Prologue

1359 Words
3rd Person's POV    LIFE IS A MATTER OF CHOICE. Araw-araw ay mayroon tayong pamimilian sa buhay. Ano man ito, kailangan na maging maingat dahil p'wedeng ito ang maging sanhi at bunga ng mangyayari sa ating hinaharap. ** Sagana at nakukuha ang lahat, busog sa pangaral at pagmamahal mula sa kanyang ina at ama, 'yan ang kinagisnang buhay ni Irieth Hope Zotore. Kagandahang loob at pagmamahal sa kanyang mga magulang ang kanyang kinasanayang maramdaman, na kulang na lang ay sambahin ang ama at ina, dahil para rito’y ang pamilya niya lamang ang lahat sa kanya.  Pero gaano nga ba siya nakatitiyak sa buhay at sa mga taong nakakasama niya sa araw-araw? Sino at ano nga ba ang aasahan niya rito sa mundong walang kasiguraduhan gano'ng ang lahat ay p'wedeng magbago sa kanyang buhay dahil sa isang pagkakamali lamang? Araw-araw ay binabagabag ng nakaraan, hirap magpatawad, magmahal at magtiwala. Iyon ang bigat na dala ni Irieth Hope Zotore dahil sa bangungot ng kanyang nakaraan.   PAST . . . Nagmamadaling pumasok ng kanilang bahay si France Zotore, bitbit ang isang sanggol na babae. Masaya nitong sinalubong ang asawang si Carmi, dahil alam niyang ikatutuwa nito ang dalang surpresa para sa kanyang asawa. "Hon, look! May baby na tayo!" "Ha? Pero paanong— saan ito nanggaling?" nagtatakang tanong ni Carmi habang inaabot ng kanyang asawa ang sanggol na babae sa kanya. "I-inampon ko, Hon. Mayroon kasing nanganak na hindi naman daw kayang buhayin kung kaya, hindi na ako nag atubiling kunin. Para naman hindi ka na rin nag-iisa, k-kapag umaalis ako,” kanda utal na paliwanag nito sa asawa. Apat na taon ng kasal sina France Zotore at Carmi Martin-Zotore. Ipinakasal sila ng kanilang mga magulang dahil magkasundo ang mga 'to sa negosyo. Palugi ang negosyo nila France kung kaya walang tangging pumayag ito sa desisyon ng kanyang ama, upang masalba ang kanilang kumpanya. Ngunit, ilang taon na rin ang lumipas ay hindi pa rin sila nito nagkakaro’n ng anak.  Si Carmi ay isang baog. Gayunpaman, hindi iyon naging dahilan upang maghiwalay ang mag-asawa dahil buong puso itong tinanggap ni France at hindi kailanman sinukuan. "Irieth Hope— tama! Hope ang ipapangalan ko sa iyo dahil ikaw ang aming buhay na pag-asa,” tuwang-tuwa na sambit ni Carmi sa bata habang binibigyan ito ng pangalan. "Beautiful,” ani France. Masayang-masaya sila sa pagdating ni Irieth sa kanilang buhay. Lahat ng atensyon at pagmamahal ay ibinuhos nila sa bata, dumating pa ang pagkakataon na hindi na napapansin ni Carmi ang asawa dahil halos ayaw nito mawala sa paningin ang anak. Ngunit, hindi naman ito big deal kay France sapagkat naintindihan niya rin dahil sa kasabikan nitong magkaroon ng anak. Lumipas ang mga araw, buwan, at taon ay naging maayos at masaya ang pagsasama ng pamilya Zotore. Pero, Sa ika-pitong kaarawan ni Irieth ay tila nagbago ang lahat. Habang masayang sini-celebrate ng bata ang araw na iyon ay wala itong kamalay-malay na ang relasyon ng kanyang mga magulang ay tila kandilang unti-unti nang nauupos. "Luce, makikita mo rin siya. Please! Walang alam dito si Carmi," hawak ang teleponong tugon ni France sa kausap habang nasa library nito. Hindi niya alintana ang pakikinig ng asawa sa pintuan ng silid na iyon. "Uuwi ako d'yan. H'wag kang mag-alala. Dadalhin ko siya," dagdag pa nito. Wasak na puso, kawalang pag-asa, at luhaan na pumasok si Carmi kung nasaan ang asawa upang harapin ito. "Hindi ko na tatanungin kung— kung kailan nagsimula ang panloloko mo sa akin,” mahinang sambit nito habang umiiyak. "Hon . . .” gulat na gulat na tugon ni France sa asawa. "Ako ang pinakasalan mo, pero alam ko na hindi ako ang mahal mo. Alam ko na may iba— ibinigay mo sa akin si Hope para sa kanya mapunta ang atensyon ko at para malaya kang makagawa ng kahayupan sa akin. Tama ba 'ko? Bakit, France? Dahil bukod sa pera ng mga magulang ko ay hindi rin kita mabigyan ng anak? Alam ko naman— noon pa man na hindi mo 'ko minahal! Alam ko, France! Dahil sa tuwing umaalis ka na halos hindi ka na bumalik, kabit mo ang kasama mo! Sa bawat araw na kinakailangan pa ng anak mo na magmakaawa para lang makasama ka namin 'yon ang mga araw na nagsasaya ka kasama siya! Alam ko na may tinutuluyan ka sa England! Alam ko ang lahat, France! Napaka hayop mo. Napaka hayop n'yo! Paano mo sa 'kin 'to nagawa? Paano?! Sinungaling ka! Mga demonyo kayo!" umiiyak na sumbat nito sa kanyang asawa habang sinusuntok sa dibdib nito. "Please, Carmi. M-magpapaliwanag ako,” pagmamakaawa nito habang inaawat ang asawa. "Aalis ka, 'di ba? Iiwan mo 'ko? Sige, France. Umalis ka! Pero hindi mo dadalhin si Hope. Sa akin siya! Akin ang anak ko!" nanginginig na ito sa galit. "Carmi, please! Hayaan mo akong magpaliwanag. Maniwala ka sa 'kin wala akong ibang choice. Iyon ang totoo. Please! Makinig ka muna sa akin. Pag-usapan natin 'to–" "Sino si Luce?" mabilis nitong tanong. "Carmi . . ." halos bulong nitong sambit. "Sino si Luce?!” sandali itong huminto sa kanyang pagsasalita, “Siya ba . . ." dugtong niya habang nakapikit at lumuluha. "Siya ba ang–" hindi na natapos ni Carmi ang gustong sambitin sa asawa, sapagkat ramdam na ni France ang gusto nitong sabihin. "I'm sorry–" natigilan ito nang sampalin siya ni Carmi ng malakas. "M-mommy . . . D-daddy . . ." umiiyak na salita ni Irieth habang papalapit sa kanyang mga magulang. Gulat na gulat nang mag-angat nang tingin ang mag-asawa sa kanilang anak. Hindi nila alintana ang biglaang pagsulpot ng bata kaya agad itong tinakbo ni Carmi, saka siya mabilis na umupo sa harapan ng anak upang mapantayan ito. "Baby, listen to me. Mahal na mahal ka ng Mommy, okay?" salita nito habang si Irieth ay napapahikbi na rin dahil sa pag-iyak nito. "Kahit anong mangyari, nandito ka lang sa puso ko at hindi mawawala. Tandaan mo 'yon, ha? Ikaw lang ang mahal ko, ikaw lang!" kasabay ng pagyakap sa bata ang kanyang pag-iyak at pagkanginig habang sinasambit ito sa anak. "Mommy, bakit ka po umiiyak? Hindi na po ba tayo love ni Daddy?" walang muwang nitong tanong sa ina. Kaysa sagutin ang bata ay dali-dali itong pumunta sa kuwarto niya, kinuha ang kanyang cellphone saka ito nag-dial. Tinawagan nito ang kapatid ni France na si Angeline. Kapatid na rin ang turing niya rito, bukod doon ay ito lang din ang nakaaalam ng lahat ng pinagdadaanan nilang mag-asawa. Ito ang kanyang naging sandalan buhat nang mapansin ang pagbabago ni France. Matapos ang kanilang pag-uusap ay kinuha ni Carmi ang bag at susi ng sasakyan niya. Sandali siyang natigilan nang biglang sumulpot si France upang awatin siya sa pag-alis. "Carmi, nakikiusap ako pag-usapan natin 'to." Hindi siya nito pinansin. At tila para siyang may salikmata na nagsalita sa hangin. Lalo pa nitong ikinagulat nang lagpasan siya ng asawa at nagmadali ito sa paglabas ng kuwarto. Malakas na iyak ni Irieth ang nagpagising sa kanya dahil sa kagustuhan nitong sumama kay Carmi. Masakit kay France na makita ang anak na nasasaktan ng gano'n, kaya kinuha nito ang susi ng sasakyan niya upang sundan ang asawa kasama si Irieth. Habang nagmamaneho ay napansin ni Carmi ang sasakyan ng asawa na sumusunod sa kanya pero, hindi nito alintana ang kasalubong na isang truck. Iiwas sana ito ngunit, wala na siyang nagawa pa nang tuluyan ng bumangga ro’n ang sasakyan na minamaneho niya. Umiiyak at humihikbing lumabas ng sasakyan si Irieth. Maging si France ay hindi makapaniwala sa sobrang bilis ng pangyayari at sa sinapit ng asawa nito. "Mommy! Mommy ko! Mommy ko!" Labis ang takot at pasakit ang nararamdaman ni France habang hinihila niya si Irieth dahil sa pagpupursige nitong makalapit sa Ina. Nakatulala lang ito habang pinakikinggan ang pag-iyak at pag-sigaw ng kanyang anak dahil sa nasaksihan nitong aksidente. Hindi niya matanggap na sa isang iglap ay darating sila sa gano’ng sitwasyon at sa mismong kaarawan pa ng nag-iisa nitong anak. Alam ni Irieth kahit sa murang edad, na wala ng buhay ang kanyang mahal na Ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD