Tania
Sa sobrang inis ko habang nililinis ang palpak kong plano ay kung ano ano na ang nasabi ko. Ilang beses akong nagdasal para lang hindi ako makagawa ng masama sa batang iyon.
"Argh! Sarap mong iligaw talaga, Chase!" Sigaw ko habang padabog na mina-mop ang sahig kahit na mukhang wala namang naalis o nababawasan sa shoe glue na nilagay ko doon.
Parang papel na nalukot ang mukha ko nang lumuhod ako sa sahig para tulungan ang mop gamit ang kamay ko dahil wala na talagang silbi ang mop. Parang mas lalo pa ngang kumakalat sa tuwing ipinapahid ko.
Ang kamay ko ay dumumi na dahil sa paghawak ko sa mop pero dahil sa pawis sa aking noo ay hindi ko na ininda ang dumi. Ginamit ko ang likod ng kanan kong kamay para palisin ang pawis. Marahas akong nagpakawala ng buntonghininga bago ako tumayo. Ilang sandali kong tinitigan ang sahig bago ko niligpit ang mga ginamit ko.
Pumihit ako at handa nang ibalik ang mop nang muntik na akong mapamura nang makita si Mr. Merell na nakahilig sa pader habang nakahalukipkip at nakakrus ang paa. Seryoso ang kaniyang mga matang pinapanood ang bawat kilos ko, sinusundan lahat ng galaw.
"Kayong mag-ama kayo, balak niyo yata akong patayin, ano?" Sabi ko sabay hawak ko sa dibdib ko na hindi naman pinagpala. Sumimangot ako.
"Bakit mo ililigaw ang anak ko?"
"Nagtanong ka pa?" Inirapan ko siya.
Pagod pa ako sa paglilinis pero nandito na naman ito para inisin ako? Yon na lang ba talaga ang gagawin ko rito? Ang saluhin lahat ng kabuwisitan ng mga amo ko?
Talaga naman kasing kapag ang anak niya at siya na ang kausap ko ay matic na b***h mode on na ako.
"Alam mo ba kung ilang beses akong naligo at nagpalit ng damit ngayong araw dahil sa kalokohan ng anak mo?" Nakapamaywang at iritado kong tanong sa kaniya.
"Is it really his fault? Or dahil lang sa katangahan mo?" Nagtaas siya ng kilay na para bang nananantiya. Ibinalandra niya na naman ang nakakainis niyang ngisi. May pinagmanahan nga talaga si Chase.
"Maka-tanga naman to. Sige nga. Kung ikaw ang ginawan ng kalokohan, hindi ka gaganti?" Hamon ko sa kaniya.
Isang buntonghininga ang pinakawalan niya bago siya dumiretso ng tayo.
"Nope. My son's just a child. Besides, you don't know why he's like that," tugon niya. "Isa pa, hindi ako kagaya mo na warfreak. You should learn how to control yourself. Hindi iyong palagi ka na lang naiinis," iyon lang ang nasabi niya bago niya ako tinalikuran doon nang nakatanga.
Kinaumagahan, maaga akong nagising para magjogging-jogging-an para naman kunyari ay may lakas ako para sa mga susunod na plano ni Chase. Pampabalik lang ng alindog na rin kahit hindi naman talaga ako ganito noon. Feeling ko lang tumataba na ako dahil sa kaaagaw ko ng chuckie sa ref, e. Kailangan ko lang magbawas ng taba sa katawan.
Nasa kusina ako at umiinom ng tubig nang maabutan kong nakaupo roon sa counter table si Chase na umiinom ng chuckie habang kinukuyakoy ang paa.
Maaga rin palang nagising ang kumag na 'to?
"Good morning, nanny!" Masiglang bati niya sa akin.
"Che! Walang good sa morning. Lalo na kapag nakikita kita. May binabalak ka na naman 'no?" Irap ko sa kaniya.
"What?"
"What what-in ko mukha mo riyan, e. I will court you!" banta ko sa kaniya pero ngumiwi lang siya.
"You're not my type, nanny. So... eww," aniya at umaktong parang nasusuka.
Anong nakakadiri sa ililigaw ko siya?
Tama naman hindi ba? Court means ligaw?
"Your plans. Stupidity! I will make bawi to you. You wait. Me, revenge to you!"
Tumawa siya nang malakas at muling sumimsim sa kaniyang chuckie na parang hindi ko siya binabantaan.
"No laugh. Annoying me," pigil ko sa pagtawa niya pero hindi siya nakinig.
"You're English is terrible. You haven't been to Grade school?" panlalait niya sa akin. Hinagod niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
"Lakas mo makapanlait, a? Gusto mong ipakita ko sa'yo yung mga cards at medal ko noong nag-aaral ako?"
May sasabihin pa dapat ako pero sinaway na ako ng isang kasambahay doon.
"Hoy, Tania. Tama na 'yan. Bata 'yan," saway niya.
"Asus! Bata ba 'yan? Lakas nga mantrip niyan eh. Sarap idikit sa pader at igapos. Nakakainis!" Padabog kong ibinagsak ang hawak kong water bottle sa counter table.
"What is happening here?" Sabad pa ng tatay niya na mas lalo lang nakadagdag sa inis ko.
Isa ka 'tong Tanda na 'to! Palagi na lang kinakampihan ang sutil niyang anak. Kaya namimihasa, e. Ginagatungan kasi. Palibhasa, parehong mga sutil at nakakairita.
"I think Nanny is planning to do something to me, don't you think?" lingon niya pa sa kaniyang ama na tila ba naghahanap ng kakampi. Kasasabi ko nga lang...
"Pagbuhulin ko kaya kayong dalawa? Ikaw ha?" Itinuro ko si Chase. "Ang lakas talaga ng tama mo, e. Ikaw na nga itong napakagaling kung apihin ako, ikaw pa ang may ganang sabihin na may binabalak ako sa'yo?" Pinagtaasan ko siya ng isang kilay.
Si nana na kanina ay sinuway ako ay halos dumikit na sa pader habang palabas sa kusina.
"Para sabihin ko sa'yo, ha? Itatali talaga kita kapag may binalak ka pa sa akin." Ngumuso ako at umirap sa kanilang pareho.
"As if I'd let you?" Hamon sa akin ni Tanda.
Ngumisi ako at pinilig ko ang aking ulo.
"Humanda kayong dalawa sa akin. Kapag ako nakabawi sa inyo. Who you kayo sa akin!"
Hindi porque mga amo ko kayo at mga guwapo kayo ay hindi na kayo makakatikim ng paghihiganti ko.
Mga neknek niyo!
"You pay for damaging myself." Taas noo kong sinabi sa kanila.
Nagkatinginan lang sila at parehong nailing. Bakit ba hindi nila magawang seryosohin ang mga sinasabi ko?!
Padabog ko ulit na kinuha iyong water bottle at iniwan sila roon na parehong tumatawa. Mukhang natutuwa pa talaga sila na napag-ti-tripan nila ako, ha? Gan'on na ba yon? Isang daang milyon para apihin ng mag-amang sutil?!