PINAKIKIRAMDAMAN ni Ada ang lalaking katabi sa pagtulak ng kariton. Masiglang masigla ito.
"Anong pangalan mo?", tanong niya. Hindi siya sinagot ng lalaki.
"Anong pangalan mo, tagarito ka ka ba?", ulit niya.
Ngunit wala pa rin siyang narinig na sagot mula sa kinakausap. Pinigilan niya ang pagtulak nito sa kariton. Lumingon ang lalaki sa gawi niya, nakangiti pa rin.
"Ano ang pangalan mo?'., tanong niya uli. Nakita niyang tumingin ito sa kanyang bibig habang nakaawang ang bibig.
"Aa..., eaa..., aeea.", sabi ng lalaki habang itinituro ang tenga at panay ang iling.
"Kung ganun, hindi lang pala siya pipi, bingi rin siya.", sabi niya sa sarili.
"Saan ka nakatira?", tanong niya habang pinagsisikapang maipaintindi dito ang itinatanong. Itinuro pa niya ang isang bahay.
"Aa...,eaa...,aeea.", sabi nito habang panay ang iling. May isinenyas pa ito na agad niyang naintindihan.
"Patay na ang lola mo? Pareho pala tayo. Ikaw na lang mag isa.", pagta translate niya sa mga senyas ng kausap. Pumatak pa ang luha ng lalaki habang nagpapaliwanag sa kanya sa pamamagitan ng pagsenyas. Nakadama siya ng awa sa kaharap. Ang akala niya ay siya na ang pinaka kawawang taong nabubuhay sa kanilang lugar, meron pa palang mas higit na kaawa awa kaysa sa kanya. Pangit ang kanyang itsura subalit malinaw ang kanyang isip. Nakakaya niyang maghanapbuhay upang mapakain at pangalagaan ang sarili. Samantalang ang lalaking kasama niya ay kapos sa kakayanan.
"Aa..., eaa..., aeea.", muling sabi nito habang sumesenyas kung pwede siyang isama na lamang. Nagluluha pa rin ang mga mata nito.
Saglit siyang nag-isip. Nagagawa niyang makaraos sa araw-araw ngunit sarili lang niya ang iniintindi. Paano kung kukupkop siya ng iba? Makakaya kaya niya?
''Pero bakit naman nakaya ng Impong Delang na kupkupin ako noon? Siya nga matanda pa samantalang ako ay bata pa at malakas. At saka siguro ay mas maganda nga kung may iba pa akong kasama. Hindi yung puro si Bituin lang ang kausap ko at ang mga yumaong nakahiga sa loob ng mga nitsong nasa sementeryo. Isa pa, kawawa naman siya kung iiwanan kong mag isa. Paglalaruan lang siya ng mga bata. Tapos walang makakain, baka mang umit siya kapag nagutom tapos saktan ng mga tao. At saka baka kung saan lang siya matulog. Baka masagasaan o kung ano pa ang mangyari sa kanya. Kunsensya ko pa. Giray-giray man ang bahay ko kahit paano ay may masisilungan siya. Mukha naman siyang mabait. Isasama ko na lang siya sa bahay ko.'', desisyon niya.
Nang tumango siya ay nagtatalon sa tuwa ang lalaki habang panay ang pagsasalita na tanging ito lamang ang nakakaintindi.
"Aa.., eaa...., aae..", sabi nito kasabay ng mga paggalaw ng mga kamay. Ipinababatid nito sa kanya ang taos pusong pasasalamat. Nangangako din ito na magpapakabait at palaging susunod sa mga iuutos niya.
Napanganga si Ada nang bahagya nitong iyuko ang ulo at inilapit sa kanya. Hindi niya maintindihan ang ibig nitong ipakahulugan sa ginawa, kaya nanatili lamang siyang nakamata.
Nagulat siya nang biglang hawakan ng pipi ang isa niyang kamay. Babawiin sana niya mula sa kamay nito ang kanyang kamay nang sa wakas ay maintindihan na ang gusto nitong ipagawa sa kanya.
Napangiti siya nang ipatong ng pipi sa sarili nitong ulo ang kanyang palad at inihimas. Kaya naman natatawa siyang hinagod ang ulo nito.
Tuwang-tuwa ang pipi. Ganun ang ginagawa ng kanyang lola sa kanya sa twing nakakagawa siya ng maganda at nagpapakabait. Masaya ang pakiramdam niya sa pagpayag ng bagong kaibigan na ipagsama siya sa pupuntahan nito. Ayaw na niya sa kalsada magpalipas ng maghapon. Ayaw na niyang maghalungkat ng mga tirang pagkain sa basurahan. Madalas ay sumasakit ang kanyang tiyan kapag kinakain niya ang mga iyon. Ayaw na niyang matulog sa malamig na semento sa plaza. Masayang masaya ang pakiramdam niya. Mayroon na siyang kasama. Hindi na siya aasarin ng mga bata at maging ng ilang kasing laki na niya. Mayroon na siyang kaibigan at bagong lola na magtatanggol sa kanya.
"Tayo na, dalhin na natin ito kay Mang Gule.", nakangiting aya niya sa pipi habang sumesenyas.
Taas ang dibdib nito nang tumango at maingat na itinulak ang kanyang kariton. Napangiti siya. Nakaramdam ng gaan sa kalooban. Masigla na rin niyang sinabayan ang pagtutulak ng kasama.
Nagtatango si Ada nang bumitaw ang pipi sa pagkakahawak sa kariton at nagmamadaling pinulot sa gilid ng isang tindahan ang dalawang botelyang plastik ng isang pampalamig.
Aliw na aliw siya sa kasama na alerto sa paglinga sa paligid.
"Mabilis siyang makaintindi. Nakita lang niya sa kariton ang mga boteng plastik at nang makakita ng kagaya nun ay agad na niyang pinulot. Maaaring may kakulangan ang kanyang isip ngunit matalino siya. Tama lamang na magkasama kami. Isang pangit na kuba at isang lalaking bingi at pipi. Tanggap namin ang kapintasan ng bawat isa. Magagawa naming magkatulungan para maging lakas at tibay ng isa't isa.", nakangiti niyang bulong habang pinagmamasdan ang piping pinagtitiyagaan pulutin ang ilang lata sa ilalim ng nakaparadang dyip.
Nakarating sila sa junkshop at nabayaran ang mga kalakal na laman ng kaniyang kariton. Sandali lang silang namalagi roon at matapos kumuha ng perang panggastos ay maingat nang itinabi ang ilang perang pinagbilhan. Dumiretso silang dalawa ng pipi sa isang palengke at binilhan ito ng ilang pirasong damit sa ukay-ukay.
Parang batang nagtatalon sa tuwa ang lalaki. Pagkatapos ay magkatuwang na uli silang nagtulak ng kariton pauwi.
"Ako si Ada.", sabi niya sa kasama sabay ng pagtapat ng hintuturo sa mukha niya.
Dahil hindi naririnig..., dahan-dahan niyang binigkas ang pangalan sa harap nito. Sinundan naman ng pipi ang nakitang pagbuka ng bibig niya.
"A..., da. A.., da.", sabi nito sabay turo sa mukha niya.
Napapalakpak siya nang mabigkas nito ang kanyang pangalan. Tuwang-tuwa naman ang pipi sa nakitang ekspresyon sa kanyang mukha.
Agad itong tumungo at inilapit ang ulo sa kanya. Natatawang hinagod niya ang ulo nito.
"Ngayon ay ang pangalan mo naman ang ituturo ko sa iyo. Ahmmn, anong pangalan kaya ang madali mong masasabi.", bulong niya habang nag-iisip.
"A..da...a...da...a...da...", narinig niyang paulit-ulit na sabi ng piping kasama. Tila pinapraktis maigi ang pagbigkas sa pangalan niya. Nasisiyahang nangiti na lamang siya. Sa pangatlong pagkakataon, ay muli niyang narinig na may tumawag sa kanyang totoong pangalan. Una ang kanyang inay, pangalawa ang kanyang Impong Delang at ngayon.., ang pipi niyang kaibigan. Ada ang sinasabi nito at hindi kuba.