CHAPTER 1 - Kapitbahay

1214 Words
NAGTATAKBO ang dalawang batang lalaki sa gitna ng dilim. Ang matinding takot na nararamdaman ay nakaukit sa mga mukhang namumutla. Isang malaking puno ang natanaw nila. Halos liparin nila ang kinaroroonan niyon. Doo'y makapagkukubli sila at makapagpapahinga. Kapos na sa hangin ang kanilang mga baga at kung ipagpapatuloy pa ang pagtakbo ay 'di malayong ikamatay na. Nang marating iyon ay dali-dali silang nagtago. Halos isiksik ang mga sarili sa pagitan ng mga naglalakihang mga ugat ng puno. "K-Kuya..." Humihingal na tawag ng mas maliit. Nag-uunahan na naman ang luha nito sa pagpatak kasabay ang uhog na pinapahid ng nangangatog na kamay. Tagaktak ang pawis nito sa kabila ng malakas na ihip ng hangin; sa kabila ng malamig na simoy sa hatinggabi. "Shh... Huwag kang maingay. Baka marinig tayo." Saway ng mas malaki. "N-natatakot ako, baka makita tayo." "Ako din naman, kaya lang, kailangan nating maging matapang para makatakas tayo." Pagpapalakas-loob ng nakatatanda gayong ang pinangangambahan ay 'di nalalayo sa nakababata. Natigilan sila nang marinig ang paglagutok ng mga tuyong sangang natatapakan, at takot na takot na nagkatinginan. Kusang kumilos ang kamay ng nakababata at ipinantakip sa sariling bibig. Lalo nilang pinaghusay ang pagtatago. Halos tupiin ang mga katawan upang pagkasyahin sa kinasisiksikan. Hayan na ang humahabol sa dalawa! Papalapit na sa pinagtataguan nila ang babaeng may nakakatakot na anyo. Sabug-sabog ang mahaba nitong buhok. Ang mga matang nakausli ay kulay pula at ang mga pangil ay matutulis. Ang mga kuko nito ay parang matatalim na karit na kayang pumilas ng laman! Huminto ito at nagpalinga-linga. Sinisinghot ang simoy ng hangin. Hindi pa nagtatagal ay pumirmi ang mukha nito sa iisang gawi. Tila doon ibinubuhos ang buong konsentrasyon. Mayamaya pa'y gumihit sa maiitim nitong mga labi ang isang tusong ngiti. Natukoy na ang kinaroroonan ng dalawang batang makapapatid sa gutom na nararamdaman. Nakapangingilabot ang mga mata nitong nanlilisik. Nakangisi nitong pinahid ang bibig. Naglalaway ito sa nalalanghap na hangin. Napakabango ng sariwang dugo at atay! Dahan dahan itong naglakad palapit. Habang ang dalawang bata naman ay magkayap na nakaupo at nagdarasal para sa kanilang kaligtasan. Hayan na... Malapit na... Konting-konti na lang., HAYAN NA! ''AAAAAH!'' Malakas na sigawan ng mga batang nanonood ng tape na nakasalang sa DVD player. "Mamaaaaaa!" Nahaluan ng iyakan at malakas na tilian ang pagsigaw na iyon, hiyaw ng nagpapasaklolo. Kaya naman napasugod nang takbo palapit ang babaeng tinawag. Mga batang takot na takot at nakasiksik sa sulok ng bahay ang dinatnan ng inang nagtataka. ''Bakit, anong nangyari sa inyo?'' Gulat na gulat at nag-alala nitong tanong pagkakita sa anak at mga kaibigan nitong kasamang nanonood. Halos magtulakan pa ang mga ito maitago lamang ang mga sarili. Walang makapagsalita at ang mga mukha ay pilit tinatakpan. "Ano'ng ginagawa n'yo diyan? Bakit nagsisiksikan kayo? Ano ba ang nangyari sa inyo, ha?" Tila iisang itinuro ng mga bata ang bintana. Sumunod ang tingin ng ginang sa gawing iyon. Napahumindig ito sa nakita. Gumapang ang kilabot sa buo nitong katawan. Ngunit saglit lang at nakabawi na ito sa gulat na nadama. "Punyeta ka, kubaaaa!'' Tumitili ang gigil na gigil na babae. Dinampot nito ang walis tingting na nakasandal sa may pintuan, at humahangos na sinugod ang nakasilip sa bintana ng bahay niya. Walang pangingimi nitong hinambalos ang naging dahilan nang pag-iyak ng anak. Walang nagawa si Ada kung 'di salagin ng braso ang paghataw na ginagawa ng babae. Hindi na niya nagawang magpaliwanag pa. Inuna niyang umilag upang protektahan ang sarili at nang 'di masyadong masaktan. ''Ano'ng ginagawa mo diyan sa bintana ko? Papatayin mo ba sa takot ang mga anak ko, ha?" Nanlilisik ang mga matang tanong ng ginang. Marahil ay napagod na ito kaya inihinto na ang paghampas ng walis sa dalagang sa wakas ay nagkaroon na ng pagkakataong magsalita. "P-pasensya na po, nakikinood lang po ako. Wala po akong masamang intensyon. Nakitingin lang po ako." Sunud-sunod na paliwanag ni Ada habang hinihimas ang mga brasong nasaktan. "Walang masamang intensiyon? Eh, iyang itsura mo pa lang na 'yan ay sapat na para maging masamang intensyon! Paano kung lagnatin ang anak ko at ang mga kaibigan niya dahil natakot sa pagmumukha mo, may magagawa ka ba, ha? Kung bakit naman kasi nakakalat ka pa sa ganitong oras? Hindi ka na dapat naglisaw-lisaw sa gabi. Ang dapat sa pagmumukhang 'yan e pumipirmi na lang sa lungga para walang napeperwisyo. Dapat kasi, doon ka lang sa loob ng sementeryo magpagala-gala dahil doon ka nababagay. Umalis ka dito. Supi. Layaaaas!" Pantataboy nito at saka nagmamadali uling pumasok sa loob upang kumuha ng pitsel na may laman. Padaskil nitong ibinuhos ang malamig na juice sa mukha ng pinagtatabuyang dalaga. "Lumayo ka dito at huwag na huwag ka nang babalik! Layaaaaaas!" "Pasensya na po. Pasensiya na po," paulit-ulit na sabi ng dalaga habang yumuyuko nang paulit-ulit. Ngunit hindi nagawang pahupain ng matapat na paghingi ng paumangin ang galit ng ginang na nagwawala. Wala itong tigil sa pagmumura at walang preno sa mapang-uyam at masasakit na salitang binibitiwan. Ilan sa mga kapitbahay nito ang naglabasan at nakiusyoso sa nangyayaring pag-eeskandalo ng ale. Ang ibang nakakita sa nagaganap ay nakadama ng awa para sa dalaga ngunit ang karamihan ay tinatawanan lamang ang eksenang napapanood. Tila mga diring-diri sa kubang pinupunasan ang hilam na mata. Kahit sanay na sa ganung uri ng panlalait ay naluluha pa rin ang papalayong si Ada. Bitbit niya ang mga napulot na kung anu-ano mula sa hinalungkat na mga basura sa gilid ng kalsada na maaaring maibenta sa may-ari ng junkshop na kakilala. Tinahak niya ang madilim na daan patungo sa sementeryo kung saan naroroon ang kanyang maliit at tagpi-tagping bahay. Nasa gawing likuran iyon ng binabantayan at nililinisang museleo. Ang giray na bahay na naiwan sa kanya ng yumaong si Impong Delang. Hindi niya kaano-ano ang matanda. Isinama siya nito at pinatira sa bahay nang matagpuan siya sa tabi ng isang nitso na nakabaluktot at nginingikig sa taas ng lagnat. Inalagaan siya nito hanggang sa umigi ang pakiramdam at inalok na dumoon na lamang sa poder nito tumira. Agad naman siyang pumayag. Masaya siya sa pagkakaroon ng pamilya sa katauhan ng matandang tumanggap sa kanya sa kabila ng 'di kaaya-ayang anyo. Ngunit hindi nagtagal ang kaligayahang iyon dahil ilang taon pa lang ang lumilipas ay dinapuan ito ng malubhang sakit. Matiyaga niya itong inalagaan. Maghapong sinasamahan upang 'di mainip. Nagkukuwentuhan sila habang siya'y nagluluto, naglalaba o naglilinis. Sa pagsapit naman ng gabi ay namumulot siya ng maaaring maibenta sa tambakan ng basura upang maipambili ng pangangailan sa araw-araw. Sapagkat walang kakayahang makabili ng sapat na gamot na nireseta ng doktor sa Barangay Health Center, lalong lumala ang kalagayan nito hanggang sa binawian ng buhay. Matindi ang pananangis na pinagdaanan niya sa pagpanaw ng nag-iisang taong nagparamdam sa kanya ng pagmamalasakit at pagmamahal. Nang mamatay ang kanyang Impo ay agad itong inilibing. Parang walang anuman sa iba ang pagkawala ng Impong Delang niya. Maliban sa may-ari ng museleo at sepultorerong naglimos ng tulong ay wala ng iba pang nakiramay sa kanila. Tila hindi pansin ng tagaroon na may kapitbahay pala silang yumao na. Nang makarating sa loob ng maliit niyang kaharian ay malungkot siyang humarap sa tapat ng salaming may lamat. Pinagmasdan niya ang kanyang anyo. Isang mapait na ngiti ang nanulay sa kanyang mga labi, kasunod ang pagdaloy ng mapait na alaala ng kanyang kahapon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD