PATHETIC

3996 Words
 CHAPTER 5   Si Janine.  Siya ang dahilan kung bakit ganoon na lang kababa ang aking self-esteem. Araw-araw noong mga bata pa lang kami ay ipinapamukha niya sa akin ang kaibahan ko sa kanila. Siya rin ang nangsabing hindi raw bagay sa akin ang mag-dress. Para raw akong lalaki na nagdadamit babae. Mas mainam dawn a magdamit lalaki ako kasi iyon ang bagay sa akin. Hindi rin daw ako dapat naglalaro ng manika dahil nagmumukha raw akong si Anabel. Walang araw noon na hindi niya ako pinapahiya. Walang sandali na hindi niya ako napapansin. Nandiyang aksidente kuno niya akong natapunan ng lomi. Basta walang araw noon na hindi niya ako apihin. Dahil maganda siyang bata, paborito siya ng aming mga teachers at ako, dahil pangit kahit pa mas matalino naman ako sa kanya ay mas pinapaboran pa rin siya. Hindi ko nakuwento kay Jyles ang tungkol kay Janine kaya wala siyang alam sa nakaraan namin ng girl friend niya. At ngayon, bumabalik si Janine sa buhay ko para muling hiyain at alipinin ako. Binubully pa rin niya ako hanggang ngayon at nangako ako sa saking sarili na hindi ang kagaya ko ang aapihin lang ng kung sinu-sino. Oo, pangit man ako ngunit putang ina, matalino ako. Hindi ako makapapayag na uulitin niya ang ginagawa niya noong elementary pa lang kami. Dalaga na kami ngayon. Hindi ko man makuha ang puso ni Jyles ngunit hindi ako patatalo. Aagawin ko si Jyles sa kahit anong paraan, huwag lang muling magwawagi si Janine sa laban namin ngayon. Hindi ko alam kung nakatutulong ba ang pagtetext ni Jyles sa akin para sa sabihin kung ano na ang ginagawa nila ni Janine nang nakauwi na ako. Nasasaktan ako kahit pa napaka-thoughtful sanang isipin na may oras pa siyang sabihan ako ng mga bagay na dapat ay wala na sana akong pakialam. Nakakalungkot lang na Sabado at Linggo ay hindi na siya nagpunta sa amin. Kahit pa text dumadalang na rin. Natatakot akong maaring iyon na ang simula ng kinatatakutan kong pagbabago. Pero pinili ko pa ring magtiwala. Naniniwala akong hindi ako iiwan ni Jyles dahil lang sa may girl friend na siya. Lunes. Sinubukan ko siyang i-text nang napansin kong wala pa siya para daanan ako. “Jyles, dadaanan mo ba ako ngayong umaga?” tanong ko. “Oh girl. This is Janine. Stop texting my boyfriend. Bakit ka naman niya susunduin e, ako ang girl friend?” Napailing ako. Hindi na lang ako nagreply. Bakit kailangang si Janine ang hinayaan ni JYles na mag-reply sa akin? Kahit papaano ay nakaramdam din ako ng pagtatampo. “Ma, gagamitin ko ang motor ni Papa ha?” pagpapaalam ko kay Mama. “E, di ba nga matagal na niyang ibinibigay ‘yan sa’yo na service mo papasok sa school? Kaya lang mag-ingat ka ha? Masyado ka pa sanang bata para magmotor pero pasalamat tayo at wala tayo sa city kaya nakalulusot kayo.” “Sige Ma, mula ngayon, gagamitin ko na ba ‘to?” “Paano si Jyles, di ba araw-araw ka naman no’ng sinusundo?” “May girl friend na ‘yon Ma.” “Girlfriend?” “Opo.” Malungkot kong sagot. Sumakay ako sa motorsiklo. “Hindi na ba kayo?” lumapit siya sa akin. Tinignan niya ako sa aking mga mata. “Ano namang hindi na ba kayo, Ma? Hindi naman talaga magiging kami no’n. Alam naman ninyo na Best friend ko lang ho ‘yon.” “Sayang naman. Gusto ko pa naman sana siya para sa’yo.” “Luh si Mama. Para ka namang ano e. Ambata ko pa.” “Tama. Mag-aral ka nang mabuti para mas gumanda ka.” “Sige Ma. Tuloy na ho ako.” Habang mag-isa akong pumunta sa school nang araw na iyon ay nanibago ako. Akala ko kasi walang magbago kahit pa may girl friend na si Jyles. Inisip ko kasing kami pa rin ang madalas magkasama. Nag-expect akong dadaanan pa rin niya ako papasok sa school, sabay pa rin kaming magmiryenda sa canteen at ihahatid pa rin niya ako sa hapon. Ngunit expectation na lang pala ‘yon. Sa unang araw na naging sila ni Janine ay okey pa naman. Kinakaya ko lang ang pag-uutos ni Janine sa akin. Pinipilit ko pa ring makisama dahil nga ayaw kong mawala sa akin ng tuluyan si Jyles. Ang aga ko nga lang naging martir sa pag-ibig, ang bata kong nagsasakripisyo para sa ikaliligaya ng mahal ko na hindi naman ako ang mahal. Minsan nga nagsisilbing akong watcher nila kung nag-uusap sila sa likod ng malaking puno sa aming school. Ako rin ang tiga-abot at bigay sa sulat nila sa isa’t isa. Kahit pa halos ipagtabuyan ako ni Janine sa tuwing nakikita niya ang mukha ko habang ibinibigay ko ang wala namang kwenta nilang note sa isa’t isa. Pwede naman nilang i-message na lang ang mga gusto nilang sabihin. Ang sabi ni Jyles, mas sweet daw iyon. Mas may dating kaya hindi na ako kumontra pa. Tiniis ko ang kagaspangan ng ugali ni Janine. Nagpakamanhid ako. Lahat ay kaya ko para kay Jyles. Minsan nga, nahuli ko pa silang naghahalikan. Hurt na hurt ako no’n. As in sobrang sakit na makitang ang mahal mo ay may kahalikang iba. Kailan lang nang ako ang humalik sa labing iyon. Alam na alam ko ang sarap ng labi ni Jyles kahit nakaw lang iyon noon kaya naman ramdam na ramdam ko yung sakit nito na isiping iba na ang nakikinabang sa malalambot at mapupulang labi na iyon. Tiniis ko pa rin ang sakit. Nilunok ko lahat ang luha. Iniisip ko lagi na okey na rin lang. Alangan namang pagtiyagaan ni Jyles na halikan ang baku-bako kong mukha at ang lips kong hindi ko alam kung bakit araw-araw na lang nagbabalat kung nandiyan naman si Janine na mahal niya at malayong mas maganda naman talaga sa akin. Nakakainis lang talaga na kailangan kong masaktan e wala naman talaga akong karapatan. Ilang linggo pa ang nagdaan. Natutunan ko na lang tanggapin ang lahat. Basta masaya na akong gawin ang lahat na makapagpapaligaya kay Jyles. Maligaya na ako kung saan siya masaya dahil alam ko namang wala akong ibang puwedeng gampanan sa kaniya kundi ang isang pagiging mabuti at matalik na kabigan. Kung iyon ang papel ko sa buhay niya, mainam na gawin ko na lamang ng mahusay. Di bale napapansin din naman ang mga extra lang sa pelikula di ba? Kaya happy na rin lang akong parang alalay lang ng bida. Mahirap, naiiyak din ako sa gabi. Hindi naman kasi ibig sabihin na kung pangit ka ay wala ka ng pakiramdam. Hindi naman kasi ibig sabihin na kung makapal ang pimples mo sa mukha ay ganun na rin kasingkapal ng iyong damdamin. Kaya kahit gaano kasakit ay sinikap ko na lang na suportahan si Jyles sa lahat. Hindi dahil gusto kong mapalayo siya sa akin at magmahal siya ng iba kundi alam kong hanggang doon lang ako sa buhay niya at nararapat lang na gawin ko na lang ng tama. Dahil hindi naman talaga matalino si Janine kaya nasa ibang section siya at hindi kami magkakaklase nina Jyles. Kaya rin lang naman si Jyles nasa section 1 dahil athlete siya ng school. Nasama siya sa aming nag-e-excel academically. Kaya nga bago mag-recess na ay nilapitan ko agad si Jyle para yayain magmiryenda. Matagal na kasi nang sabay kami. Ilanga raw na rin iyon at namimiss ko rin naman ang best friend ko. Sana kahit noon lang, yung minsan na ‘yon ay mapagbigyan niya ako. “Tara tol, kain muna tayo.” “Sige tol mauna ka na.” sagot niya. “Eto naman, lagi ka na lang ganyan. Tara na! Tagal na kaya tayong hindi sabay magmiryenda. Di ka pa nanlilibre e.” pangungulit ko. “Ano yon? Niyaya mo ang boyfriend kong mag-canteen at magpapalibre ka pa?” Nagkagulo ang mga kaklase kong nang-aasar nang pumasok ang magandang si Janine. Tumayo si Jyles nang nakita niya ang girl friend niyang pumasok. Nilapitan niya ito agad. Inakbayan. Napalunok ako. Nag-ingay at nagkantiyawan ang mga kasama niyang athlete na kaklase namin. Ito naman talaga ang plano niya. Ang ibandera na may girlfriend siyang maganda. Nakuha na niya iyon. Ako nga lang ang kailangan isakripisyo. Aalis n asana ako nang hinawakan ni Janine ang kamay ko. Napakislot ako sa gulat. “Khaye, kakausapin kita.” “Tungkol saan?” tanong ko. Napreskuhan lang ako dahil nakapamaywang pa siya at nakataas ang kilay niya. “Tungkol sa pagyayaya mo sa boyfriend ko.” “Magkaibigan kami ni Jyles bago pa maging kayo. Wala akong nakikitang masama do’n.” “Wala? Sa tingin mo wala, pero sa akin, hindi ko gusto.” Hinihintay kong kumontra si Jyles. Naroon lang siya e. Alam kong nakikinig siya kahit pa hindi siya sa amin nakatingin. “Akala ko lang kasi walang isyu.” “Meron kaya mula ngayon, tigilan mo na ang paglapit-lapit sa amin ha? Ayaw kitang kaibigan ni Jyles. Ayaw din kitang maging kaibigan. Ayaw kong mahawa diyan sa malalaki mong mga pimples.” “Hindi naman ito nakakahawa, Janine.” Nagpigil muna ako. Ayaw kong isipin ni Jyles na binabastos ko ang girl friend niya. Gusto kong marinig niya ako. Sana ipagtanggol niya ang pagkakaibigan namin. Sana paliwanagan niya si Janine. “Nakakahawa man o hindi. Ayaw ko na okey? Lumayo-layo ka sa amin. Please lang!” “Jyles, tol, ano to?” tanong ko kay Jyles nang hindi pa rin ito tumitingin sa amin ni Janine. Umiling siya. Huminga ng malalim. Hindi siya sumagot pero yung ginawa niyang iyon, ibig lang sabihin ay pumapayag siya. Binabasura na nila ako. Hindi na nila kailangan pa ang serbisyo ko. Para lang akong isang basahan na nang nagamit na nila ay pwede na lang nilang itapon. “Okey. Lalayo ako. Iiwas ako, huwag kayong mag-alala.” Iyon lang ang sinabi ko. Gusto kong umiyak para mapagaan ang sakit na nararamdaman ko ngunit hindi. Bakit ako magsasayang ng luha sa kagaya nilang manggagamit? Sa mga sumunod na araw, ginamit ko ang sakit na iyon para makalimutan si Jyles. Ang nangyaring iyon ang siyang kalasag ko para lumaban. Iyon ang iisipin ko para tanggapin ang pagkatalo.   Ang hindi ko lang gusto ay yung kapag naabutan ko sila sa classroom at panay pa rin ang pahaging ni Janine sa akin. Hindi ko naman sila inaano pero may mga sinasabi siyang hindi ko nagugustuhan. Ilang ulit na ba niya ako pinapasaringan kahit sa corridor. Minsan nga natatakot na ako na makasalubong sila. Kaya lang hindi na maari pang ako na lang ang umiiwas. Hindi naman pwedeng habang-buhay na lang rin akong umunawa. Kaya nang minsang pumasok ako at dumaan ako sa kanila na nasa mismong pintuan ng aming classroom ay narinig ko uli ang madalas niyang sinasabi sa akin.  “Pathetic.” “Anong sabi mo?” bwelta ko kay Janine. “Do you even know the meaning of that word, b***h?” tanong ko sa kanya. Kailangan nang kalusin ang salop. Hindi na siya nakatutuwa. Pinuno niya ako. Inubos niya ang aking pasensiya. Lumapit siya kay Jyles. Humawak pa siya sa braso ng boyfriend niya. “Pathetic ba kamo, ako? Bakit iyon ang ginagamit mong pang-asar. Ano bang ibig sabihin no’n?” “Wala kang pakialam kung gusto kong gamitin.” “You know what, your beauty is just skin deep. A misrepresentation of your bad character. Kung wala kang ganda, ano ka na lang kaya? Maswerte ka maganda ka kasi kung utak lang ang pag-uusapan, sure ako na walang laman ‘yan.” “E, ikaw. Wala ka na ngang ganda. Antaba mo pa.” nakapamaywang niyang sagot. “Well, I may not be beautiful and sexy like you but I got this.” Itinuro ang utak ko. “I can undergo surgery if I want to be as gorgeous as you but sorry girl, ang utak mo at ugali, maging ganyan na lang ‘yan habang buhay kung wala kang gagawin to improve it!” inikutan ko siya. Tinaasan ng kilay. Saka ako nakapamaywag na tinignan siya pataas-pababa na akala mo mas maganda ako sa kanya. Napalunok siya. Nagkataon na nasa school kami. Ang school para sa mga matatalino. Wala kami sa pageant kaya kakainin ko siya ng buhay. “And what was the exact word you use to describe me? Pathetic? Are you referring to yourself? Kawawa ka naman. Pathetic na nga lang ang madalas mong gamiting parinig, hindi mo pa alam ang ibig sabihin.” “Alam ko no? Saka huwag ka nang umiikot-ikot na ganyan. Mukha kang malaking gasul.” “Oh, so you know what is the definition of pathetic. Can you please tell us?” Nagtawanan ang mga kaklase kong nakikinig sa bangayan namin. “Basta. Bakit ko naman sasabihin sa’yo? Mamaya gayahin mo lang pala, duhh!” “Oh girl. Narinig mo lang ang word na ‘yon at dahil tingin mo pasosyal, kaya gamit at patol ka rin naman agad. Poor little b***h! Let me tell you this, judge nothing by the appearance. The more beautiful the serpent, the more fatal its sting.” Lalong nagkalampagan ang mga lalaki kong kaklase sa tawa. Nang hindi makasagot si Janine ay bigla niyang itinaas ang kanyang kamay para sampalin ako pero inunahan ko na siya. HInawakan ko ang kamay niyang sasampal dapat sa akin saka ko siya itinulak. Pasalamat siya at bumagsak siya sa dibdib ni Jyles. Ginamit pa niya iyon para maglandi. Niyakap niya ang boy friend niya. Tumalikod ako sa inis. Palakpakan ang mga kaklase kong babae na mas naniniwala sa akin. Classroom President kaya ako. Baka gusto niya kaladkarin pa siya palabas ng mga officers ko. “Classmates, ask her to leave baka akala niya, basura ang utak natin kagaya ng pinanggalingan niyang section. Walang basura ang ugai at utak dito girl. Mahirap magbukod ng basura ngayon.” Tawanan ang lahat. Ayaw ko mang magmukhang mayabang pero kailangan lalo pa’t mayabang rin naman kasi ang kaharap ko. Nainis pa rin ako kaya hindi na ako nakakain o nakabili ng pagkain ko. Nagpahangin na lang ako sa likod ng school naming sa maliit na garden. Hindi man lang nagsalita si Jyles. Pero ngayon nakita niyang palaban rin naman pala ako. Na kahit papaano ay babae pa rin pala ako. Ngunit independent ako. Hindi ko kakailanganin ang tulong niya para umangat. Hindi ako api. Lumalaban ako. Pangit lang naman at mataba ang panlaban nila sa akin ah. Sa pagdaan ng mga araw, lalo nang nagkalayo kami ni Jyles. Si Janine na ang kanyang hinahatid at sinusundo. Si Janine na rin ang kasabay niyang magmiryenda kaya naman umiwas na lang ako. Ang mahirap, kay Jyles lang umikot ang buhay ko. Siya lang ang tanging kaibigan ko kaya naman nang mga panahong wala siya, naramdaman ko talaga yung sakit at lungkot ng nag-iisa. Ngunit sinimulan kong buksan na ang sarili ko sa iba pang mga kaibigan na hindi ko napagtutuunan ng pansin. Nagkaroon rin naman ako ng mga barkada. Marami ang nagkakagusto sa mga matalinong kaklase. Lalo pa’t they know that I have a lot to offer. Iniwasan ko na rin si Jyles para maiwasan ko rin si Janine. Kahit sa loob ng classroom ay lumipat na ako ng upuan. Sa harap na ako lagi pumupwesto bagay na ayaw ni Jyles noong magkaibigan pa lang kami. Sa recess, natatanaw ko silang masayang kumakain sa table kasama ng mga friends ni Janine. Hindi na ako doon kumakain kapag nakita ko sila sa canteen. Pumupunta kami ng mga new friends ko sa malapit sa basketball court o kaya bumabalik na lang kami sa classroom namin. Minsan naman gusto ko lang mapag-isa lalo na kapag may binabasa akong libro. Mas okey na ang bumuo ako ng sarili kong mundo kaya sa makigulo sa mundo ni Janine. Nang una, nangungulit pa si Jyles sa text at tawag hanggang sa dahil hindi naman ako nagrereply o di ko naman sinasagot ang tawag niya kaya siya na rin ang kusang sumuko. Kapag nalapit siya sa akin, pasimple akong lumalayo. Kapag kinakausap niya ako, isang tanong, isang sagot lang ako. Ilang buwan din iyon. Hanggang sa isang recess habang kumakain ako at nagbabasa ng dala kong libro ay may tumabi sa akin. Inilagay niya sa harap ko ang isang juice at burger. “Oh para saan yan?” tanong ko. “Sa’yo.” “Bakit mo ako binibigyan niyan.” “Wala. Namiss kita.” Nasamid ako. Naubo kaya mabilis kong ininom ang juice na binigay niya sa akin. “Musta tol, todo iwas ka pa rin ba?” Umiling pa siya. “Ako umiiwas? O ikaw ang lumayo dahil iyon ang gusto at utos ng girl friend mo. Isa pa, naroon ka no’n, Jyles. Narinig mo lahat at wala kang ginawa. Wala kang sinabi. Kaya ibig sabihin, pumayag ka sa gusto niyang lumayo ako sa inyo.” Tumango lang siya. “Sino na bang sinusundo at hinahatid mo sa motor mo ngayon? Di ba ang girl friend mo?” “Oo pero…” “Sino ang kasabay mo magmiryenda at mag-research sa library, di ba girlfriend mo rin?” “Okey.” Tumango siya.  “Nasaan ako don ‘tol? Alam mo kung may magdamdam sa atin, ako ‘yon kasi pakiramdam ko, mula nang nagka-girlfriend ka? Nawalan na ako ng best friend. Nawalan ako ng kaisa-isa kong kaibigan. Kaya tol, hindi ako umiwas, sadyang pinalayo lang ako ni Janine at may basbas ka ro’n. Gusto mo rin ang nangyari.” Bumuntong-hininga si Jyles. Magsasalita pa lang sana siya nang biglang dumating si Janine at umupo. “Are you flirting with my boyfriend?” “No I am not. Sa tingin mo, bagay sa akin ang mag-flirt? Saka itali mo kasi ang boyfriend mo nang di lumalapit sa akin. Akala kasi niya masarap akong lechon.” Natawa siya. Akala niya nagbibiro lang ako. Boba. Tatayo na sana ako para aalis nang pinigilan ako ni Jyles. “Bakit?” mataray na tanong ko. “Hindi ko na alam kung ano ang problema ninyong dalawa. Kung bakit sa tuwing nagkikita at nagkakaharap kayo ay lagi na lang kayong nag-aaway. Hindi ba pwedeng maging mayos kayo? Kahit hindi na lang magkaibigan. Kahit civil na lang sa isa’t isa.” “Talaga? Makikipagkaibigan ako sa pangit na kagaya niya?” “Tinanong mo man lang ba ako kung gusto ko rin? Jyles, please. Para wala nang gulo, huwag mo na lang akong lapitan at kausapin pang muli.” “Hindi. Mamaya sabay tayong aalis, manonood tayo ng sine.” “Ano? Sa harap ko pa talaga niyaya mo ang pangit na ‘yan?” “Oo. Hindi naging tayo kung wala ang pangit na ‘yan. Hindi naging tayo kung hindi siya nagsikap na gawan ako ng love letter na binasa mo. Kung wala ang pangit na ‘yan, sana wala ka ring boyfriend ngayon kasi yung pangit na ‘yan ang tanging taong umaalalay sa akin nang panahong sumusuko na ako. Ngayon, kung hindi mo siya matanggap. Kung ilalayo mo lang rin pala ako sa pangit na ‘yan. Tapusin na lang natin ito!” singhal niya kay Janine na siya kong ikinabigla. “Ipinagpapalit mo ako sa kanya?” hindi makapaniwala si Janine. “Hindi naman kita ipagpapalit kasi hindi naman kami ni Khaye. Hindi ko na lang gusto yung nakikita ko at naririnig kong bangayan ninyong dalawa.” “Fine. Magsama kayo!” “Alam mo? Natutunan kitang mahalin. Kaso dahil na ako sa kapangitan ng ugali mo nawawala yung kagandahan ng mukha mo. Umaalingasaw ang kapangitan ng ugali mon a hindi nito kayang takpan pa ang nakikita kong maganda sa’yo. Hindi na ako masaya kahit pa pilitin ko ang sarili kong pakisamahan ka. Mas nagiging masaya pa ako sa pangit na sinasabi mo. Kapag magkasama kami, nagiging ako yung talagang ako at hindi yung peke na gusto mong maging ako!” “Walang hiya ka!” isnag malakas na sampal ang pinakawalan ni Janine kay Jyles. Pagkatapos no’n ay tumingin siya sa akin. Inihanda ko ang aking kamao. Huwag lang niya akong kantihin dahil makakatikim siya sa akin ng mag-asawang suntok sa nguso. Bago pa man matapos ang recess ay bumalik na ako sa classroom. Alam kong hindi lumabas si Jyles kaya naisipan kong bumili na lang ng miryenda niya. Naabutan kong nakaupo siya sa sulok. Mag-isa. Malalim ang iniisip. “Magmiryenda ka muna. Magsisimula na ang klase natin mamaya,” bulong ko. Ipinatong ko sa arm chair niya ang binili kong miryenda saka ako dahan-dahang umalis. “Tol,” tawag niya sa akin nang naglalakad ako pabalik sa aking upuan. Huminga ako ng malalim. Hindi muna ako lumingon. “Tabihan mo naman ako. Namimiss na kita.” Sa sinabi niyang iyon ay namula ang aking mga mata. Gusto na nitong umiyak sa saya. Ngunit nagpigil ako. Kung alam lang niya na ako ang mas nakaka-miss sa kanya. Kung alam lang niya na ilang gabi ko ring iniyakan ang lagi kong nakikita sa mga nagdaan na buwan na sila madalas ni Janine ang magkasama. Kung alam lang niya na hindi ako nakakain nang mga nagdaang araw dahil sa lungkot at napadami uli ng kain ko dahil sa stress nang madalas ko silang makitang masaya ni Janine. Kinuha ko ang bag ko. Tumabi ako sa kanya. Lumingon siya sa akin. Nakangiti. Ngumiti na rin ako. “Sorry ha?” “Bakit ka nagso-sorry?” “Iniwan kita dahil kay Janine.” “Okey lang ‘yon. Nalulungkot ka ba ngayong wala na kayo?” “Ewan ko ba? Perfect na sana siya e. Alam ko rin namang mahal niya ako.” Tumango ako. “Pwede mo naman siyang balikan. Isipin mo na lang na nag-away lang kayo. Maayos pa ninyo ‘yan.” “Sa tingin mo ba, maaayos pa ‘to?” “Oo, kaysa naman malungkot kang ganyan.” “Hindi k aba masaya?” tanong niya. Tumitig siya sa aking mga mata. Parang pinag-aaralan niya ang nasa loob ko. “Masaya na naghiwalay kayo ng taong mahal mo? Alam mong hindi ako ganoong tipong tao. Hindi ako masaya na nalulungkot ka.” “At hindi rin naman ako masaya na wala ka.” “Anong ibig mong sabihin?” “Pagod na pagod na ako kay Janine.” “Anong ibig mong sabihin?” “Mula naging kami, siya na lang ang nasusunod. Isa sa gusto niyang mangyari ay ang iwasan ka.” “Tol, kaibigan mo lang ako. Girl friend mo ‘yung tao. Mahal mo. Kaya naiintindihan ko kung siya ang pipiliin mo sa bandang huli. Nandito naman din ako lagi para sa’yo.” “Iyon na nga e. Nandiyan ka lang tol, kapag kailangan kita. Pero nasaan ba ako kung kailangan mo? Madalas, nakikita kitang mag-isa. Kumakain na mag-isa, pumapasok at umuuwing mag-isa. Kahit hindi mo sabihin sa akin? Basa ko ang mukha mo, hindi ka masaya at kung hindi ka masaya, alam mong hindi rin ako masaya.” “Mawawala naman si Janine sa’yo.” “Kaysa naman ikaw ang mawala? Hindi kasi tamang piliin ko siya kahit iniisip ko naman na nagsasakripisyo ka dahil sa may mahal akong iba.” “Ano? Di kita gets.” “Kung magmamahal akong muli, doon ako sa dapat taggap ka. Di ba pwede naman ‘yon? Yung may girlfriend ako at may bestfriend na kagaya mo?” “Oo naman. Kailan pa hindi naging pwede ang ganoong set-up.” “Kaya iniisip ko, pwede kong palitan ang girl friend ko. Huwag lang ang best friend ko ang mawala sa akin.” Itinaas niya ang kanyang kamay. Tinanggap ko ang kanyang apir. “Salamat. Bumalik na ang matagal nang nawalang best friend ko.” Garalgal ang boses ko. “Hindi ako nawala. Nasa paligid lang ako. Nakamasid lagi. Nagbabantay ba hindi ka maagaw at masaktan ng iba.” “Korni mo tol.” “Totoo, hindi ako nagbibiro.” Tinitigan ko siya. Sa kanyang tingin, alam ko. Hindi nga siya nagbibiro. Nagpatuloy ang araw. Ang araw ay naging ilang linggo hanggang patapos na an gaming Junior year. Panay pa rin ang papansin ni Janine ngunit hindi na siya pinapatulan ni Jyles. Hindi ko na rin pa binigyan pa ng pagkakataong saktan o paringgan ako. Mas magandang ganti yung ipakitang hindi na siya nag-e-exist sa mundo namin ni Jyles. Nasa akin ang gustung-gusto niya. Kasama ko lagi ang lalaking kahinaan niya. Wala sa kanya ang bato kaya araw-araw, naipapamukha sa kanya na tinalo siya ng pangit na kinukutya niya. Inilampaso siya ng babaeng binu-bully niya. Napapangiti na lang ako sa tuwing dinadaan-daanan lang namin siya ni Jyles habang magkaangkas kami ng motor o kaya kapag naka-akbay si Jyles sa akin kapag magmimiryenda kami. Ngunit sa kaibuturan ko, pareho lang naman kami ni Janine. Mabuti pa nga siya, naging legit na girlfriend. Mabuti pa nga siya, sinabihan ni Jyles ng I love you. Itinuring na babae. Ako, hayon, best friend pa rin. Parang lalaki pa rin ang turing sa akin ni Jyles. Hanggang barkada lang. Iyon lang ang papel ko sa buhay niya. Totoong abot-kamay ko siya ngunit malayo pa sa bituin ang katotohanang maging kami balang araw. Ngunit bakit gano’n na lang ang kapit sa akin ni Jyles? Pwede bang magmahal ang isang gwapo sa nuknukan ng pangit na kagaya ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD