MULING naiwanang mag isa si Ada sa kanilang bahay. May tanggap na labada ang ina kaya matapos maihanda ang pagkain para sa pananghalian nila ay umalis na rin ito. Tahimik na pinakinggan ni Ada ang pag awit ng mga mag aaral sa loob ng classroom na nasa gawing tuktok ng bubungan nila.
Gusto sana niyang mag aral ngunit nung pumasok siya noon sa Day Care ay naging tampulan lang siya ng tukso ng kapwa bata. Ang ilan ay natatakot pa sa kanyang itsura. Kung tutuusin ay hindi naman nakakatakot ang mukha niya, kaya lamang ay malaki ang pagkakuba niya. At imbis na pagpaliwanagan ng maayos ng mga magulang ang kanilang mga anak na hindi naman siya halimaw ay pinaiwasan pa ang mga ito sa kanya. Natatakot daw kasi ang mga anak nila. Walang may gustong makatabi siya sa upuan o kahit kausapin man lang. Kung kaya hindi na lang siya pumasok pa uli. Matiyaga naman siyang tinuruan ng ina at dahil sadyang nais niyang matutong sumulat at magbasa ay nagsikap siya. Kahit mag-isa lang ay nagsasanay siyang magsulat at bumaybay ng mga salita. Mas ganado siya ngayon dahil kasama niya ang kaibigang si Bituin. Kinakausap niya ito na parang totoong tao. Hindi na siya mag-isa na lamang. May kasama na siya. May kaibigan na.
"Putang ina! Hindi ka lang pala kuba! May sayad pa ang kukote mo! Pati ang basahan na yan ay kinakausap mo! Akin na nga yan!", paangil na sabi ni Enad sabay haltak sa manikang hawak ng anak. Dumating na ito galing sa labasan.
"Itay.., akina na po si Bituin.", pakiusap ni Ada sa amang bahagyang sumusuray. May hawak itong isang boteng gin na kakaunti na ang laman.
"Tarantado kang kuba ka ah, susunugin ko pa itong putang inang 'to sa harapan mo eh! Ano, gusto mo?!", nagtatalsikan ang laway na angil ni Enad sa anak na sunud-sunod ang ginawang pag-iling.
Napangisi si Enad sa nakitang takot sa mukha ng anak. Pinipigil nito ang pag iyak.
"Puntahan mo ang inay mo at humingi ka ng pambili ng gin. Mabibitin na kamo ako sa iniinom ko, dalian mo!", utos nito.
"P-pero hindi ko po alam kung saan ang bahay ng pinag....", salitang hindi na nagawa pang tapusin ng paslit nang tamaan ng manikang basahan sa mukha!
Bagsak sa sahig si Ada!
"Kapag inuutusan kita susunod ka agad ha, walang pero pero. Naiintindihan mo? Naiintindihan mo, ha?!", gigil na gigil na sigaw ni Enad habang ihinahampas ang hawak na manikang basahan sa mukha ni Adang pigil na pigil pa rin ang pag hagulgol.
Hindi pa nasiyahan ang lasing na ama. Matapos ibalibag ang hawak ay pumunta ito sa lutuan at kinuha ang latang lalagyan ng krudong gamit na. May nakababad na retaso sa loob nito. Ginagamit iyon ng ina upang ipamparikit sa kahoy kapag magluluto. Padaskil na isinaboy iyon ni Enad sa manikang mabilis na nasambot ni Ada. Niyapos ng paslit ang itinituring na kaibigan upang protektahan kung kaya sa katawan niya tumapon ang krudo at ilang retaso.
Lalong nagalit si Enad sa nakitang pagkubkob ng anak sa manika!
"Talagang sinusubukan mo akong kuba ka, ha?! Sige, sabay ko kayong susunugin ng manika mo!", pagkasabi ay kinuha nito ang lighter sa bulsa at diniinan. Lumabas ang apoy!
Natakot si Ada!
Bigla itong tumayo at tila isang toro na sinugod ang ama!
Dumikit ang apoy ng lighter sa damit na suot ni Ada at agad na nagliyab!
Mabilis na gumapang ang apoy sa mga patak ng krudong kumalat sa sahig dahil sa pagpipilit ni Adang palisin ang apoy sa katawan!
Natulala si Enad!
Hindi malaman ang gagawin lalo na nang kumalat na ang apoy at nagliyab na ang mga unan at kumot na magkakasamang nadilaan ng apoy.
Nagtatakbo palabas si Enad.
Iniwanan ang nag-uumpisang masunog na bahay at anak!
Nagsigawan ang mga magkakapitbahay nang makita ang makapal na usok mula sa umaapoy na bahay. Kanya-kanya ang mga ito sa pagkuha ng tubig na ipang aapula sa apoy na maaaring kumalat at tumupok sa kanilang mga kabahayan.
Halos liparin ni Aleng ang bahay nilang nasusunog daw.
"O, DIYOS ko! Ang anak ko! Ang anak ko!", umiyak niyang sabi habang natatanaw ang makapal na usok.
Nadatnan ni Aleng ang asawang nakatulala lang sa isang sulok, maputlang-maputla.
"Enad, nasaan si Ada?! Enad!", pasigaw na tanong ni Aleng sa asawang hindi makapagsalita. Umangat lamang ang kamay nito at itinuro ang nasusunog nilang bahay.
"DIYOS ko!", pagkasambit ay kumaripas na si Aleng ng takbo at sinuong ang loob ng bahay na kinaroroonan ng anak. Hindi alintana ang panganib magawa lamang iligtas ang anak na pinakamamahal.
Sa kabila ng makapal na usok ay nakita ni Aleng ang nakahandusay na anak. Nakadikit ang nagbabagang damit sa katawan nito at ang kabiyak ng mukha ay lapnos na lapnos. Sunog din ang buhok.
Kahit iniihit na ng ubo at hindi makahinga ay pinilit pa rin ni Aleng na mailabas ang anak. Nang makita ng mga kapitbahay ang mag ina ay agad nilang nilapitan upang tulungan. Ngunit gumuho na ang mga pamakuan ng yero at bumagsak mismo sa dalawa!
Nagtilian ang mga naroroon!
"Hilahin nyo! Hilahin nyo ang mag-ina!", sigawan ng marami na agad na sinunod ng mga kapitbahay na malapit sa mag nanay.
Nagawa nilang makuha si Ada ngunit...., hindi si Aleng. Naipit na ito at tuluyang nadaganan ng mga yero.
Magkakasunod na nagdatingan ang mga trak ng bumbero. Si Ada naman ay agad na isinugod sa pinaka malapit na hospital.
Nagpatuloy ang pag-agos ng luha mula sa mga mata ni Ada matapos balikan ang napakapait na alaala ng kahapon. Naghilom na ang nagnaknak niyang balat. Wala na ang kirot ng tila pinupunit niyang mga laman. Ang nakikita na lamang niya sa salamin ay kabilang bahagi ng anit na hindi na tinubuan ng buhok. Ang isang matang hindi na nakakakita at ang talukap ay hindi na maitabing sa mata kahit pumikit. Ang kabiyak ng pisnging uka at tengang kakapiraso na lamang dahil nagkadikit din. Ang gilid ng leeg, ang balikat at maging ang buong likod na nakakadiri. Parang isang matandang katawan ng puno ang itsura ng malalaking peklat sa kanyang katawan. Wala siyang pinagkaiba sa isang tuod.
"Ngayon, Ada. Magtataka ka pa ba kung bakit ka kinatatakutan ng mga bata? Hindi pa ba manhid ang pakiramdam mo sa mga panlalait nila sayo? Kuba ka na nga ay napaka pangit mo pa!", natatawa niyang sabi sa sarili habang patuloy ang pagpatak ng luha.
''Huwag kang magalit sa sarili mo. Wala kang kasalanan sa nangyari. Ang importante ay buhay ka. Nandito lang ako at hindi kita iiwan.''
"Tama ka, Bituin. Ikaw na lang ang kasama ko. Wala na ang inay. Wala na rin ang Impo. Dito sa loob ng Sementeryo ay ako ang pinaka maswerte at pinaka maganda!", nakangiti na niyang sabi sa kanyang imaginary friend, habang pinapahiran ang luha sa pisngi.