CHAPTER 3 - May Diyos ba, inay?

1037 Words
NAKATULOG na sa labis na kalasingan si Enad. Ang malakas na paghagok nito ang tangi na lamang ingay na maririnig sa loob ng kanilang maliit at tagni-tagning barung-barong. Nakadikit ito sa likod ng mataas na gusali ng paaralang Elementarya na malapit sa kanal. Ang maliit na bahagi ng malapad nitong pader ang dinugtungan nila at ginawang tibay para sa kanilang bahay. Nakasalampak si Aleng sa sahig at nakasandal sa dingding na pinagsapin-sapin lamang ng pira-pirasong tabla at lawanit. Sa kandungan nito ay nakaunan si Ada na ang ulo ay banayad na hinahagod ng inang nakatanaw sa kawalan. "Inay, talaga po bang anak mo ako?", naguguluhang tanong ni Ada. Napaunat sa pagkakaupo si Aleng at agad na sumagot. "Oo, naman anak! Maryosep, huwag na huwag mong pag-aalinlanganan ang tungkol sa bagay na yan. Anak kita, anak ka namin ng iyong itay. Palagi mong tatandaan yan, ha.", mabilis na paliwanag at pagbibigay asyurans ni Aleng sa anak. "Pero, hindi ka naman po kuba. Nakaunat ang likod mo at saka ang sa itay. Bakit po ako..., ganito?", nagluluhang tanong ni Ada. Hindi alam ni Aleng kung paano sasagutin ang tanong ng anak. Natilihan ito at hindi nakapagsalita. "Inay.., talaga po bang may Diyos?", isa pa uli nitong tanong hindi pa man nagagawang sagutin ng ina ang nauna. "Aba'y oo, anak! May DIYOS na makapangyarihan sa lahat. SIYA ang may gawa ng langit at lupa. SIYA ang lumikha sa ating lahat.", sunud-sunod na sabi ni Aleng. Umahon mula sa pagkakahiga si Ada at umayos ng upo paharap sa ina. Agad namang ibinaluktot ni Aleng ang mga tuhod at binigyan ng puwang ang anak na seryosong seryoso sa gustong malaman. "Mahal NIYA po ba lahat ng tao?", tanong uli ni Ada. "Oo, naman anak! Anak NIYA tayong lahat. SIYA ang nagbigay sa atin ng buhay. Ako at ang iyong itay ay ginamit lamang na instrumento upang mailuwal ka dito sa mundo, na SIYA rin ang may gawa.", matiyagang pagpapaliwanag ni Aleng. Napaawang ang bibig ng ina nang makitang napakunot ang noo ng anak at tila pinag iisipang mabuti ang mga sinabi niyang kasagutan. Ilang sandali pa ay nag umpisa nang magsalita si Ada. Larawan ng pagkalito ang inosente nitong mukha. "Inay, ang itay anak din ako pero hindi naman ako mahal. Kaya pwede rin na hindi ako mahal ng DIYOS. Kung totoong may kapangyarihan SIYA, bakit hindi NIYA madgikin ang likod ko para mawala ang mabigat na laman na nakadikit, para hindi ako nahihirapan? Kung mahal NIYA ako, bakit iba ang itsura ko sa ibang mga bata? Bakit NIYA ako binabayaan na tinutukso at inaaway ng mga anak ng kapitbahay natin kahit nagbabait naman ako? Bakit po hindi Ada ang tawag sa akin ng mga tao, kagaya ng itay? Kung mahal po ako ng DIYOS bakit po pinapahirapan NIYA ako? May kasalanan din po ba ako sa KANYA kaya po pinaparusahan NIYA ako? Bakit po ginawa NIYA akong pangit?", tumutulo ang luhang tanong ni Ada sa inang walang maapuhap na isagot. Tumutulo na rin ang luha nito sa nararamdamang habag sa pagdaramdam ng anak. "Anak...", tila may bikig sa lalamunang tawag niya sa paslit na umiyak ngunit walang nililikhang tunog. Malalim na ang gabi. Ang pagkokak ng mga palaka sa may damuhan ay nakikipapaligsahan sa malakas na paghihilik ng kanyang ama. Ang kanyang ina naman ay nakatulog na rin. Iginupo na ng magkahalong pagod at antok ang yayat na katawan. Ang magandang mukha ng kanyang inay ay humpak na at ang ilalim ng mga mata ay bahagya pang nangingitim. Bumangon siya mula sa pagkakahiga matapos maingat na alisin ang braso nito sa pagkakadantay sa kanya. Kinuha niya ang manikang basahan na napulot sa basurahan. Nilabhan niya iyon kanina kaya hindi agad nagawa ang ipinag-uutos ng ama kung kaya siya naparusahan. Hinawi niya ang kurtinang nagsisilbing tabing sa bintanang walang takip. Akap ang manikang tiningala niya ang langit pagkatapos ay inilipat naman ang paningin sa laruang yapos ng mga bisig. "Mula ngayon, ikaw na ang kaibigan ko. Huwag mo akong pagtatawanan at tutuksuhin, ha. Palagi tayong maglalaro. Ako ang bestfriend mo.., Ada ang pangalan ko at ikaw naman si Bituin. Nagustuhan mo ba ang pangalan mo? Talaga?! Maganda?!.", natatawang kausap niya sa manikang basahan. Pagkatapos ng ilang saglit ay nahiga na siya sa tabi ng ina habang akap pa rin ang bagong kaibigan. Kinabukasan ay mahinang sipa ng bagong gising na si Enad ang nagpabangon sa natutulog pang si Ada. "Hoy, kuba! Bumangon ka riyan at ipagtimpla mo ako ng kape!", singhal ng may hang over pang lalaki. "Opo, itay.", sagot ni Ada. Kinukusot pa nito ang matang nanghahapdi dahil sa pamumugto at puyat. "Dito ka muna, Bituin. Ipagtitimpla ko lang ng kape ang itay.", bulong niya sa manika at pagkatapos ay maayos na iniupo sa tabi ng dingding. Agad siyang nagsalin ng mainit na tubig sa tasa ngunit agad na kinabahan nang makitang ubos na ang kape sa lalagyan. Naalala niyang tinimpla niya kagabi para sa ina ang natitirang laman nun. Nilingon niya ang amang nakapanungaw sa bintana at panay ang paghitit buga sa hawak na sigarilyo. Napaigtad siya at agad na natakot nang lumingon ito sa kanya. "O ano pa ang itinatanga-tanga mo diyan?! Nasaan na ang kape ko?! Gusto mo na naman bang tamaan ha!", gigil na tanong ni Enad. "E-eh, wala na po tayong kape.", nangangatog sa takot na sabi ni Ada sa ama. "Putang ina! Walang kape?! Nasaan na naman ba ang ina mo?! Nasa lalake na niya, ke aga aga?!", galit na tanong ni Enad. Palapit na ito sa anak na unti-unting napapaurong sa takot. "Nandito ako! Bumili lang ako ng kape at pandesal.", pagkasabi ay nagmamadaling pumanik si Aleng at inihanda ang almusal ng asawang agad na ngumisi. Lalo na nang makita nito ang isang kahang sigarilyong katabi ng nakabalot na pandesal. "Bigyan mo muna ako ng pera, tatambay ako sa sugalan ni Batang para makadiskarte.", lamang ang utos sa tinig nito kaysa pakiusap. Agad na inabutan ni Aleng ng pera ang asawa. "Kung ganyan ka ng ganyan e di nagkakasundo tayo.", sabi ni Enad at nagmamadaling naglinis ng katawan. Matapos magpalit ng damit ay agad na itong pumanaog ng bahay at umalis. Saka lamang nakahinga ng maluwag si Ada nang makitang malayo na ang ama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD