CHAPTER 6 - Bagong kaibigan

1014 Words
KASABAY ng malutong na halakhak ng lalaki sa nitso ay ang pagdagundong ng kulog. Animo may nagbo-bowling na mga anghel sa langit. Nahinto sa paglinga si Ada at tiningala ang madilim na ulap. "Nakupo! Uulan pa yata!", pagkatapos ay nagmamadali niyang nilakad ang pabalik sa kanyang barung-barong. Pagdating na pagdating ay agad niyang hinubad ang kwintas na tali. Susi ng museleong nililinisan ang nakalagay na palawit nito at upang hindi mawaglit ay inilagay niya sa leeg na tila kwintas. Binuksan niya ang rehas na gate at may pagmamadaling isinalansan sa loob at pinakasulok nito ang mga karton at ang isang sakong may lamang papel. "Makikilagak po muna ako dito Mam Ramona, Sir Marco. Baka po kasi lumakas ang ulan at maanggihan ang mga ito. Kapag po nabasa na ang mga kalakal ko ay mura na lamang bibilhin ni Mang Gule. Pasensya na po kayo, ha.", hinging paumanhin niya sa dalawang nitsong naroroon sa loob. Matapos ang ginagawa ay lumabas na siya at muling inilagay ang padlock sa tarangka ng pintuang bakal. Napangiti siya nang mag umpisang pumatak ang malalaking butil ng ulan at nagkukumahog na pumasok sa loob ng barung-barong. Nagtuloy siya sa maliit niyang palikurang ang dingding ay maninipis na tabla at mga sako. Masiglang kinuha ang timba. Mapupuno niya ngayon ng tubig ang dalawang katamtamang laki ng dram na hindi masyadong mapapagod. Makakatipid pa siya dahil hindi na kailangang magbayad. Dinampot rin niya ang maliit na batya. Lalabhan na niya ang ilang maruming pinagbihisan habang nag-iigib at naliligo. Lumuwang ang pagkakangiti niya nang bumuhos na nga ang ulan. Dahil sanay na siya na sa twing uulan ay nagtutuluan ang pinagtagpi tagping lumang linso at linolyum na bubong ay maliksi niyang kinuha ang mga panahod na lata at itinapat sa alam niyang magkakatulo at pagkatapos ay humanda na upang gawin ang mga naisip. Pagkatapos makapaglaba at makapag igib ay naligo na siya sa ulan. Parang batang nagtatakbo ng nakatapak sa basang lupa. Nang makaramdam ng ginaw ay tinapos na niya ang paliligo. Kinuha ang sabong bareta at ikinaskas na sa suot na damit na tila nilalabhan. Ang bula ay ipinahid na rin sa buong katawan. Ganun din sa buhok. Pagkatapos ay tumapat sa alulod ng isa sa museleong pinag igiban din kanina. Sandali pa siyang luminga sa paligid at nang walang makitang naroroon maliban sa kanya ay ipinasok ang hawak na sabon sa suot na damit at ikinaskas naman sa mga kaselanang nais malinisan. Natawa siya sa sarili. "Sino ba naman sa akala mo ang magtitiyagang silipan ka habang naliligo? Yang itsura mong yan?! Kahit bumayad ka ay walang papayag na tignan ang nakakasura mong katawan! Maging ang mga patay na ay nagsipagtaguan sa kani-kanilang nitso huwag ka lamang makita!", uyam niya sa sarili at pagkatapos ay tumawa ng ubod lakas. Patapos na siya sa paliligo nang humina ang ulan. Inayos niya muna ang mga latang isinahod sa mga tulo at saka nagbihis. Presko at magaan na ang pakiramdam niya nang mag umpisang kumain. Nagtimpla siya ng kape upang maging pinakasabaw sa kanin na kaninang tanghali pa niya isinaing. At ang malamig na tinapa naman ang kanyang ulam. Naglagay siya ng ilang butil ng kanin sa isang pinggan at ilang kurot ng tinapa. Nilagyan niya ito ng ilang kutsarang kape. "Halika na kumain, Bituin.", aya niya sa kaibigan habang inuumpisahan na isubo ang kanin na nilunod sa matabang na timpla ng kape. Lumalim pa ang gabi. Tanging ang tunog ng mga kuliglig at palakang nagpapaligsahan sa pagkokak ang maririnig sa buong paligid ng sementeryo. Hindi pa tulog si Ada. Okupado ang isip ng lalaking nakita kanina. "Hindi naman siguro aswang ang lalaking iyon. Siguro ay napadaan lang at kaya nahiga roon ay may iniisip na mabigat na problema. Siguro may suot siyang ano sa mata. Yung ano.., yung.., sinusuot ng mga artista para hindi natatakpan ang mukha. Yung gaya kay Kris Aquino.., yung.., ah basta yun! Ang alam ko may iba-ibang kulay talaga iyon. Siguro dilaw ang pinili niya. Hay, naku! Kung pula siguro ang nakita kong kulay ng mata niya.., tiyak! Kumaripas ako ng takbo!", natatawa niyang sabi. Matapos umusal ng maikling panalangin ay ipinikit na niya ang mga mata. Kinabukasan .... Maaga pa lang ay nakahanda na si Ada papunta sa junkshop. Inilagay niya sa maliit na kariton ang mga ibebenta. Tulak-tulak na niya ito nang lumabas mula sa loob ng sementeryo. Malayu-layo rin bago niya marating ang Gule's junk shop. Nasa boundary iyon ng dalawang baranggay. Katapat iyon ng isa pang sementeryo. Hindi naman problema sa kanya ang pagtutulak ng kariton. Nagtitinginan man ang ilang nagdadaan at nadaraanan niya ay hindi na niya pinapansin. Nakasuot siya ng salaming may kulay kung kaya hindi kita ang nakakatakot niyang mata. May suot din siyang sumbrero kaya naitatago din niya ang kanyang anit. Ang pagka kuba lamang niya ang hindi niya talaga magawang itago. Palinga-linga siya sa daan. Nagbabakasakaling may mapulot sa madaanan na pwedeng maibenta. Nagulat siya nang may isang lalaking biglang sumadsad sa harapan ng kanyang kariton! Pinaglalaruan ito ng ilang mga bata. Tinitira ng s**o na nakalagay sa loob ng bibig at inii-ihip sa straw ng softdrink. "Ah.., eaa..., aaa..., eeaa.", sabi ng lalaki sa kanya habang iminumwestra ang ginagawa ng mga bata. Agad niyang naintindihan ang ibig nitong sabihin. Nagsusumbong ito sa kanya. "Pipi siya at siguro ay may diprensya rin ang pag-iisip niya.", sabi niya sa sarili. "Ah.., eaa.., aaa..., eeaaa.", muling sabi nito sabay tago sa likuran niya. Nagtatawanan ang mga batang ayaw tumigil sa pang aasar na ginagawa kung kaya naisip niyang tanggalin ang suot na salamin at tignan ng masama ang mga bata. Nahinto ang mga ito sa pagtawa. Nagkatinginan at nagmamadaling nagtakbuhan palayo. Tuwang-tuwang pumalakpak ang pipi. Hinawakan pa ang kamay niya at itinaas sa ere na animo nanalo siya sa boksing. Natawa rin siya at sinenyasan itong ibaba na ang kanyang kamay. Agad naman itong sumunod. Nang akmang itutulak na niya ang kariton ay humawak din ito at nakitulak din. Sinaway niya ang lalaki, ngunit nagpapaawa ang mga mata nito na parang nakikiusap. Tumango siya kung kaya tuwang-tuwa itong sumabay na sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD