Sa labas ng bahay at sa harap ng aking pamilya, isa akong masayahin na babae. Pero kapag ako na lang mag-isa, inaatake ako ng labis na kalungkutan.
Pero na lalabanan ko naman, dahil na rin sa nag-iisa kong anak na si Ian Blake. Nawala man ang kanyang ama, ang anak ko na xerox copy nito ang naiwan sa akin ay sapat na. Para maging dahilan sa bawat paglaban ko sa depression na araw-araw ay inaatake ako.
Minsan, hindi ko maiwasan na hindi mainggit sa ate ko, bakit siya ang original at legal na asawa ng lalaki na minahal namin? Ngayon naman, may isang Fran na nababaliw sa kanya. Pero dahil ate ko siya, masaya ako sa kung anong meron siya.
Tumayo ako at pinakatitigan ang mukha ko sa salamin. Maganda naman ako, kung tutuusin, mas maganda pa nga ang katawan ko kay ate Heart ‘e. Yun lang nga, mas mahinhin ang ate ko.
“Try mo gayahin, mag pabebe ka din.”
Bulong ng kabilang bahagi ng aking utak, na nag pangiwi sa akin. Hindi ko yata kaya, isipin ko pa lang nasusuka na ako sa aking sarili. Baka sabihin pa ng iba, may sapi ako.
Tang*na! Mabuti pa si Dolor, ang assistant ko sa palengke ‘e, kabilaan na kargador ang mga manliligaw, pati mga pahinante kinikilig na nagpaparamdam sa kanya.
May ilan na nanliligaw naman sa akin, kaso lang ay hindi ko kasi tipo. Parang maaasim ang bayag, para bang mga hindi ko ma take na makipag churvahan.
*Tok tok tok*
“Love! Anak, kakain na tayo!.”
Malakas na sigaw ni tatay mula sa labas ng pintuan nitong silid ko. Kaya't nagmamadali ako na nag bihis. Natuyo na din pala ang buhok ko kaka-emote.
“Nandyan na po! Susunod na ako!.”
Sagot ko rin na pasigaw. Matapos ko mag-suot ng panty at bra, hinila ko lang ang oversized na t-shirt at sinuot, aabot ito sa lampas ng tuhod ko.
“Ano, success?.”
Tanong ni ate Heart na inismiran ko lang, mapang-asar na din ito ngayon, na adopt na ang ugali ng kanyang asawa na si Fran.
“Budol queen, wala ka na bang damit? Hindi mo ako ma aakit sa ganyan na suot mo, paano ka pa makakapag-asawa kung losyang ka na?.”
“Ew, di ka pang threesome, Fran. Wag kang feeling, please lang.”
Paikot ang mata ko sabay belat sa asawa ni ate na gwapo rin naman, pero hindi kasi ito ang taste ko. Kaya, palaging ew ang sinasabi ko sa kanya na para bang kinikilabutan ako.
“Shhhhhh! Marinig kayo ni tatay, kukulitin na naman ‘non si Love na mag-asawa na.”
Saway sa amin ni ate na totoo naman, kapag narinig ng ama namin, mangungulit na naman ‘yon panigurado.
“Ikaw kasi ‘e, pangit!.”
Sigaw ko kay Fran na tumawa ng malakas, sabay gulo sa buhok ko. Tinitigan ko si ate gamit ang naiiyak na mata, kaya hinampas nito sa braso ang kanyang asawa.
“Bleeeeh!”
Pangg-aasar ko kay Fran. Sabay-sabay kami na lumabas ng silid at masayang nag salo-salo sa hapunan. Kasama ang mga anak namin.
Sa totoo lang, nalulungkot din ako na walang father figure si Ian, pero ano ba ang magagawa ko? Wala naman akong tipo sa mga nagkakagusto sa akin.
“Anak, kailan ka mag-aasawa? Lumalaki na si Ian, ako naman ay nanghihina na din. Wala ng tatayo na ama para sa apo ko, paano na ‘yan?.”
Paboritong tanong ni tatay tuwing hapunan, hindi ako umimik. Kaya siguro hindi tumawa si ate at ang kanyang asawa, ramdam nila ang tension mula sa akin.
“Darating din tayo dyan tatay, wag na lang po ninyo ako intindihin. Kaya ko naman po ang sarili ko.”
Magalang na sagot ko sa aking ama na namumuti na ang buhok at kulubot na rin ang kanyang balat. Maging ako, natatakot din ako iwanan ni tatay, knowing na wala ng lalaki na magmamahal sa akin na katulad ng aking ama.
“Kapag ako namatay at wala ka pang asawa, makikiusap siguro ako kay San Pedro para pabalikin ako, gusto ko makita kang nakasuot ng kulay puti na gown, gusto kita ihatid sa mapipili mo na mapapangasawa, anak.”
“Tatay, dapat ang pakiusap mo kay San Pedro, bigyan ako ng asawa mula sa langit, hindi yung babalik ka pa. Sayang ang isang wish mo, pag-isipan mo naman po ng mabuti ang hiling mo.”
Pagbibiro ko sa aking ama na nagkakamot sa kanyang batok, ang mga kasama namin na kumakain ay hindi natawa sa biro ko. Habang ako, pilit na pinapagaan ang tension.
Matapos namin kumain, nagpaalam na si ate Heart at ang kanyang asawa na si Fran, mauuna na daw sila magpahinga.
Ako naman ay pinili na pumasok sa silid ng aking anak na si Ian, katabi nito si Cataliya, ang isa pa na Blake na anak ni ate Heart, ang mga anak namin na ayaw kaming katabi. Mas gusto nila na magkakasama. Dahil magkakapatid naman talaga sila sa ama.
“Anak”
Napalingon ako sa likuran ko, isinirado kong muli ang pintuan ng malaking silid ng mga bata na nagbabasa ng story books nila.
“Tay, bakit hindi pa po kayo magpahinga?.”
“Hindi pa ako dinadalaw ng antok, halika dito. Magkwentuhan muna tayo.”
Paanyaya sa akin ni tatay na medyo nakakakaba. Alam ko na pag-aasawa na naman ang babanggitin nito sa akin.
“Nagagalit ka na ba sa akin? Dahil sa paulit-ulit na pangungulit ko na mag-asawa ka na?.”
Umiling ako at hinalikan si tatay sa ulo. Magkatabi kami na nakaupo sa sofa habang yakap ko ang matanda.
“Hinding-hindi ako magagalit sayo, kahit anong mangyari, magalit na ako sa sarili ko, sayo ay hindi kahit kailan. Aminin mo man sa amin o hindi, alam ko na paborito mo ako.”
Natawa si tatay sa sinabi ko, alam ko naman na pantay ang pagmamahal ng magulang, pero aware ako na pinapaboran talaga ako ni tatay noon pa man.