CHAPTER 2 - Mapait na kahapon

900 Words
"TAMA na po, itay. Masakit po. Tama na po!" pagmamakaawa ni Ada. Walang habas ang paghampas ng sinturon sa kanya ng lasing na lasing na ama. Wala itong pakialam kung saan man siya tamaan. Sa likod, sa hita, sa mukha at kung saang parte man nito gustong patamain ang hawak. "Enad!" malakas na sigaw ni Aleng. Sandaling huminto ang lalaki sa ginagawa at nilingon ang asawang bagong dating. "Bakit ngayon ka lang? Saang lupalop ka na naman nanggaling?" Madiin at puno ng pag-aalinlangang tanong ni Enad. Nakadama ng higit na takot si Ada. Hindi para sa sarili kundi para sa ina. "Naglaba ako kila Madam. Hindi ba at nagpaalam na ako sa iyo kahapon pa?" balik tanong ni Aleng. Humakbang na ito palapit sa anak na nakabaluktot sa pagkakaupo sa lapag. Ngunit nakakailang hakbang pa lang ay hinaklit na ito ni Enad at inundayan ng malakas na sampal! "Inay!", hangos sa pagtayo si Ada matapos ang malakas na pagtawag sa ina. "Huwag mo akong gagaguhin, Aleng! Alam kong may itinatago kang lalake! Oras na malaman ko kung sino ang hayup na umipot sa bumbunan ko ay sama sama ko kayong papatayin ng kabit mo at ng kuba nyong anak!", namumula sa galit na sigaw ni Enad. "Wala akong lalake! Ilang beses ko bang sasabihin sayong ikaw ang ama ni Ada! Bakit ayaw mong maniwala?!", sigaw din ni Aleng. Pagod siya sa maghapong paglalabada at pag uwi ay lasing at nanakit pang asawa ang dadatnan kung kaya nawalan na rin ng kontrol ang bunganga. "Ah, ganun! Sumasagot ka na.., bakit, may pinagmamalaki ka na, ha?!", pagkasabi ay sinunggaban ni Enad ang buhok ng asawa at hinila paangat. "Tama na po, itay! Maawa po kayo sa inay!", pagmamakaawa ni Ada. "Putang ina ka! Hindi kita anak! Wala akong anak na kuba!", pagkasabi ay marahas na tinabig si Ada ng amang tuluyan nang nawala sa kahinahunan. Blag! Bumagsak sa lapag si Ada! Sa nakitang pagtabig ng asawa sa kanyang anak ay umahon ang lahat ng tinitimping galit sa dibdib ni Aleng. Lumaban ito! "Walanghiya ka! Impakto! Hayup!", sigaw ni Aleng habang panay ang suntok, tadyak at pagkalmot sa mukha ng asawang minahal at buong pusong pinaglingkuran. Nasaktan si Enad nang tumama ang kuko ng asawa sa sulok ng mata. "Putang ina kaaaa!" Isang suntok ang pinadapo nito sa sikmura ni Aleng. "Agh!", daing ng ginang. Napayuko ito at halos hindi makahinga habang sapo ang sikmurang nasaktan. "O ano, matapang ka di ba?! Lumalaban ka na, sige! Ipakita mo ngayon sa akin ang tapang mo! Tayooo!", paghahamon ni Enad sa asawang napaluhod at nakatukod ang isang kamay sa sahig habang ang isang kamay naman ay nakahawak pa rin sa tiyan. Maya maya pa ay inihit ito ng ubo at nagsuka ng nagsuka. Sa isang sulok ay nangangatog sa takot si Ada habang nasasaksihan ang kalupitan ng amang hindi siya tinatanggap bilang sariling dugo at laman. Hilam na hilam sa luha ang mga mata ng paslit na sa murang edad ay nakakaranas na ng pagmamaltrato sa taong siya sanang magtatanggol at mag aalaga sa kanya. Halos hindi na rin ito makahinga sa pag iyak na ang tunog ay pinipilit na pigilin upang hindi lalong magalit ang ama. Nagpapalipat lipat ito ng tingin sa lalaking dapat sana ay matibay na pader na sasandalan nila at sa inang nais man siyang protektahan ay hindi naman sapat ang lakas at kakayanan. "Wala ka pala, putang ina ka. Kung makaporma ka ay parang kayang kaya mo na akong labanan.", nakangising sabi ni Enad na parang nakakaloko. "Hoy, kuba! Tulungan mong maglinis ng sinukahan itong magaling mong ina! Lalabas lang ako at pagbalik ko ang gusto ko ay wala na ang mabahong amoy sa loob ng bahay ko! Naiintindihan mo ba, ha?!", singhal na baling ni Enad sa nangangatog na anak. "Opo..., opo.", sagot ng nahihintakutang si Ada na sinasabayan ng pagtango. "Ako ang lasing tapos ang putang inang nanay mo ang sumusuka. Bwiset!", sabi pa rin ng lalaki habang bumababa ng hagdanan. Padarag pa nitong binalibag ang pintuang yari sa manipis na lawanit at pakong nakabaluktot lang ang pinaka pangsara. Nang makababa na ang ama ay nagmamadaling nilapitan ni Ada ang ina. "Inay.., ikukuha po kita ng inumin.", sabi nito sa inang tumango naman. Nagmamadaling nagsalin ng tubig sa baso si Ada at hangos na binalikan ang ina at inalalayang makainom. Nang maubos ang laman ng baso ay bahagyang lumuwag ang dibdib ni Aleng. Lumuluha nitong pinagmasdan ang anak na may namumulang latay pa ng sinturon sa mukha, sa mga braso at balikat. "Inay..., kamusta na po ang pakiramdam mo? Gusto mo po bang ipagtimpla kita ng kape para mainitan ang sikmura mo?", nag aalalang tanong ni Ada. Mahigpit na niyakap ni Aleng ang anak. Kahit may iniindang kirot sa sarili ay siya pa rin ang inaalala nito. "Pasensya ka na sa mga magulang mo anak. Hindi ka na namin mabigyan ng magandang buhay ay dumadanas ka pa ng kalupitan. Patawarin mo sana ang nanay, ha.", sabi ni Aleng sa pagitan ng pag iyak. Kumalas si Ada mula sa mga bisig ng ina at tinitigan ang mukha nito. Umangat ang kamay ng paslit at pinahid ang luha sa mukha ng babaeng tanging nagmamahal sa kanya at saka tumango at ngumiti. "Huwag ka na po uling lalaban sa tatay para hindi ka na niya susuntukin ha, nanay?", sabi ni Ada at pagkatapos ay dinukwang ang ina at niyakap ng mahigpit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD