika'y matusok, talsik ng dugo ang sa iyo'y kikitil.
Ilang sandali'y malakas na tahip ng iyong dibdib kumawala ng ilang sandali. Marahan kang huminga ng malalim, pagka't sa isip mo'y ligtas na kayo sa panganib.
Unti-unti'y katawa'y kinilos. Tumayo ng tuwid kahit na tuhod ay liku-liko. Muling lumitaw sa kahong pinagtaguan upang silipin angmga walang pusong kalaban ng sambayanan.
Muli mong tinanong ang iyong sarili. Saan nagkamali bakit ganito ang kinahantungan? Paano nag-umpisa pagka't hindi alam kung paano ang katapusan?
"Pedro, magsilikas na tayong lahat. Isama ang mga bata maging ang mga matatanda. Walang iiwan na kahit na isa. Magsimadali kayong lahat!" utos ni Ka Tasyo, pinuno ng sandatahan. Siya ang masipag na tagapagligtas ng bayan. Marahil inyong kakainggitan siya sa kanyang katangian. Ka Tasyo ang pag-asa ng bayan.
Hahakbang ka na sanang muli upang sundin ang nais ni Ka Tasyo ngunit nahinto ka sa matunog na tanong ni Hilario.
"Paano tayo makakatakas Tata? Masyado silang malakas. May baril sila. Anong laban ng balisong at itak natin sa kanila?" hindi napigilang palahaw niya.
Tama nga naman si Hilario. Anong laban niyo sa kanila?
Napaisip kang muli. Ngunit imbes na matakot ay iyo pang hinangaan ang lalaking halos kasing edad mo. Hilario, ang may matalinong pag-iisip sa lahat.
"Magtiwala tayo sa may taas, anak. Siya na ang bahala sa ating lahat." Muling binalingan ni Ka Tasyo ang lahat upang pagmadaliin sa pagtakas.
Konting oras na lamang ay maaaring bumalik ang mga lapastangan. Maghahabulan kayo kung sino ang matibay.
Binuhat mo ang iyong Ina habang nakasabit ang malaking bayong sa iyong likuran. Kailangan niyong magmadali. 'Pagkat maging ikaw ay hindi sigurado sa inyong kahahantungan.
Napag-alaman ng grupo ninyo na may isang bayan kung saan maaari kayong maging ligtas mula sa kapahamakan. Nagsimula na kayong maglakad. Hindi mo inalintana ang bigat na iyong pasan. Sumilip ka sa iyong tagiliran. Doon nakita mo si Kara, ang iyong bunsong kapatid. Nakapulupot sa kanya ang isang maliit na bandana upang hindi mahilam sa makapal na usok hatid ng mga alikabok ng lugar. Nakasabit ang kanyang mga kamay sa damit ng iyong laylayan upang hindi siya mawalay sa paglalakad.
Marami na kayong tumatakas. Mas binilisan mo pa ang paghakbang. Nakita mo si Lusia at ang kanyang asawa na si Antonio kasama ang kanilang mga anak. Nagsisilikas sila katulad ninyo. Namataan din ng iyong mga mata si Kabesang Nano, ang makisig ninyong tanod. Tinutulungan niya ang mga babaeng lubos ang takot. Marami kayo na gustong maligtas. Pero may kasiguraduhan nga ba?
Puno ka ng pag-asa. Nais mong umiyak ngunit, ano nga ba ang magagawa nito sa inyong kasalukuyang sitwasyon? Nais mo ring magwala. Pero para saan pa?
"Anak, iwan mo na lamang ako. Babagal lamang ang inyong paglalakad," suhestiyon ng iyong ina.
Hinigpitan mo ang iyong hawak sa kanya at pagkuwa'y inaayos mo ang buhat sa kanya. Hindi mo nais umiyak dahil kapag iyo'y iyong ginawa, siguradong manghihina at nawawala ang natitira mong lakas. Kailangan mong maging matatag-pilit mo iyong isinasaksak sa iyong isipan.
"Hindi, Ima. Hindi kita iiwan. Walang maiiwan. Darating tayo sa kabilang bayan na buo ang katawan. Naniniwala akong matatapos din ang paghihirap nating ito," luhaan kang tumingin sa kanya. Hindi mo napigilan ang sariling itago ang matinding takot at kaba sa iyong ina. Para sa iyo ay tama na ang nawalan ng dalawang minamahal. Nawala na ang iyong Itay, maging ang iyong nakatatandang kapatid. Sapat na ang makita mo silang pinahirapan at tinanggalan ng karapatang mabuhay. Sapat na rin na makitang hindi makalakad ang iyong ina dahil sa mga demonyong nagkatawang tao at dinayo ang inyong lugar.Pinangako mo sa iyong sarili na kailanman ay hindi mo iiwan ang mga taong mahal mo. Kahit kailan.
Napapagod ka na. Nagsusugat na ang paa mo dahil wasak ang tsinelas mo. Maging ang mga buto mo'y nais na ring sumuko. Nais na ring magpahinga. Pero hindi. Konting tiis nalang ay mararating niyo na ang dulo.
"Lakad lang mga kababayan. Mga ilang oras lamang ay malapit na tayong lahat," sigaw ni Ka Tasyo.
Muli mong inikot ang iyong paningin. Marami kayong naglalakad pababa ng bukid. Tinugaygay ninyo ang pilapil upang marating ang kabilang daan. Maputik at nalulusakan na ang mga palay. Ngunit kahit papaano ay nakapagbigay pa rin ito sa iyo ng saya. Ramdam mo kasi ang lambot nito sa iyong mga paa kahit lumulubog ang bawat hakbang ay ayos lamang. Ang mahalaga ay makatakas kayo sa impyernong kinakasadlakan.
"Pagod ka na ba, anak?" Tanong sa iyo ng iyong ina. Nakasabit pa rin sa iyo ang kanyang mga braso, pangsuporta upang hindi siya mahulog.
Mabilis mong iniling ang iyong ulo upang iparating na hindi ka pagod sa dalahin mo.
"Kara, kaya mo pa ba?" Binaling mo ang iyong atensyon sa nakababata mong kapatid.
"Hindi, Diko. Ayos lamang ako. Pero nagugutom na ako," umungot siya sa iyo at nanubig ang kanyang mga mata.
Masakit makita sa iyong paningin na ang kapatid ay naghihirap, dahil dapat sa mura niyang edad ay nag-aaral o kaya nama'y naglalaro lamang siya.
"Konting tiis nalang, Kara. Pagdating natin sa kabilang bayan, sisiguraduhin kong makakakain ka ng mga nais mo," pang-uuto mo pa sa kanya. Iyon lamang ang nakita mong paraan upang mapagaan ang kanyang kalooban.
Hindi ka nga nagkamali. Dahil isang ngiti ang sumilay sa kanyang bibig. Maski ang kanyang mga mata ay nakitaan mo ng buhay.
Gusto mong tumalon sa saya. Gusto mong yakapin siya. Pero pinigilan mo ang iyong sarili. Sapagkat dala mo ang iyong ina at kailangan niyo pang magmadali.
"Magsimadali kayong lahat! Nasa likuran na natin sila!!" isang tinig ang nagpabago sa iyong nararamdaman.
Bigla mo na lamang narinig ang mga putukan.
"Ayan na sila! Bilisan ninyo!" daing pa ng iba.
Puro hiyawan at mabilis na takbuhan ang makikita at maririnig sa buong paligid. Ngunit hindi mo kayang magmadali dahil mabigat ang iyong ina sa iyong mga bisig. Maging si Kara ay nahihirapan sa matulinang pagtakbo.
Ngunit hindi maaari. Hindi. Kakayanin mo ito. Itinatak mo na sa iyong isipan na mabubuhay kayong pamilya. Tama na ang may nawala; tama na ang may nagdusa. Hindi mo na hahayaang magkahiwalay pa kayong pamilya. Sila ang buhay mo. Sila ang mabubuhay kasama mo.
"Iwan mo na ako anak!" palahaw ng iyong ina.
Ngunit hindi mo siya pinakinggan. Wala kang pakialam kung ano man ang sabihin niya. Walang maiiwan.
Ibinaba mo siya sandali at inilipat sa iyong likuran.Mas naging komportable ka na ngayon sa pagtakbo, maging si Kara ay madadala mo pa.
Hala, sige! Takbo pa. Walang titigil para ipaglaban ang inyong mga buhay.Walang ibang pumasok sa iyong isipan kundi ang manatili sa mundong ibabaw at makamit ang pangarap na inaasam. Buhay.
Naririnig mo ang mga putok sa iyong likuran maging ang amoy ng mga pulbura. Nakikita mo ring nagbabagsakan ang mga kawawang katawan na madali mong naiiwasan upang hindi maging sagabal sa iyong paglalakad.
Pagod na ang mga paa, buong katawan, maging ang iyong pag-iisip. Hindi mo maiwaksi sa iyong isipan kung paano nangyari ang ganitong bagay. Bakit ito hinayaan ng gobyerno? Hindi ba't dapat ay nariyan sila upang magbigay ng tulong? Nasaan na silang lahat? Nabahag ba ang mga buntot nila kung kaya't iniwan kayo sa ganitong sitwasyon? Mga wala silang kwenta kung ganoon. Isip mo.
Mabuti kang tao-- kayo ng mga kasama mo. Pero bakit humantong sa ganitong pangyayari na tila ba wala kayong karapatan na gawin ang nais ninyo?
Gusto mong lumaban; gusto mong ipaglaban ang tinatawag mong karapatan. Nais mong kitilin ang kanilang buhay pangbayad utang sa mga kasalanang ginawa nila sa iyong ama't kapatid. Mga wala silang puso. Mga mamamatay tao at manhid.
Pero hindi ito ang oras sa pag-iisip at pagtatanong ng mga ganyang bagay. Kung nais mong malaman ang saloobin ng gobyerno, dapat mabuhay ka. Dapat manatili kang nakatayo.
"Anak ko, parang awa mo na. Iwan mo na ako. Mas mahalaga ay mabuhay kayo. Makinig ka sa akin, anak ko."
Hindi nakaligtas sa iyong pandinig ang hiling ng iyong ina. Ramdam mo ang pagnginig ng kanyang katawan kung kaya't hindi mo na rin mapigilang nanubig ang iyong mga mata.
"Hindi!" sigaw mo. Una pa lang hindi mo na gusto ang ideya niya. Sa umpisa pa lang nais mo nang takpan ang kanyang bibig upang hindi na niya maituloy ang kanyang sasabihin. Masakit. Sobrang sakit para sa iyo ang mga bagay at desisyong nais niyang gawin.Nagpatuloy ka lang sa paglalakad.
"Anak, makinig ka sa akin. Alam kong hindi mo ito gusto. Maging ako ay ayaw ko.."
Pinutol mo ang kanyang sasabihin. "Pero bakit iyon ang hinihiling niyo sa akin?!" hindi mo napigilang itanong.
"..dahil iyon ang tama, mahal kong anak. Hindi ako nagsisisi pagka't alam kong makakaligtas kayo kapag nagsakripisyo ako. Alam kong kakayanin niyong mabuhay. Alam ko." Humikbi pa siya na lalong nagpayanig ng iyong damdamin.
"Anak ko, iwan mo na ako."
"Ina! Paano mo nasasabi nang ganyan kadali ang isang bagay na hindi ko kayang gawin? Ina! 'Wag mo akong pahirapan." Sa sobrang hilam na ang iyong mga mata dahil sa pag-iyak, natalisod ka sa paglalakad na halos takbo na rin kung ituturing. Sama-sama kayong napaupo sa kawalan. Nadapa ka at sumalampak sa putikan ng bukid. Kasabay mong hinampas ang mga damo sa iyong harapan dahil sa sobrang pagkayamot.
Bakit sinasabi ito ng iyong ina? Hindi niya ba alam ang sakit na nararamdaman ko sa mga oras na iyon?
"Ina..," tawag mo sa kanya.
"Ayos lang ako anak. Magiging maayos lang ako," segunda pa niya.
Wala kang nagawa kundi ang sundin siya-- isang bagay na hindi mo kayang talikuran ngunit ginawa mo pa rin dahil sa iyong respeto sa kanya.
Ina, mahal na mahal kita. Sambit mo sa iyong isipan.
Ibinaba mo siya sa isang puno ng mangga sa mismong gitna ng pilapil. Hinagkan mo ang kanyang noo at pinangakong mabubuhay ka para ipagpatuloy ang iyong buhay.
Masakit, oo. Pero isa itong sakripisyo. Pero bakit ang ina mo pa? Bakit ang pinagkakautangan mo pa ng iyong buhay simula noong niluwal ka niya sa mundong ibabaw? Bakit siya?
Yumuko kang muli at yinakap siya na parang hindi mo kayang bitawan. Dahil bawat akto mo na senyales na paglayo sa kanya ay tila dinudurog sa sakit ang puso mo.
"Magmadali ka na. Ipangako mo lamang sa akin na mabubuhay ka. Ikaw at ang kapatid mo. Mabubuhay ka, anak," ulit pa ng iyong ina. Itinulak ka niya upang pigilan ka sa pagyakap sa kanya. "Bilisan niyo na. Ipangako mo. Mabubuhay kayo." Si Kara naman ang hinagkan niya.
Luhaan kang tumango sa mga sinabi niya. Sinabit mo ang iyong mga dala sa iyong balikat maging si Kara ay iyong pinasan. Tumayo kang muli at tinanaw ang iyong likuran. Doon mo namataan ang mga hampaslupang sumusugod sa inyong mga kababayan. Rinig mo ang palahaw nilang lahat; babae, lalaki, bata at maging mga matatanda.
Hinuli ng iyong ina ang iyong mga kamay. Tumingin kang muli sa kanya at pinakatitigan."'Wag na 'wag kang lilingon. Takbo lang nang takbo hanggang marating niyo ang dulo. Bawat hakbang mo'y kalimutan mo ang pait. At palitan mo ito ng bawat pag-asa sa iyong paglisan."
Tumango kang muli. Handa ka nang bumangon upang ipagkait ang iyong pansariling kagustuhan.
Bawat hakbang mo papalayo sa iyong ina, ay tila tinutusok ng kutsilyo ang iyong puso, kalamnan at maging ang iyong kaluob-looban. Ngunit pinakatatagan mo ang iyong dibdib. Kasama ito sa iyong pag-ahon; kasama ang ganito kasakit na pangyayari sa iyong buhay.
"Kuya,anong mangyayari kay Inay?" tanong ni Kara mula sa iyong likuran.
Ngunit bago ka pa makasagot ay narinig mo ng pagtangis at sigaw ng iyong ina.
"Andres! Takbo!" Tinig ng iyong ina.
Nanginig ang iyong tuhod maging ang iyong kamay. Tila naging tuod ka panandalian bago makita ang sariling sumunod sa utos ng iyong ina.
Takbo lang. Sige pa. Iyan ang paraan mo upang mabuhay. Hindi mo sinubukang lumingon dahil iyon ang paraan mo upang irespeto ang kagustuhan ng iyong ina. Hanggang sa mga huling sandali niya sa mundong ibabaw, nais mo siyang sundin.
Hingal na hingal ka na. Wala kang ano mang baon na inumin o kaya nama'y pangtawid gutom para sa mga sandaling iyon.
Katatakbo mo ay hindi mo na namalayan na lubhang malayo na ang iyong narating. Pero hindi ka tumigil. Mas tinulinan mo ang iyong mga hakbang dahil nais mong mas mapalayo sa iyong mga kaaway.
Nakatawid ka nang matiwasan sa bukid kung san kinasadlakan ng iyong ina.
"Andres, nasaan ang iyong ina?" tanong ni Ka Tasyo na maraming putik sa kanyang kasuotan maging sa kanyang mga paa. Hingal din siya tulad mo. Nag-aalala ang kanyang mga titig na wari'y alam na ang kasagutan sa kanyang katanungan.
Umiling ka. Ni hindi mo na kaya pang sabihin ang katotohanan. Bigla na lamang pumatak ang mga luhang hindi mo na kayang pigilan. Mahigpit mong inilipat si Kara sayong mga bisig at niyakap na tila wala nang bukas. Hindi kayang ipakita ng mga luha mo ang sakit na nararamdaman mo sa pagkawala ng taong minahal mo nang buong puso.
Naramdaman mo na lamang ang mga bisig ni KaTasyo sa iyo. Halos maipit na nga si Kara sa pagitan ninyong dalawa. Marahan niyang hinimas ang iyong likod upang pagaanin ito. Ngunit bakit ganoon? Hindi niya kayang alisin ang sakit na nararamdaman mo.
"Magiging maayos din ang lahat. Maniwala ka lang sa Kanya. Manalig ka lang. Matatapos din ang lahat ng ito," pahayag niya.
Tumango ka na tila ninanamnam lahat nang sinasabi niya.Manalig lang sa kanya. Matatapos din lahat ng ito. At mabubuhay kaming magkapatid.
Tama si Ka Tasyo. Habang may buhay may pag-asa. Hindi mo man gusto ang mga nangyayari, siguradong may dahilan ang lahat ng ito. Kung ano man ang kahantungan nito sa dulo, siguradong nakaplano ang lahat. Pero isa lang ang ipinangako mo. Mabubuhay ka at ang kapatid mo.
Inaya ka ni Ka Tasyo sa isang tahanan kung saan tumigil din ang ibang ninyong mga kababayan.
"Dito muna tayo pansamantala upang magpalipas ng gabi. May mga iilan ding pagkain ang natira kung kaya't pagsaluhan na natin iyon at makapagpahinga," pahayag niya sa lahat.
Kung susumahin ay halos tatlumpu kayong lahat na naroroon. Paano magkakasya ang kakarampot na pagkain sa inyong harapan?
Kumuha ka ng plato at doon mo inilagay ang mga pagkain na nasa lamesa. Kahit na gutom na gutom ka na ay kumuha ka lamang ng kaunti na para lamang kay Kara. Mas nais mo siyang bigyan ng lakas upang hindi magkasakit sa gitna ng laban. Matapos noon ay pumunta ka sa isang sulok at doon kayo kumain nang tahimik. Tanaw mo sa iyong pwesto ang nagkakagulong mamamayan sa harap ng lamesa. Walang nais magutom. Walang gustong mamatay.
Pinakain mo si Kara at mga ilang oras lamang ay natutulog na siya sa iyong kandungan. Pinagmasdan mo siyang maigi. Nasa bisig mo ang tunay na kahawig ng iyong ina. Tila pinagbiyak sila na bunga. Tumangis ka na namang muli. Nakita mo ang kalagayan ng iyong ina. Wala na siya. Ngunit alam mong nasa paligid lamang siya at binabantayan kayong dalawa.
"Napakabait ng iyong ina. Tunay ngang busilak ang kanyang puso. Nasisiguro ko kung saan man siya ngayon ay masaya siya dahil ligtas kayong dalawa," pahayag ni Hilario, ang tinuturing mong tunay na kaibigan.
Nagulat ka sa kanyang presensya ngunit makalipas lang ang ilang segundo'y naging panatag na ang iyong kalooban.
Naupo si Hilario sa gilid mo at sumandal din sa pader na sinasandalan mo. Habang ikaw nama'y patuloy lang sa paghele sa nakababata mong kapatid.
"Natatakot ako," sambit niya.
Marahas kang tumingin sa iyong katabi at pinakatitigan siya. Kumunot din ang iyong kilay. Hindi mo inaasahan na lalabas ang mga salitang iyon sa kanya. Nagpatuloy lang siya sa pagsasalita.
"Hindi tayo sigurado kung hanggang kailan tayo tatagal. Maaaring mamaya lang, bukas o kaya nama'y sa mga susunod na araw. Hindi natin alam. Kung mamalasin ay maaaring hanggang ngayon nalang."
Bumuntong hininga ka at pinakatitigan si Kara. Sinuklay mo ang kanyang buhok gamit ang mga daliri mo. Hirap na hirap ka na. Pero dahil sa kanya, patuloy kang kumakapit; patuloy kang umaasa.
"Sa tingin mo ba matatapos ang digmaang ito?"
Umiling ka. "Hindi ko alam. Pero isa lang ang nasisiguro ko. Mabubuhay ako-- kami ng kapatid ko."
Tumangu-tango si Hilario na tila nauunawaan ang iyong sinasabi.
"Maaaring kang maging positibo at paniwalaing mabubuhay ka, pero ibase mo pa rin ang sitwasyon sa realidad. Komplikado ito. Mas nagiging komplikado ang buhay natin dahil sa mga nangyayari. Pero hindi ito ang katapusan ng realidad natin. Umpisa pa lamang ito. Malayo pa ang tatahakin natin papuntang dulo.
"Sa buhay ng tao, maaaring mawalan ka ng pag-asa. Pero hindi ba kaya nga nabuhay ang tao ay dahil umaaasa siyang may buhay siya?" Ngumiti siya sa iyo at tuluyan nang tumayo at nilisan ka.
Naiwan kang may malaking tanong sa iyong isipan. Ano ang gusto niyang ipahiwatig?
Napipikit ka na sa kalagitnaan ng hating gabi. Ngunit isang pagsabog ang narinig mo mula sa hindi kalayuan. Ramdam mo kasi ang yanig ng mga pader sa kapaligiran.
Nagsibangunang lahat ang iyong mga kasama maliban sa iyong kapatid na si Kara. Niyugyog mo siya upang gisingin ngunit wala pa rin siyang malay. Binuhat mo siya at dinala sa parte ng kwarto na may liwanag. Doon mo nakita ang duguan niyang kasuotan sa gawing tiyan niya. Itinaas mo ito at nakita ang nakabaong bala sa kanyang dibdib. Napasuntok ko nalang sa hangin. Dakot ang mga kamay mong tinitigan siya.
Niyugyog mo siyang muli pero wala na. Hindi na talaga siya gumagalaw. Wala na siya. Iniwan ka na niya.
"Pumunta kayo sa mga ilalim ng lamesa o upuan upang hindi matamaan ng mga umuulang bala!" tinig na naman ni Ka Tasyo ang yumanig sa buong paligid.
Nagmamadali kang lumusot sa ilalim ng lamesa habang nasa bisig mo pa si Kara. Hindi mo siya kayang bitawan. Ni isiping wala na siya ay hindi mo magawa. Bakit? Paano nangyari ito? Ang bilis naman ng mga pangyayari. Kanina lamang ay magkausap kayong dalawa, ngunit ngayo'y kahit tingnan ka niya ay hindi na niya magawa. Dahil wala na siya. Iniwan ka na niya.
"Andres, kaibigan. Gisingin mo na si Kara. Kailangan na nating magmadali. Aalis na tayo," nangingibabaw ang boses ni Hilario sa iyong tabi kasabay ang malalakas na pagsabog at putok ng baril sa labas ng bahay.
Unti-unting pumatak ang mga luha mo. Manhid na nga rin ang mga mata mo dahil sa pagkakamugto nito at maging ang pakiramdam mo'y ganoon na rin-- hindi mo maintindihan. Ni hindi mo alam ang dapat iakto. Tila para kang tuod na lumuluha ngunit walang ekspresyon. Pang-ilan mo na nga ba itong pagtangis? Pang-ilang beses na bang umiyak ang puso mo upang ipakitang nasasaktan ka sa mga nangyari at nangyayari? Paano na ang buhay mo? Mag-isa ka nalang at nasa kalagitnaan pa ng gyerang hindi mo alam kung hanggang saan ang katapusan. Wala ka nang makakapitan ng lakas. Hindi mo na nga kayang igalaw ang iyong mga tuhod at paa dahil manhid ka na.
"Nakikiramay ako sa iyo, kaibigan. Ngunit hindi mo dapat ipakitang talo ka na. Kaya ka may buhay ay dahil may pag-asa ka. At dahil ka may pag-asa ay dahil buhay ka. Ipagpatuloy mo ito. Para sa mga taong namatay para sa iyo at para na rin sa sarili mo. Andres!"
Nagulantang ang buong pagkatao mo sa sigaw ni Hilario. Tama siya, hindi ba? Tama ang mga iniwan niyang kataga. Magpatuloy lang dahil may buhay ka pang pinanghahawakan.
"Pagbilang ko ng tatlo, sa likod tayo dadaan at tatakbo tayo hanggang sa kung saan man tayo dalin ng ating mga paa. Kakayanin natin ito."
Pinahid mo ang iyong mga luha at inihanda ang iyong sarili. Niyakap mong maigi si Kara. Isasama mo siya hanggang sa dulo. Panghahawakan mo pa rin ang pangakong binitawan mo sa iyong ina.
"Isa... Dalawa... Tatlo..."
Sabay kayong tumakbo ni Hilario. Kahit nakapaa at puro bato ang daanan ay sige lang kayo. Madapa ma'y sisiguraduhin niyong tatayo kayong muli.
Animnapu't walong taon na ang nakakalipas ngunit nakatayo pa rin ako gamit ang mga tuhod at paang ito na siyang nakapagligtas sa akin maraming taon na ang nakakaraan. Gaano na rin ba ako katanda?
Kita na ang kulubot kong balat at maging ang paglakad kong palyado na. Nawala na ang dati kong sigla.Ang pagsasalita ko'y kakaiba na, kasing bagal ng mga karitong niluluma na. Maging ang alaala ko'y kupas na ngunit ang sakit at dusa na nakamit noon ay sariwa pa. Hanggang ngayo'y narito pa. Hindi kailanman mawawala.
Napaluha na naman akong muli. Ang tagal na palang panahon. Kay tagal kong ikinulong mga akong sarili mula sa nakaraan. Matapos ang mahabang panahon, binabalik tanaw ko ang nakalipas na panahon. Ngunit sa pagkakataong ito, tapos na ang paghihirap ko. Nakamit ko na ang karapatang inaasam ko.
"Anong nangyari kay Kara?" tanong ng isang binatilyong may hawak ng kwaderno't pluma sa aking harapan. Sinusulat niya ang aking kwento. Mga bata silang nais maging tagasalaysay at buhay ko ang nais nilang ilathala. Iilan na lamang kasi ang buhay na taong nakaranas ng panahon ng Hapon.
Napangiti ako sabay turo sa itaas. Nagsunuran naman ang mga mata nila paitaas. "Kasama na siya ni Ina, Itay at ni Kuya," tipid kong sagot. Mag-isa na lamang ako. Pero buhay ako. Pinilit kong mabuhay para sa mga mahahalagang taong bumuo sa pagkatao ko.
"Si Hilario?" tanong naman ng isa pa.
"Nagkahiwalay na kami ng landas. Hindi ko na siya nakita. Papunta ako sa kuta ng mga sundalong Pilipino at pinatuloy nila ako doon. Dinala nila ako sa syudad dahil mas ligtas doon," sagot ko. Naalala ko na naman ang matalik kong kaibigan. Ang taong nagpaalala sa akin na dapat kong ipagpatuloy ang buhay.
"Paano po kayo nakatagal?Halos lahat ng nakasama niyo ay nawala. Hindi po ba kayo nakadama ng depresyon?"
Nag-isip muna ako bago magsalita. "Nakaramdam ako ng mga ganyang bagay, hija. Hindi madali ang maipit sa gyera lalo na't handang kumitil ng buhay ang mga mananakop. Natakot ako. Matinding takot. Pero naisip ko ang sinabi ni Hilario sa akin noon. 'Sa buhay ng tao, maaaring mawalan ka ng pag-asa. Pero hindi ba kaya nga nabuhay ang tao ay dahil umaaasa siyang may buhay siya'. Noon, hindi ko alam ang tunay niyang pakahulugan. Pero tumagal ang buhay ko sa mundong ito, at saka ko lang naunawaan ang bagay na iyon. Kaya tayo nabuhay ay para umasa, at kaya tayo umaasa ay para mabuhay.
"Ikaw, anong dahilan mo para mabuhay?"