TILA pinanawan ng lakas na napaupo si Ada nang makalayo na ang mga pulis at ang sepulturero. Hindi siya makapaniwalang makakatanggap ng ganung balita na ni minsan sa paninirahan niya sa loob ng sementeryo ay hindi pa nangyari, ngayon lang! Tinapunan niya ng tingin ang kaibigang nakakubli sa gilid ng isa pang museleo habang sinisilip ang papalayong mga naging panauhin. Umiling siya! Isa, dalawa, paulit-ulit. Tila inaalis ang masamang hinalang pilit na umuukilkil sa kanyang utak. "Hindi! Hindi magagawa ni Apa ang ganung kasamang gawain! Hindi masama si Apa! Wala siyang kinalaman sa pagkamatay ng babaeng 'yon! Alam ko! Dito sa puso ko, dito sa nararamdaman ko, walang ginawang masama ang kaibigan ko. Wala!", pilit niyang sinasabi sa sarili, ngunit iba ang isinisigaw ng kanyang uta

