Kyru's POV
GINAWA KO ang lahat nang makakaya ko upang dalhin si Fyane sa tapat ng bahay nila. Dahil naka kung ano pa ang mangyari sa kaniya sa kagubatan. Alam na niya ang lahat at alam kong masakit iyon para sa kaniya. Na kailanma'y hindi na kami maaaring magkasama.
Nang makita ko siya kanina ay sobrang saya ko, dahil tinupad niya ang kaniyang pangako na babalik siya subalit ang naging dating ay ako pa ang hindi tumupad sa pangako kong hihintayin ko siya. Naghintay naman ako, e. Ayon nga lang at hanggang sa malayo ko lamang siya napagmamasdan dahil hindi ko siya p'wedeng mahawakan o makasama man lang.
Kahit kaluluwa na lang ako ay tumatagos sa puso ko ang bawat pagluha niya. Animo'y nagdudulot iyon ng sakit sa aking buong sistema.
Alam kong nagtaka rin siya kung bakit hindi na niya muling nasilayan pa ang aming tagpuan. Dahil naging isang ordinaryong bato na lamang iyon na normal lang sa paningin.
Nang mawalan siya ng malay dulot nang pagtulong sa akin ni Diwata Habili na maibalik si Fyane sa kanilang bahay ay sinadya namin iyon upang hindi niya ako makita. Para sa akin ay tama na sa akin ang sakit na idinulot ko sa kaniya. Dahil para saan pa at sa ikabubuti rin naman niya iyon at para habang buhay ko siyang mamahalin kahit hindi kapiling.
"Fyane! Fyane!" pilit na paggising sa kaniya ni Kuya Rio. Masaya ako sa ipinakikita niyang pagmamahal para kay Fyane at sana ay maging masaya silang dalawa. Sana magawa na rin siyang mahalin ni Fyane. Masakit lang dahil ito ang naging kapalaran ng aming pagmamahalan. Pero may kaunting saya dahil hindi magtatagal ay masisilayan ko rin ang bunga ng aming pagmamahal sa isa't isa.
Unti-unti nang nagbago ang kapalaran ko kapalit ng labis na pagmamahal ko kay Fyane. Unti-unti niya rin naunawaan ang lahat na hanggang dito na lang kami. Unti-unting pinaintindi sa amin ng mundo ang katotohanan na hindi kami p'wedeng habang buhay na magkasama.
Dahil ang pagmamahalan namin ay parang takip-silim na binalot ng matinding pagsubok at ang pagsubok na iyon ay ang sandaling malaman namin ang mapait na takbo ng aming kapalaran.
"Paano kung may nangyaring masama sa'yo at sa dinadala mo?" Hindi ko maiwasan na mapangiti nang marinig ko iyon mula sa kaniyang Inang na kahit minsan ay hindi nila ako nakilala. Pero nanatiling totoo ang pagmamahal ko para sa anak nila.
Masaya pa rin ako dahil tinupad ng Diyos na magbunga ang pagmamahalan namin ni Fyane.
At sa huling sandali ay sasabihin ko ito sa kaniya, "Paalam Fyane, mahal na mahal kita, hanggang sa kabilang buhay ay asahan mong ikaw at ikaw pa rin ang gusto kong makasama."
Hanggang sa mga huling sandali bago pa man siya mawala sa paningin ko ay ang kasabay na pagpatak ng luha ko.
"Kyru, kailangan mo nang lumisan, lalo ka lang masasaktan sa iyong nakikita," ang sabi ni Diwata Habili sa tabi ko.
"Diwata Habili, nais ko sanang mabigyan pa ng isang pagkakataon para muling mayakap si Fyane, kahit isa na lang."
Nakita ko ang pag-iling niya. "Iyan ang hindi ko maipapangakong sasang-ayunan ng ama sa langit, Kyru. Pero may naiisip akong ibang paraan."
"Ano 'yon?" Sandali pa kaming nagkatitigan at nakita ko na lamang ang aking sarili na nasa kagubatan. Mag-isa at walang kasama bukod sa mga ibon at ilan-ilang insekto na naroon.
Hanggang sa makita ko na lang si Kuya Rio na kasama ni Diwata Habili.
At doo'y nagtama ang aming mga mata. Nagtataka iyon at puno ng katanungan kung paano nangyaring nakita niya ako sa kaniyang harapan. Iniwan kami sandali ni Diwata Habili para makapag-usap.
"Kumusta ka na, kuya?" Napalunok siya ng ilang beses bago pa man sumagot.
"Totoo nga ang sinabi ni Fyane na nandito ka at naghihintay sa Floresca," hindi makapaniwalang aniya.
Napatango ako at nagsimulang humakbang, saka sandaling tumingin sa kalangitan. "Oo, tinupad ko ang aking pangako sa kaniya subalit hindi niya 'yon alam dahil tanging ako lang ang p'wedeng makakita sa kaniya-- ayon sa kasunduan ko kay Bathala."
Natanaw ko ang paglingon niya sa akin kahit na hindi ako nakatingin. Kaya naman nagbalik ako ng tingin sa kaniya at sinabi, "Tanggap ko na ang aking kapalaran, kuya. At kung may hihilingin man ako sa'yo, iyon ay ang ingatan at mahalin mo si Fyane. Hintayin mo siya hanggang sa tuluyan na niya akong makalimutan. Ituring mong parang tunay na anak ang naging supling namin, dahil kampante ang puso ko kung ikaw ang susunod na mamahalin niya."
Napayuko si Kuya Rio at nakita ko ang pagpatak ng kaniyang luha. "Gusto sana kitang tanggihan dahil mas gusto ko pa rin ang mabuhay ka. Dahil handa naman akong magpaubaya, Kyru."
Napailing ako. "Alam kong mahal mo si Fyane--"
"Pero ikaw ang mahal niya," pagtatama niya. Hanggang sa muli siyang magsalita, "Bahala na, basta magpapaubaya ako at kung dumating man ang araw na matutuhan niya rin akong mahalin ay tutuparin ko ang kagustuhan mo. Sa ngayon ay hahayaan ko na lang siyang tuluyang maka-move on, dahil ayokong maging unfair sa kaniya at sa'yo."
Napangiti ako dahil noon pa man ay napaka-selfless na ni kuya. Sa sandaling iyon ay sinalubong ko siya ng yakap. At nang maghiwalay ay sinabi ko ang mga katagang, "Kung iyan ang kagustuhan mo, kuya, ay igagalang ko. Basta tandaan mo palagi na mahal na mahal ko kayo, ikaw, si mommy, daddy at si Fyane." Nakita ko na naman ang kaniyang luha hanggang sa pareho kaming matigilan nang muling bumalik si Diwata Habili.
"Kailangan n'yo nang magpaalam sa isa't isa, Kyru." Napatango ako at muli kaming nagyakap ni Kuya Rio. At iyon na yata ang pinakamasarap na parte ng pamamaalam, 'yung maging kampante ka na sa kaligayahan at pagtanggap nang pag-iwan mo sa mga taong naiwan mo mula sa kabilang buhay.