“HELLO, ANAK. KUMUSTA ka na?” pabulong na sabi ni Daddy. Napabuntonghininga ako. Bago ko sinagot si Daddy, sinagot ko muna si Tito Arquil mula sa linya. Alam kong nag-aalala ito sa akin. Sino ba ang hindi? Humingi lang naman ako ng tulong dito at kasama ko pa ang bunsong anak nito. “T-Tito, sorry. Kaibigan ko lang pala. Akala ko kasi may sumusunod sa akin. Anyway, wala sa tabi ko si Thea, may hinahabol siya. Nakita niya raw si Kuya Renzo,” sabi ko. Narinig ko ang pagbuntonghininga niya. Nag-aalala talaga siya sa amin. “Akala ko kung ano na. Pinapakaba mo ako roon. Tama ba iyong dinig ko? S-Si Renzo? Nakita ng anak ko ang isang anak ko?” “Pero hindi rin po ako sure kung siya ba talaga. Pero kamukhang-kamukha rin niya kasi. Babalitaan na lang po kita kung nahabol po ni Thea,” sabi ko.

